PAETE.ORG FORUMS
Paetenians Home on the Net

HOME | ABOUT PAETE | USAP PAETE MUNISIPYO  | MEMBERS ONLY  | PICTORIAL PAETE | SINING PAETE  | LINKS  |

FORUM GUIDELINES
please read before posting

USAP PAETE Forum Index USAP PAETE
Discussion Forums for the people of Paete, Laguna, Philippines
 
 FAQFAQ   SearchSearch    UsergroupsUsergroups   RegisterRegister 
 ProfileProfile   Log in to check your private messagesLog in to check your private messages   Log inLog in 

DIBORSYO SA PINAS.....PANIG KA BA O KONTRA
Goto page 1, 2, 3  Next
 
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Tulaan (The Forum of Batang Patio)
View previous topic :: View next topic  
Author Message
Ming Baldemor ..Bulanggug
Guest





PostPosted: Mon Oct 17, 2011 1:07 pm    Post subject: DIBORSYO SA PINAS.....PANIG KA BA O KONTRA Reply with quote

Ang una sa listahan nitong si Ka Ruben
Kailangan daw ba ang diborsyo sa atin
Isang napapanahong paksang-usapin
Na sa ating kongreso yata may naghain.

Upang di magtagal at maging simple lang
Ang kahit na sino ilahad ang isipan
Hatawin ang paksa wala nang kampian
Kung anong nasa puso iyong ipaglaban.

Ang kaba ko laang sa paksaing ito
Baka puro kontra dahil bansang-Katoliko
Kaya alang-alang sa gustong pagtatalo
Uunahan ko nang “Oo ako sa diborsyo.”

Sa mga lalahok tagubilin ko lang
Bawa’t patutsada huwag kahabaan
Sabihin ang panig bago mag-umpisa
Panig ka ba sa diborsyo o ikaw’w Kontra.

Bagama’t kailangan na medyo anghangan
Upang magkakulay inampala’y ganahan
Ang ating respeto huwag bibitiwan
Dahil ito naman ay katuwaan lang.

Ako’y maghihintay………

Ming Baldemor alyas Bulanggugo
Back to top
RUBEN G. CAGAYAT
Guest





PostPosted: Mon Oct 17, 2011 7:50 pm    Post subject: PANIG SA DIBORSYO Reply with quote

Bato bato sa langit ....

Ang panahon, tao at ugali ay iba na ngayon
Kaya't bayaang sa Diborsyo ay sumang-ayon
Mahirap man itong isipin at labag sa relihiyon
Kung ito ang angkop, ay di putulin ang relasyon

Kung itutuloy pa ang sinumpaang kasal
Lagi namang away limot na rin ang magdasal
Ang sustento ni lalaki'y pambili lang ng pandesal
Kung umuwi ay sandali at sa hi-way merong mahal

Ang asawa'y di na pansin biktima ng kalupitan
Martir na Ina, luha ay dumadaloy lagi sa tahanan
Mga anak ay gusgusin at kulang sa pagmamahal
Sa Amang walang silbi, at nagumon pa sa sugal

Kaya't isipin nating lahat kung meron na di payag
Na ang diborsyo'y maging legal usaping nasa hapag
Marinig ang katuwirang maging tanda ng pagliyag
Gusto mong ituloy ang pamilyang malapit ng malansag?
Back to top
whernas2001



Joined: 08 Sep 2007
Posts: 858
Location: beijing, china

PostPosted: Tue Oct 18, 2011 6:29 am    Post subject: Reply with quote

Deborsyo Pabor Ako

Kay ganda po ng Paska, na inyong sinimulan
Sa ating bansang , masasayahin at makadios na tahanan
Wag sanang magagalit mga taga susubay ng simbahan
Panig dingin ang batas, na sa kongreso ay dapat ng italastas

Simple lang sagot ko mga mambabasa
OO din ako panig at hindi kontra
Pagkat magsing-irog kung hindi na maligaya
Deborsyo ang sagot sa ganitong problema

Sa ngayon ay wala pa ring, matibay na batayan
2001 ay sa senado, 2005 ay isang kongresswoman
Sa 14th Congress ay Gabriella naman
Kababaihang pabor sa deborsyang inaasam

Bagaman at wala tayong, sapat na ka-kayahan
Ipatupad at gawiin, sa bansang sinilangan
Ang tanging dalangin sana ay pagbigyan
Deborsyo ay isa-batas at pagtibayin na hirang
_________________
what is life without something
whernas2001@yahoo.com
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail Yahoo Messenger
guest/rey bagalso
Guest





PostPosted: Tue Oct 18, 2011 7:59 am    Post subject: Reply with quote

Mga katotong sampay bakod, akoy panig ang katuwiran.
Diborsyo ay talagang kailangan at nararapat lang.
Hindi na dapat patagalin ang malungkot na buhay.
Sa ibang palad na lang makipagsapalaran.

Sa banyagang lupa na pansamantalang tuluyan.
Diborsyo ay tunay na pangkaraniwan.
Ang imoralidad dito ay walng hanganan.
Madaling matukso sa bango at kariktan.

Sa ating bayan at sa buong bansa.
Panahon na ito ay pagtibayin gawin batas.
Ngunit kahit makamit ang kalayaan.
Anak na walang malay ang siyang masasaktan.

Kaya ang sabi ko sa Lucenahin kabiyak.
Hiwalay kung hiwaly kung yan ang kagustuhan.
Ihiwalay ang puti, huwag isama sa may kulay.
Magsasaing pati ako ng maka isa na naman.
Back to top
Taguillero
Guest





PostPosted: Tue Oct 18, 2011 1:05 pm    Post subject: Divorcio ....? Nunca! Reply with quote

Bahagi ng tula nitong si Lina Flor,
Ay aking kinopya sa isang aklat noon.
Mga taludturan ay may nilalayon,
May ibig ihatid anong gandang 'leccion'

Heto na po...

"Ang ibong nagtampo sa kasuyong ibon,
Pilit magbabalik pagdating nang hapon.
Ang puso pa kayang nalanta't naluoy
Ang di pagbalikan ng dating yamungmong?

Ngayon ang tanong ko sa inyo ito.
Paano babalik ang ibong nagtampo?
Pirmadong papaeles, Diborsiyo raw ito
At sinumpaan pa, sa harap ng husgado

Nasaan ang sabi'y "Till Death Do Us Part"
Kung konting tampuha'y hiwalay kaagad?
Noon ang sumpaan magsama sa hirap.
Kaya ang diborsiyo, huwag isabatas.

Kung maghihiwalay itong mag-asawa,
Mga anak nila ang mangagdurusa.
Ang mga "broken homes" ay hindi masaya.
Diborsiyo nga ay labag sa ating kultura.
Back to top
Bulanggugo.........
Guest





PostPosted: Tue Oct 18, 2011 1:28 pm    Post subject: Kontra ako sa diborsyo.... Reply with quote

Naku po at heto na ang sigla ay damang-dama
Di na dumaan sa “menor” agad ay “tercera”
Abai mga katoto pwedeng hinay-hinay muna
Wala pang kalaban mali ang aking sapantaha.

Sapagkat nauna na ang mga pabor sa diborsyo
Ang kukunin kong panig “ ako’y kontra dito”
Mulang pagkabata ako’y isang konserbatibo
Ang modernang ugali ayaw na ayaw ko.

Hindi ba’t sa ating bayan kung inyong ‘tatandaan
Wala namang hiwalayan kung mayro’n man iilan lang
Paano nga’y tumimo na mula noong kamusmusan
Pag-aasawa ay sagrado, itinakda ng Diyos iyan.

Ang pinag-isa ng Diyos, kung matatandaan mo,
Ay hindi raw pwedeng paghiwalayin ng tao.
Bakit mo pakakasalan kung hindi naman gusto
Di ka naman pinipilit, kasal ay kasunduan nyo……..di ba????

Durugtungan…
Back to top
Guest






PostPosted: Tue Oct 18, 2011 4:19 pm    Post subject: Reply with quote

Sa punto ng takbo ng usapang ito
Lagi si lalaki ay may kasalanan nito
Pero sa obserbasyon ko sa ngayon
Babaing asawa ay dahilan din nito.

Kung ang pagsasama ng dalawang mag-asawa
Hindi mag ka sundo sa mga obligasyon nila
Dapat lang tapusin ng relasyon nila,
Agree ako sa deborsiyo para matapos na
Ang problema na hindi healthy sa dalawa.

Moderno na ang buhay sa ngayon ay tanggapin
Imulat na ang mga mata noon ay nakapikit,
Sa katutuhanan lang ay mahirap lutasin
Tapusin na ang pagdurusa ng magkabilang panig.

Sabi ng iba mag titiis na lang sila para sa mga bata
Hindi dapat ito ang dahilan ng pagsasakripisyo nila
Magiging mabuti pa ito kung ihayag sa mga supling ng dalawang
Sabihin lang sa mga bata na di sila ang dahilan ng problema nila.

Sa bayan ng Pilipinas ako'y takang taka.
Pinaiiral pa ang lumang kinagisnan nila
Nakakahiya daw pag naghiwalay sila.
Itapon na ang hiya para lang lumigaya.

Yong iba naman ay may guts na humiwalay
Para lang maiwasan ang suntok ng kamay
Pero hindi sila protektado ng batas ng bayan
Na humanap ng ibang kaligayahan,
Dahil hindi pa legal ang deborsiyo na ina-asam-asam.

Taga Ermita
Back to top
whernas2001



Joined: 08 Sep 2007
Posts: 858
Location: beijing, china

PostPosted: Tue Oct 18, 2011 5:09 pm    Post subject: Reply with quote

Sangayunan na Bayan

Kung bakit nga naman, itong ating bayan
Dito sa Asia ay nagiisa na lang
Ang pag hiwalaying legal ang datiy nagmahalan
Bibilang ng taon at minsa’y nawawaglit nalang

Totoong may lupit ang hiwalayan, dating minmahal mo
Magdurusa ang walang muang, mga supling na iiwan
Ang tinik sa dibdib at galit tatanim dito
bigat nitong mundo ay dala hangang dulo

Teka teka muna mga kabayan ko
Kung bakit ako sang ayon sa deborsyo
Itoy magandang batas , pabor sa mga tao
Sa madaliang pag resolba, nagpapahirap sa budhi mo

Maganda po dito, parehas magkabilang dako
Sa batas na ganito ay pantay pantay tayo
Lalo na kung maliit pa ang anak na apepktado
Sustento pagkita sa anak mo, taon hangang labing walo

Maswerte nga tayo sa bansang ng kristiyano
Isa- isa lang mag asawa ang lalaking maginoo
Sa ibang relihiyon aba ay tingnan nyo
Minsan limang liyag, may iba’t iba ang kwarto

Sana ay muli ngang sa kongreso ay pagusapan
Ang tungkol sa deborsyo, relihiyon sanay wag ng humadlang
Mag simulang muli, sa sintang bagong mahal
Pagyamanin ang noon ay, gumuho mong tahanan

Magandang umaga po bayan Very Happy Very Happy Very Happy
_________________
what is life without something
whernas2001@yahoo.com
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail Yahoo Messenger
RUBEN G. CAGAYAT
Guest





PostPosted: Tue Oct 18, 2011 8:06 pm    Post subject: PANIG SA DIBORSYO Reply with quote

Masakit na bunga ng isang pagliyag
Ang paghihiwalay sa daang madawag
Ang sumpaang hinding hindi mabubuwag
Mundo ma'y magunaw sila ay di payag

Nung sila'y kasalin piyesta ang barangay
Labing dalawang pares ang mga agapay
Mga Ninong at mga Ninang may mga pamaypay
Sa loob ng simbahan mga tao'y nakahanay

Talagang masigla at sobrang maringal
Ang kasalang ito minsan lang natanghal
Kaibigan at kamag-anak lubhang nagmamahal
Hindi hahayaan na ang kasal may sagabal

Dumaan ang mga araw at nalagas ang mga dahon
Panahong wala sanang katapusan sa dako pa roon
Magandang samahan ay unti unting nag ka meron
Ng problema ng si mister ay nag sugal at nagumon

Pag aaral ng mga anak ay nagkulang ng sustento
Lagi na ang away at ang buhay ay naging magulo
Kung ang diborsyo ay maging batas ipasa sa kongreso
Ito ang kasangkapang makalulutas ng ganitong kaso
Back to top
Elias
Guest





PostPosted: Tue Oct 18, 2011 8:21 pm    Post subject: Reply with quote

Kung ako ang masusunod,ITAKWIL ang DIBORSYO.
Sapagkat sa palagay ko,ito'y anay sa tahanan nyo.
Dalawa sanang ehemplo,ang nanay at tatay mo.
At ang tagasunod,mga supling sa bahay nyo.

Anong matutunang leksyon,kung mag-iisang dibdib ka.
Kung ang magulang mo,diborsyo ang kinikilala.
Kundi ang paraan din ng pag-ibig na sumuko na.
At syang uulit-ulitin mga DUWAG sa pag-asa.

At kung sa palagay mo,may diborsyo na noon.
Saan ka pupulutin,sa kinalalagyan mo ngayon.
Kung 'di nila inayos,mga naging sigalot noon.
Baka ibang magulang at apelyido mo na ngyon.

At kung sa umpisa pa lang,ng inyong pagmamahalan.
Ay agad nasa isip mo,posible ang hiwalayan.
Tiyak mag-aasawa ka,ng kahit sino pa man.
Sapagkat may diborsyo naman na pwedeng isangkalang.

Kung papayagan din lang,ang diborsyo sa mag-asawa.
Idiborsyo na din,anak sa magulang nila.
Dahil kung ganun din lang,ano pa ang katuturan nila.
Dahil sa magulang nila,sila lang ang nagpasya.

== ELIAS
Back to top
eme-ene
Guest





PostPosted: Tue Oct 18, 2011 11:44 pm    Post subject: ayaw sa diborsio Reply with quote

Puwang,ibigay ninyo,dito sa isang Ginang,
Matapos mabasa "Pro-divorsio"ang laman
Matandang damdamin,paniwala"t nilakhan,
Na siyang iniaral ng ating magulang.

Parang nakita ko sa aking pananaw,
Larawan ng pari,ngala'yPadre Rosal
At mga Manang simbahan,nagturo ng dasal,
Diwa'y sinaliksik,panalangin ay inusal.

Mga naunang Makata,matuwid na iniulat,
Pananakit ng asawa sa esposang sinumpaan,
Pagtataksil,paglalasing,masasamang asal
Upang ang tahanan'y wasakin at talikuran.

Di ako ayon ,na diborsio ay payagan,
Dito sa Amerika,pang-araw-araw lamang,
Parang dalawa'y isang pera'twalang kawawaan,
Mga supling kalimutan,magulang ay sinasaktan.

Tama ang sabi mo makatang taguellero,
Dahil kay dali dine maghiwalay at diborsio,
Hindi iniisip kasal ay Sacramento,
Parang papel na pangtaka^itatapong mga diaryo.

Ang magkasuyong ibon,pilit na magbabalik,
Binagyo man ang pugad,pilit itatangkilik,
Ito pa kayang tao,pusong pinagbuklod,
Mga supling mamahalin,magulang na maririkit.
Back to top
guest/rey bagalso
Guest





PostPosted: Wed Oct 19, 2011 7:59 am    Post subject: Reply with quote

Sa ating balitaktakan at mga katwiran.
Bawa't paliwanag ay may katuturan.
Meron pumapanig, meron din aayaw.
Sa aking palagay tama ito kung nakaraan.

Masakit tangapin ang katotohanan.
Ang ganitong buhay na dapat ay palitan.
Kung noon ang iyong asawa ay salawahan.
Magtitiis, ibaling ang mukha ng hindi masaktan.

Katotong Elias, tama din ang yong katuwiran.
Pero yoon ay noon,ngayon ay hindi na bagay.
Pagkat madami na ang mga samahan.
Tumutulong sa inaapi,inilalayo sa kalupitan.

Noon ang diborsyo, hindi natin alam.
Pero ang hiwalayan ay pangkaraniwan.
Ayon sa pangyayari at napagkasunduan.
Yoon ay diborsyo din, walang papel na pinirmahan.

Kaya ngayon ang ugali ng kabataan.
Walang tiwala,gulo ang isip,kulang sa gabay.
Yaan ang lumalabas sa kasalukuyan.
Kulang sa aruga, uhaw sa pagmamahal.

Pag ang pagmamahalan ay nilipasan.
Nawawala ang lahat pati ang paggalang.
Matamis na pulot noon ay piangsaluhan.
Napaltan ng poot at kamuhian..

Kaya umuuso ngayon sa kasalukuyan.
May nagpapakasal na parehas ang katauhan.
Lalaki sa lalaki pati sa kababaehan.
Ito ba ay tama, isunod nating paksa.

at mapag aralan...........
Back to top
Bulanggugo.....
Guest





PostPosted: Wed Oct 19, 2011 8:27 am    Post subject: Sisimulan ko sa simula....... Reply with quote

Medyo tamataginting ang mga palitan
Ng mga damdamin at paninindigan
Mayro’ng tila tanggap na’ng paghihiwalayan
Na hindi lang sandali kundi pangmatagalan (diborsyo)

Noong araw………..kung may pagtatampo
Dala ng panibugho o munting pagtatalo
Pinaka-grabe na “alsa-balutan” ang turing dito
Sa magulang “si Kumander” palipas ng init-ulo.

Sa kinabukasan ay heto na ‘kamo
Sumusundo na ang mahal na esposo
Kasabay ng pangako may dala pa ito
Maasim na manga sabay kamot-ulo……eheee naglilihi lang pala

Di ba wala namang perpekto sa mundo (si Amang Pekto lang na ama ni Manny B)
May mga kahinaang kaakibat ang tao
Na nakikita mo pag kasal na kayo
At gan’on din siya sa hitsura mo……biro lang sa mga -Ina lang ang pwedeng magmahal…….hehehehe

Pag-aasawa raw ay di kaning isusubo
Na iluluwa mo kung ikaw’y mapaso
Doon sa dambana kayo ay nangako
Hindi magbabago ang tibok ng puso.

Ang pinakamahalaga raw na maibibigay
Ng Ama sa anak na karugtong ng buhay
Ay mahaling lubos at walang kapantay
Ang kanilang Ina na pinakamamahal.

Durugtungan…
Back to top
whernas2001



Joined: 08 Sep 2007
Posts: 858
Location: beijing, china

PostPosted: Wed Oct 19, 2011 8:33 am    Post subject: Reply with quote

Batas ng Deborsyo

Deborsyo ay panigan, wag po nating kasuklaman
Problemang samahan , parang leon kung magba-ng ayan
Laging nag aaway, kapwa wala ng galangan
Supling na walang malay, umiiyak wala pang laman ang tsyan

Magulong Pagsasama, na noon ay kay saya
Tila nagsawa na, mag lambingan sa isat isa
Dumating at umalis sya, walang ni ho o kaya’y niha
Multong pader at malalim na bangin, hadlang sa mga gustong gawin

Bakit pipilitin pagsasamang, hindi na magkatimpla
Parang tubig at langis na, hindi na pwedeng magsama
Payong kaibigan ay sundin, isip ay patahimikin
Problema pwedeng tawanan natin, subalit kailangan ay resolbahin

Kung bakit ay deborsyo, ang gusto ko sa bayan ko
Aba’y mata ay imulat nyo, kay dami ng manloloko
Si mister ng umalis, si misis tagho’y at hinagpis
Ilang bwan lang ang nawaglit, mansanas ay dinagit

Talagang sobrang mahal, ang ngayon ay mag pa-legal
Mananangol ka aasa, ilang taon bibilang ka
Kapag ikaw ay umupa, ubos ang pera pati barya
Paano na kung mahirap ka, daanin na lang sa katatawa

Batas ng deborsyo, pantay- pantay ang pagtrato
Pagsasamahang nasiphayo, bagay na bagay ang deborsyo
Pag humatol ang deborsyo, konte lang ang babayaran mo
Bansang walang deborsyo, para sa mayayaman lang ito.


Very Happy Very Happy Very Happy Very Happy Very Happy umiinit ang kulitan
_________________
what is life without something
whernas2001@yahoo.com
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail Yahoo Messenger
kaikong
Guest





PostPosted: Wed Oct 19, 2011 10:34 am    Post subject: nakikidawdaw Reply with quote

palagay kaya ninyo diborsyo ang sagot
sa mga pagaaway at mga sigalot
pakaisipin natin ang bungang dulot
nitong diborsyong nais, ito'y isang salot

naalala mo ba ang masayang araw
nang mahal na irog na laging dinadalaw
pangakong iibigin hanggang wakas
tatapusin agad wala kang habag

eh ano kung lagi kayong nagaaway
eh ano kung lagi kayong pasaway
pakatandaan lagi bahagi ito nang buhay
lilipas din ito,sasaya uling tunay

huwag idahilan mga pag-aaway
hanapin ang dahilan, at lutasing tunay
huwag idahilan panggastos ay kulang
buto banatin, isip gamitin solve problema natin

mga mahal na anak pakaisipin
dulot nang diborsyo ay pakalimiin
masamang ehemplo ay kakamtin
dusa't pighati ang dulot sa atin

kung opposite sex ang dahilan nito
ang payo sa'yo mahal kung katoto
malamig na tubig ibuhos sa ulo
nang malunasan nag-iinit na katawan

diborsyo ay di kailangan dito sa'ting bayan
pakandaan at balikbalikan ang iyong pinagmulan
mga mahal na magulang, pagsasamay huwaran
tularan at gayahin hangang sa kamatayan

matakot sa Diyos na siyang lumikha
sa banal na aklat kanyang sinalita
sinomang pinagsama sa harap niya
walang taong makapaghihiwalay aniya.

(trying hard..he!he! - bai nakaiigaya kayong lahat maigi ring magpractice..kalikutin ang natutulog na utak..he! he!)
Back to top
Elias
Guest





PostPosted: Wed Oct 19, 2011 3:43 pm    Post subject: Reply with quote

Kung umiiyak man ang anak dahil nagaaway sila.
Hindi lang nasasaktan kundi aayaw din nila.
Pag-aaway ng magulang sana ay itigil na.
Ngunit di ibig sabihin magulang maghiwalay na.

At kung bago ka isilang ay nagdiborsyo na sila.
Wala ka ngayon jan na tutula-tula pa.
Alalahaning ang talento mo sa pagiging makata.
Nanggaling sa dunong ng iyong Ama at Ina.

== Elias
Back to top
Guest






PostPosted: Thu Oct 20, 2011 1:21 am    Post subject: Reply with quote

Bakit laging sinasabing iba noon at ngayon.
Pagmamahal ni lolo'y,pagmamahal ko din'y ganun.
Walang pinagkaiba,dahill iisa lang ang tugon.
Sa pusong sumisigaw na pang habang panahon.

Hindi nagbabago ang batas ng Lumikha.
Kundi mga asawang ang gusto lang makadalawa.
Aawayin ang asawa,ng may maidahilan siya.
Hindi na DAW magkasundo,kaya magdiborsyo na.

Ako'y may huling hirit,dahil kalaba'y mukhang pumihit.
At nauunawaan naman,dahil batas talagang may sabit.
Kaya kayong mga pabor,'wag na sanang igiit.
Dahil may batas ng karma,na pwedeng pumitik. ( END )

== Elias
Back to top
BULANGGUGO.....KONTRA
Guest





PostPosted: Thu Oct 20, 2011 6:57 am    Post subject: PAG AYAW MAY DAHILAN....PAG GUSTO MAY PARAAN Reply with quote

Hayaang ihanay ang nagbabangayan
Laman ng puso’t isip nagtitilamsikan
Parang ako mandin ay nakukulangan
MasyadoNG malambot ang mga banatan.

KONTRA SA DIBORSYO
BULANGGUGO
TAGUILLERA
EME-ENE
KA ELIAS
KA IKONG

PANIG SA DIBORSYO
KA RUBEN
WINSTON
REY BAGALSO
GUEST-TAGA ERMITA

Paanyaya namin sa mga nakikimi
Kabayang nagbabasa habang nakangiti
Halina’t sumali hala na’t pumili
Ang porma ng tula walang tama, walang mali.


Ang napapansin ko sa mga inilahad
Ng mga sang-ayong Diborsyo’y ipatupad
May ayaw umakosa responsibilidad
Ang pansarili lang ang inaatupag.

Mga babae raw maraming pagkukulang
Burara sa bahay, mabilis mangutang
Pinababayaan pati ang katawan
Sa madaling sabi ay isa nang “losyang.”

Ang maririnig mo’y puro kapintasan
Isang bungangera, mahilig pa sa tsismisan
May mahilig sumusog sa mga “inuman”
Pinapahiya ang mister sa mga kaibigan.

Mayroon pa riyan mahilig sa sugal
Sa loob ng bahay hindi matagpuan
May sobrang mahilig sa mga sosyalan
Kahit manglimahid anak sa lansangan.

Itong mga ito kung iyong ililista
Haba ay aabot mula Ibaba pa-Ermita
Kung anong hanapin tiyak makikita
Ngunit bago ang lahat sa salamin tumingin ka.

Mga kapintasan ba’t di pagkakasundo
Kung bakit ikaw ay gusto nang sumuko
Pakaisipin mo isa hanggang sampu
Bago mo hayaang pamilya’y gumuho.

Durugtungan……
Back to top
Bulanggugo......
Guest





PostPosted: Thu Oct 20, 2011 7:04 am    Post subject: SUSUGIN KO NA.........MAKATA'T LAKAMBINI NG TULAAN Reply with quote

Hinahanap namin kayo:
Ludy
Ka Fred
Harinawa
Flor
Ver
Rene
Lenie
Ka Noel
Brunette

Halina't kahit na iisang taludtod
Ay sumali kayo sa napiling buod
Katuwaan laang, ito'y nakakalugod
Ang mga taga-Paete ay pinagbubuklod.
Back to top
RUBEN G. CAGAYAT
Guest





PostPosted: Thu Oct 20, 2011 7:30 am    Post subject: PABOR SA DIBORSYO Reply with quote

Batas sa diborsyo ngayon ay pinagtatalunan
Doon sa batasang pambansa aking pagka alam
Para yatang pagong at nasarapan sa upuan
Takot matalo sa election pag diborsyo inayunan

Pilipinas kong mahal ikaw ba'y hindi magbabago?
Malaya at may demokrasya at iba ng siglo
Kulturang inihasik ng dayuhan sunod pa rin tayo
Di na ngayon angkop maulit na ang mga tao..

Mga kalapit bansang aking alam at natigilan
May diborsyo sa Indonesia kung kayang gumasta
At yung gusto apat ang asawa talagang kumakasa
May batas na pinasusunod ang relihiyon at hustisya

Dito naman sa Singapore diborsyo ay legal din
May batas na pamantayan na dapat sundin
Tutuusin ang kita ng mag asawa at gastusin
Batas ang mag aatang ng alimony na gagawin

Ako ay panig sa diborsyong batas dapat pairalin
Di naman pag nag away diborsyo agad ang isipin
Ang alam ko yung matagal ng inaapi ang sakupin
Mag file ng diborsyo at ang hatol ay hintayin

Sabi ni katotong Rey kung ang pulot na matamis
Ay napalitan na ng poot sa magkabilang panig
Mag usap man ay singhalan ayaw ng makinig
Ay di magsama ng habang buhay na tahi ang bibig

Noon at ngayon meron ng mga naghiwalay
Yung ibang mapera de papel pa na pangkaway
Legal separation daw ito at tanggap ng lipunan
Kung aking wariin diborsyong pinaganda ang pangalan

Mga kaibigan ko at alagad ng sining ng pagtula
Hintayin natin kung papasa ang batas ng diborsyo
Gamitin ito ng may gusto o magtiis kung talagang kayo
Ito ang huling payo at hintay ko ang sa inyo.. kuha nyo??
Back to top
whernas2001



Joined: 08 Sep 2007
Posts: 858
Location: beijing, china

PostPosted: Thu Oct 20, 2011 8:31 am    Post subject: Reply with quote

Palitan na Hirang

Mainit na po ang palitan, mga katwirang makabuluhan
Sana po'y walang pikunan, sa mga opinion ninyong tangan
Simpleng batas ay payagan, panahon ng ito'y pag usapan
Deborsyo ang ipagtibay, may ganda rin namang taglay

Hindi ko ninanais mang-enganyo at maging maldito
Nang dahil kung may deborsyo, ito ay sangkalan nyo
Paumanhin po sa aking punto, kung bakit ang gusto ay ito
Kasagutan ay narito, mga panaginip ng kabiguan mo

Kay dami ng hiwalayan, problema ang naiiwan
Supling at konting naipundar, di malaman saan ilulugar
Ganito ngayon sa ating bayan, nakakalito kung titingnan
Pag deborsyo ay umiral, ngiti’y muli ding sisilay

Hindi lingid meron tayo, batas ito ay dalawa pa
Annulment , separasyong legal, sa problemang pang resolba
Pansinin mo at suriin, deborsyo ay ipag hambing
Alin ang iyong pipiliin, kung ikaw ay naninimdim

Bayan ay nagtataka walang deborsyo merong iba?
Bakit ito sa may pera, ang pwede ay mahalina
Kapag pisi ay wala ka, karapatan ay wala ba?
Hiwalayang maging legal, sa maayos na lagdaan

Boong mundo sinabatas, kinatha ng sangkatauhan
Pilipinas at Vatican (City), Deborsyo ay hindi pinapayagan
Kung deborsyo ay kikilingan, doon sa inang bayan
Kasalukuyan batas ay talikdan, Sana deborsyo ipalit hirang

Kuro kuro po lamang Smile Smile Smile Smile
_________________
what is life without something
whernas2001@yahoo.com
Back to top
View user's profile Send private message Send e-mail Yahoo Messenger
Guest






PostPosted: Thu Oct 20, 2011 11:56 am    Post subject: Reply with quote

Nagiging mainit na ang usapang ito,
Sa bilang ng ayon ay talo dito(4 against 5)
Hintayin na lamang kung ipapasa ito
Sa Congresso ng bayan ,malamang mananalo ang deborsiyo.

Ming,napansin mo na pag may deborsiyo
Iniiwasan ang resposilidad ang akala mo
Hindi rin pansirili ang inaatupag nito
Kundi katahimikan at ligaya ang pakay nito.

Pag deborsiyo ay pinatupad sa bayan mahal
Ang batas ang mag lalahad ng mga batas na dapat
Mga anak ay may monetary custody na ilalagak
May visitation pa rin para pag ibig sa anak ay di malagas.

Ikaw naman Elias,huwag magalit
Tuno mo dito ay galit na galit
Ito ay paksa lang para mabatid ,
Kung alin ang tama na dapat pag tamain.

Taga Ermita
Back to top
guest/rey bagalso
Guest





PostPosted: Thu Oct 20, 2011 12:40 pm    Post subject: Reply with quote

Mga katotong hind i payag.
Lahat kayo ay naririnig.
Iginagalang,nauunawaan.
Mga katwirang binanggit.

Ang aming panig sana ay ipakisingit.
Dinggin ang nilalaman.
Taginting ay pakinggan.
Ito ay paliwanagan lamang.

Ang diborsyo pag pinagtibay.
Itoy magiging isang batas lamang.
Sundin kung kailangan.
Huwag gamitin kung aayaw.

Ito ay para sa biktima.
Ng kaluptan at karahasan.
Hinubad ang dangal.
Katauhan ay tinatakan.

Sa mata ba ng diyos ito ay katarungan?
Sagradong kasal.
Sampung beses sinuway.
Sa mata ng tao , itoy karumaldumal.

Ang diborsyo ay dalwang daanan.
Gamitin ito para sa mabuting kapakanan.
Hindi lamang sa biktima, para din sa may kasalanan.
Ito ay pasiya ng buong katauhan.

Kung noon ang pamilya ay pinahihirapan.
Dapat bang ipagpatuloy sa kasalukuyan?.
Ang diborsyo ay tulad ng gamot na kailangan.
Bigyan ng Pepto bismol, kung masakit ang tiyan.

Ang diborsyo naman ay hindi rin pinal.
Meron din nagbabalikan at muling nagpapakasal.
Sa madaling sabi mga kaibigan.
Itoy isang batas, gamitin kung kailangan.

IPASINTABI AT MAGTULONG IWASAN......
Back to top
Bulanggugo....
Guest





PostPosted: Thu Oct 20, 2011 1:23 pm    Post subject: Pagpapamilya pagbutihin......Pag-ibig pagyamanin Reply with quote

Mungkahi mo Ka Ruben ay lubhang matindi(Balagtasan sa Diborsyo)
Napapanaginipan mandin pagdating ng gabi
Yung ibang gagawin nasasa-isantabi
Humahabi ng tula, nangingiti sa sarili

Yung mga kakampi ko patatalo ba tayo
Hahayaan ba natin ang mga panig sa diborsyo
Hintayin nyo, Ka Ruben at ng mga kasama mo
Kaming mga kontra nagpapalugit lang sa inyo.

Ilang taon pa lang ako sa kabilang ibayo (Tate)
Sa bansa ng Kano daang taon na ang diborsyo
Pinag-aralan ko ang kilos ng mga tao
Pagturing sa pamilya at asawa kung paano.

Ang isa kong nabuo kapag diborsyo ay pumasa
Sa Pinas na ating bansa na kay inam ng kultura
Marami ang aabuso, kasal magiging mamera
Matutuksong iwanan ang pamilya nyang umaasa.

Minsan may nagdiwang anibersaryo ng kasal nya
Syempre ay mayro’ng balloons, may pagkaing sangkaterba
Nalaman ko sa katabi asawa ay pang-apat na
At sa piling nitong ngayon dalawang taon pa lang siya…..hehehehe

Ito’y isang kamalian na dulot ay kapaitan
Marami ang iniisip ay puro pangsarili lang
Mapag-imbot yaong puso kung hindi pa mapanlinlang
Kapakanan ng mga anak winalang bahala lang.

Sa ngayon sa ating bayan buong-pamilya karamihan
At lubhang marami ang tapat sa sinumpaan
Ikaw, tayo ay namulat sa mabubuting magulang
Na kahit na may pagsubok magkasamang lalampasan.

Ang paghubog ng pamilya kaakibat ng pag-ibig
Kahambing ng isang buto na iyong inihahasik
Kailangang bawat araw ay didiligin mo ng tubig
At sa sinag ng araw walang nakakatakip.

Sa pag-usbong nitong puno kailangang siguruhin
Walang damo, walang kambing na papatay o kakain
Patuloy mong alagaan, dalawin at pagyamanin
Upang sa paglago nito, may prutas kang kakainin.

Durugtungan….
Back to top
DK
Guest





PostPosted: Thu Oct 20, 2011 5:18 pm    Post subject: Reply with quote

Nais ko lumahok sa inyong tulaan
Pero nalilito ang aking isipan
Mayroon ngang sangayon, iba - salunga man
Wag sanang balimbing, isang panig lamang.

Ang sinasabi ko kung ika'y lalahok
Sa labang tulaan o balagtasang hamon
Magpakatatag ka't ipaglabang lubos
Kung ano mang tibok ng puso mo irog

Huwag padadala sa emosyong aba
Huwag kang makikinig sa sabi ng iba
Pilit ipaglaban ang tuwid mo sinta
At baka abutin pagkagupiling ta.

Ako'y walang panig sa naturang laro
Ako po ay neutral sa paksaing duplo
Nguni't tila ako'y matapang ang dugo
Nais makiusap ng sang pagsuyo.

Gusto kong maghain ng isang posisyon
Kung mararapatin ng mga kanayon
Dahil sa tulaan, dapat na mayroon
Tagapamagitan, di ka man umayon.

Ang pakiusap ko ako'y Lakandiwa
Tatawaging Ama ng mga makata
Bilang taga payo, kapatid sa gitna
Pililitin ko ding tama ang salita.

Kaya kay Ka Ming, gayon kay ka Ruben
At sa lahat nating kabayang haghain
Ng kanilang panig sa naturang game
Isang pakiusap ako' pasalihin.
Back to top
Display posts from previous:   
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Tulaan (The Forum of Batang Patio) All times are GMT - 5 Hours
Goto page 1, 2, 3  Next
Page 1 of 3

 
Jump to:  
You can post new topics in this forum
You can reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum


Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group