PAETE.ORG FORUMS
Paetenians Home on the Net

HOME | ABOUT PAETE | USAP PAETE MUNISIPYO  | MEMBERS ONLY  | PICTORIAL PAETE | SINING PAETE  | LINKS  |

FORUM GUIDELINES
please read before posting

USAP PAETE Forum Index USAP PAETE
Discussion Forums for the people of Paete, Laguna, Philippines
 
 FAQFAQ   SearchSearch    UsergroupsUsergroups   RegisterRegister 
 ProfileProfile   Log in to check your private messagesLog in to check your private messages   Log inLog in 

IKATLONG PAGBASA-HULYO 30, 2012-BUTAW AT ALITUNTUNIN

 
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Balitang Paete - Sangguniang Bayan
View previous topic :: View next topic  
Author Message
Ana Victoria A. Agravia



Joined: 24 May 2008
Posts: 190
Location: Paete, Laguna

PostPosted: Tue Sep 04, 2012 1:44 am    Post subject: IKATLONG PAGBASA-HULYO 30, 2012-BUTAW AT ALITUNTUNIN Reply with quote

IKATLONG PAGBASA
Hulyo 30, 2012

1. Panukalang Resolusyong pagtibayin ang Ordinansang nagtatakda ng butaw at alituntunin sa mga pasilidad, pook-pasyalan at serbisyong Panturismo sa nasasakupan ng bayan ng Paete, Laguna. Ni: Konsehal Anna Pamela R. dela Rosa

Kgg. Anna Pamela R. dela Rosa-hihilingin na pagtibayin in principle habang isasaayos pa ang nilalaman ng ordinansa batay sa naging talakayan noong nakaraang pagpupulong.

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo-hindi pa napagtitibay ang nakaraang katitikan kaya hindi muna maaaring pagtibayin ang nasabing panukala dahil magkaconflict ito.

Sa pamamagitan ng ina ng mungkahi, ito’y pinanatili sa ikatlong pagbasa.

IKATLONG PAGBASA
Agosto 06, 2012

2. Panukalang resolusyong pagtibayin ang ordinansang nagtatakda ng mga butaw at alituntunin sa mga pasilidad at serbisyong Panturismo sa bayan ng Paete, Laguna.
Ni Konsehal Anna Pamela R. dela Rosa

Konsehal Anna Pamela R. dela Rosa. Base po doon sa ating pinagtibay na katitikan ng pulong kanina na magsasagawa nga po ng pagpupulong ang Lupon para po doon sa mga pinal na napag-usapan po doon sa ating Second Reading deliberation. Ito po yung naging resulta ng binanggit po na pulong ng lupon base po doon sa ating huling pagpupulong. Iyon pong mga ipinasok pong pagbabago, yun pong Tourist Attractions ay naka-insert na po. At yun pong sa usapin po ng Parking Fees ay nag-compromise na po dito sa aking mga babanggitin. Iyon pong sa Bus ay na-final na po yung Php100.00, Coaster at Mini-Bus po ay Php75.00, at yun pong sa Van, Passenger Jeep at Owner-Type Jeep ay Php75.00 po. Nagkaroon po ng karagdagang ilalagay, yun pong 11.7 na ilagay po ang detalye sa nilalaman ng resibo batay po sa pinaiiral na ordinansa. At yun pong Pangkat 13, “ang sinumang residente ng Paete na nagnanais magtinda o maglako sa tuwing may darating na mga turista ay nararapat na”, as is din po yung nilalaman nito. At isinaayos na po yung nilalaman ng Pangkat 16 at Pangkat 17, eto po yung naging nilalaman. Sa Pangkat 16 po, “Sa pamamagitan ng batas na ito, binibigyang-karapatan ang Nanunungkulang Punumbayan na lumagda sa Kasulatan ng Kasunduan o Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Bayan at ng kinatawan ng Simbahang Katoliko at Simbahang Aglipay na may kaukulang pagkatig ng Kgg. Sangguniang Bayan.” Gayundin po ang Pangkat 17, “Sa pamamagitan ng batas na ito, binibigyang-karapatan ang Nanunungkulang Punumbayan na lumagda sa Kasulatan ng Kasunduan o Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Bayan at ng kinatawan ng Barangay Ilaya del Sur, Barangay Ilaya del Norte, at Barangay Ermita ukol sa paggabay sa mga turista patungo sa Tatlong Krus na may kaukulang pagkatig ng Kgg. Sangguniang Bayan.” Iyon pong ukol sa paggabay sa mga turista at kaukulang kabahagi ay yun po yung isasama. Lilinawin lang po, dito po sa Pangkat 13, ang nakalagay po dito, “ang sinumang residente ng Paete na nagnanais magtinda o maglako sa tuwing may darating na mga turista ay nararapat na: Kumuha ng Pahintulot mula sa Tanggapan ng Punumbayan (Mayor’s Permit), at Tiyakin ang kalinisan ng puwesto sa panahon at matapos ang pagtitinda.” Kumbaga po, ang pinahihintulutan lang po ditong magtinda ay yung ating mga kababayan, subalit hindi po hayag pero hindi po pinahihintulutan ang pagtitinda ng mga taga-ibang bayan. Iyon lamang po, wala na pong iba pang pagwawasto. Mayroon pa pong mga katanungan?

Tagapangulo. Kasi po mayroon tayong pasubali noong nakaraan, so bukas na po ang hapag. Kung wala na pong reaksyon o o paglilinaw o katanungan pa batay doon sa naging pahayag na mga naging pagbabago sa teksto ay ibinabalik po ang hapag sa ina ng mungkahi.

Konsehal Anna Pamela R. dela Rosa. Yaman din lamang po at napagtalakayan na, napag-usapan na po ang lahat ng mga concerns at naikonsulta din naman po ito sa ilang series ng public hearings at committee meetings, magalang pong hinihiling na pagtibayin po ang Panukalang resolusyong pagtibayin ang ordinansang nagtatakda ng mga butaw at alituntunin sa mga pasilidad at serbisyong Panturismo sa bayan ng Paete, Laguna.

Pinangalawahan nina Konsehal Eriberto D. Pascual, Konsehal Aurelio P. Paraiso, at Konsehal Urbano R. Cadapan, at pinagtibay. (079)

Narito po ang sipi ng nasabing Res. Blg. 079 T. 2012 kung saan nakapaloob ang Ordinansa Blg. 2012-312:


HALAW SA KATITIKAN NG PULONG KARANIWAN NG SANGGUNIANG BAYAN NG PAETE, LAGUNA NA GINANAP SA VICTOR PAGALANAN MEMORIAL HALL, BATASANG BAYAN, GUSALING ADECI, PAETE, LAGUNA NOONG 06 AGOSTO, 2012 ARAW NG LUNES.

MGA DUMALO:

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo,
Pangalawang Punong-Bayan/Tagapangulo,

Kgg. Anna Pamela R. dela Rosa,
Konsehal,

Kgg. Brigido R. Bagayana,
Konsehal,

Kgg. Aurelio P. Paraiso,
Konsehal,

Kgg. Lourdes F. Sunga,
Konsehal,

Kgg. Eriberto D. Pascual,
Konsehal,

Kgg. Urbano R. Cadapan,
Konsehal,

Kgg. Emerito B. Gajitos,
Konsehal.

HINDI DUMALO:

Kgg. Ronaldo Z. Valdellon,
Konsehal, On Leave,

Kgg. Hermie B. Bagongahasa,
Konsehal-LBP, Opisyal na Lakad,

Kgg. Lyeka May S. Sadsad,
Konsehal-SKFP, On Leave.


RESOLUSYON BLG. 079 t. – 2012

RESOLUSYONG PAGTIBAYIN ANG ORDINANSANG NAGTATAKDA NG BUTAW AT ALITUNTUNIN SA MGA PASILIDAD, POOK-PASYALAN AT SERBISYONG PANTURISMO SA NASASAKUPAN NG BAYAN NG PAETE, LAGUNA.
_____________________________________________________

MAY AKDA: KONSEHAL ANNA PAMELA R. DELA ROSA
_____________________________________________________

SAPAGKA’T, sa kasalukuyan, isa sa mga pinagkakakitaan ng Pamahalaang Bayan ng Paete ay ang butaw na nagmumula sa mga pasilidad, pook-pasyalan at serbisyong panturismo;

SAPAGKA’T, isa sa mga pangunahing layunin ng Lokal na Pamahalaan ng Paete ay mapataas pa ang bilang ng mga turistang bumibisita sa bayan ng Paete;

SAPAGKA’T, ninanais din ng Pamahalaang Bayan na higit pang mapabuti ang mga serbisyong panturismo na ipinagkakaloob sa mga turista, lokal man o internasyunal;

SAPAGKA’T, sa pamamagitan ng kita na magmumula sa mga butaw na ito ay mapangalagaan at higit na mapagaganda ang mga pook-pasyalan at mapanatili ang kaayusan ng mga pasilidad para sa mga turistang bumibisita sa Paete;

SAPAGKA’T, ang Bayan ng Paete ay kinilala bilang Carving Capital of the Philippines noong ika-15 Marso, 2005, sa pamamagitan ng Kapangyarihan ng Kanyang Kabunyian Gloria Macapagal-Arroyo, dating Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa bisa ng Batas Tagapagpaganap Bilang 809;

SAPAGKA’T, isa sa mga mithiin ng Sangguniang ito ay maipagkaloob ang pinakamataas na serbisyong panturismo at ang pinakamaayos, maganda at ligtas na pasilidad para sa mga turista;

SAPAGKA’T, layunin ng batas na ito na makapagtadhana ng panuntunan para sa paggamit ng mga pasilidad at pagbisita sa mga pook-pasyalan para sa pangangalaga ng mga ito;

SAPAGKA’T, batid ng sangguniang ito na isa sa mga tungkulin ng Pamahalaang Bayan ay protektahan ang mga likas na yaman kabilang ang mga pook-pasyalan sa nasasakupan ng Bayan ng Paete.

KUNG KAYA’T DAHIL DITO, sa mungkahi ni Konsehal Anna Pamela R. dela Rosa, pinangalawahan nina Konsehal Eriberto D. Pascual, Konsehal Aurelio P. Paraiso at Konsehal Urbano R. Cadapan, sa pagkatig at pagsang-ayon ng lahat ng dumalo ay:

IPINASIYA: na gaya ng ginagawa ng Sangguniang ito sa ngayon, ay pinagtitibay ang Ordinansang nagtatakda ng butaw at alituntunin sa mga pasilidad, pook-pasyalan at serbisyong panturismo sa nasasakupan ng bayan ng Paete, Laguna.

INIATAS: na padalhan ng sipi ng resolusyong ito ang mga kinauukulan para sa kanilang kabatiran at kaalaman.

ORDINANSA BLG. 2012-312

ORDINANSANG NAGTATAKDA NG BUTAW AT ALITUNTUNIN SA MGA PASILIDAD, POOK-PASYALAN AT SERBISYONG PANTURISMO SA NASASAKUPAN NG BAYAN NG PAETE, LAGUNA.

ALITUNTUNIN BLG. 1
LAYUNIN


PANGKAT 1. PANGUNAHING LAYUNIN. Pangunahing layunin nito ay mapanatili ang magagandang-pook pasyalan sa nasasakupan ng Bayan ng Paete at mapataas pa ang antas ng serbisyong panturismo na ipinagkakaloob sa mga turista.

PANGKAT 2. MGA TIYAK NA LAYUNIN.
2.1 Inaasahan na sa pamamagitan nito ay mapapataas ang kita mula sa butaw sa mga pasilidad, pook-pasyalan at serbisyong panturismo.
2.2 Ang pagkakaroon ng maayos na turismo sa Bayan ng Paete ay magdudulot ng higit na pagdami ng mga turista at karagdagang pagkakakitaan sa mga mamamayan ng Paete.

ALITUNTUNIN BLG. 2
PAGPAPAKAHULUGAN SA MGA SALITA AT PAGTATAKDA NG SAKOP AT LIMITASYON

PANGKAT 3.TALASALITAAN – Ang paggamit ng mga salita ay batay sa pagpapakahulugan na itinatakda ng batas na ito, gayundin ang sakop at limitasyon ng mga ito.
3.1 Butaw - halagang ipapataw para sa ipinagkakaloob na serbisyong panturismo, gayundin sa paggamit ng mga pasilidad na panturismo at mga pook-pasyalan.
3.2 Turismo - lokal na industriya ng turismo.
3.3 Turista – mga pang-internasyunal at lokal na panauhin na nagnanais na bumisita sa magagandang lugar at pook-pasyalan sa bayan ng Paete, makapag-obserba at makapanuod sa mga talento ng mga mamamayan, makapagmasid sa mga likhang-sining na matatagpuan sa bayan ng Paete, kabilang ang mga mag-aaral na nagsasagawa ng paglalakbay kaugnay ng kanilang pag-aaral at iba pang mga katulad nito.
3.3.1 International Tourist – mga banyagang turista.
3.3.2 Local Tourist – Pilipinong turista.
3.3.3 Walk-in Tourist – turista na hindi nakapagpatala ng takdang-pagbisita.
3.4 Ordinansa Blg. 298 – Ordinansang nagtatakda ng butaw sa balsang panturismo (tourist raft) at iba pang istrukturang panturista (tourist structures) na matatagpuan sa lugar ng Wawa Park sa Bayan ng Paete, Laguna kasama ang mga regulasyon at mga alituntunin tungkol dito.
3.5 Pasilidad – tinutukoy nito ang mga kagamitan at lugar panturismo sa nasasakupan ng Bayan ng Paete katulad ng mga sumusunod:
3.5.1 Parking Area – mga lugar himpilan ng mga sasakyan, ang lugar na ito ay ang mga itinalaga lamang ng Ordinansang nauukol sa mga Pook-Himpilan sa pangangasiwa ng Tourism Office.
3.5.2 CR – comfort rooms o mga pampublikong palikuran na sadyang ipinatayo bilang bahagi ng programang panturismo, ang mga ito ay matatagpuan sa karatig ng mga pook-pasyalan para sa pangangailangan ng mga turista.
3.5.3 Cottage - mga maliit na pahingahan na maaring pansamantalang tigilan ng mga turista sa panahon ng kanilang pamamasyal, ang mga ito ay matatagpuan sa Tatlong Krus at Matabungca Falls.
3.5.4 Balsa – balsang panturista (tourist raft) sasakyang pantubig na pag-aari ng Pamahalaang Bayan ng Paete na maaaring sakyan o gamitin ng mga turista upang makapamasyal o makapagpahinga habang nakamasid sa Laguna Lake. (Ordinansa Blg. 298).
3.5.5 Balag (Warf) – bahay-pahingahan na maaaring pansamantalang tigilan ng mga turista. (Ordinansa Blg. 298).
3.6 Pook-Pasyalan – mapapaloob dito ang mga ipinagmamalaking magagandang tanawin at makasaysayan at mahahalagang lugar sa bayan ng Paete tulad ng:
3.6.1 Simbahang Katoliko – lugar sambahan ng Romano Katoliko na matatagpuan sa Barangay Ibaba del Norte.
3.6.2 Simbahang Aglipay – lugar sambahan ng Iglesia Filipina Independiente, matatagpuan sa Barangay Ibaba del Sur.
3.6.3 Matabungca Falls – talon na matatagpuan sa Sierra Madre Mountain, Barangay Ilaya del Sur.
3.6.4 Tatlong Krus – konstruksyon na matatagpuan sa Sierra Madre Mountain, Barangay Ermita.
3.6.5 Wawa Park – ito ay ang tinatawag na Paete Bayshore and Leisure Park, na karatig ng bahagi ng Lawa ng Laguna, matatagpuan sa Barangay Ibaba del Sur (Ordinansa Blg. 298).
3.7 Serbisyong Panturismo – mapapabilang dito ang mga natatanging serbisyo at tourist attractions na tulad ng mga sumusunod:
3.7.1 Carving Demonstration – maaring ito ay sa prutas, gulay at yelo
3.7.2 Paper Mache-Making – pagtataka
3.7.3 Woodcarving – pag-uukit
3.7.4 Iba pa – iba pang serbisyo na magpapakita ng talento at kakayahan ng mga mamamayan ng Paete na maituturing na artist, tulad ng pagsasayaw, pag-awit at iba pang anyo ng pagtatanghal
3.8 Residente – pinatutungkulan nito ang mga taga-Paete at lehitimong mamamayan ng Bayan ng Paete at kabilang sa populasyon ng bayang ito, hindi sila maituturing na turista kahit na sila ay pumasyal sa mga nabanggit sa itaas o gumamit ng mga isinaad na pasilidad.
3.9 Kolektor – opisyal na kinatawan ng Pamahalaang Bayan na magmumula sa Tanggapan ng Pambayang Ingat-Yaman, taong mangongolekta ng butaw at mananagutan sa lahat ng kita mula sa pagpapatupad ng ordinansang ito.
3.10 Tourism Office – tinutukoy nito ang Tanggapan ng Pambayang Turismo, kabilang dito ang mga kawani ng Pamahalaang Bayan na nakatalaga sa tanggapang ito.
3.11 Tour Guide – kabilang dito ang mga kawani ng Tanggapan ng Pambayang Turismo at/o sinuman na maitatalaga na maging kasama o katuwang ng mga turista sa panahon ng kanilang pagbisita.
3.12 Artists – mga lokal na alagad ng sining na magsasagawa ng carving demonstration, paper mache-making, woodcarving at iba pa na magpapakita ng mga natatanging galing sa sining ng mga mamamayan ng Paete.
3.13 Shops – Carving and Handicraft Shops na nagtitinda ng mga produktong taal sa bayan ng Paete tulad ng mga taka, ukit, paper products, mga gawang-kamay at iba pang mga kauri nito.
3.14 Ambulant Vendors – naglalako o nagtitinda ng nga kalakal sa tuwing may dumarating mga turista.

ALITUNTUNIN BLG. 3
PANUNTUNAN AT PROSESO NG PAGPAPATALA NG PAGBISITA


PANGKAT 4 Ang sinumang turista na nagnanais na bumisita sa bayan ng Paete ay marapat na:
4.1 Makipag-ugnayan sa Tourism Office para sa kaukulang pagpapatala at pagtatakda ng petsa (araw at oras), gayundin ang layunin ng pagbisita, sa pamamagitan nito ay mailalahad sa turista ang kaukulang mga gawain at pasyalan na angkop sa layunin ng kanilang pagbisita. Ito ay nararapat na isagawa ng hindi maaaring bumaba sa limang (5) araw bago ang itinakdang araw ng pagbisita o mas maaga pa.
4.2 Maipatala ang bilang ng mga turistang inaasahang kasama upang matiyak na magkakaroon ng sapat na bilang ng Tour Guide na magsisiguro ng kaligtasan at magtitiyak na magiging kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang panahon ng pagbisita.
4.3 Nararapat ding ipaalam kung anong uri at ilang sasakyan ang gamit upang matiyak ang kahandaan ng mga Parking Area.
4.4 Ang lahat ng transaksiyon na isasagawa, reserbasyon, pagtatapos ng gawain, maging ang mga naging pagbabago ay dapat na maitala para sa kaukulang pag-uulat.

ALITUNTUNIN BLG.4
WALK-IN TOURIST


PANGKAT 5 Ang sinumang turista na hindi nakapagpagtala o nakipag-ugnayan BAGO ang takdang pagbisita o mga walk-in tourist ay pinapaalalahanan na dagliang magtungo sa Tourism Office para sa mga kaukulang impormasyon para sa kanilang pagbisita at nararapat na tumalima sa mga isinasaad ng batas na ito.

ALITUNTUNIN BLG. 5
MGA BUTAW

PANGKAT 6 Paghihimpil ng mga sasakyan (Parking Fee) - Ang butaw ay batay sa uri ng sasakyan at sa panahon ng pamamalagi sa mga Parking Area.
6.1 Bus – Php 100.00 (Isang Daang Piso)
6.2 Coaster at Mini-Bus – Php 75.00 (Pitumpu’t Limang Piso)
6.3 Van, Passenger Jeep, Owner-Type-Jeep – Php 75.00 (Pitumpu’t Limang Piso)

PANGKAT 7 CR – Ang sinumang nagnanais na gumamit nito ay kinakailangang magbayad ng halagang Limang Piso (Php 5.00) maging turista man o residente.

PANGKAT 8 Lugar-Pahingahan
8.1 Cottage Malaki – Php 150 (Isandaan at Limampung Piso)
8.2 Cottage Maliit – Php 100 (Isandaang Piso)
8.3 Balag – Php 20 (Dalawampung Piso) kada tao sa unang tatlong (3) oras, at Php 10 (Sampung Piso) sa bawat susunod na oras. (Ordinansa Blg. 298)

PANGKAT 9 TOUR PACKAGES
9.1 Para sa mga TURISTA na ang bilang ay 1 hanggang 40 (40 Turista - Pababa)
Ice Carving Demonstration
(Php 2,200) Fruit and Vegetable Garnishing
(Php 1, 400) Paper-Mache Making
(Php 400) Wood Carving
(Php 400) PLUS CHOICE OF PACKAGE
9.2 Para sa mga TURISTA na may bilang na 41 o higit pa. (41 Turista – Pataas)
BABAYARAN NG ISANG TURISTA
Package 1 Simbahang Katoliko Carving Shops Php 20
Package 2 Simbahang
Aglipay Carving Shops Php 20
Package 3 Simbahang Katoliko Simbahang
Aglipay Carving Shops Php 30
Package 4 Simbahang Katoliko Simbahang
Aglipay Carving Shops Matabungca Falls Php 60
Package 5 Simbahang Katoliko Simbahang
Aglipay Carving Shops Matabungca Falls Tatlong Krus Php 80
Package 6 Simbahang Katoliko Simbahang
Aglipay Carving Shops Matabungca Falls Tatlong Krus Carving Demo & Paper-Mache Making Php 180
9.3 Wawa Park (Ordinansa Blg. 298)
Pagpasok sa papuntang Balsa
(Php 5) / tao –bata o matanda Balsa
(Php 50) / tao sa unang 3 oras at
Php 15 sa bawat susunod na oras PLUS CHOICE OF PACKAGE

ALITUNTUNIN BLG. 6
MGA TANGGAPANG MANGANGASIWA AT KAUKULANG TUNGKULIN AT MGA PANANAGUTAN

PANGKAT 10 TOURISM OFFICE
10.1 Tumanggap ng mga pagpapatala at makipag-ugnayan sa turista o pangkat ng mga turista ukol sa kanilang pagbisita.
10.2 Kumpirmahin ang mga pagpapatala.
10.3 Magtalaga ng kaukulang Parking Area para sa mga kumpirmadong pagbisita.
10.4 Makipag-ugnayan sa Simbahang Romano Katoliko at Simbahang Iglesia Filipina Independiente hinggil sa mga layong pagbisita sa mga nasasakupan ng mga nabanggit na institusyon. Ito ay nararapat na isagawa tatlong (3) araw bago ang nakatakdang pagbisita para sa konsiderasyon sa mga gawain ng simbahan at sa paghahanda sa mga tagapagsalita at mga presentasyon.
10.5 Gumawa ng listahan ng lahat ng gawain at transaksiyon na nauukol sa ordinansang ito.
10.6 Mag-ulat ng mga naging gawain, transaksiyon at kinita sa kaugnay sa mga gawaing panturismo.
10.7 Makipag-ugnayan sa Tanggapan ng Pambayang Sentrong Pangkalusugan, sa tuwing magkakaroon ng mga bista sa mga pook-pasyalan upang tiyakin na magkakaroon ng kaantabay na kawani mula sa nasabing tanggapan para biglaang pangangailangang medikal (emergency medical situation).

PANGKAT 11. KOLEKTOR
11.1 Itala ang bilang ng mga bisitang dumarating at tiyakin ang pagpapatupad ng mga butaw na isinasaad sa ordinansang ito.
11.2 Gumawa ng listahan ng mga dumarating na mga sasakyan at ilakip dito ang oras ng pagdating, tagal ng pananatili at oras ng pag-alis ng mga ito.
11.3 Magsulit ng mga kita sa kinauukulang tanggapan.
11.4 Magsumite ng nakasulat na ulat sa mga kinauukulang tanggapan.
11.5 Makipag-ugnayan sa mga sumusunod na tanggapan para sa pagkakaloob ng kanilang kabahagi o donasyon mula sa butaw.
11.5.1 Simbahang Romano Katoliko
11.5.2 Simbahang Iglesia Filipina Independiente
11.6 Tiyakin ang pagkakaloob ng Resibo (Official Receipt) o ng kaukulang Cash Ticket para sa lahat ng pagtanggap ng butaw at paglalabas ng bahagi.
11.7 Ilagay ang detalye sa nilalaman ng resibo batay sa pagpapairal ng ordinansa

PANGKAT 12. TOUR GUIDE
12.1 Alamin ang tiyak na bilang ng mga turista na darating at alamin ang layunin ng pagbisita.
12.2 Gawing kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang pagbisita ng mga turista.
12.3 Tiyakin ang kaligtasan ng mga turista sa panahon ng pagbisita.

ALITUNTUNIN BLG. 7
AMBULANT VENDORS


PANGKAT 13. Ang sinumang residente ng Paete na nagnanais na magtinda o maglako sa tuwing may darating na mga turista ay nararapat na:
13.1 Kumuha ng Pahintulot mula sa Tanggapan ng Punumbayan (Mayor’s Permit)
13.2 Tiyakin ang kalinisan ng puwesto sa panahon at matapos ang pagtitinda

PANGKAT 14 Mahigpit na ipinagbabawal ang pagtitinda o ang paglalako ng anumang kalakal na katulad o kahalintulad ng mga kalakal o paninda na matatagpuan sa kahabaan ng Daang J.V. Quezada o ang tinatawag na Tourist Lane maliban sa mga maglalako na mayroong Mayor’s Permit.
ALITUNTUNIN BLG. 8
KARAGDAGANG PANUNTUNAN

PANGKAT 15 Sa panahon na mayroong mga turista:
15.1 Mahigpit na ipinag-uutos ang pagbabawal sa paglalaro ng basketball sa pambayang basketball court para sa ikaaayos ng pagtanggap sa mga turista.
15.2 Sa mga nagnanais na magtigil sa Tatlong Krus, sa Panahon ng Mahal na Araw, mangyaring makipag-ugnayan sa Sangguniang Barangay Ermita.

PANGKAT 16 Sa pamamagitan ng batas na ito, binibigyang-karapatan ang Nanunungkulang Punumbayan na lumagda sa Kasulatan ng Kasunduan o Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Bayan at mga kinatawan ng Simbahang Katoliko at Simbahang Aglipay na may kaukulang pagkatig ng Sangguniang Bayan.

PANGKAT 17 Sa pamamagitan ng batas na ito, binibigyang-karapatan ang Nanunungkulang Punumbayan na lumagda sa Kasulatan ng Kasunduan o Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Bayan at mga kinatawan ng Barangay Ilaya del Sur, Barangay Ilaya de Norte at Barangay Ermita ukol sa paggabay sa mga Turista patungo sa Matabungca Falls at Tatlong Krus, gayundin para sa kanilang kaukulang bahagi, na may kaukulang pagkatig ng Sangguniang Bayan.

PANGKAT 18 SUGNAY SA PAGHIHIWALAY. Kung alinman sa mga pangkatin o bahagi ng ordinansang ito ay ipinalalagay na labag sa batas, ang ibang pagkatin o bahagi ay mananatiling may bisa at ang anumang naunang mga kautusan o ordinansa na taliwas/lihis sa mga itinatadhana ng ordinansang ito ay pinawawalang bisa/saysay.

PANGKAT 19 Ang Ordinansang ito ay magkakabisa at ipapatupad matapos mapagtibay at matapos ang mga proseso na naaayon sa umiiral na batas .


PINAGTIBAY: 06 Agosto, 2012

PINATUTUNAYAN ko ang kawastuhan ng nasasaad sa resolusyong ito ay pinagtibay ng Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna.


May lagda ang orihinal
ANA VICTORIA A. AGRAVIA
Kalihim ng Sanggunian


PINAGTIBAY:


May lagda ang orihinal
ROJILYN Q. BAGABALDO
Pangalawang Punong-Bayan/ Tagapangulo


PINAGTITIBAY:


May lagda ang orihinal
INH. EMMANUEL B. CADAYONA
Punong-Bayan
Back to top
View user's profile Send private message AIM Address Yahoo Messenger MSN Messenger
Display posts from previous:   
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Balitang Paete - Sangguniang Bayan All times are GMT - 5 Hours
Page 1 of 1

 
Jump to:  
You cannot post new topics in this forum
You cannot reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum


Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group