TULA AT AWIT- Pamasko
Select messages from
# through # FAQ
[/[Print]\]

USAP PAETE -> Tulaan (The Forum of Batang Patio)

#1: TULA AT AWIT- Pamasko Author: SCNavarroLocation: Barrie, ON, Canada PostPosted: Sun Dec 22, 2019 3:11 pm
    —
"SIMBANG GABI SA PAETE"

Ang simbang gabi sa bayang tinubuan
Palaging nagbabalik sa aking isipan
Ama, Ina, anak, patungong simbahan
Upang salubungin, sanggol, isisilang.

Ang lubhang malamig na simoy ng hangin
Hiindi pinapansin; ang daan madilim
Mabato't maputik, pilit tatahakin
Upang matupad na, pangako sa Birhen.

Tunog ng batingaw sa simbahang luma
Tila nagsasabing, Pasko'y malapit na
Dapat na ihanda ang puso at diwa
Dahil darating na, sanggol na dakila.

Awit sa simbahan, walang kasing sigla
Ang ayos (gayak) ng altar, tunay na magara
Sadyang ibinagay sa Haring darating
Pag-ibig na tunay, ang handog sa atin.
II
Sa pagmamadali, almusal may wala
Salabat na lamang, laman ng sikmura
Kahit na ang mata'y hindi maidilat
Handang salubungin, sasakop sa lahat.

Binata't dalaga, naunang dumating
Hindi sa altar lang ang kanilang tingin
Mata'y gumagala, naghahanap mandin
Simula ng misa'y tila hindi pansin.

Kahit inaantok, ibig pang mag-inat
(parang sinisinat)
Talukap ng mata, pilit ididilat
Tila masusubsub, tila mahuhulog
Sa pagkakaupo, halos makatulog.

At ng matapos na itong simbang gabi
Masiglang lumakad, antok ay napawi
Tindang sunud-sunod doon napagawi
Bibingka at kape ang kanyang pinili.

Pagdating sa bahay hindi mapakali't
Masakit ang ulo, siya'y alumpihit
Gusto pang bumalik sa higaan banig
Pero naghihintay, trabaho sa bukid.


"TAYO AY MAGSAYA, NGAYO'Y PASKO"

Nadidinig mo ba, aking kaibigan
Tinig, mga anghel na nag-aawitan?
Naligtas na tayo, at sankatauhan
Nagdiriwang ngayon buong kalangitan

Tayo ay magpugay, handog ay ihanda
Malinis na puso, pag-ibig sa kapwa
Tahakin ang landas na makatuwiran
Katulad ng Magong galing sa Silangan.

Tayo ay magsaya mga kaibigan
Dahil dumating na't sa mundo'y sumilang
Si Kristong nagbuhat sa Diyos Ama natin
Siya ang pag-asa, 'di na hihintayin.

Tayo ay magdiwang, si Kristong sasakop
Nagkatawang tao, sa hirap kasukob
Upang ang pag-ibig sa mundong ibabaw
Ang siyang mag-hari sa gabi at araw.

Tayo ay matuwa dahil ngayo'y Pasko
Dahil dumating na't sumilang sa mundo
Si Kristong kaloob ng ating D'yos Ama
Siya ang pag-asa, tayo'y maligtas na.

Tayo ay magsaya sa araw na ito
Malinis na pitak, ihanda sa puso
Tanggaping maluwag ang handog at alay
Ni Hesus, sa mundong sa sala'y nahimlay.


"Lualhati sa Dios sa Kaitaasan"
(Tula o Awit, himig "Angels We Have Heard On High"

https://www.youtube.com/watch?v=WHWqj6gKS9g
(When the song starts, do not close the website but go back to the Tagalog adaptation to sing-a-long.)

Sa langit, nag-awitan
Mga anghel, na kay saya
Buong mundo'y nagdiriwang
Si Kristo'y isinilang.

Lu----alha---ti sa kaitaasan
Lu----alha---ti sa kaitaasan

Halina sa Bethlehem
Saksihan ang pagdating
Sambahing buong lugod
Si Kristo na sasakop.

Lu----alha---ti sa kaitaasan
Lu---alha---ti sa kaitaasan

Sa sabsaba'y nahihimlay
Sanggol na Haring mahal
Puso mo'y maaakit
Sa sanggol na marikit.
or (Sa tanawing kay rikit.)

Lu---alha---ti sa kaitaasan
Lu---alha---ti sa kaitaasan


"BAYANG PINAGPALA"
(Tula o awit, himig "O Little Town of Bethlehem" Nat King Cole)

https://www.youtube.com/watch?v=rmrxeLgt0_8=

O bayan na pinagpala
Tahimik at dukha
Habang ika'y nahihimbing
Tala ay nagningning
Kahit sa gabing kay dilim
Liwanag, dumating
Kay tagal na hinihintay
Pag-asa sa buhay.

Si Kristo ay isinilang
Ni Mariang hirang
Habang tayo'y natutulog
Mga anghel, tanod
Ang talang maliwanag
Sa lupa ay hudyat
Si Kristong Hari'y dumating
Tutubos sa atin.



USAP PAETE -> Tulaan (The Forum of Batang Patio)


output generated using printer-friendly topic mod. All times are GMT - 5 Hours

Page 1 of 1

Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group