PAETE.ORG FORUMS
Paetenians Home on the Net

HOME | ABOUT PAETE | USAP PAETE MUNISIPYO  | MEMBERS ONLY  | PICTORIAL PAETE | SINING PAETE  | LINKS  |

FORUM GUIDELINES
please read before posting

USAP PAETE Forum Index USAP PAETE
Discussion Forums for the people of Paete, Laguna, Philippines
 
 FAQFAQ   SearchSearch    UsergroupsUsergroups   RegisterRegister 
 ProfileProfile   Log in to check your private messagesLog in to check your private messages   Log inLog in 

Paete at Angono

 
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Paete - Carving Capital Forum
View previous topic :: View next topic  
Author Message
admin
Site Admin


Joined: 06 Jul 2005
Posts: 286

PostPosted: Tue Jan 01, 2013 8:57 pm    Post subject: Paete at Angono Reply with quote

MAGKAPATID NA BAYAN, ANGONO AT PAETE
ni Ligaya Tiamson-Rubin http://en.wikipedia.org/wiki/Ligaya_Tiamson-Rubin

Pukot ang pangunahing dahilan kung bakit naging magkapatid ang dalawang artistikong bayan, ang Paete, Laguna at Angono, Rizal. Ang pukot ay isang uri ng malakihang pangingisda na ginagawa ng mga taga-Angono sa Laguna de Bai noong panahong bago magkadigma. May pinaka-kapitalista o mamumuhunan na tinatawag na may-ari ng pukot. Kanya ang lambat, bangka at lahat ng gamit. Tauhan niya ang mga mamumukot at kapag naipagbili nang lahat ang nahuling isda ay nagpaparte-parte sila.

Pumupunta o dumarayo ang pukot-Angono sa malalayong lugar tulad ng Paete, Bulusan at Mayondon sa Laguna at doon sila nangingisda. Inaabot ang pagdayong ito nang lingguhan at minsan ay buwanan. Ito ang dahilan kung bakit may mga binatang mamumukot na taga-Angono, Rizal na nakakapangasawa ng mga dalagang taga-Paete at mula sa iba pang bayan sa Laguna. Bayang kilala sa mga mahuhusay nitong pintor at musiko ang Angono, Rizal samantalang bayang bantog sa mga ukit ang Paete .
Magandang halimbawa si Aniceto Gragera, na isang binatang mamumukot na taga-Angono. Nang minsang buwanang dumayo roon ang pukot-Angono, nagkaasawa siya ng isang dalagang taga-Paete, na Anday ang pangalan. Hiniling ng pamilya ng dalagang taga-Paete na doon sila manirahan pagkatapos ng kasal at sumang-ayon naman si Aniceto. Nagkaroon sila ng labindalawang anak kayat kumalat sa Paete ang lahing Gragera. Isa rito si Lucia Gragera na itinanghal na Miss Paete noong dekada singkuwenta. Isa siyang tunay na mestisang Angono at Paete. Naging mang-uukit at mamumukot ang iba pang mga anak nina Aniceto at Anday lalo na ang mga lalaki. Subalit sa pangkalahatan, ang babaing taga-Paete ay tinatangay ng napangasawang mamumukot sa bayan ng Angono at doon sila nanirahan kayat nagkaroon ng mga lahing Paete sa Angono.

Taga-Paete ang ina ng pintor na si Perdigon Vocalan kayat nagsanib sa kanya ang artistikong kumbinasyon ng Paete at Angono. Noong nabubuhay pa siya, pinagsanib niya ang pag-ukit at pagpipinta. Nakatanghal ang lahat ng kanyang mga obra maestra sa Balaw-balaw. Restawran ito ng mga katutubo at naiibang pagkain. Galeriya rin ito ng mga peynting, ukit, papier mache na mga hayop, mga anghel, maskara at mga bakyang tatak Paete. Dinadayo ito ng mga taga-ibang bayan dahilan sa masarap na pagkain at sa nakatanghal na sining.

Isang maliit na bayan sa dakong silangan ng Laguna de Bai ang Paete. Ito ang dahilan kaya dinarayo ito ng pukot-Angono. Napapalibutan ang Paete ng bundok ng Sierra Madre at ng luntian at malawak na bukirin. Tinatawag na Ilaya, Ibaba, Bagumbayan, Kinale, Maytoong at Gitnang-bayan ang mahahalagang purok nito. Dikit-dikit ang mga puwesto ng mga tindahan ng mga inukit na pigura at mga papier mache. Doon sa mga silong ng dikit-dikit ding mga bahay nag-uukit ang mga taga-Paete ng mga imaheng relihiyoso at ng iba pang pigura tulad ng mga hayop at dekorasyon sa bahay.

Katulad ng Angono, may isang ilog na umaagos sa pinakagitna ng Paete. Malinaw ang tubig ng ilog na hindi naman kalaliman. May tulay na kahoy at bato na tinatawiran ng mga tao tungo sa kabilang pampang. Kapag pista sa Paete, naglisaw ang namimistang mga taga-Angono. Kapag pista naman sa Angono, napupuno ang Angono ng puntong Paete. May magkaibang punto sa pagsasalita ang magkapatid na bayang Angono at Paete. Malambing ang sa Paete na tila laging nakikiusap. Ang sa Angono ay matigas na tila galit na para bang naghahamon ng away, nagmamasungit o nagsesermon. Minsan sa isang pista sa Paete, maraming taga-Angono ang dumating. Diumano may isang pusa na nasa ilalim ng isang mesang puno ng pagkain. Binugaw ng taga-Paete sa puntong Paete na malambing at mahinay ang pusa. “Ay, supe. Ay supe.” Siyempre pa, ayaw kumilos ng pusa at walang kabalak-balak na umalis sa ilalim ng mesa. Biglang nayamot ang naroong taga-Angono at siya mismo ang bumulyaw sa nasabing pusa sa puntong Angono. “SUPEEEE!!!!!” Ayon sa kuwento, tatlong araw na sa kawayanan ang pusang-Paete. Subalit ayaw nitong umalis doon sa matinding takot at gulat sa puntong Angono at binuhat na lamang ng may-ari papasok sa bahay.

Ayon pa rin sa ilang kuwento, nag-uusap hanggang sa magtalo ang isang taga-Paete at taga-Angono. Sabi ng taga-Paete sa puntong malambing at mahinay, “Ay huwag po kayong magalit.” Ang sagot ng taga-Angono sa puntong matigas na talagang parang galit. “Hindi ako galit, nagpapaliwanag lang ako.” Ang sagot uli ng taga-Paete, “ay huwag po kayong magalit.” Sagot uli ng taga-Angono sa puntong matigas na parang lalo pang nagalit “Hindi nga ako galit, nagpapaliwanag lang ako.” Dahil naiinis na rin siguro iyong taga-Angono, kaya lalong naging matigas ang tono, napapaiyak na raw iyong taga-Paete, “ay talaga pong huwag kayong magalit.” Hanggang sa dumating ang ibang tao na namagitan at umayos sa hindi nila pagkakaintindihan, na dahil lamang sa punto o intonasyon ng pagsasalita.

Ayon sa kasaysayang isinulat ni Eugenio Lara, noong taong 1853, nagtayo ang gobyernong Espanyol ng isang distrito na pinangalanang Distrito de Montes de San Mateo. Noong panahong iyon, nasasakop ang Angono ng probinsiya ng Laguna. Inilipat ang Angono sa distritong ito kasama ang Binangonan, Bosoboso, Morong, Baras, Tanay, Pililia at Jala-jala. Noong taong 1857, tinawag itong Distrito Politico Militar de Morong na ang Morong ang bayang pinakasentro. Batay dito, napatunayan natin na bukod sa pinag-ugnay ng pukot, noong araw pa man, tunay na magkapatid na bayan ang Paete at Angono.

Ayon sa pananaliksik ni Frank G. Rivera, isa sa matatagumpay at ipinagmamalaking anak ng Paete lalo na sa larangan ng teatro, pelikula at publikasyon, noong 1580 itinatag ni Fray Juan de Plasencia ang Pamahalaang Espanyol sa Paete. Ginawa niya ito matapos na libutin ni Juan de Salcedo ang buong Laguna at natuklasan ang komunidad ng mga mahusay na mang-uukit. Mahusay silang gumawa ng maskara, yoyo at carillo. Diumano, humanga ang mga paring Espanyol sa galing at pagkamasining ng mga tao, kayat tinawag ang lugar sa pangalang PAETE na hango sa salitang PAET.

Ang paet o pait ang ginagamit ng mga tao na pang-ukit at panlilok ng mga kahoy upang makalikha ng mga artistikong pigura. Tamang-tama ito sa paglikha ng mga relihiyosong imahen. Inilalagay sa altar ng malalaking tahanan at mga simbahan ang kanilang mga obra maestra. Nakarating ang mga ito hanggang Madrid, Mexico, Roma at sa mga lupain ng Europa at America.

Ayon pa rin kay Frank Rivera, pagkaraan ng ilang panahon, umukit na rin sila ng mga obra na ang paksain ay mga dalagang nakasuot ng katutubong damit, naglalaba sa batisan, pumipitas ng lanzones at nasa bukid. Bantog ang mga bakyang Paete na may mga ukit na tanawin. Ganoon din ang mga upuang kahoy, kama, aparador at kabinet na pawang yari sa narra at may mga ukit at dibuhong artistiko. Nailuluwas ng Maynila ang mga ito at gustung-gusto ng mga turista ang mga obra maestra nila. May mga taga-Angonong ang mga kasangkapan sa bahay ay yari sa mga narrang inukit ng mga taga-Paete.

May mga ipininta si Carlos “Botong” Francisco na iniukit ng mga taga-Paete, katulad ng labindalawang myural na nagtatanghal ng kasaysayan ng Pilipinas. Hinangaan ito ng mga manonood nang itanghal ito sa World Fair sa lunsod ng New York noong 1964. Isa na naman itong pambihirang pagkakataon na nagsanib ang sining ng magkapatid na bayan.
Isang uri ng sining sa Angono ang “pag-aalaga” ng mga Poon at imahen, na sa Paete iniukit ang karamihan dito. Isinasama sa prusisyon ang mga Poong ito at ang iba nama’y nakaluklok sa altar ng bahay. Dinidikurasyunan ang mga altar nito at ang mga andas na ginagamit sa prusisyon. May mga set ito ng damit na pambahay at pamprusisyon. Paminsan-minsan, ipinaeenkarna sa Paete ang mga Poon para manatiling maayos at maganda ang kanilang kaanyuan.

Bayan ng mga pintor ang Angono. Nagsimula ito sa mga ninuno na sinasabing siyang gumawa ng mga ukit sa kuweba hanggang kay Tandang Juancho at Pedro Pinon. May mga naniniwalang si Tandang Juancho ang tinutukoy na Juancho sa talambuhay ni Rizal na isa sa mga nagturo sa Pambansang Bayani ng pagpipinta. Noon, bangka o lantsa na tumatawid ng Laguna de Bai ang mabilis na transportasyon patungong Laguna.

Bantog din ang Paete sa tamis ng mga tanim nitong lanzones at santol. Inuukit ng mga babaing taga-Paete ang mga santol upang magkaroon ng korteng bulaklak at mga dahon. Ginagawang minatamis ang mga ito at inilalagay sa malalaking garapon. Kapag sila’y namimista sa Angono, dala nila ang mga ito bilang handog sa kanilang mga kamag-anak.

Ayon naman sa mga nakaugalian, kapag panahon ng lanzones, may mga taga-Angono na dumarayo sa Paete at namimili ng kaing-kaing na lanzones na pinipitas nila mismo mula sa lanzonesan. Nagtitinda naman sa palengke ng matatamis na lanzones ang mga taga-Angonong lahing Paete.

Magkapatid na bayan ang Angono at Paete. Pinag-ugnay sila ng pukot at patuloy na binibigkis ng kanilang sining. Pinagsanib ang kanilang mga artistikong dugo. Ngayon, bayan hindi lamang ng mga pintor at musiko ang Angono, kundi ng mga eskultor na rin.


Source : http://www.facebook.com/photo......mp;theater
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail
Display posts from previous:   
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Paete - Carving Capital Forum All times are GMT - 5 Hours
Page 1 of 1

 
Jump to:  
You can post new topics in this forum
You can reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum


Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group