Author Message
guest/rey bagalso
PostPosted: Wed Nov 23, 2011 2:37 am    Post subject: panig ako.

Parusang kamatayan dapat ng ibalik.
Para sa karumaldumal na krimen .
At kalagimang inihagsik.
Mga mandarambong, buhay ay pumapatid.
Pag napatunayan sa hukuman.
Dapat lang silay iligpit

Sa ating munting bayan, madaming nahuhulog.
Sa hirap ng buhay, minsan sa droga nasasangkot.
Krimen di mapigilan,isipan ay durog na durog.
Hindi alam ang ginawa, buong pamilya ay sangkot.
Madami din sa atin, diyos lagi ang tinatawag.
Wala siyang magagawa, kung krimen ay naganap.

Dito din sa atin, batas ay hinahamak.
Lagi daw huli, at walang nalulutas.
Walang mabuting ginagawa, displey lagi sa gitna.
Pitoy walang tunog,minsan sa takot nalulunok. .
Sa ating mamamayan na nakasaksi sa krimen.
Takot ay nangunguna, nagiging bingi,bulag at pipi
Hustisya at katarungan, hangang ngayon ay tulog pa.
whernas2001
PostPosted: Mon Nov 21, 2011 4:03 pm    Post subject:

Isang napapanahon na itoy pagusapan
Sa dami ng kriminal at mandarambong sa ating bayan
Ako ay papanig Ibalik ang Parusang Kamatayan
At pabilising ihatol ito sa mga taong maka-kasalanan.
BULANGGUGO......
PostPosted: Mon Nov 21, 2011 3:36 pm    Post subject: MUKHANG AYAW NINYO NG RECESS...........KA RUBEN ANO'NG IYO?

Animo'y bulador nais na humulagpos
Ang binanggit ni Winston gusto nang iraos
Malakas ang dating kahit pa mapaos
Ang mga damdamin ay nangagpupuyos.

Mga kaibigang nais makibaka
Banggiting malinaw kung saang panig ka
Kamatayang hatol makatarungan ba
Sa buhay na inutang ay kabayaran na?

Ako'y maghihintay na panandalian
Babalansihin ko ang mga kampian
Doon sa panig na dehado sa laban
Abang lingkod ninyo siyang papanigan.

Ang paniningil daw hayaan sa Diyos
Magpatawad pa rin ang sa kanyang utos.
Paano magagamot pusong napupuyos
Paano matutuyo luhang umaagos?

Bulanggugo ng Quinale...

Mag-uumpisa tayo ng bagong "thread" kung sang-ayunan ni Dada Ruben....
kaikong
PostPosted: Mon Nov 21, 2011 11:16 am    Post subject:

Di ako katig sa parusang kamataya'y ibalik
Sapagka't ang dulot nito ay sandaling sakit
Habang buhay ikulong dusa't sakit ay kapalit
Sa mga napatunayang salarin buhay ay inilit
Kulapo
PostPosted: Mon Nov 21, 2011 3:33 am    Post subject: Kontra BITAY

Kapag buhay ang inutang, buhay din ang kabayaran
Kung may pera ka naman, pwede na rin ang hulugan
Ngunit kung pobre ka, aba'y buong-buo mong babayaran
kasama ang beinte porsyento sa puhunan.

Ibalik man ang batas, ngunit katarunga'y butas
Hustisya'y para doon lamang sa malalakas
Kung mahirap ka't nagsasalat
Biktima ka na'y, ikaw pa ang todas.

Ang pagkitil ba, ay sagot upang lunasan ang sakit?
Kaluluwang naliligaw, kaya pa bang maituwid?
Batas ng Poong Diyos kay Cain ay ipinabatid
sinumang kumitil sa 'yo sampung buhay ang kapalit.

Kung gayong batas ang pinairal sa panahon ng mga apostol
Malamang na itong sa Pablo, laon nang nakaburol
Nang siya'y bumaliktad, buong buhay ay ginugol
sa pagsagip sa kaluluwang gaya niyang napa-untol.

Ngipin sa ngipin, mata sa mata,
totong yan ang batas, noon pa mang una
Sa pagdating ng Panginoon, ito'y pawang binago na
Siya na ang sisingil, tama't ganap na hustisya

Tanto baga natin ang loob ng tao?
Upang batas ay isakamay, iatang sa braso
Pagkukuro'y hindi sapat, masisilat tayo
Kung ang kikitli'y gaya pala ni Pablo.
RUBEN G. CAGAYAT
PostPosted: Mon Nov 21, 2011 12:23 am    Post subject: DEATH PENALTY

Katotong Winston ako ay sang ayun
Sa paksang bulong mo sa dako pa roon
Basta buhay ang kinitil buhay rin ang bayad
Mga pusher ng druga isamang ibabad

Hintayin natin ang nakakarami
Basta handa tayo at laging pirmi
Mga isipang listo sana ay dumami
Hatid ko'y kumusta at salamat ng marami

Ka Ruben
whernas2001
PostPosted: Fri Nov 18, 2011 5:35 am    Post subject:

Magandang gabi po sa tulaan mga katotong lahi
Mawalang galang na po may nais na imungkahi
Sa susunod pagtutuos mga ginoo at binibining katungali
Ninanais talakayin ang parusa tungkol sa nagkakasalang lipi

Parusang kamatayan payag ka po bang ito'y ibalik
O sa piitan habang buhay ito doon sa munti takdang mamalagi
Sa mabibigat na pagkakasalang sakdal na di kanais-nais
Batas sa Pilipinas ang ihahatol ay saan ka dito papanig
Eme-Ene
PostPosted: Thu Nov 17, 2011 8:37 pm    Post subject: Balagtasan paksa

Salamat at marami ang suggestion ni G.Nokia. Sa ngayon ay wala akong lakas ng luob na sumali sa dahilang sa kataggalan na marahil ng panahon na wala ako sa ating bansa[48yrs]marami nang pagbabago sa mga bagaybagay na sa kadahilangang medyo minatanda pa ang aking kaisipan mahirap yata na magbigay ng aking sariling opinion sa mga paksang nasasaad.salamat din sa pagbibigay saysay sa nakaraang nating pagbibigayayan ng opinion sa pamamagitan ng tulaan. Talagang malaki ang nagawa nito sa akin [personal inspiration and learning]

Sa iyo,Bulango-go ipagpatuloy ninyo itong napakagandang expressions .

Maria Navarro Andaluz
G-nokia-K
PostPosted: Thu Nov 17, 2011 3:14 pm    Post subject:

Kabaryong Bulanggugo,
Tila nga yata medyo mahirap sangayunan ang aking mga iminungkahi dahil sa mga teknikal aspek nito, baka sakali lang naman..heto meron pa ako baka sakali ito:
1. dapat ba na "long engagement" muna bago magpakasal o basta nagakagustuhan kahit isang linggo o buwan lang nagkilala ayos na, puwede na
2. alin ang mas mainam pampublikong eskuwelahan o ang pribadong eskuwelahan
3. sino ang mas may talino babae o lalake (medyo po yata delikado ito.. isang linggo kaming walang imikan sa trabaho nang mapagdiskusyunan ito..he he baka sakali lang po..)
BULANGGUGO....
PostPosted: Thu Nov 17, 2011 7:31 am    Post subject: KUYA RUBEN......

KA RUBEN.....

Bilang itinuturing kong "panganay" sa ating grupo ay ikaw na ang magbigay ng hudyat at ng paksa sa susunod nating balitaktakan. Medyo mahirap ang mga ibinigay na pagpipilian lalo na kung may mga "teknikal" na aspeto.

Bukod dito, ang ating binibigyan ng kaukulang tema ay may kinalaman sa "nararamdaman" at emosyon na lumulukob sa isang tao sa gitna ng isang sitwasyon.

Ang mga temang nasabi ay may kinalaman sa "yamang kalikasan" at sa epekto nito sa mga mamamayan.

Bahala ka na Ka Ruben.....at hintayin din natin ang ating mga "kasama" sa balagtasan....

Bulanggugo ng Quinale
G-nokia-K
PostPosted: Wed Nov 16, 2011 2:36 pm    Post subject: Suhestiyon

Para po sa pinagpipitagan na magagaling na makata/manunula nang ating mahal na bayan nang Paete, meron po akong ilang suhestiyon..mga napapanahong paksa para mapraktis at makalkal ang ating mga kaisipan narito po:
1.Kailangan po baga natin ang planong "water treatment" o hindi
2.Kailangan po bagang alisin ang lahat nang kubeta na nakasaklang sa bambang o hindi (na)
3. kailangan po bagang alisin o palipatin ang mga dumaraming squatter sa may highway o hindi

Masanggay managuli po ito..ang tamaan poy hinihiling kong huwag magagalit, dahil naniniwala po ako na sa tagisan nang talino nang ating mga makata ay mabibigyan nang natatanging kuro-kuro ang magkabilang panig.
RUBEN G. CAGAYAT
PostPosted: Tue Nov 15, 2011 3:47 pm    Post subject: BALAGTASAN 2

Ang bolang inihagis mo sa aming bakuran
May magandang mga hirit puro rin palaman
Ako naman ay may paala ala noong nakaraan
Petsa onse tripli tama na muna ang sagutan

Ang recess na paborito ng mga katoto
Ang plumang mainit ibatad sa yelo
Maghintay ng paksang galing sa publiko
Lahat ng kababayan kumbidado kayo

Marami pong salamat
Ka Ruben
BULANGUGGO............
PostPosted: Mon Nov 14, 2011 8:29 am    Post subject: KA RUBEN NASA IYONG BAKURAN ANG BOLA.......

Bawat isa sa atin ay may kakanyahan
Magkakaiba ang puso’t kaisipan
Kahit pa lumaki sa iisang tahanan
At iisang Ina ang pinanggalingan.

Ang impluensya ng magulang sa anak
Mayroong hangganan sa daang tinahak
Tulad din ng ibong lumaki sa pugad
Nag-iba ang mundo nang siya’y makalipad.

Ang bawat baitang sa hagdan ng buhay
May hatid at dagdag sa ating kaalaman
Magaling na guro ay ang karanasan
Na humuhubog sa ating katauhan.

Ang tema na ating pinag-uusapan
Kalahok ang mga makata ng bayan
May tama at mali ano man ang panigan
Sa inyong bumabasa ang kapasiyahan.

Maraming pamilya ang nagsipagtagumpay
Mayroon din namang gumuho ang buhay
Lubhang masalimuot ang paghihiwalay
At ang dulot nitoy iba-ibang kulay.

Kaya ang sa ganang akin lamang naman
Sampung beses isipin bago pagpasyahan
May layang piliin ang ‘yong kagustuhan
Ngunit di mo hawak ang kahihinatnan.

Tunay na ligaya kung iyong hinahanap
Nasa piling ng asawa’t inyong mga anak
Kung magkakasalong harapin ang hirap
Aanihing tagumpay ay magiging ganap.

Kung kailangan naman na ika’y lumayo
Iligtas ang pamilya sa pagkasiphayo
Tunay na hangarin iukit sa puso
Upang ang pamilya’y manatiling buo.

Pagpalain tayo ng mahal na Diyos
Ihain sa Kanya ang bawat pagkilos
Ang pagsusumamo sa Kanya’y ipuspos
Hangaring magaling kaloob na lubos.

Gumagalang.........Bulanggugo ng Quinale
Ming Baldemor po ang inyong lingkod
whernas2001
PostPosted: Fri Nov 11, 2011 4:58 am    Post subject:

Sadyang ito ang palad tinahak na landas
Sa malayong lugar tayo ay ipinadpad
Sa pagsisikap na makita mailap na oportunidad
Kaunting kitang pangsagip sa bulsang inaalat

Ating republika ay totoong nauna
Na umuunlad na syudad kayganda ng kinikita
Sa panahon noon dolyar ay syete pesos pa
At hindi iniisip ang lisanin ang bayang sinisinta

Umikot ang buhay marami ang nag alsa
Pagkat sawa na daw panahon ng diktadora
At ang pumalit isang paghihiganti nga baga?
Ang boong bayan ay lalong nasadlak sa dusa

Noon ang galungong ay mahal na para sa masa
Ito ay inaagaw sa bibig ng naghirap na pamilya
Ngunit ngayon buhay natin ay iyong ikumpara
Mas nanaisin pa giliw ang mabuhay noong una

Naging mailap ang mga hinahangad
Mga imbestor nagsilayasan halos lahat
Paano ba nama’y bansa laging nagugulat
Hukbong nahilo pagkat wala man lang silang bagong kombat

Lumakad ang panahon lumilisan lalong dumarami
Iniiwan ang bayan sa kalooban ay lubhang api
Mapagkukunang paraan OFW na lang ba palagi
Pangarap na buhay mailap kaya nahihirati

Mahal na bayan ano nga ba ang dahilan
Bakit mamamayan ay lubhang nahihirapan
Lahat ng bilihin ilawang sobrang mahal
Mithing pinangarap ay salat sa dami ng naghahanap

Sana nga mga nagtatapos hangin ay magbago
Pansamantalang swerte kontraktuwal ito ang uso
Umiiral na palakad ay sitemang limasingko
Tawagin mang lahat ng santo anim na buwan tapos kontrata mo

Kaya hindi man naisin sinilangan ay lisanin
Ito’y katulad ng pagtigil gulong sa bayan natin
Lungkot saya at pighati sa mahal na iniwan natin
Panaginip at alaala na lang lahat ang nakaraan twing sa isip ay sasagi
RUBEN G. CAGAYAT
PostPosted: Thu Nov 10, 2011 8:17 pm    Post subject: PANIG SA OFW - HULING PAALA-ALA

Magkabilang panig waring tumahimik
Mga sandigan at paniwala'y nasa isip
Salamat sa inyong pusong naghiwatig
Pagmamahal sa pamilya ang laging hatid

Maganda nga ang pamilya magkapiling tuwina
Sakramento ng kasal lagi kayong magkasama
Mga bata ay alaga sa paglaki ang araw nadama
Laging kayakap at may bulong kung may diperensya

Kung may kaya ang pamilya o ang kayod ay tama na
Huwag mangibang bansa sa sariling bayan dumito ka
Ang pagkakalayo'y huling paraan, pamilya ay guminhawa
Sampung porsyento ng Pilipino ang malayo sa pamilya

Ang dasal ko bansa natin ay magbago ng lakad
Mga namumuno'y sikaping ang buhay ay umunlad
Mamamayang naghihirap, biktima at mga kapus palad
Gulong ng palad ay uminog pataas kahit ito'y makupad

Mga katotong manunula ako'y saludo sa pagsali
Sa inyong mga talatang may puntos at bahagi
Tayo ay alagad ng sining at lagi ng magkandili
Sa Inang Wikang mahal natin at ating ipagkapuri

Ka Ruben
Singapore, 11-11-11
guest/rey bagalso
PostPosted: Wed Nov 09, 2011 5:00 pm    Post subject:

Sa aking pananahimik at pagmumuni-muni.
Mga tulang kinatha lahat ay katangi-tangi.
Mga makatang unti unti ay lumalapit.
Nagbibigay ng alaala at magandang mungkahi.

Salamat, salamat mga katoto.
Kabesang Tales, napaliwanagan nyo.
Gayundin kay Pilosopong Tasyo sa hirit mo.
Tayo'y katuwaan lang, huwag magseryoso.

Tayo ay iisa ang mga hinanaing.
Bansa ay umunlad, buhay ay gumaling.
Ngunit ang problema, kadalasan ay pulitiko.
Silang pinagkatiwalaan,ibinibenta tayo.

Pulitiko naman hindi mo rin masisisi.
Hinihiritan doon at dito sa araw ng eleksyon.
Kaya ang bawi ay taksang taksang kotong.
Ang tulong sa bansa, sa bulsa napaparoon.

Sa ating balitaktakan, meron akong nasilip.
Dapat tapusin na ang kontra at panig.
At tulungan ang OFW, para sila ay tumahimik.
Bigyan ng magandang payo, kung sila paalis.

Sa aking nalalaman sa OFW.
Kumpanyang pinasukan sila ay kontrolado.
Suweldo ay hinahati, lamang ang may ari.
Hating Pakil yata, ituwid nyo kung ako ay mali.

Aking rekomendasyon siguro'y lumang tugtugin.
Magtayo ng samahan para sa kanilang proteksyon.
Tutulong sa pamilya kung meron problema.
Tulungan makauwi kung ibang bansa ay may gyera.

Sa aking nadinig at nakita sa telebisyon.
Tulong sa OFW ay kulang at minsan ay walang tugon.
Kung silay may samahan at puwersa sa nasyon.
Igagalang sila at gaganda ang reputasyon.

Mga katoto ito naman ay ideya lang.
Samahang local at nasyonal sila ay titibay.
Gumawa sila ng batas para pamilya ay alagaan.
Habang nasa malayo at naghahanapbuhay.
BULANGGUGO KAY EME-ENE
PostPosted: Wed Nov 09, 2011 11:14 am    Post subject: HUWAG MO KAMING IWAN....

Sa iyo EME-ENE na aming nakasama
Ang pagmumuni-muni mo ay iyon isama
Kahit di komontra o umayon sa tema
Bakas ng nakaraan ibahagi mo pa.

Kumbaga ang sa iyo at ibang kabayan
Pagbabalik-tanaw sa mga nakaraan
Kung paanong mula sa noong kahirapan
Mga sakripisyo'y ginantimpalaan.

Ngayon pa na ikaw ay natutuong dumutdot..(sabi mo)
Saka mo pb baga ipagmamadamot
Mga alaalang may saya at kirot
Na sa bumabasa baka may mapulot.

Sabi nga ng awitin......"hawak kamay...
Di kita iiwanan sa paglalakbay.........
Sa mundo ng kawalan................."
eme -ene
PostPosted: Wed Nov 09, 2011 9:23 am    Post subject: paalam na muna

Bago mamaalam itong abang lingkod,
Nais kong magpasalamat sa lahat ng naidulot,
Kaligayahang di masukat nitong pusong inyong binusog
Marami ring natutuhan sa larangan ni Balagtas.

Patawarin ako kung sa pagtutunggali.
Napapunta sa storya,sarile ang isinasalit,
Para bagang ninanais sa bayan ay ipahiwatig,
Kalungkutan,hinanakit,dulot ng maagang pagalis.

Lahat kayo'y hinangaan nitong ibong pumahimpapawid
Paglisan sa bayan natin,parang hindi pinagisip,
Mga naiwang kaibigan,magulang,kamaganak at kapatid,
Sinisingil ako ngayon,panaho't di na babalik.

Nais kong ipagtapat,hindi lamang sa pagtula,
Natuto itong abang,nalimutan na ng madla,
Kundi sa paggamit,kinatatatakutang pagtipa,[computer ]
SA laki ng hanggad ko na makisali sa inyo,magagaling na makata.

Computer na iniwasan,natutuhang dutdutin ko.......
BULANGGUGO...........
PostPosted: Tue Nov 08, 2011 3:47 pm    Post subject: KARUGTONG.....

Kahambing ay buto ng isang pag-ibig
Matapos itanim ito’y dinidilig
Minsa’y ‘kinukubli sa matinding init
Upang di malanta’t sa bunga ay mahitik.

Naroong hukayin ang mga paligid
Upang ang mga ugat ay hindi maipit
May mga pataba na isinisingit
Tulong sa pagsigla at paglagong pilit.

Kung may mga ligaw na damong sumakal
O may mga hayop o kulisap na kaaway
Kagyat na kikilos sa init ng araw
Papatayin mo silang walang pakundangan.

At sa bawat araw, panahong lumipas
Malalagong sanga ay iyong namalas
Sa ihip ni Amihan mga ito’y papagaspas
Umaawit na ibon sa sanga'y palipat-lipat.

Matapos mamulaklak ay biglang susulpot
Bungang hinihintay na nakakalugod
Puso’y umaapaw, pawi na ang pagod
At nagpapasalamat sa Ama nating Diyos.

Kahalintulad ito ng pag-aasawa
Magkatugmang damdamin ngayon pinag-isa
May pangakong magsasama sa hirap at ginhawa
Pagyamanin ang pag-ibig sa puso ng isa’t-isa.

Hindi ko tinatawaran ang dakila mong layunin
Ang mahal na sinisinta iyo munang lilisanin
Mailap na hanapbuhay sa ibayo mo hahanapin
Mauudlot ang pag-ibig na dapat ay pagyamanin……

Durugtungan….
BULANGGUGO...........
PostPosted: Tue Nov 08, 2011 7:47 am    Post subject: kARUGTONG NG SINIMULAN...

Magkakaiba raw ang swerte raw ng tao
Kaya nga’t ugali ay di parepareho
Katulad din iyan ng pagtatrabaho
Lalo sa pampang ng kabilang ibayo.

May mga pag-aaring nagkasanla-sanla
Upang makarating lamang sa ibang bansa
Inabot ng malas nang sa “airport” bumaba
Ay pinabalik na’t ang kontrata’y “bokya.”

Kaya sa halip na gumanda ang buhay
Sa pagkakautang ay nakagulapay
Mayroon iniwang ng pinakamamahal
At hindi nakaya ang imbing kahirapan.

Mayroon din naman na kinakasihan
Magandang trabaho ang pinag-abutan
Ang mga pangakong kanyang binitiwan
Sa kanyang pamilya naisakatuparan.

Ang sa ganang akin ang pagkakalayo
Di matutumbasan ng ano mang luho
Ang lungkot na laging nakakalaguyo
Hindi magagamot ng malayong puso.

May lagnat mong anak hindi ka malambing
Madama ang ‘yong pisngi sa noong mainit
Hihipan ang lugaw upang medyo lumamig
Tulungang kumain sa panlasang mapait.

Sa kanyang paglalaro at daliri’y nasugatan
Naroroon ka ba upang ito ay hipan?
At noong minsan siya’y nabukulan
Naroon ka rin ba upang siya’y tumahan?

Sa madaling sabi, ang ibig kong sabihin
Ang mga panahong hindi ka kapiling
Walang alaalang sa puso’y natatanim
Na pwedeng balikan sa pagtanda natin.
nacklit
PostPosted: Tue Nov 08, 2011 1:21 am    Post subject: Kulapo

Si katotong Winston ay may tinutumbok
Sa kanyang tinuran dito sa ating tumpok
Kung sa ating bayan sana'y mayroong rurok
Ng lubos na tagumpay, di na sana pumalaot

Ibong pagod na sa pagkampay nitong bagwis
Wangis nitong kababayang tagaktak na ang pawis
Busog man ang tiyan, ngunit dangal nama'y palis
Aanhin itong yaman, kung dangal ang kapalit?

Mapait na larawan nitong ating bayan
Dag-is ng kurakot, hagupit sa lipunan
Sandaling lumaya sa mga dayuhan
Sakmal naman tayo, ng pagka-gahaman

Sinta kong irog, ina kong bayan
Hanggang kailan ka pa, lalayang tuluyan?
Malagot ang sangwil, kumawalang tunay
Sa pagkadayukdok nitong kahirapan.

Sisilay pa kaya ang samong liwanag?
Sa dako pa roon ng silangang dagat
Perlas ang wangis mo na hinimas himas
Luhang tiniis mo sa nabuong hiyas.

Sa pagdapit hapon nitong abang buhay
Ang mata'y pipikit na may agam-agam
Masisilip kaya ang bukang liwayway
Nang bagong umaga sa sinta kong bayan?
whernas2001
PostPosted: Tue Nov 08, 2011 12:12 am    Post subject:

Si Kabesang Tales ay may hinahanap
sa mga tula na ating inilalahad
Hindi maabot ng ating mga sangkap
hindi sya masiyahan sa paksang tinatahak

Nais na imungkahi ito ay anghangan
nang masiyahan ang matang lumalamlam
Huwag sana akong kasuklaman
sa aking mga salitang kathang isip lang

Sa aking pag iisip bakit nga ba nangyari
sa ating bayan OFW ay lubhang kay dami
Tayo bang mga Pilipino ganito na lang palagi,
Isa sa ikinabubuhay pagtatrabaho sa bansa ng ibang lipi

Matataas na pamantasan sa kursong nyang inasam
meron bang trabahong sa kanya ay nakaabang?
Kay haba ng pila sa oportunidad na i-isa
Pangungusta ng ina luha ang pasalubong sa kanya

Biyayang likas na kayamanan
puno ng uwido at masigasig na kababayan
Dangat hindi naalagaan pinagyaman ng mga sa bayan ay may tangan
Weder weder lang katwiran linta sa kaban ng ating bayan

Sana ay magbago kasalukuyan nating daan,
gulong ng buhay umikot paakyat para sa karamihan
Maraming problema kailangan ito ay sulusyunan
Subalit di yata kaya o hindi na alintana

Sa dampang kay ganda doon ay naglipana
Mga buwayang walang kabusugan sa tanan ngayon ang kasa-kasama
Ang dampa ay talaksan nagkalat na sa kadawagan
Kulang sa pangangailangan mga bantay na tapat sa lipunan

Kailangan maalagaan mga turista at mga dayuhan
Sila ay may dalang yaman para sa dampa maiayos at ang kapaligiran
Ito ay kuro kuro ko lang kung bakit kontra sa kasalukuyan
Sana bayan natin ay ayusin na ng totoong makatao sa lipunan

Palakasin ang hukbong sandatahan
pondohan at bigyan ng maayos na tirahan
Silang magtatangol magbabantay sa bayan
at mga tao ay tapat na paglilingkuran

Bayan ay bagsakan ng mga mamahaling produktong mga dayuhan
Kapalit ng ating pinya saging at mga produkto na pawang mura lang
Imbestor mandin ay paboran, trapiko ayusin at dagdagan ng daan
Mga nagtapos huwag pabayaan, trabaho sa kanila nararapat ay may nakalaan

Sana ang sintang bayan kung sapat ang kaayusan
Hindi na ito lilisanin bagkus ay sa atin na lang
OFW kung tawagin ay bayani kapag may tanghalan
Mapait na katotohanan kami sa kasalukuyan , produkto pang eksport nitong bayan

Ako po ay patawarin at unawain na lamang
Sa tula kong ito sa OFW ay may kaugnayan
Kung maunlad nga ba ang ating bayan siguro po ay konti lang
At mataas ang sweldo kung talagang sa ibayo ikaw ay kailangan
Pilosopong Tasyo
PostPosted: Mon Nov 07, 2011 2:14 pm    Post subject: Balagtasan

Ang "Balagtasan" po ay isang sining o arte na bahagi ng litiratura o panitikan. Ito po ay maaaring ihalintulad sa isang "moro-moro" o "sarsuela" noong araw. Ang balagtasan po ay isang libangan lamang.

Ito po ay palitan ng katuwiran sa pamamagitan ng tulaan at pagandahan ng pagbigkas. Hindi po kailangan dito ang "datum" o "data" at "prueba". Tulad ng nabanggit sa itaas, ito'y isang libangan
lamang. May mga makata nga po na tumutula pa ng kabulastugan o katatawanan upang ang manonood ay malibang.

Kaya nga ang bilin ni Ming kahit "fictitious" name ay huwag babanggit
ang mga manunula at baka "makasagasa".
BULANGGUGO........
PostPosted: Mon Nov 07, 2011 8:06 am    Post subject: KABESAND TALES.......SAMAHAN MO KAMI

Si Kabesang Tales mukhang naiinip
At sa mga datos ay gustong humirit
Di mo ba napansin sa mga binanggit
Hindi “kaliwaan” lang ang iginigiit.

Ang alam ko sa “datos” ay mga numero
At mga kasulatan na may patotoo
Hindi kailangan ang mga ganito
Nagkalat sa paligid ang usapang ito.

Ang tulaang ito bagama’t katuwaan
Ay napakalapit sa katotohanan
Mga kuru-kuro ay nagpapalitan
At baka sakaling buti’y kapulutan.

Inaanyayahan ko na ika’y sumali
Sa kat’wiranan ay buksan ang sarili
Mas maraming kasali ang dala ay buti
Pananaw mo sa buhay iyong ibahagi.
kabesang tales
PostPosted: Sun Nov 06, 2011 3:35 pm    Post subject: makikisingit

tila yata iisa lamang ang ibinibigay na katuwiran ng mga manunula kung bakit hindi dapat mag-abroad: baka makaliwa. sana po ay mag-bigay din ng mga datus o katibayan sa mga babanggiting pangyayari. salamat po.

Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group