PAETE.ORG FORUMS
Paetenians Home on the Net

HOME | ABOUT PAETE | USAP PAETE MUNISIPYO  | MEMBERS ONLY  | PICTORIAL PAETE | SINING PAETE  | LINKS  |

FORUM GUIDELINES
please read before posting

USAP PAETE Forum Index USAP PAETE
Discussion Forums for the people of Paete, Laguna, Philippines
 
 FAQFAQ   SearchSearch    UsergroupsUsergroups   RegisterRegister 
 ProfileProfile   Log in to check your private messagesLog in to check your private messages   Log inLog in 

TULA: ALA-ALA NG PAETE, 1950s

 
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Family Trees
View previous topic :: View next topic  
Author Message
SCNavarro



Joined: 08 Dec 2010
Posts: 17
Location: Barrie, ON, Canada

PostPosted: Fri Jun 23, 2017 11:03 am    Post subject: TULA: ALA-ALA NG PAETE, 1950s Reply with quote

ALA-ALA NG PAETE (Payti)
(1950s)

ni Sofronio C. Navarro (scnavarro88@gmail.com)

Itong tula'y alay sa aking magulang
Sa aking pamilya, at kamag-anakan
Sa mga kapatid, guro't kaibigan
Bawat kakilala't mga kababayan.

**********
Habang ang isip ko'y buo at malinaw
Pilit itinitik, masasayang araw
Sa bayan ng Payti, noong kabataan
Mga ala-alang 'lagi sa isipan.

Sana naman itong aking nakayanan
Ay magbigay sigla, k'unting katuwaan
Ang pagkukulang ko'y sana'y di pulaan
Ng babasang madla't mga kababayan.

Kung Payti ang bayang iyong tinubuan
Itong aking tula'y madali mong sundan
Sa mga salitang 'di pangkaraniwan
Maghanap ng taong mapagtatanungan.

Unang Bahagi

Minsan, ako ay umuwi sa bayan ng Payti
Bakas ng kahapon halos pawing-pawi
Sa dami ng bahay, pataasan wari
'Di ko na matukoy ang daang pauwi.

May katulad kaya ang bayan ng Payti
Para kang 'sang butil na palay na binhi
Tumubo sa puso, dinilig ng tuwa
Lumago sa dibdib, nagtahan sa diwa.

Mga ala-alang namugad sa dibdib
Unti-unti silang bumukal sa isip
Parang kahapon lang, ako'y isang paslit
Ang mahal na lugar tunay na inibig.

Paliguy-liguy man, masikip na daan
Sa gabing madilim, aking nasusundan
Kahil na nga takpan, mata ma'y piringan
Hindi naliligaw, dalhin kahit saan.

Pusali ng langit, maraming may sabi
Ang buhos ng ulan walang pasintabi
Gabi man o araw, umaga't tanghali
Ang dating ng tubig walang patumanggi.

Wala kang katulad sa baybaying bayan
Bundok na sagana sa dakong Silangan
Matamis na bunga nitong lansonisan
Sa Maynila'y tanyag, hindi mapantayan.

Sa gabing madilim, kung sisilipin ko
Tila baga altar o parol sa Pasko
Ilawang gasera, sa dakong Humarap
Pantaboy sa kabag, kukutikutitap.

Marami ding lugar 'lagi sa isipan
Itong Tatlong Kurus na makasaysayan
Ang Mapulang Lupa, Makumbo't Gumihan,
(Talagang dalaga't mga kaparangan)
May pag-asa kayang sila'y masilayan?

Sa Kanlura'y bukid at mga palayan
May maraming punsak at mga gulayan
Dagat ng Laguna, lawa na mayaman
Nagbibigay buhay, masipag ka lamang.

Ang ilog sa Gitna, mababaw, tahimik,
Tubig ay nagbuhat sa talong matarik
Kung tag-ulan lamang, nagiging mabilis
Kayumangging tubig ay lubhang mabangis.

Sa kalye J. Rizal, sa puso ng bayan
Sa may Karyong Bado, palaging umpukan
Huwag pahu-huli sa mga usapan
Ipagbibili ka, kahit usluan lang.
(Baka naman ikaw ay uutuutuin
Ito'y biruan lang, huwag mamasamain.)

Dito din sa Gitna, kumpol ang barbero
Tila mag-aama, Amang Juan't Celso,
Kang Jose at Senyong, at si Amang Pilo
Si Odok at Angkos, Mang Siso, Mang Henio.

Huwag pahuhuli sa mahabang pila,
Lalo't maghihintay, disperas ng piesta
Ang uhaw at gutom baka pag-abutan
O gabihin ka ma'y, 'di rin magupitan.

Ang plasa Edisan, tapat ng Ermita
Miting de abansi, kantaha't komedya
First trip sa umaga, ito ay hintayan
Dito nagtatagpo ang magkasintahan.

Ang kasama mo ba'y 'di makilatisan
Ng mga kasama't mga kaibigan
Siguradong last trip ang dating sa bayan
At first trip ang alis, LTB'ng sasakyan?

Opisina ni Mayor ay sa munisipyo
Sa harap ng plasa at ng monumento
Tanghalan ng bayan, mga kandidato
Labana't dibati hanap ay boto mo.

Malaking simbahan ay sa Katoliko
Matandang gusali, luma't parang bato
Kampana'y kay laki, malakas ang tunog
Panggising sa tulog lalo na't may sunog
(Nag-ririkotiba sa toreng matayog.)

Ang simbahang maliit sa tabi ng plasa
May entabladong gamit kahit na ano pa
Sa daang Regidor nakaharap siya
Ngayon ay Madrinan, Scout Paulo na.

At sa hating-gabi Pasko kung mag-misa
Hindi nagsasabay pagdating ng Gloria
Pagsilang ng Diyos naguunahan ba?
Hudyat ng pagsilang, isa'y laging una.

Sa aking isipan'y binubulay-bulay
Maging Katoliko o maging Aglipay
'Di pa pinag-isa at 'di naghiwalay
Iisa ang Diyos na ating pagnubay.

Sa patyo'y may puno, tila nagdiringas
Kung namumulaklak, bunga'y nalalagas
Sa hihip ng hangin na pumapagaspas
Kabalyero yata, may punong kay tigas.

May isang tradisyon sa dakong Ibaba
Puntahan ay Wawa ng bata't matanda
Mas marami namang dalaga't binata
Kahit Kuwarisma, baina, ay napakasaya.

Ano naman kaya, ating napupura
Sa pagpunta-punta sa malayong wawa?
Lakad hanggang dulo, saka babalik din
Balitaan lamang, katuwaan mandin.

At siguro naman ang iba'y may layon
Barkada'y kasama, at naglilimayon
Pasulyap-sulyap na, at palingon-lingon
Mutyang binibini, siya kaya'y nando'n?

Mga mangingisda, tao sa Ibaba
Dahil sa malapit sa Lagunang lawa
Mahusay lumangoy pati mga bata
At kung magsiligo ay mistulang isda.

Ang lahat ng tao nitong buong bayan,
Magmulang Quinale hanggang Bagumbayan,
Magmulang Ibaba hanggang sa Ilaya,
Magkakamag-anak, si Amang, si dada.
(Kabaya'y kilala, sa punto at mukha.)

May isang lalaking tumandang binata
Ina'y taga Payti, laki sa Maynila
Nanligaw sa atin, adhika'y dakila
Kamukat'mukat mo'y pinsang pakalawa.

Mga tao sa Payti, parang isang puno
Mahaba ang ugat, abot ay malayo
Ang lahat ng supling at bawat lanubo
Ay magkakarugtong saan man tumubo.
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail
SCNavarro



Joined: 08 Dec 2010
Posts: 17
Location: Barrie, ON, Canada

PostPosted: Sat Jun 24, 2017 2:00 pm    Post subject: TULA: ALA-ALA NG PAETE, 1950s Reply with quote

Pangalawang Bahagi

Ang mga binata'y may tula sa labi
Akala mo tuloy naglalambing lagi
Sa punto'y alam mong sila'y taga-Payti
Kahit na nagtira sa bansa ng Puti.

Binibini'y tahimik, kung tubo sa Payti
Ganda'y katutubo, balat kayumanggi,
Mapungay ang mata, rosas, mga labi
Dulo ng daliri ay 'di mo masagi.

Katulad mo'y birhen na walang dambana
Kilos malumanay, mapagpakumbaba
Maagang namulat, ganda ng ugali
Kung bibiruin mo, gantimpala'y ngiti.

Tila makahiya, asal ay mayumi
Masipag sa bahay, tahimik at kimi
Marunong maglaba, gamit ay pamipi
'Di naman bungisngis, kay mahal ng ngiti.

Kung manliligaw ka ay iyong alamin
Baka ang mapili ay kamag-anak din
Suriing mabuti at baka pinsanin
Huwag mo ng ituloy, bago ka biguin.

Kung hindi mo gusto't nagbibiro lamang
Binibining nasa, iyong pag-isipan
Dahil baka pikot, iyong pag-aabutan
'Di na makawala, kahit mag-tatarang.
(Maghanda na lamang, gastos sa kasalan.)

Susuriin mo rin ang ugali't asal
'Di kaya galawgaw , siya kaya'y banal?
Sirili'y pigilan na siya'y matangko
Baka ka magsisi't puso mo'y matibo.

Sa biro mo kaya siya'y magsimangot
Mukha'y di maipinta, singlaki ng buksok
Isipan marahil ay lubha pang bubot
Maghintay na lamang hanggang sa mahinog.

Huwag naman din daw labis na pihikan
Sa bayan ng Payti ay may kasabihan
Kung lubhang masilan at sobrang mapili
Baka ang madukot sa huli ay bungi.

*******
Bagumbayan..Cagandahan, Pascual, Gagaring, Bitangcol
Ilaya... Cajumban at Fadul, Adao, Valdello't Cahatol
Quinale.. Umali, Madridejos, Baguio at Saldea
Ibaba... Quesada't Aguinaldo, Villamayor, Salceda.
(Maytoong...Dequito, Afurong, Bernardo, Solleza)

Sa mga pamagat, hindi patatalo
Mayroong Kalamay, Bomba at Kabayo
Putakti't Palakat, Oombo at Bango
Kuyog, Langit, Tuwad, Haba't Balahibo.

Ang ilang banyagang sa Payti'y tumira
Marunong din naman silang makisama
At sa buong bayan, kilalang-kilala
Nandoon is Iyao, nariyan si Benga.

*******
Kinagawian na ng bata't matanda
Gumawa't maglaro, nitong saranggola
Katawan ay papel, bastaga'y kawayan
Pusposang ang hapin, nagpapataasan.

(Tawag ay bolador, hindi yata tama
Salitang volador bigay ng Kastila,
Ang volador mismo ang nagpapalipad
Saranggola naman ang pinalilipad.)

Malaki't maliit, iba-ibang yari
Mayroon patunog, buling nakatali
Hinaplusan pa ng suka at bawang
Na ikinakabit sa tukang kawayan.

Ang dapat iwasan ay pising de-bubog
Baka hindi lamang hapin mo'y malagot
Mapabasag-ulo, magulang masangkot
Di maiiwasan, samaan ng loob.

Batang maliliit, hatak ay sinapsap
Sa mahinang hangin ito'y lumilipad
Kung paikot-ikot o nag-salimaad
Buntot na maigsi, kailanga'y dagdad.

*******
Duon sa Ibaba, duon sa palenke
Araw ng Sabado, araw na tiyanggi
Kay dami ng tinda, mat'yaga ka lamang
Ay makikita mo hanap na pang-ulam.

********
Sa Payti lang kaya nauunawaan
Ang mga salitang di pangkarinawan
'Di ko naririnig sa ka-Maynilaan
At sa ibang bayang aking napuntahan?

Mga halimbawa ng salitang Payti
Hula lamang ito, baka ako'y mali
Baka laganap din sa ka-Tagalogan
Pagka't ako'y tao, pasensiya na lamang.
(Ang iyong patawad, isang kabanalan)

Dahil 'di maingat sa aking pag-adyo.
Ako ay nadaplag, tuhod ko'y umuro
Napasigaw ako, halos umalyawo
Si bilas, si bayaw , sila'y sumaklolo.

Hanap banggirahan, natirang minukmuk
Inaasam-asam, lasa ng palatok
Ang katlig ni Dada, kung ikaw ay lupog
Dahil sa makupad, huwag ka ng magdabog.
(Magsawa ka na lang, sulyaw ng binatog.)

Akala ko'y suhong lumabas sa siwang
Ng kawayang sahig ng aming batalan
Napapitlag ako, isang atang-atang
Gumapang, kumagat sa alak-alakan.
(Ang sakit umabot sa kasu-kasuan.)
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail
Bien Saaniano
Guest





PostPosted: Sun Jun 25, 2017 1:30 am    Post subject: Ala-ala ng Paete Reply with quote

Hindi ko alam kung paano naging makata itong si Ponyong, pero ok naman except na may salitang Tagalog ba na "patumanggi" at "pagnubay"?
Back to top
gest
Guest





PostPosted: Sun Jun 25, 2017 6:25 pm    Post subject: bien, syenya na Reply with quote

topographical error lang yata yon
pasensya ka na kung may maling spelling
pinagsikapan noong tao yan
Back to top
SCNavarro



Joined: 08 Dec 2010
Posts: 17
Location: Barrie, ON, Canada

PostPosted: Mon Jun 26, 2017 8:34 am    Post subject: Reply with quote

Bien,
Hindi naman ako makata. Nagpilit lang magsulat ng tula. Matagal ko na itong ginagawa, noon pang mag-classmate tayo sa ELI, pero ilang tao lamang ang nakakaalam. Ang pagsulat ng tula ay mapag-aaralan, may tiyaga lamang, hindi katulad ng Math.
Ang "patumanggi" ay palaging kasama ng salitang "walang" kaya
"walang patumanggi", salitang Paete na ang pinakamalapit sa English
na translation, sa palagay ko ay "recklessly". Wala namang akong Tagalog "spell checker" kaya may mga spelling mistakes na makikita.

Nakita ko sa iyong post na ang family name mo ay Saaniano pero
ang alam ko ay Saniano. Aling spelling ang tama?
Pong
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail
Guest
Guest





PostPosted: Tue Jun 27, 2017 12:25 am    Post subject: Reply with quote

King Arthur.....
Back to top
Bien Saaniano
Guest





PostPosted: Thu Jun 29, 2017 8:06 pm    Post subject: Tula: Ala-ala ng Paete Reply with quote

I really meant no disrespect, Ponyong. Katunayan sinabi ko na ok naman kung ikaw ay isang makata (nagsusulat ng tula). Ang puna ko lang ay sa paggamit ng mga salitang "patumanggi" at "pagnubay" na parang ipinahihiwatig mong mga colloquialism na ginagamit lang sa Paete. Sa paliwanag mo na rin, ang Ingles na "recklessnes" ang katumbas ng "walang patumanggi." Ang "patumanggi" yata ay hindi isang colloquial sa Paete kundi isang karaniwang salitang Tagalog na ang tamang baybay ay "patumangga." Kaya ang katumbas ng Ingles na "recklessness" kamo ay "walang patumangga." Yung "pagnubay" naman ay "patnubay" talaga. Di Ba?

At saka, dagdag ko na rin, ang Math ay napag-aaralan din katulad ng pagsulat ng tula, kaya nga may mga nagtatapos ng pag-aaral na ang titulo ay Bachelor of Science in Mathematics.
Back to top
SCNavarro



Joined: 08 Dec 2010
Posts: 17
Location: Barrie, ON, Canada

PostPosted: Thu Jun 29, 2017 9:32 pm    Post subject: Reply with quote

Bien,
Salamat sa paliwanag.
Pong
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail
SCNavarro



Joined: 08 Dec 2010
Posts: 17
Location: Barrie, ON, Canada

PostPosted: Thu Jun 29, 2017 9:56 pm    Post subject: Reply with quote

Pangatlong Bahagi

Tubigang maputik, palayang malinta
Tubigang mabitak, palayang ma-isda
Palayang may mata dapat na iwasan
Malalim na balon, na walang hangganan.

Pailog, pandilig, ng mga palayan
Ang pinanggalingan ay bambang sa bayan
Hindi natutuyo, tubig ay patuloy
Kahit na tag-init, sagana ang daloy.

Doon sa Kasili, sa tabi ng Puntok
Magmula sa libis hanggang sa may ay aruk
Ginawa ni Ama, sa maghapong singkad
Sipag at tiyaga, hanggang magka-edad.
(Malaki ang hirap, 'di pwede ang tamad.)

********
'Di ko malilimot, bagyo, noon bata
Nagdaan sa Payti, baya'y napinsala
Ang natandaan ko'y bansag ay "Jean" yata
Parang nakaukit sa aking gunita.

Nag-umpisa ito ay dakong umaga
Wala itong humpay hanggang sa gabi pa
Mga kapit-bahay ay nagsilisan na
Humanap ng bahay na nakatayo pa.

Maghapo't magdamag, ang langit kay dilim
Halos walang puknat, hangi't ulan mandin.
Pasipikong dagat siyang pinagmulan
Sierra Madreng bundok, hindi nasanggahan.
(Panalag ng bayan, sa dakong Silangan.)

Daan ay bumaha, bambang naging ilog
Yanig buong bahay sa lakas ng kulog
Ulap nag-unahan, parang itong langit
Sa talim ng kidlat, ay halos napunit.

Si Ama, kapatid at tiyuhing naroon
Sumugod sa labas, nagdasal sa Poon
Apat na haligi sa sulok ng bahay
May banting na kawad, agwanta sa buhay.

Mga kapit-bahay, nangag-sikuripas
Sa entresuelo namin ay parang sardinas
Tuhod nag-untugan, baba nangangatug
Kahit na pilitin, 'di na nakatulog.

Kape'y 'di nagkasya, salabat na lamang
Nakatagong biskwit, napilitang buksan
Kahit kakaunti ay pinagsaluhan
Tamang-tama lamang na naging agahan.

At ng mag-umaga, hupa na ang hangin
Sa paligit-ligid, kami ay tumingin
Mga punong kahoy, mga punong saging
Nagkalat sa daan, basura'y gayon din.
(Parang dinaanan ng pison at ng train.)

Ang bubong ng bahay ni Inanang Petra
Bumagsak sa aming bunsurang nag-baha
Katapat na bahay, kina Tandang Huli
Halos ay natumba pero giring-giri.

Maraming nangyari na kalunos-lunos
Gilutho sa Payte, masakit na ulos
Tumimo sa puso na parang balaraw
Sunog sa Ibaba sa madaling araw.
(Bayan ma'y tumulong, mayro'n ding pumanaw)

********
Kung wala ng aral, bahay lilisanin
Batang malilikot, takbo sa kaingin
Langkang nahihinog, ginustong pasdain
May-aring dumating halos himatayin.

Dada hagad pala ang kanilang turing
Hindi nakahabol sa batang matuling
Halos ay lumipad, parang paliyang-lyangan
Nataglaly sa kamay, sutla't dagta lamang

********
At kung Biernes Santo, prusisyo'y mahaba
Itong buong bayan sumali na yata
Pinangungunahan ng mga sakristan
Santong sunud-sunod, magsisilabasan.

At habang patuloy ang pagro-rosaryo
Ng LWK na maraming miyembro
Sa daang mabato, pasulyap-sulyap din
Takot na matisod, malugmuk sa dilim.

Mga Poong dala, may salita't galaw
Ang kanilang andas ay puno ng ilaw
Palamunti't gayak na parang busilak
Iba't ibang uri ng mga bulaklak.

Batang may ayukod, lagi silang handa
Kung ang prusisyo'y tumigil na bigla
At kung mapabilis sa iyong paglakad
"Alto" 'y maririnig, hinto ka na agad.

Una si San Pedro, na may dalang susi
Ang mahal na Senyor, Siya'y huli 'lagi
Maraming lalaki, handang humalili
May mga panatang pawang pang-sarili.

Doon sa salubong, tao'y nagkumpulan
Tahimik ang lahat, dapat na pakinggan
Ang tinig ng Birhen at ni Veronica
Sa sigaw ng Hudyo, baka magulat ka.

Kung Sabado de Gloria, gabi ay kay saya
Ang tao sa baile, pusturang-pustura
Tutog ng musiko, sayawan sa plasa
Gabi ang simula, bai'y pa-umaga.

*********
Di ko malilimot, dakong Bagumbayan
Daan na mayroong tulay na Lambingan
Ang Roces na kalye, anim taon lang
Na pinaglakaran, eskol ang hantungan.

Pilit bumabalik, hindi masa-sasa
Namugad sa puso ang mga gunita
Dahil ang PES ang siyang nag-mulat
Sa mura kong isip, pagbasa't pagsulat

Lubhang masisipag itong mga guro
'Di malilimutan, ang kanilang turo
Pagalana't Baisas, Madridejos, Cadang
Quesada't Cajipe, Cainto't Cajumban.

Ang katulad nila'y ang ulirang panday
Bakal na mainit, pilit sinasanay
Upang maging wasto ang ugali't asal
Nang handa sa unos, ang palaging aral.

Ang iiwasan mo ay kalabasang marka
Gawin ang aralin, pagbutihin sana
Magsunog ng kilay, para makapasa
Mag-aral ng puspos, buhay giginhawa.

May mga kasaba'y akong saling-pusa
Aba ay marunong kahit na utal pa
Kasamahan naming malaki't matanda
Pagbasa't pagsulat, 'di sila umubra.

Masipag at banal si Matandang Juan
Playground na malapad, kanyang hinahawan
Ang luntian damo ay kanyang alaga
Walang siyang tigil, tunay na mat'yaga.

*******
Sa ELI naman, kahit apat na taon lang
Masayang gunitang dala sa isipan
Sa pagbibinata, pagsulat, pagtula
Tila walang wakas, araw na kay sigla.

Mga taga-Payti na nagbibinata
Mata'y namulaga sa nakitang mutya
Ang nangagsidating, mga bagong salta
May punto at ganda, mga dalagita.

Maraming nagmula sa Pangil at Balian
May mga galing din, Famy't Siniloan
Kahalo na dito, mga batang Lumban
Kasakay sa jeep, taga-Kalayaan.

Marami din akong naging kaibigan
May mga tumagal ilang taon lamang
May tunay at tapat na mga katuto
Tuloy ang tawagan kahit magkalayo.

Noel Laurel, Baccay, Salome Gualberto,
Leandro Balquedra, Rufing Bagabaldo
Edil A. Valdivia, Naty B. Valdivia
Pablo Ramos, Baylon, Miss Evangelista.
(Huwag lilimutin, Attorney Dalagan,
Cajudo, Leticia Madridejos, San Juan.)

Sa tulong ng mga guro duon sa ELI
Maraming kasabay, tagumpay sa buhay
Nangasipag-tapos, doktor, inheniero
May mga enterpreneur at maraming guro.
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail
Guest
Guest





PostPosted: Sun Jul 02, 2017 3:02 pm    Post subject: Reply with quote

Nostalgia....
Back to top
SCNavarro



Joined: 08 Dec 2010
Posts: 17
Location: Barrie, ON, Canada

PostPosted: Fri Jul 14, 2017 9:44 pm    Post subject: Reply with quote

Pang-apat Na Bahagi

Nauso ang mga kumbatsero noon
Talagang nagbago, takbo ng panahon
Galing sa Kanluran, Rock n" Roll ang tawag,
Kanta, sayaw, tugtog, kasabay ay kawag.

Barkada'y santambak, sabay nauso rin
Graffitti sa bakod at sa mga dingding,
Parang isang bagyo na biglang dumating
Itong bagong uso ay kapansin-pansin.

Sino ang Kirat Gang, di ko nahulaan
Pana at balisong, tres kantos, panlaban.
Basketball sa gabi, libangan ng tao
Superking at Field Boys, Dribblers at Bolero.

Pantalong nauso, lowest at makipot
Tambak ang pumada, pamahid sa buhok
Hinati, binanat, kinulot, ginusot,
Kuhelyo'y patayo, nagmistulang burot .

Ang sabi ni Ama, "Ay nakatatawa
Magdamit, magsayaw at saka kumanta
Huwag gagayahin idolong si Elvis
Baka sa pag-uwi'y abuti'y aldabis."

*******
Sa umaga naman, baka magulantang
Kung hindi tilaok ng manok na tandang
Sigaw na pandisal, bunete't pamblanko
Nagmula sa Loling, Mino at 'mang Primo.

*******
Sa araw ng patay at ng mga santo
Lubhang masaya rin sa may sementerio
Paligid ng puntod hinawan ang sukal
Nitso, kinalburo, dasal ay inusal.

Sa gabi ng undas, manok ay itago
Huwag palabasin ang matabang aso
Pulutang masarap ng lasing sa kanto
Kahit na may pulis, wala kang panalo.

Maghanda na kayo ng ilang sentimos
Kung magsikanta na, batang nanglilimos
"Kaluluwa'y dumaratal, sa tapat ng inyong tahanan,
Kung kami po'y lilimusan, dali-dali po lamang
At baka kami masarhan, ng pinto sa kalangitan."

**********
Kahit Hunio pa lang, dayuhan dumagsa
Sila ay nagbukas sa may dakong plasa
Ng mga siderang puno ng paninda
Pang-akit sa tao, bago pa mag- piesta.

Ang piesta ng bayan ay Hulyo bente-singko
Ang poon na patron ay si San Tiago
Maraming ka-anak na nagsisi-uwi
At sa salo-salo, pagod, napapawi.

Magic ni Professor, pangalan ay Raydo
Na nagaanyayang pupugot ng ulo
May perya, may trembe, saka beto-beto
At may mga taong snake oil ang lako.

Ulan ma'y bumugso sa buwan ng Hulyo
Pitik man ang init, marami ding tao
Sa piesta ng bayan ay nagsisidalo
Yagyag mga anak, pati na katuto.

******
Ang hweteng sa bayan kahit ito'y bawal
Mahirap pigilan ang taong may asal
Si Tandang Segundo, kolektor ng taya
Mamira ang pusta, bastag lang ang tama.

Si Mang Indo naman, kalabang kolektor
Suot ay pantalon na parang toryador
Dala-dala'y pera't listahang mahaba
Numerong giniit, ito ang tatama.

Sinilip ang itlog, galing sa gagamba
Babalik sa hapon na nagbabalita
Swerte ang numero, lumabas ang taya
Balato'y namigay, malaki ang tama.

Maraming nagtayo ng perya sa gitna
Isang perang taya, kung ito'y tatama
Labing walong pera ang bigay sa iyo
Saklit, kalahati, mabagal lumago.

Kwatro-dyes, tres-kinsi,
Otso-bente, trese, katorsi-dose
Singko-onse, uno, nueve-dos, dise-sais
Disi-ocho-nueve, disi-nueve-onse.

Malas ang bangkero, roleta'y nag-tulog
Tiempo'y babaguhin, roleta'y niyugyog
Lalagyan ng pagkit, pilaway at tingga
Ibig na iwasan mataob ang bangka.

Pang-limang Bahagi

Ang papel na taka, naging hanapbuhay
Anak at magulang sila'y nakahanay
Magmula umaga halos maghapunan
Walang inatupag kundi ang takaan.

Iba-ibang hugis ang kanilang taka
Kabayo, kalabaw, manok at manyika
Dalagang may sunong, babaing may baksa,
Malaki't maliit, papel na maskara.

Sa umaga pa lang, atole'y handa na
Papel ang pambalot, kinusot-kusot pa
Mga lumang diaryo, pinagsapin-sapin.
Hanggang sa kumapal para tumibay din.

Sa init ng araw, taka' y tutuyuin
At para makuha at magamit pa rin
Panlabas na papel, ito'y bibiyakin
Panghuling pambalot, diyario'y pipiliin.
(Hahagod-hagurin, papantay-pantayin.)

May mga pamilya naman ang negosyo
Mamili ng taka sa bayan at baryo
Taka'y pipintahan ng mga dibuho
Takba ang lalagyan, laman ay pa-ulo.
(Saka ibi-byahe duon sa Ibayo)

*********
Anong pinagmulan nitong Salibanda
Magmula sa laot, sa Wawa sasampa
Magtago na kayo kung ayaw mabasa
Lalo na kung ikaw ay nakapustura.
(Sa buong umaga, baya'y lilibutin
Bawa't kasalubung ay ibig basain.)

********
Malaking negosyo, nauso ang bakya
Nagbigay sa bayan ng pera at sigla
Trusong malalaki, kay bigat buhatin
Kahit saan galing, ito'y inaankatin.

Puputulin muna ang trusong mataba
Uro't-sulong, tulak, lagaring mahaba
Sa gitna ng daan, tila paligsahan
Dalawang lalaking pawisang-pawisan.

Bantserong maingat sa pagmamakina
Sinunod ang guhit buhat sa plantilya
Huwag babatiin, huwag bibiruin
At baka maputol, daliri't kamay din.

Bakyang matataas, bakyang pang dalaga
Bulaklak na ukit, sa gilid kay ganda
Hawak ay trispiko sa naghapong singkad
Ng mga lalaking hindi maaawat.

Sa gabing madilim, langit na maulap
Ang malabong sinag ng ilaw dagitab
Sa mabatong daan ay aandap-andap
Ang bakya mo Neneng ay sumasagadsad.

Subalit ang mundo ay pagulong-gulong
Ang bakya ni Neneng hindi na sumulong
Araw ay dumating, wala ng gumamit
Tabi sa kaluluwa'y gulanit na damit.

Mga karpentero'y tanyag din sa Payti
Ang mga prudukto'y ibinibiyahi
Sa bayang malayo, yari'y malilinis
Pinto at muebles, panarang may kapis.

Hindi biro ito, puhunan talaga
Sa maghapong singkad, sipag at tiyaga,
"Lagari ng lagari, tawag si Tandang Bunyi ,
Ng madaling mayari ang simbahan sa Payti."

*******
Karaniwa'y gabi, maraming kalaro
Piko sa babae, lalaki'y lastiko
Sa tumbang preso ay magkahalo na
Pagiingatan mo ay maging taya ka.

Nausong mag-ipon, balumbon sa kamay
Kaha ng sigarilyo, halos di madangkal
Lucky Strike at Camel, imported na ngalan
'Di ipagpapalit, pinagiingatan.

Alikabok sa daan, kahalo ng putik
Dito naglalaro, mga bata ng suwit
Lastikong marami, lastikong makapal
Sa kamay ay tangan na nanggigipalpal.

Turumpong bayabas, galing sa lalikan
Patagalang ikot, padigo't basagan
Sigay na binari, makapal na tunay
Hampas, buhat araw, matira'ng matibay

**********
(At subukan naman ang bugtong sa Payti)
"Isang butil na palay, nakapupuno ng bahay."
"Batong galing Saray ay nakapipilay."
"Heto na si Kaka, bubuka-bukaka."
"Heto na heto na, sa dahon nakita."
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail
SCNavarro



Joined: 08 Dec 2010
Posts: 17
Location: Barrie, ON, Canada

PostPosted: Tue Jul 18, 2017 7:15 am    Post subject: Reply with quote

Pang-Anim Na Bahagi

Ang palay na binhi, sa balong malalim
Ililibing muna sa ng ilang gabi din
Binhing mabibintog, tila nahihimbing
Nang mangagsigising, handa ng itanim.

Palayan at bunton, matagal ng handa
Basa ng ang putik, pantay na ang lupa
Binhing maliliit, binhing mga musmus
Ay ihahasik na, dala sa paragos.

Taniman ng palay, araw na masaya
Mga kaibigang bayaning talaga
Pagtulong sa bukid sila'y 'laging una
Hanggang sa hapunan, umaga'y umpisa.

Pawis ay tutulo, mukha'y mangingitim
Pagod sa maghapo'y hindi daramdamin
"Magtanim ay di biro, maghapong nakayuko
'Di man lang makatayo, 'di mang lang makaupo."

Sa dakong tanghali ay magdaratingan
Ang mga babaing may palyok at pinggan
Umaasung sabaw, mainit na kanin
Puto at birenhe sa dahon ng saging.

At ang iba naman may dalang palatok,
Tu-tong, pritong hipon mayro'n pang minanok,
Tinutong may gata, gabi at kalakat,
Puno ang bilao, halos 'di mabuhat.

Panghimagas naman, ginataan langka
Easy lang kapatid, magdahan-dahan ka
Pamutat na kaon, mabigat sa tiyan
Lalo't sasabayan ng sago't binay-an.

Kung natatandaan mo, ika'y nabatukan
Sa pagmamadali, ika'y nahirinan
Matamis, dumikit sa lalamunan mo
Sa lakas ng dalbog, tumalsik ang biko.

May ilang buwan ding palay ay alaga
Sa ibon, sa tao, at sa mga daga
Bunto'y pinalaypay, damo ay ginamas
Patubig ay tuloy, hindi naglilimas.

Darating ang araw, ang puno ng palay
Ga-palyok ang laki, lalabas ang uhay
Uhay na pag-asa, araw ay darating
Magkukulay ginto't handa ng anihin.

Magaan at pipit, nakatayong uhay
Maraming pangarap ang nasasalalay
Matutupad na rin ang mga pangako
Pambayad sa Eastern, "Fully Paid" na ito.
( Buhat kay Madrigal, tatak sa resibo.)

Habang itong palay hinihintay-hintay
Na maging mabintog, kahit utay-utay
Mga ibong maya, na nagliliparan
Marami ding uhay ang binabanatan.

Manghuli ng ibon, laro lang ng bata
Ang palaya't linang ang sinasalida
Ang palaging gamit, saltik, si-ay, patda
Katuwaan mandin, ang maya sa haula.

Ngayon ko naisip, ngayon naunawa
'Di dapat ginawa, anumang nilikha
Putulan ng bagwis, itali ang paa
Siniil ko na rin ang laya at saya.

Anong mangyayari sa mga inakay
Kung wala ang inang hinihintay-hintay
Sa lamig ng gabi wala ding daramay
Magiging masaklap ang maigsing buhay.

Sadyang hinihintay araw ng anihan
Sa maghapong singkad walang pahingahan
Ang gamit ay karit at saka hampasan
Ginapas ng lahat, bago mag-ulanan.

Kahit amoy limpi't katawa'y kumati
Tumulo ang uhog, namitig ang binti
Mata'y tutubuan ng parang kuliti
Tuloy ang anihan, sa labi'y may ngiti.

Palay tutuyuin sa daang mabato
Agahan ang kilos, para ilatag mo
Banig sa kalsada, sa pwesto'y unahan
Kung babagal-bagal, pala'y tutubuan.

Sa buong maghapon, ay kakalaykayin
Bantayan sa ula't malakas na hangin
Asong naglipana, ay iyong tibugin
Manok na nag-gala, iyo ding hagarin.

Sa init ng araw, palay ay natuyo
Tatawagin naman, si Edong at Tiyo
May kalesang hila ng isang kabayo
Kiskisan ang punta para magpabayo.

Pang-pitong Bahagi

Ang susunod naman sa pag-aanihan
Ulan, kulog, unos, suba sa palayan
Mga magsasaka, salakab ay dala
Bago pa sumikat, araw sa umaga.

Gurami, tinikan, dalag, saka hito
At paminsan-minsan, itlog, parang pugo
Ang uwi ni Ama, bago mag-aagahan
Ng dahil sa galak, pagod naiibsan.

Itong aming Ama, lahat sinubukan
Bilang magsasaka, kanyang pinasukan
Trabaho sa bundok ay pag-kakaingin
Pagkakarpentero ay inatupag din.

Itong aming ina masipag talaga
Magmula umaga at hanggang gabi pa
Palaging katuwang nitong aming ama
Sa pagtataguyod ng aming pamilya.

Kay agang gumising, daa'y madilim pa
Sa wawa pupunta, hahango ng isda
Sa nangagdaratingang lalaki sa bangka
Puno ang bilao, 'di magkangdadala.

May dalag, tinikan, gurami at biya
May yapyap na hipon, kanduli at karpa,
Hipong malalaki, huli sa talabog
Hakot sa palengke, tila walang pagod.

Uuwi sa bahay, walang pahingahan
Ang natirang isda, lulutuin naman
May prito, may sabaw, mayroon ginatan
Para ipagbili at aming pang-ulam.

Sa may dakong hapon, tata-o sa perya
Mga kababayan, dagsa sa roleta,
Kung sinasabo na ng mga kalaban
Hatinggabi halos, oras ng uwian.

*********
Kung Linggo ng hapon, sabungan ang punta
Pintakasi ngayon, sa puti, sa pula
Binughan ng usok, bulik na tinali
Handa ng ilaban, pusta'y 'sang salapi.

Hindi magkamayaw, tao'y nagpustahan
Ang sigaw ay 'lo dyes, kamay nagkumpasan
Salpuka'y mabilis, madugong labanan
Lugmuk ang natalo, laking kamalasan.
(Wala pang pambaya sa hinimulmulan
Ang lyamadong manok, una sa takbuhan.)

*********
Agosto, Septiembre buwan ng lansones
Magmula sa puras, para bang butones
Sa puno at sanga, namumuting langkay
Maraming pangarap, ang nasasalalay.

Bakid na umakyat, pagbaba ay puno
Ng inaapanas na bungang kay bango
At nangingibabaw sa kaing na dal'wa
Pangregalong bunga tunay na kay ganda.

Tanyag na lansones, sa Payti nagmula
Ipinagbibili hanggang sa Maynila
Maraming ding bayan ang nagsisigaya
Imitasyong bunga, kahit na mapakla.

Ang dalawang kiing atang sa balikat
Dala sa tuwangan, tunay na mabigat
Palusong sa bundok, halos mapatakbo
Daan sa Humarap, madulas, mabato.

*********
Ang buwan ng Mayo, palaging masaya
May kubol sa kanto at may pabitin pa
Sunod sa prusisyon ay ang yanda-yanda
At nakandarapa, bata ma't matanda.

Bata'y mapapalad, ngayo'y tabang Mayo
Hindi nagsasawa sa goto at biko
"Kurus na mahal, kurus na mapalad
Darakilang altar, sasakop sa lahat."

Sa dami ng bahay na may santakrusan
Tila hinilaban ang busog na tiyan
Parang walang dala at wala ring hanhan
Nuno sa punso pa ang napagbintangan.

Nabalis ang sabi, 'di nag tabi-tabi
Bago tumilaroy ang binditang ihi
Dinikdik na bunga, laway, 'tsaka ikmo
Ang panggamot nitong ating albularyo.
(Kahit na ma'y bulong, hindi nakatulong)

**********
Nang dahil sa ukit ang Payti'y tanyag na
Hindi lang sa ngayon kun'di no'ng araw pa
Ang ginawang ukit, abot Europa
Humanga pati na hari ng Espania.

At talaga naman, halos buong bayan
Sa silong ng bahay, nagpapaligsahan
Batang maliliit ay tinuturuan
Trispiko at lukob, para lang laruan.

Malaki ang utang ng bayan sa ukit
Kabayong malaki't kabayong maliit
Mga santo't santa, kahoy na bitukling
Hugis ay lalabas , anumang hilingin.

**********
Tayong taga-Payti, bida sa sistihan
Ang kinakawawa sa mga biruan
Mga mamamayang kalapit na bayan
Mula San Antonio, pati na ang Lumban.

"Ang poong inukit", ang bida ng isa,
"Nakapako sa krus," sa Lumban dinala
Ang sermon ng pari: "Si Kristo'y nagdusa
Nagkasugat-sugat, nagkapasa-pasa."

Ano panga't sabi, naghirap si Kristo
Dahil nagkasala ang tao sa mundo
'Di na napigilan, isang mamamayan
Ang sabi sa pari na may puntong Lumban.

"Aba, aba, padre, isasagot na po
Hindi po kami ang sumugat kay Kristo.
Nanggaling sa Payti kaninang umaga
Ito pong si Kristo ay sugat-sugat na."

At sinundan naman ng isa pang bida:
"Mayron daw sumakay sa jeep na mama
At sa bawat kanto ang sigaw ay "Para"
Siempre, tigil ang jeep na nagmabagal na.

Ang tanong ng tsuper: "Ano bababa ba?"
Puntong San Antonio, ang sagot sa kanya
"Aba mamang tsuper, aba
Nagpa-practice lamang, aba."
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail
SCNavarro



Joined: 08 Dec 2010
Posts: 17
Location: Barrie, ON, Canada

PostPosted: Wed Jul 19, 2017 9:20 pm    Post subject: Reply with quote

Pang-huling Bahagi

Bakit kaya bakit, ang bawat hakbang ko
Parang inaakit at hinihila mo
Balaning malakas ang pakiramdam ko
At walang pagkupas, pagtingin sa iyo.

Sa aking himlayan, ay pabiling-biling
Mahaba ang gabi, oras ay di pansin
Naiisip kita, mula sa paggising
Pook na maliit at bayang masining.

Sa aking pagtulog na hindi mahimbing
Sumungaw sa langit, bituing maningning
Ikaw kaya'y tanaw sa munti kong bayan?
Magsilbi kang tulay, kahit sandali lang.
(Ipaki-sabi mong ako'y 'di nagkulang )
At sa panaginip gusto kang kapisan.)

Tinubuan lugar, una kong tahanan
Kahit na nagtira sa malayong bayan
Tumanda man ako dine sa Kanluran
Bayang Payti pa rin sa puso ko'y hirang.

Parang pag-ibig din noong kabataan
Puno ng pag-asa at kaligayahan
Subalit nagbago, bayan ay nilisan
Ang unang pag-ibig, biglang binitiwan.

Sa paghahanap ko ng mayamang pugad
Pag-ibig nawaglit, nag-iba ng hangad
Ngayo'y nagsisisi bakit ba nagbago
Hinahanaphanap dating paraiso.

Nais mang magbalik, ibig mang madama
Araw na nagdaan, kahapong kay saya
Kalimutan na lang, mga nakaraan
Pagsisisi mandi'y 'laging sa hulihan.

Pag-ibig sa bayan aking nakilala
Ito ay katulad ng unang pagsinta
Malilimutan mo na pansamantala
Nagbabalik pa rin sa tuwi-tuwina.

Sa kaibuturan ng puso, ang sinta
Laging naiisip, laging umaasa
Kahit na ang isip tila malabo na
Pinangarap pa rin, siya ay makita.

Payting sinilangan, bayan na nilakhan
Ika'y nakapinta sa aking isipan
Ako kayang lingkod, iyong nalimutan
Ang mukha ko kaya'y 'di na matandaan?

Bakit kaya bakit, sumulat ng tula
Binuksan ang puso, ginising ang diwa
Ano kayang sanhi, gusto kong malaman
Ang huling uwi ko kaya ay paalam?
( O bahagi ng puso, sa Payti naiwan?)
***********
Lolo ng Ina ko ay tubong Bulakan
Bayan ng Calumpit, kanyang sinilangan
Marahil sa dugo nitong aming angkan
Ang daloy ng tula'y mahirap pigilan.

Sa babasa nitong sinulat kong tula
Huwag sanang baguhin, talata't salita
Suriing mabuti at siguro naman
Ang ibig sabihin, maliliwanagan.

Kung may pagkakamali, ako'y tao lamang
Ang iyong patawad, isang kabanalan.
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail
Display posts from previous:   
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Family Trees All times are GMT - 5 Hours
Page 1 of 1

 
Jump to:  
You can post new topics in this forum
You can reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum


Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group