PAETE.ORG FORUMS
Paetenians Home on the Net

HOME | ABOUT PAETE | USAP PAETE MUNISIPYO  | MEMBERS ONLY  | PICTORIAL PAETE | SINING PAETE  | LINKS  |

FORUM GUIDELINES
please read before posting

USAP PAETE Forum Index USAP PAETE
Discussion Forums for the people of Paete, Laguna, Philippines
 
 FAQFAQ   SearchSearch    UsergroupsUsergroups   RegisterRegister 
 ProfileProfile   Log in to check your private messagesLog in to check your private messages   Log inLog in 

PES GRADUATING CLASS 1959- IKA-53 TAON ANIBERSARYO

 
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Greetings
View previous topic :: View next topic  
Author Message
Bulanggugo......
Guest





PostPosted: Thu Apr 05, 2012 11:08 am    Post subject: PES GRADUATING CLASS 1959- IKA-53 TAON ANIBERSARYO Reply with quote

Binabati ko ang aking mga kababata, kaiskwwela, kaut-utang dila, kalakbay, kapitbahay, kalaro, na kasama kong nagtapos noong 1959 sa ating pinakamamahal na paaralan-Paete Elementary School.

Pagbabalik-tanaw sa PES
Bungkos 1959
Pagbubulay-bulay ni Bulanggugo

Grade I-A

Ayaw ko pang mag-grade one noon. Bata-batutang nakadikit palagi sa Ina at ang isip ay palaging laro lamang. Bale ba’y kung anu-ano na lamang ang mauso noon na hindi ko alam kung ano ang nagiging batayan.

Mayroong buto ng limuran na siyang natitira matapos sipsipin ang laman na nakabalot dito. Hindi ko tiyak kung ito yung bunga ng isang matinik na halamang-baging sa ating kabundukan, malay ko naman dito eh uhugin pa ako noon.

Nandiyan din ang buto ng sampalok na maaring pinaglalaruan ng kara y krus, tatsing at kung minsan dahil sa makintab matapos sipsipin ay gamit na rin sa “jackstone.” Nandiyan na mamulot ng mga kaha ng sigarilyo at may mga nakatakdang halaga. Kapag mahirap makita o mamahalin ay mataas ang halaga tulad ng Zimba, Camel, Strike, atbp. Hindi kasama ang Bataan Matamis dito. Pantaya ang mga ito sa mga larong-sugal tulad ng “lucky nine” at kara y krus na rin.

Ewan ko kung bakit nakakalibang ang larong “jokalapens” at inaabot kami ng paglatag ng dilim. Medyo huhukay ka lamang ng apat na butas (kailangang bilog ito) at magpapasiyut isa-isa ang magkakalaban. Pwede mong tirahin (target) ang mga holen ng kalaban mo kaya may mga “placing” patago. Pag tinamaan ka (iyong pato) ay simula ka ulit. Mayroon pang “tibs” na hindi ko na matandaan kung ano ang gagawin pag sinabi mo ito. Haay naku lokong-loko ang mga batang lalaki sa larong ito. Bale ba’y kadudumi ng kamay mo dahil lupa ang lagi mong hipo.

Dumarating din sa basagan ng sigay ang tinamaan ng magaling na mga bata. Binibili naming ito kina Iyaw. May malaki may maliit. Papasukan mo ng tali o pisi ang sigay, at babatbatin mo ang sa kalaban. Iii-baling-bale itong larong ito. Ginagamit din ito sa “lugang” na hilig naman ng kababaihan, matanda at bata(ng isip…hehehe!)

Palaging nauuuso ang trumpo. Ibat-ibang kahoy ang gamit dito. Kina Popoy Limlengco kami bumibili nito pati na ang yoyo. Patiningan sa pag-ikot . Masarap ito sa makinis na semento doon sa may tindahan nina Oscar Fadul. Sa batbatan naman ay guguhit ng bilog sa lupa at ang trumpo ng taya ang titirahin ng mga kalaro. Kapag napalabas sa bilog, kukunin ito at itatali. Yung trumpo ng kalaban ay ititihaya. Ipapalo ang trumpo ng taya sa pako ng nakatihayang trumpo at “bang” biyak ito pag minalas-malas.

Kung minsan naman ay magpipitpit ka ng tansan hanggang lumapad ito. Pukpukang katakut-takot. Parang mga pera ito na itinataya rin sa mga larong-sugal ng mga bata. At sa ibang pagkakataon, kikikilin mo ang mga tabi (edges) nito hanggang tumalas. Bubutasan mo ng dalawa sa gitna at papasukan mo ng pisi. Paiikutin mo ito hanggang tumining nang husto. At dahil mga bata, maglalaban kayo at pagsasalpukin ang mga umiikot na tansan hanggang malagot ang pisi ng kalaban. Kapag ngayon ko maiiisip ay medyo delikado, lalo kung tatama sa mukha mo ang nalagot na tansan.

Iba pang mga laro noong araw:

Manulay sa tubo mula sa deposito na tumatawid sa ilog

Makipag-espadahan

Suwitan ng lastiko na tinabunan ng lupa o buhangin

Pupulbusin ang tisang pula para pampakintab ng kuko

Sumpit na ang bala ay bulaklak ng putat o basang dyaryo, o tubig

Pulad (pularan) na ang bala ay balatong

Baril na kahoy na may goma (rubber) at sa dulo ay may nakataling
Balat (leather) na parang tirador na lagayan ng bato.


Ilan lamang ito sa mga pinagkakalibangan ng mga bata noong panahon ‘yun. Bihira ang may mga laruang de-susi o mga mamahaling galing sa ibang bansa.

Grade I-A Taon53-54
Kaya nang unang araw ko sa Grade I kay Miss Evangelista, pagtunog ng bell hudyat ng “recess” na ay umuwi na ako at akala ko ay yun na yun. Takang-taka si Ina nang sabihin kong uwian na. Bakit daw yung ibang mga bata ay hindi ko kasabay nag-uwian. Ayaw ko nga kasing mag-aral pa.

Yung batch namin ang huling taon na English ang mga aral at libro. Kaya nga hindi ko malilimutan yung Pepe and Pilar. Yung mga matatalino ang nakaupo sa Group 1 at ang pinaka-bobo, ika nga ang nasa Group 4. Parang heto ang pagkaka-ayos ng mga grupo- matalino, medyo matalino, medyo-bobo at pinaka-bobo. Sa katawa-tawang palad naroon ako sa Group 4. Marami-rami kami doon, masasaya rin naman kami.

Kapag may dumating na mga bagong libro, ipapasa ng Group 1 ang kanilang libro sa Group 2, hanggang ang pasahan ay umabot sa amin-Group 4, ang may pinakalumang libro. Magaling at mabait si Miss Evangelista. Matiyaga at malamig ang ulo niya, saludo ako sa kanya.

Aminado ako na hirap na hirap akong bumasa at sumulat. Hindi naman ako nagdaan sa kinder. Pero magaling akong mag-memorya. Minsan nga ay may oral reading ng Pepe and Pilar. Namemorya ko ang ilang pahina at nang ako na ang nasa harapan ay buong pagmamalaki akong kunwari ay binabasa ang aklat. Kaya lamang ay nabuko ako nang hindi ko binuklat yung pahina o page upang tumama sa aking sinasabi. Naparusahan ako at naisumbong pa kay Ina.

Noong minsan naman ay tinuruan kami ng Jack and Jill na kanta kasama ang aksyon. Nabisto na naman ako nang nauna akong gumulong sa lahat na dapat sa ‘Jack fell down”
pa. Napagtawanan na ay naisumbong pa ulit kay Ina.

Grade II-A Taon54-55
Si Miss Valdellon ang aming guro sa ikalawang grado. Sa aking isipan ay tandang-tanda ko pa ang angkin niyang kagandahan. Siya ang pinaka….. sa aking munting isip noong mga panahon iyon. Ismarte sa kilos at pananamit. Lagi rin siyang nakangiti. Sa kanya nagsimula ang Tagalog para sa aming grupo. Ano ba yung parang pito na hinihipan niya bago magbigay ng “pitch” sa pagkanta namin?

Ewan ko pero nagsimula akong magka-interes sa pag-aaral sa gradong ito. Nakawala na ako sa last group….hehehe! Barkada ko rito and kapitbahay namin na si pareng Juanito “Ito” Baisas.

Grade III-A Taon55-56

Kay Miss Padallan naman kami noon. Iba naman ang katangian niya. Halimbawa siya ng kahinhinan. Isang tunay na dalagang Filipina. Barkada ko rito si Danny Cadawas at Francisco Coronacion.

Ito yung taon na nagkaroon ng “solar eclipse” sa atin (June 20, 1955). Tanda ko pa si Raul Adea na may dalang kumot nang pumasok. Maraming may dalang smoked glass at palanggana sa mga estudyante para makita raw ang eclipse na hindi nasisilaw.

Nakita ko mismo nang humapon ang manok sa mga kabahayan kalapit ng PES nang magsimulang dumilim. Dinig din namin nang tumilaok ang mga ito nang unti-unting lumiliwanag sa pag-alis ng lilim ng buwan sa araw. Papaano mong malilimutan ang araw na iyon ay talagang dumilim na parang hatinggabi.

Grade IV-A Taon56-57

Si Miss Fadul ang aming guro dito. Mabait siya na istrikto. Kailangang listo ka sa mga pagsagot o “recitation.” Kumpleto ka dapat sa mga “homework” at assignments. Maganda ang estilo niya at nakatulong ito upang mabago ko ang aking deskarte sa pag-aaral. Parang dito yata kami nagkaroon ng lahatang purgahan, pero maaaring mali ako.

Sa antas na ito rin namatay ang idolo at pangulo ng masa-Ramon Magsaysay. Sa kabila ng aking kamusmusan ay naantig ang puso ko at may kalungkutang lumambong sa aking katauhan. Noong Marso 16, 1957, dumalo si Pang. Magsaysay sa tatlong pulong ng mga paaralan sa Cebu. Sumakay din siya sa “Presidential Plane-Mt. Pinatubo” nang gabing iyon ngunit sa dakong ala-una ng madaling araw ay ibinalitang nawawala ang nasabing eroplano. Kinahapunan ay lumabas ang balita sa mga pahayagan na sumalpok ang eroplano sa Mt. Manunggal sa Cebu kung saan dalawamput lima ang nasawi at tanging ang mamamahayag na Nestor Mata ang nakaligtas.

Dalawang milyon ang dumalo sa libing ng pangulong Ramon Magsaysay. Ang kanyang bise ang nagtapos ng nalalabing walong buwan bilang pangulo- Carlos P. Garcia.

Grade V-A Taon57-58

Iba na ang dating sa akin ng antas na ito. Si G. Jose Cadang ang aming adviser. Napakasipag, napaka-masayahin, kahanga-hanga ang angking kakayahan at talento. Sa musika, sa pagguhit, sa ibat-iba pang sining ay hindi matatawaran ang kakayahan. Naging inspirado ako sa antas na ito upang pag-ibayuhin ang aking pag-aaral at magkamit ng “honors.”

Sa antas ding ito nagsimula ang ibat-ibang mga guro. Si G. Tomas Madridejos ang sa Arithmetic, halimbawa. Kay G. Pascual naman sa vocational. May mga “convocation” pa nga noon na binubuksan ang pinaka-bulwagan sa ikalawang palapag upang magkasya at magkatipon-tipon ang lahat na antas para sa programa. Sa itaas ng bulwagan ay may mga “mural” na iginuhit nina G. Cadang at Danny Cajumban na mga pambato ng PES. Naglalarawan ito ng kasaysayan ng Pilipinas mula sa pakikibaka ni Lapu-lapu kay Magellan hanggang sa panahong iyon.

Sa panahong ito ay lumalawak na ang nakikita naming mundo. Nagsisimula na rin naming mapansin ang magaganda naming mga kaiskwela. May mga mumunting pagtibok sa aming mga musmos na puso sa tuwing matititigan namin ang ilang mga kababaihan.


Grade VI-A Taon58-59

Ewan ko pero tuwing pag-uusapan ang pinaka-terror sa PES noong mga panahong iyon, hindi maaaring magkamali sa pagbanggit ng pangalang-“Mr. Juanito Cadapan.” Siya ang aming adviser sa antas na ito. Laging naka-puting long sleeves na polo, naka-kurbata at plantsado ang buhok, nakasalamin.

Nakakahiya man ikwento ay sasabihin ko na rin. Matagal na naman iyon at hindi naman ako nagkuyom ng galit o sama ng loob kay Mr. Cadapan. Malaki ang respeto ko sa kanya.

Hindi baga at may pagkakataon tayo na pinakakanta o pinatutula sa harapan ng klase isa-isa habang pinakikinggan ng lahat at binibigyan ng grades ng ating mga adviser? Sa kantahan ay walang tatalo kay Ginger Cachola, pasensya ka na Ginger ha? Hindi siya tumatama sa ano mang nota…..sa totoo lang. Hindi ka naman makatawa dahil yari kay kay Mr. Cadapan. Hindi naman makatigil si Ginger dahil takot kaya umiiyak siya habang kumakanta. Hanga ako sa kanya……hanggang ngayon, may angkin pa siyang ganda.

Sa isang pagkakataon ay medyo napabilib ko si Mr. Cadapan sa aking kakayang tumula. Kamukat-mukat mo ay ibig niyang tumula ako sa aming programa isang Lunes ng umaga sa harap ng buong PES na isang kalakaran noong araw, di baga?

Ako’y tumanggi. Wala akong karanasang humarap sa maraming tao, lalo na at tutula pa. Ganoon na lamang ang pagtutol ko. Nasa ikalawang hanay ako sa dakong bintana na sa likuran ay makikita mo ang malawak na palayan at ang nakadugtong na lawa ng Laguna.
Galit na nilapitan ako ni Mr. Cadapan, nakatiim-bagang, namumula. At sa isang saglit ay bigla na lamang akong iniumpog sa babahan ng bintana. Naiyak ako hindi lamang sa sakit kundi sa pagkapahiya sa buong klase.

At tulad ng kanyang kakanyahan, hindi raw siya natatakot kahit magsumbong ako kahit kaninong herodes kahit tawagin ko pa raw si Ama.

Sa madaling sabi, tumula rin ako. Dito nagsimula ang tiwala ko sa aking sarili. Malaki ang naitulong ng pangyayaring iyon dahil nakilala ko ang aking sarili at kung ano ang kaya kong gawin kung ako’y magsisikap at magsisipag, na maaari akong mangarap at lumaya sa nagisnan kong kahirapan.

Dito rin nasubukan (daw, kumbaga) ang aming pagkalalaki. Bago naganap ang pagtatapos sa elementarya ay parang naging kalakaran na ang mga kalalakihan ay kailangang “magpatuli.” Katakut-takot na mga istorya ang maaaring maisulat tungkol sa pakikipagsapalaran ng mga kalalakihan sa hamon sa kanilang pagkalalaki. May mga salitang kapag binanggit mo ay nagkakaalaman na ang mga nakakarinig.
Halimbawa:
Lampos, ilang pukpok, baro-baruan, bayabas, pagas, langas, kinamatis, sulfanilamide, ilog, palayan, atbp.

Sa pagtatapos namin sa PES, makaraan ang anim na taon, dalawang kaibigan ko ang nagbigay ng talumpati-si Oscar Fadul na siyang Salutatorian at si Raul Roque na valedictorian. Sa gulang na 13 taon nakaramdam na ako ng kalungkutan, una, dahil sa magkakahiwalay kami ng landas na magkakabungkos, pangalawa, hindi ko alam kung ano ang naghihintay sa akin sa gitna ng kahirapan ng aming buhay.

Ito rin yung naging pagsasanga ng landas ng mga nagsipagtapos sa PES ng taong iyon. Isang bahagi namin ang tutungo sa Eastern Laguna Institute at ang isa pa ay siyang magsisimula ng San Santiago High School. Kami nina Oscar sa Eastern at sina Raul naman sa San Santiago.

Ito rin yung nagsipagtapos na nagtanim ng mga puno sa tabi ng daanan mula sa “gate” patungo sa gusaling Roces na karamihan kung hindi lahat ay kaimito.


Sa madaling sabi, ibig kong sabihin
Saan at ano man ang ating marating
Nagdaang panahon ay alalahanin
Bayan at kabungkos huwag lilimutin.

Dito nabuksan ang ating kaisipan
Nang humulagpos sa nagisnang tahanan
Maliit na daigdig dito nadugtungan
Maging ang paligid dito kinulayan.

Ang dating isipang puro laro lamang
At sa buhay mandin walang pakialam
Doon sa PES biglang ginulantang
Ng mga araling ipinagsiksikan.

Tinuruan tayo ng mga alpabeto
Natutong magbilang isa, dalawa, tatlo…
Pinag-aralan ang kapaligiran mo
Sabay ang sa Diyos at sa kapwa tao.

Noon din nakilala ang mga bakuna
Hindi rin nakaiwas sa mga pag-purga
Kung kulang sa timbang ikaw ay pipila
’Sang supot ng gatas may iuuwi ka.

Gawaing babae ‘tinuro sa H.E.
Vocational naman sa mga lalaki.
Hitsura ng garden hindi mo masabi
Animo’y puntod na putikan ang tabi.

May pagkakataong tutungo sa palayan
Duon sa may dulo na mayro’ng tikiwan
Kalabanga’y doon din matatagpuan
Pag minalas-malas ka lamutok ang laman.

Hindi ba’t mayro’n ding nangagkagustuhan
May pagka-suwail sa mga magulang..(biro lang)
Walang pagtitimpi at may kapusukan
Kayo na ang bahalang sila’y pangalanan.

May mga nagsiga tayong kasabayan
Sa away sila ay walang uurungan
Naging saksi ako sa mga labanan
Pare-pareho ding naging kaibigan.

Palibhasa’y batang nangaglalakihan
May pagka-usyoso at may kapilyuhan
Ilalim ng iskul na may kadiliman
Pilit susuoti’t may gustong silipan? (hindi ako yun ha!)

Bungkos 59 may pambato sa pagkanta
Catalino at Elena parehong dela Rosa
Si Rosauro Ferrer iyo pang isama
Kumpleto rekado ang mga programa.

Ilan lang sa mga eksenang nasilip
Naukit sa aking ga-ipis isip
Kayo ang magdagdag at siyang magsingit
Mga karanasan nyo doon sa PES!
Back to top
Bula-ng-gugo
Guest





PostPosted: Fri Apr 06, 2012 6:10 am    Post subject: Panahon namin... Reply with quote

1946 Manuel Roxas elected president
United States grants independence to the Philippines `

1948 President Roxas dies; Elpidio Quirino becomes president

1949 Elpidio Quirino re-elected as president

1950 The Philippines joins the Korean War, sending over 7,000 troops under the United Nations command.

1953 Ramon Magsaysay elected president

1954 Manila Pact, also known as the South East Asia Treaty Organization (SEATO), forms alliance of Philippines, the United States, the United Kingdom, Pakistan, Thailand, Australia, New Zealand and France.

1957 Ramon Magsaysay dies in a plane crash; Carlos P. Garcia becomes president
Back to top
Display posts from previous:   
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Greetings All times are GMT - 5 Hours
Page 1 of 1

 
Jump to:  
You can post new topics in this forum
You can reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum


Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group