PAETE.ORG FORUMS
Paetenians Home on the Net

HOME | ABOUT PAETE | USAP PAETE MUNISIPYO  | MEMBERS ONLY  | PICTORIAL PAETE | SINING PAETE  | LINKS  |

FORUM GUIDELINES
please read before posting

USAP PAETE Forum Index USAP PAETE
Discussion Forums for the people of Paete, Laguna, Philippines
 
 FAQFAQ   SearchSearch    UsergroupsUsergroups   RegisterRegister 
 ProfileProfile   Log in to check your private messagesLog in to check your private messages   Log inLog in 

Paete Ang Tahanan ng Ating Lahi......
Goto page 1, 2, 3  Next
 
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Tulaan (The Forum of Batang Patio)
View previous topic :: View next topic  
Author Message
Bulanggugo......
Guest





PostPosted: Wed Sep 28, 2011 12:52 pm    Post subject: Paete Ang Tahanan ng Ating Lahi...... Reply with quote

Naalaala ko lang.........habang break time...

Noong araw naman wala sa mga usapan
Hindi pinangarap ang lisanin ating bayan
Kahit pa nakasadlak sa imbing kahirapan
Ang nagisnang mga buhay ay ayaw iwanan.

Ang ating kaligayahan ay may kababawan
Kung ikukumpara sa lakad ng kasalukuyan
Mga okasyong kahit pa halos buwan-buwan
Gastos at pag-aabala hindi pinagsawaan.

Ang mga kalsada ay hindi sementado
Maalikabok, lubak-lubak, nagkalat ang mga bato
De-padyak, o de-motor na tri-cycle hindi uso
Mga tao’y naglalakad, kwentohan sa mga kanto.

Paimbay na nilalakad mula Ibaba tungong Ilaya
Nakabakyang namamasyal, habang-daan naghuhunta
Mula Quinale nararating Bagumbayan di dipara
May kahirapan man ang buhay hindi nauubusan ng saya.

Kapag pamilya mo’y nagutom ikaw ang may kasalanan
Sila’y kaya mong buhayin sa yaman ng kalikasan
Ang itaas ng kabundukan sinupin mo at taniman
Lamang-dagat na kay yaman doon sa dakong kanluran.

Marami ring sa industriya ay naunang namuhunan
Umingay ang bayan natin sa sa nagkalat na bakyaan
Mga taka ay nagkalat sa kalsadang daraanan
O di kaya’y mga palay na sa banig nakahuyang.

Sa paslit kong kaisipan, bagay na di ko malimutan
Kung may ibig ipahayag ang pinuno nitong bayan
May “pabandong” babasahin, mga bagong kalakaran
Tatapusin sa pangalan “Manuel Agbada, Punong Bayan.

PAKI-DUGTUNGAN KAHIT HINDI PATULA.......
Back to top
Bulanggugo....
Guest





PostPosted: Thu Sep 29, 2011 1:10 pm    Post subject: Susog...... Reply with quote

Inabot ko na ang ilaw na ang tawag ay “gasera”
Dahil ang gamit ay gaas, ang sindihan ay ang “mitsa”
Kaya sa iyong paggising minsan ay matatawa ka
Ang ilong ay nangingitim sa agiw na sangkaterba….hahahaha!

Kung Septyembre at Oktubre kabundukan ay sulyapin
Tila bumaba sa Payti ang napakaraming bituin
Nagkalat ang mga ilaw saan man ibaling ang paningin
Upang nahihinog na lanzones paniki ay ‘wag dagitin….......hanggang ngayon pa ba ito?

Naranasan kong maglaro sa kabilugan ng buwan
Sa mga troso ni Amang Niko kami ay nagtataguan
Walang takot maghabulan sa trosong galing Mauban
Na kung ilang taon ding nagpasigla ng bakyaan.
Back to top
kinale
Guest





PostPosted: Fri Sep 30, 2011 9:37 pm    Post subject: paete Reply with quote

K- inale, purok na sinilangan
tabing bundok aking kinagisnan
araw nakatutok sa aming bahay
masarap, mahirap ang aming buhay....

I- tong aking munting ala-ala
hindi malimutan kahit ngayon na
tagal na dito, sa America
may asawa't mga anak na....

N- uong kami ay mga bata pa
ang playground namin itong kalsada
sinasabi sa mga anak ko
itong laro namin, tumbang preso....

A- ng bilin ko sa mga anak ko
not to forget sila'y Pilipino
ugali nila ay huwag mabago
kahit ako ay wala sa mundo....

L- aging naiisip aking pamilya
magulang, kapatid tumatanda na
nanay, tatay sa mundo'y wala na
ganito pala pag tumatanda ka....

E- rmita duon lumipat
ilang taon duon naparapat
sa America duon napadpad
ito ang aking gulong ng palad.

Ito po ang aking ala -ala nung bata pa ako diyan sa Paete....pasensiya kung hindi kasing ganda ng tula 'nyo.
Thank you.
Back to top
Guest






PostPosted: Sat Oct 01, 2011 12:58 am    Post subject: Reply with quote

Naala ko lang..

At kung ang mga troso ay mahati- hati na,
At maikorteng BAKYA na,
Ihahanay na sa loob ng TAKBA,
Upang sa Maynila ay maideliber na!
Back to top
Bulanggugo.....
Guest





PostPosted: Wed Oct 05, 2011 7:02 am    Post subject: Lahing Payti Reply with quote

Kapurok ko sa Kinale,

Bumilis ang daloy nitong aking dugo
Sa mga tinurang nanggaling sa puso
Ramdam ko bagang ika'y nakalaro
Nagkasalo tayo sa dekadang "ginto."

Jokalapens, piko, tumbang preso at lastiko
Limuran, tansan, manik, at kaha ng sigarilyo
Saltikan na ang bala ay baging, pati trumpo
Gaya sa sineng espadahan, pinakintab na kuko.....hahahaha!

Halos nalimutan na rin ang tinawag na takba
Na sa mga bakyaan lamang natin makikita
Isinasalansan sa magdamag pakain nina Inang Ligaya
Kahit pa mapuyat dalaga't binata'y masasaya.

Idagdag nyo na ang mga nasa alaala
Bago pa lumawig ang inyong amnesya............
Back to top
Bulanggugo...........
Guest





PostPosted: Fri Oct 07, 2011 8:14 am    Post subject: Tuloy-tuloy lang......dugtungan...... Reply with quote

Naranasan ko rin nuong mag-ayukod
Mahal na Araw sa prusisyong nakakapagod
Mula sa simbahan bawat kalye ay iniikot
Aglipay at Romano ay nagpapang-abot.

Habang ang may-ari nitong mga santo
Bayanihang nagluluto matapos ang ayuno
At pinakakain ang kahit na sino
Ang buong bayan ng Paete masayang-magulo.

Usong-uso noon ang halikan sa Senyor
Na sinasabayan din ng nga “Dayunyor”
Doon sa madilim na sulok ng iskul (PES)
At kalsadang tabing-ilog patungo pa doon (alam nyo n yun)

Haaay naku ang bayan ko maraming gay-unan
Maraming ginaganap araw-araw o linggohan
Ang mga sosyalan walang katapusan
Mga alaalang di malilumutan.
Back to top
EME-ENE
Guest





PostPosted: Fri Oct 07, 2011 11:46 pm    Post subject: TUBO RING KINALE,MAGANDANG KALYE DAW Reply with quote

SALAMAT SA MGA TULA MO,TALAGANG PARA PARIN AKONG NAGLALAKAD SA MGA MABATO NATING KALSADA PERO KAHIT PAPAANO AY NATATAGALAN ANG PAKIKIPAG PROSUSYON LALO PAG BIERNES SANTO,IYAN ANG NAKITA KO NA IBANG-IBA NA SA ATING BAYAN AT KABABAYAN, ABA....AY HUMIHINTO AT NAGIINUMAN AT NAG KAKATUWAAN,MAY NAGCE-CELL PHONE PA ....AY TALAGANG MATATANDA NA YATA KAMI...19TRALA-LA THANK YOU BULANG-GUGO
Back to top
RUBEN G. CAGAYAT
Guest





PostPosted: Sat Oct 08, 2011 11:18 pm    Post subject: PAETE AT PAYTI PA RIN Reply with quote

Salamat katotong bulanggugo sa mga tinuran
Malayo man ay malapit din aking pakiramdam
Panahon ng kabataang hindi napaparam
Kahit ang abang lingkod nyo'y nangingibang bayan

Ang mga araw na nagdaan ay may saya at lumbay
Maligaya kapag nakaupo sa bangkang pakaway
At doon sa wawa nagsumpaang habang buhay
Mundo may magunaw walang taksil walang away

Subalit kung ang tinamo ay pait ng kabiguan
Sapagkat mahirap ka at ayaw ang mga magulang
Matagal ring panahon nagluluksa dulot ng kasawian
Dalangin ko'y sana lumigaya ka sa ibang kandungan.

Hanggang dito po muna ang maiksing maiduduksong
At sikapin nating makipagdugtungan sa dako pa roon
Mayayamang diwa at tulaang sa sining ay meron
Ang mga kabataang taga Payti talata nyo ay isuson


Dada Ruben
Singapura, 10 Oktubre 2011
Back to top
guest/rey bagalso
Guest





PostPosted: Mon Oct 10, 2011 9:18 am    Post subject: Reply with quote

Doon sa bagumbayan, na aking kinagisnan.
Masayang alaala,mahirap limutan.
Nagbibigay ng lakas at kasiyahan.
Musmos na isipan nahugis ang nalalaman.

Sa iskul na pinag aralan, lahat tayo ay nagdaan.
Malilimutan ba natin si Amang Juan Banal?.
Mga kuwentong katatawanan at multong lumalabas daw.
Habang nagtatabas, tuloy ang usluan.

Ang teror na si Mr. Cadapan, laging iniiwasan.
Ang mabait na si Mrs. Pagalanan ang pinupugay.
Isa sila sa naghugis ng ating kapalaran.
Salamat po ng madami sa inyong tiyaga at dunong na ibinigay.

Laro ng bastketbo, laging inaabangan.
Pinapanood ang magagaling, jump shat ay sinasanay.
Mga lusot ni Ric Bague,sundot sa tiyan ni Bey Bonin.
Ang jump ni ka Erning, ang rebound ni Ka Vergel.
Ang fast break ni Impo V. ang lay-up ni Casas C.

Ngunit pag kumidlat, kulog ay nasundan.
Ulan na kailangan, takbuhan nasa palayan.
Mga dalag,gurami,tinikan madaling dakmain.
Hito ay iniiwasan.

Dito din sa iskul, labanan ng bulador ay masasaksihan.
Sasalok ang bulador may bubog ang pisian.
Malutong na halakhak, kung ikaw ay tagumpay.
Habol ang bulador kung ikaw ay naputlan..

Sa mga kabataan dilag na sinisinta.
Sino ang makakatangi, kung si Ludy B. ang nakita.
Isa sa pinakamaganda, bae, baleng bale talaga.
Ano naman ang masasabi ninyo kay Esting Balandra.

At si Terri Africano, hindi man sa bagumbayan.
Isa sya sa bulaklak na gustong ligawan.
Nagtataka lang ako, bakit taga ibang bayan ang kanilang natagpuan?
Tayo bay mga tukiki, at ligaw tingin lang ang nalalaman? heheheheh.

Sa mga makatang sampay bakod.
Lagi kung alala, ang TABO ni Dumas ang napaganda.
Puno ng paghanga,pag-ibig at papuri nya.
Hindi ko lang matan daan, kung nakahalik sya.

Teka teka muna, taynga kuy pinirot ng asawa.
Time out daw muna at magluto ka na.
Minanok ang gusto at may anghang pa.
Sa Lucena ang palad ko doon ko siya nakita.

Mga ka iti kayo naman ang mag istorya...........
Back to top
kinale
Guest





PostPosted: Mon Oct 10, 2011 8:40 pm    Post subject: Reply with quote

sarap gunitain itong mga nakaraan
lalo na ngayong tayo'y nagta-tandaan
masarap isipin lumipas na kabataan
lahat ng nangyari diyan sa ating bayan.....

nuong bata ako meron ding nagustuhan
pangarap nuon kami'y mag-katuluyan
hindi nangyari dahil mga magulang
ayaw sa akin dahil may kahirapan.....

gusto ng nanay mag-punta ng America
maigi raw dito maraming makikita
oo nga naman dito walang nag-huhusga
pare-pareho tayong lahat, kumikita.....

matagal-tagal din dito sa America
isang lalaki itong aking nakilala
mabait, masipag itong aking nakita
sa awa ng Diyos buhay ko ay maligaya.....

minsan-minsan din aking naa-ala ala
napusuan nuon kumusta na kaya 'sya
may pamilya na 'sya at dalawang anak na
sana naman maligaya rin 'sya........
Back to top
whernas2001



Joined: 08 Sep 2007
Posts: 858
Location: beijing, china

PostPosted: Tue Oct 11, 2011 3:20 am    Post subject: Reply with quote

Aking Kamusmusan

Ipag paumanhin aking kapangahasan
Ang sumali dito sa inyong tulaan
Ito lang sa ngayon pansin koy tinakam
Nang mga istorya nyo noong kabataan

Ako ay mayroon ding mga karanasan
Sa bayan ng Paete noong kabataan
Nais ko ring ibahagi sa inyo kabayan
Masaya’t malungkot buhay na kinagisnan

Noon, ako ay lagi sa palayan
Naghahanap ng kung anong pwedeng pakinabangan
Kuhol, isda, kalatkat at ligaw na kangkungan
Ito na ang aming pangtawid gutom sa hapagkainan

Mainam din naman lagi sa kabundukan
Kasa kasama ng angkan ng Cajumban
Sila'y magagaling pagdating sa putihan
Santol at lansones, Manga pati sa Koprasan

Buhay ko'y umikot sagad sa kahirapan
Maagang nawala sa amin ang magulang
Ang aming ina lang syang pinagiwanan
Kahit anong hirap, buhay di inatrasan

Mapalad ang ibang aking kaibigan
Noong bata sila maraming nagmamahal
Kapag mahirap ka halos ay talikdan
Nang ating masalimoot na lipunan

Ang masayang bahagi sa aking kabataan
Noong ako ay laging nasa lansangan
Halos maghapon ay nasa bilaran
At kung minsan naman naglalaro sa ulanan

Doon sa Black hawk aking natatandaan
Palaging naliligo at naglalanguyan
Doon ako unang pagsisid ay natutunan
Umu-uwi’y palakat, may nagtago ng salawal

Sa gabi naman, kami ay taguan
mga musmus kaming walang kapaguran
tumba preso o kaya ay tubigan
at mayroon din kaming ginawang bayhanan

Ang buwan ng Abril Mayo'y inaabangan
Kumakanta't pulmipila sa pasantakrusan
Nag-ayukod sa poon libre ang hapunan
Sa pakubol naman ay nakipag agawan

Masarap gunitain lumipas na kamusmusan
Walang paki alam bastat masaya lang
Lalo na kung maganda ang kinagisnan
Masarap na buhay walang kahirapan.

Hangang dito na lang itong kwentohan
Ng guhit na palad ko noong kabataan
Salamat sa inyong sandaling inalay
Sa pagbabasa nitong aking ninilay nilay…
_________________
what is life without something
whernas2001@yahoo.com
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail Yahoo Messenger
Bulanggugo.........
Guest





PostPosted: Tue Oct 11, 2011 2:19 pm    Post subject: Susog kay Ka Ruben Reply with quote

Mga tinuran mo’y palasong tumimo
Tila ramdam pa rin ang pait sa puso
Sa pananagumpay may itinatago
Bakas ng kahapong mayro’ng pagkabigo.

Hayaang hugasan kahapong nagdaan
Ng masayang agos ng nakamtang buhay
Hamon at inspirasyon yaong kabiguan
Nagbukas ng tunay na kaligayahan.

Mabuhay ka Ka Ruben
Back to top
Bulanggugo....
Guest





PostPosted: Tue Oct 11, 2011 2:28 pm    Post subject: Susog kay katotong Rey Reply with quote

Rey,

Si Amang Juan banal ba ang siyang nagpa-uso
Nitong mga kung anu-anong kwento
Kesyo ay mayroong ang sabi’y “santilmo”
Lumiliit-lumalaki kapag minura mo????? Hahahaha

At yaong basketball court nasabing sementado
Tubig nagtatagal pag inulan ito
Mayroong madulas, butas-butas na dako
Pag minamalas ka bali ang ‘yong buto.

Mawalang galang na aking kaibigan
Ang paborito ko’y si Mr. Cadapan
Kahit pa mabagsik, may galing na taglay
At matututo kang mag-aral na tunay.
Back to top
Bulanggugo...............
Guest





PostPosted: Tue Oct 11, 2011 2:37 pm    Post subject: Kinale....tunay ka Reply with quote

Abai bakit baga iisa ng lasa
Mga unang pag-ibig noong mga musmos pa
Mayroong nabibigo at may lumigaya
May saya at lungkot pag naalaala.

Kung bakit nga kaya at di malimutan
Istorya ng pag-ibig na sa buhay dumaan
Ang alaala raw ay di malilimutan
kahit ang damdamin tagal nang naparam.

Sa English: The memories remain but the feelings are gone.
Back to top
eme-ene
Guest





PostPosted: Tue Oct 11, 2011 10:09 pm    Post subject: kaligayahan ko ang mga tulang paete Reply with quote

nasasayahan na akong magbasa ng mga tula ninyo,malakas ang aking pagbasa,para bagang ako ang bumibigkas ng mga tula ninyo sa platoporme ng plasa. busog na ako sa kaligayahan at biglang bumata ang aking puso. napipi ako at hindi makasagot sa inyong mga tula. nadarama kong paripareho tayo ng pananabik at pagmamahal sa bayan nating sinilangan. congrats to all eme-ene
Back to top
whernas2001



Joined: 08 Sep 2007
Posts: 858
Location: beijing, china

PostPosted: Wed Oct 12, 2011 3:24 am    Post subject: Reply with quote

Tuod ng Langka

Totoong mapait nagdaan kong buhay
Doon sa Paete na kay-sayang bayan
Ang lahat ng ito ay aking natikman
Sa mus mus kong gulang na walang kamuang-muang

Sa mura kong idad iyan ang napala
Minsan sinisisi ang amang may gawa
Kung bakit kami ay iyong nilikha
At iiwanan mo lang na mukhang ka-awa awa

Nagbago ang buhay, ng dahil sa kahoy
Doon sa kaingin aking pinuputol
Tood ng langka kahit matigas tini-tiyaga
Dahil noon ito nagkalat lang at isinisiga’’

Ang kahoy na ito ay lubhang mahalaga
Sa tulad kong mahirap na dito ay aasa
At sa araw araw ako ay kikita
Ikakabuhay na kahit konting barya

Mapalad din ako sa Paete ay isinilang
Marami din akong doon ay natutunan
Ako'y naglililok sa silong namin minsan
Pilit na piniga ang aking murang isipan

Ngayon ko nakita kapag malikhain ka
Di ka magugutom saan man magpunta
Ito ang pagkukunan, kahit konti ay sapat na
Kayang ipambuhay sa maliit na pamilya

Pansensya kana abang mambabasa
Sa tula kong ito na aking istorya
Malungkot man ay, ako ay masaya
Kahit nasa malayo ka di ako nag iisa.
Very Happy Very Happy Very Happy
_________________
what is life without something
whernas2001@yahoo.com
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail Yahoo Messenger
Ka Ming Baldemor
Guest





PostPosted: Wed Oct 12, 2011 6:31 am    Post subject: Kapitbahay, kapurok, kasabayan ng aking mga kapatid... Reply with quote

Whernas,

Nabalitaan ko sa mga kapatid
Kung paanong bininit sa himpapawid
At ang ginamit mo ay isip at bisig
Mapag-aruga ka't puno ng pag-ibig.

Iyan ay patunay na kung may pagsisikap
At hindi patalo sa anumang palad
Lalo na kung sa Diyos ikaw ay tumawag
Sa kinasadlakan pilit na aangat.

Sa mga talata na iyong sinulat
Ang kamusmusan mo ang ‘sinisiwalat
At kahit pa tagumpay ang iyong tinanggap
Ay sa lupa pa rin laging nakatapak.

Mabuhay ka!

Ka Ming
Back to top
RUBEN G. CAGAYAT
Guest





PostPosted: Wed Oct 12, 2011 8:50 am    Post subject: TULAAN Reply with quote

Kapag taga paete ang mga mambabasa
Mga tula natin sana'y makapagpaligaya
Malulungkot na kahapong lasang apaliya
Tumatam is pa sa repinadong kulay pula

Ang buhay sa atin nung panahon ko'' simpli
Malakas ang bakyaan ang pang ulong ay libre
Nahihingi ang pinaglukuan at ritaso sa tabi tabi
Sa kalang binastiya lumalambot rin itong karne

Mga pinto natin noon walang kandadong mahal
Kaputol na kahoy napangtukod itulak mo't mabubuwal
Subali't ang nakawan ay kukunti pagka't ito'y bawal
Mga tao'y may damdaming pusong ginto bumubukal

Ang mga naunang isilang ay may kanyang panahon
At panahon ay may kanyang tao angkop naman ngayon
Dala ng pag unlad at inog ng mundo marami ang napipikon
May mga tao na walang modo at gagamit ng aborsyon

Sabi nga ni MN talagang nag iba at naiwan na taga 19tralala
Marami ang saramulyo ilan na lang nagmamano sa ama't ina
Ang ligawan noon at pag tapo maka alas otso ay bawal na
Ngayon isang sutsot o kaya ay teks ang buhay ay maligaya

Kumusta sa inyong lahat lalo na sa mga mahilig ring tumula
Sabi ni Bulanggugo sagusaguna habang pwede pang kumatha
Pag meron ng amnesya kahapong nagdaan nawalang parang bula
Kaya't patuloy pasiglahin itong sining kay Balagtas nagsimula
Back to top
whernas2001



Joined: 08 Sep 2007
Posts: 858
Location: beijing, china

PostPosted: Wed Oct 12, 2011 10:33 pm    Post subject: Reply with quote

Kalye Gimbal (now J. Baisas Street)

Noon ako ay maliit pang bata
Laging naririnig, ang pangalang Liza
Nagtrabaho din ako maglilinis nila
Kay Kits at Amang Bert, kapatid nyong dalawa ( Kang Ming)

Maraming gawaan,may bantsuhan pa
Sa kalye Gimbal kung tawagin nila
Palaging bisi, at amoy ammonia
Nagkalat ang rapya, dooy nililiha

Ang kalyeng ito noon ay kay saya
Sa tulad kong bata na doon ay tumira
Ibat ibang kwento, ibat ibang eksena
Magkaaway ngayon, bukas ay bati na

Marami din akong dooy kababata
Naging kaiskwela, hangang ngayon ay kaibigan pa
Mayroon ding naiwan, nasadlak sa dusa
Sa hirap ng buhay di nakakabangon pa

Gusto mang balikan ang mga nakaraan
Nais mang namnamin lahat ng kasayahan
Ito nga marahil palad na pinaglagyan
Kaya tangap na, kalye man ay nilisan

Pag habi ng tula ay ipagpaumanhin
Masarap basahin kung kukulayan natin
kaya katototo ko, wag mamasamain
Gusto lang libangin, ang isip na nahimbing
Very Happy Very Happy Very Happy
_________________
what is life without something
whernas2001@yahoo.com
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail Yahoo Messenger
Bulanggugo ulit.
Guest





PostPosted: Thu Oct 13, 2011 8:22 am    Post subject: Tulaan natin.....saluhan Reply with quote

Sa aking mga barkadang Manunula.....mga Balagtas ng Paete

Sa inyong pagdiga ako’y nagulantang
Puno ng emosyon ang mga tinuran
Nasa mga puso, nasa kaibuturan
Mga alaala na hindi naparam.

Mga gintong alaala pa’no malilimot
Sa tuwing sasagi, may saya at kirot
Kahit pa ang buhay ay masalimuot
Pilit tatakasan kahit pa “bangungot.”

May pagmamalaki at taas ang nuo
Ang naging pagbangon iyong iku-kwento
Hindi lang sa anak kundi mga apo
Mga aral ng buhay na pinagdaanan mo.

Ang ating tulaan ang napakasarap
Malayang-malaya ating pag-uusap
Walang nanggugulo puro paghahayag
Ng mga damdaming laon ding naimbak……
Back to top
Guest






PostPosted: Thu Oct 13, 2011 4:43 pm    Post subject: Reply with quote

Pakiwari ko mga taga Paete noong araw ,
Sobra ang emosyon ang inililitaw,
Dahil halos yata tayo ay may pinag daanan,
Sa ating pag laki na hindi malimutan.

Kung karanasan lang ang pag uusapan,
Isa ako doon na may pinag daanan,
Hindi biro ito at hindi malimutan
Hirap na dinanas para maging ma tagumpay sa buhay.

Siyam kami mag kakapatid na lumabas sa mundo
Mula sa masipag na magulang nakumayod ng husto.
Walang yaman material ang binuhay sa mga supling na ito
Pero puno naman ng pag mamahal ang natanggap ng mga ito.

Sabi ni Ama,"mag aral kayo"
Hindi tulad ko na grade 6 lang ang natapos ko"
Ang Ina naman ay grade 3 lang ang nahayon nito ,
Pero masipag siya at may natural na talino".

Lahat kami ay pinag-aral ng mga magulang na mahal.
Pawis at dugo ang kanilang pinagdaanan
Para lang sa mga anak na kanilang minahal,
Salamat po Ama't Ina sa biyayang ibinigay.

Wala na sina Ama't Ina sa mundong ibabaw
Pero ang mga gunita nila ay laging nangingibabaw
Sa aking pusot'isip hindi ko malilimutan
Hanggang sa mga anak ko, gunita nila ay pina-alam.

Kahit nasa ibang bansa ang mga apo tinuran.
Alam na alam nila ang hirap ng mga Dada at mga magulang.
Lagi sina-sama sa pag uwi sa bayan na sinilangan(Paete),
Para makita nila ang ROOTS na pinang-galingan.

Taga Ermita
Back to top
Bulanggugo.........
Guest





PostPosted: Fri Oct 14, 2011 8:21 am    Post subject: Tama ka, kaibigang Bisita.. Reply with quote

Ang hindi lumingon sa pinanggalingan
Hindi makakarating sa patutunguhan
Tunay at totoo itong kasabihan
Mga buhay natin ang siyang katunayan.

Mantakin mo ang siyam na iyong bubuhayin
Sa panahon noong gusto nang limutin
Datap’wat itong mga magulang natin
Iginapang tayo upang pag-aralin.

Ang mga tulad mo at ang iyong kwento
Ay paulit-ulit sa buhay na ito
Mga magulang natin, lingapin nang husto
Sa dapit-hapon ng buhay nila sa mundo.

May pag-ibig kaya na hihigitan pa
Pag-ibig na kuyom sa dibdib ng Ina (at Ama)
Buhay na ‘pinunla, dugtong na hininga
Pangalawa sa Diyos, wala nang iba pa.
Back to top
Bulanggugo..........
Guest





PostPosted: Fri Oct 14, 2011 9:15 am    Post subject: PAANYAYA Reply with quote

Kayong kababayan na nananahimik
At sumusubaybay sa mga pilantik
Nitong mga dilang dati’y mga umid
Halina’t sumali, hasain ang isip.

Hindi naman ito isang pagligsahan
Wala ngang Hurado, wala ring husgahan
Kahit walang sukat, kulang ang tugmaan
Huwag kang matakot, at katuwaan lang.

Ang mas mahalaga tayo’y nagbubukas
Ng isang pintuang lahat ay kaangkas
Binubulatlat ang kahapong nilandas
May saya, may pait, may mga halakhak.

Kung minsan tayo ay may pagkakataon
Na nabubuklat ang kahapong binaon
At sa pag-iisa may naghihimaton
Na muling balikan nagdaang panahon.

Kaya kunin na ang panulat at papel
Subukang ilahad and iyong damdamin
At sa dakong huli pagtugma-tugmain
Ang mga talata ay paindayugin.

Kung sa akala mo matapos ang tula
Mukhang di maganda at baka mapahiya
Sige na “i-post” mo walang mali’t tama
Sa tulaan nating maraming natutuwa.
Back to top
kinale
Guest





PostPosted: Fri Oct 14, 2011 3:48 pm    Post subject: Reply with quote

Talaga ngang lahat tayo'y may pinagda-anan
masayang, malungkot ang ating kabataan
kahit ganon ang buhay may mga kasayahan
hindi ipag-papalit ang mga nakaraan.....

Buti ngang tayong lahat galing sa kahirapan
salamat sa kayod kapatid at magulang
'tiis sila para sa ating kinabukasan
mga anak natin 'di na sila mahirapan......

kahit anong hirap nuon 'di ko ipagpapalit
mga dina-anan nuong ako'y batang paslit
kung maibabalik lang ang mga naka-raan
palagay ko naman, meron pa ring kasiyahan.....

Buhay sa America masarap at mahirap
'dyan sa ating bayan mahirap pero masarap
pag retire naming dal'wa gusto ko rin malasap
sa Paete pa rin ako, 'yan ang aking pangarap.....
Back to top
whernas2001



Joined: 08 Sep 2007
Posts: 858
Location: beijing, china

PostPosted: Fri Oct 14, 2011 11:17 pm    Post subject: Reply with quote

Henerasyon

Kung sino man po kayo na taga Ermita
Kay ganda ng kwento nyo tungkol sa pamilya
Sa sipag at tyaga ng inyong amat ina
Masayang lumawig ang siyam na anak nila

Maaring masarap ang mabuhay noon
Lalo na kung pamilya moy hindi nagugutom
At kung dalawa naman silang laging magkatulong
Sa hirap ng buhay ito ay mai-a-ahon

May mga sandali, na di ko malimutan
Kagandahan ng asal noon sa ating bayan
Sagana sa pagkain ang material ay kaunti lang
Kaya kalimitan ay gantihan, sa pag aabutan ng ulam

Magkapatid ang turingan kay sarap ng samahan
Ganyan magtinginan, ang mga sina-unang katauhan
Laging nakahanda sa oras ng kagipitan
Hindi humihingi, kalimitan sila’y nag kukusa na

Ang mundo nga ay nag-iba, ugali'y nakasama na
Sa dami ng binebenta nagkalat minsan sa bangketa
Kung ano anong nau-uso kahit ito'y di kailangan pa
Wala ng libre lahat ay pera, sa buhay ang nagpapagana

Magkapit- bahay noon, marami ang magkasang-ga
Ngayon dumami na, ang ingitero’t mga ingitera
Pagkat di ka inn kung wala ka, sa uso ngayon kahit isa
Kay dami na sa merkado, kagamitan ay nag lipana

Kay sigla ng damayan, bihira ang mayroong utang
Ngunit ngayon ay gulangan, mahilig sa pakinabang
Dumaming mga kawatan, na noon sa atin ay madalang
Ito ang sukli ng pagdami, ng sa Paete ay naninirahan

Ang buhay noon at buhay ngayon, ay lubha nang mag-kaiba
Lumakad ka hangang pLaza, noon maraming sa iyo'y kikilala
Sa ngayon ay mag ingat ka, kaliwat kanan lumingon ka
Kung noon ay karitela, nyayo’y de motor na masakit sa tenga

Ganyan marahil itong mundo, kay dami ng pagbabago
Ang lisanin ang mahal mo, ngayon karaniwan na lang ito
Noon bayan natin gamit ay radio, at di nararating ng dyario
Computer, Celpone ang gamit mo, noon nama'y wala nito

Hangang dito na lang muna, itong tula ko na kay haba
Baka kayo ay ma- unga, dito sa aking naging katha
Pagkat ako’y gagayak na medyo malayo pa ang distansya
Maglalaro kami ngayon ng kaibigan kong mga tenista!!!

Hehehe pati laro ko nagbago na Very Happy Very Happy Very Happy
_________________
what is life without something
whernas2001@yahoo.com


Last edited by whernas2001 on Sat Oct 15, 2011 5:32 pm; edited 2 times in total
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail Yahoo Messenger
Display posts from previous:   
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Tulaan (The Forum of Batang Patio) All times are GMT - 5 Hours
Goto page 1, 2, 3  Next
Page 1 of 3

 
Jump to:  
You can post new topics in this forum
You can reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum


Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group