PAETE.ORG FORUMS
Paetenians Home on the Net

HOME | ABOUT PAETE | USAP PAETE MUNISIPYO  | MEMBERS ONLY  | PICTORIAL PAETE | SINING PAETE  | LINKS  |

FORUM GUIDELINES
please read before posting

USAP PAETE Forum Index USAP PAETE
Discussion Forums for the people of Paete, Laguna, Philippines
 
 FAQFAQ   SearchSearch    UsergroupsUsergroups   RegisterRegister 
 ProfileProfile   Log in to check your private messagesLog in to check your private messages   Log inLog in 

ORDINANSA NG PAGBABAGO NG KATAYAAN NG LUPA-SITIO MACUMBO

 
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Balitang Paete - Sangguniang Bayan
View previous topic :: View next topic  
Author Message
Ana Victoria A. Agravia



Joined: 24 May 2008
Posts: 190
Location: Paete, Laguna

PostPosted: Tue Jun 05, 2012 3:55 am    Post subject: ORDINANSA NG PAGBABAGO NG KATAYAAN NG LUPA-SITIO MACUMBO Reply with quote

Sa mga kinauukulan:

Magalang ko pong ipinababatid sa inyong kaalaman na ang Kgg. Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna ay mayroong pinagtibay na Resolusyon Blg. 55 T.-2012-Resolusyong pagtibayin ang Ordinansa ng Pagbabago ng Katayaan ng Lupang Agrikultural upang maging Residensiyal na may sukat na humigit kumulang 30,000 metro kwadrado na nasa ilalim ng Lot Nos. 3235 Cad 404 at bahagi ng Lot No. 3238 Cad. 404 na matatagpuan sa Sitio Macumbo, Barangay Quinale, Paete, Laguna noong ika-28 ng Mayo, 2012.

TRACKING OF ORDINANCE:

1st Reading-Pebrero 06, 2012

8. PR2012-022 Panukalang Resolusyong pagtibayin ang Ordinansa ng Pagbabago ng Katayaan ng lupang Agrikultural upang maging Residensiyal na may sukat na humigit kumulang 30,000 metro kwadrado na matatagpuan sa Sitio Macumbo, Barangay Quinale, Paete, Laguna. Ni: Konsehal Eriberto D. Pascual

2nd Reading-Pebrero 13, 2012

2. PR2012-022 Panukalang Resolusyong pagtibayin ang Ordinansa ng Pagbabago ng Katayaan ng lupang Agrikultural upang maging Residensiyal na may sukat na humigit kumulang 30,000 metro kwadrado na matatagpuan sa Sitio Macumbo, Barangay Quinale, Paete, Laguna. Ni: Konsehal Eriberto D. Pascual

Committee Meeting-032112

ULAT NG LUPON
Ni: Konsehal ERIBERTO D. PASCUAL
Lupon sa Sona, Pabahay at Lupa

PARA SA: Pangalawang Punong-Bayan

Noong Marso 21, 2012, Miyerkules, ika-9:18 ng umaga ay nagkaroon ng pagdinig ng lupon. Dumalo sina Konsehal Aurelio P. Paraiso, Konsehal Brigido R. Bagayana, Konsehal Lourdes F. Sunga, Konsehal Emerito B. Gajitos at Gng. Maria Louisa B. Sena-Pambayang Pinuno ng Badyet.

Ito ay sinimulan sa pamamagitan ng panalangin ni Konsehal Brigido R. Bagayana.

Tinalakay sa nasabing pagpupulong ang nauukol sa Panukalang resolusyong pagtibayin ang Ordinansa ng pagbabago ng katayaan ng lupang agrikultural upang maging residensiyal na may sukat na humigit kumulang 30,000 metro kwadrado na matatagpuan sa Sitio Macumbo, Barangay Quinale Paete, Laguna.

Batay sa naging talakayan sa nasabing pagpupulong ang mga naging kapunahan/mungkahi ay ang mga sumusunod:

- Nagkaroon ng katanungan at paglilinaw si Konsehal Aurelio P. Paraiso kung ano ang dapat na mauna, kung yung re-classification ng lupa o ang pag inspection sa nasabing lugar kung ito ba ay free from flood at kung sinong agency ang magdedeklara kung safe ba talaga ang lugar.

- Ang naging katugunan ni Konsehal Eriberto D. Pascual ay naitanong na niya kay Engr. Noel T. Viray na paano kung na-reclassify ng Sangguniang Bayan yung lupa ay hindi pala pwedeng pagtayuan ng mga bahay. Ang naging paliwanag ni Engr. Viray ay bahala na ang Pamahalaang Bayan dun.

- Sang-ayon kay Konsehal Emerito B. Gajitos na ang naging komento doon ay lapadan ang kalsada.

- Iminungkahi ni Konsehal Aurelio P. Paraiso na kailangan na magkaroon tayo ng supporting papers na ito ay nabisita na.

- Iminungkahi rin ni Konsehal Brigido R. Bagayana na imbitahan din natin sa pagpupulong si Engr. Viray at si Engr. Ganal upang malinawan natin.

- Iminungkahi pa rin ni Konsehal Aurelio P. Paraiso na ilagay din sa Sapagkat na talagang nabisita na at safe ang nasabing lugar.

Nang wala ng dapat pag-usapan ay itinindig ang pagpupulong sa ganap na ika-9:35 ng umaga ng nasabi ring araw at petsa.

Inihanda ni:

May lagda ang Orihinal
ERIBERTO D. PASCUAL
Lupon sa Sona, Pabahay at Lupa

Sinang-ayunan nina:

May Lagda ang Orihinal
BRIGIDO R. BAGAYANA
Konsehal

May Lagda ang Orihinal
AURELIO P. PARAISO
Konsehal

May Lagda ang Orihinal
LOURDES F. SUNGA
Konsehal

May Lagda ang Orihinal
URBANO R. CADAPAN
Konsehal


Deed of Donation submitted 043012 session

Public Hearing 0503 9:00 am (SB 1-9)

ULAT NG LUPON
Ni: Konsehal ERIBERTO D. PASCUAL
Lupon sa Sona, Pabahay at Lupa

PARA SA: Pangalawang Punong-Bayan

Noong Mayo 3, 2012, Huwebes, ika-9:37 ng umaga ay nagkaroon ng pampublikong pagdinig ang lupon. Dumalo sina Konsehal Aurelio P. Paraiso, Konsehal Brigido R. Bagayana, Konsehal Emerito B. Gajitos, Kagawad Joseph C. Aquino (B-7), Kagawad Marylou L. Madridejos (B-7), Kapitan Leonardo A. Baguio (B-7), Kagawad Thelma Cadawas (B - 8 ), Kapitan Federico Pascacio (B-2), Kagawad Arsenio R. Salceda (B-5), Kagawad Alexander Gagaring (B-6), Kagawad Crispin Aseoche (B-5), Kagawad Roberto Afunggol (B-5), Kagawad Maximo G. Ballares (B-6), Kagawad Emmanuel Sadsad (B-2), Kapitan Ernesto Cristobal Sr. (B-6), Kagawad Rogelio Caguin (B-4), Kapitan Celestino Baldemor (B-1), Kapitan Mario Aseoche (B- 8 ), Kagawad Remedios Caidic at Kagawad Juanita P. Acu.

Ito ay sinimulan sa pamamagitan ng panalangin ni Konsehal Brigido R. Bagayana.

Tinalakay sa nasabing pagpupulong ang nauukol sa: Panukalang resolusyong pagtibayin ang Ordinansa ng pagbabago ng katayaan ng lupang agrikultural upang maging residensiyal na may sukat na humigit kumulang 30,000 metro kwadrado na matatagpuan sa Sitio Macumbo, Barangay Quinale Paete, Laguna.

Mga naging pahayag sa nasabing pagpupulong:

-Ipinaliwanag sa mga dumalo na ang nasabing Panukalang resolusyong pagtibayin ang Ordinansa ng pagbabago ng katayaan ng lupang agrikultural upang maging residensiyal na may sukat na humigit kumulang 30,000 metro kwadrado na matatagpuan sa Sitio Macumbo, Barangay Quinale Paete, Laguna ay kinakailangan upang maisagawa ang Housing Project sa ating bayan.

-Ipinaliwanag din na mayroon ng ipinagkaloob na lupa sa Pamahalaang Bayan sina G. at Gng. Bert Lina sa Sitio Macumbo, Barangay Quinale at mayroon na itong kaukulang dokumento ng pagkakaloob ng lupa. Nakalagay din sa nasabing “Kasunduan ng Pagkakaloob” na kinakailangang maitayo/maisagawa ang Housing Project sa nilolooban ng tatlong (3) taon. Ito ay ipinagkaloob para lamang sa nasabing proyekto at kung hindi maisasagawa ang nasabing proyekto sa nasabing takdang panahon ay babawiin ng nagkaloob ang nasabing lupa sa Pamahalaang Bayan.

-Ipinaliwanag din na sa kasalukuyan ay nagkaroon na ng pagbisita sa nasabing lugar ng dalawang ulit ang mga kinatawan ng NHA, DENR at DPWH at batay sa rekomendasyon ay naangkop/safe ang nasabing lugar upang pagtayuan ng mga pabahay para sa ating mga kababayan na naninirahan sa “danger zone” at slope area ang magiging prioridad para sa nasabing pabahay. Ang naging puna lamang sa nasabing lugar ay kinakailangang laparan ang kalye patungo sa nasabing lugar. Ang sertipikasyon/clearance mula sa mga kinauukulan ay hinihintay/”on process” na matapos ang huling pagbisita/inspeksiyon sa nasabing lugar.

Ang proyektong pabahay ay ipagkakaloob sa mga kababayan natin na naninirahan sa danger zone at slope area at ito ay kanilang huhulugan sa nilolooban ng 20-30 years na itatalaga ng National Housing Autthority sa mababang interest. Ang lawak ng lupa para sa pabahay ay 50 sq. m. at ang kabahayan ay 30 sq. m. Magkakaroon ng isang komunidad sa nasabing lugar kung saan mayroon ng kapilya, paaralan, center at iba pang establisimento.
Mayroon ng ipinagkaloob na pondo para sa nasabing proyekto si Vice-President Jejomar C. Binay na nagkakahalaga ng WALONG MILYONG PISO (Php 8,000,000.00) at kinakailangan na lamang ang ordinansa ng pagbabago ng katayaan ng lupa para sa nasabing proyekto. Ito ay kinakailangan munang dumaan sa mga Public Hearing bago maisabatas.
.
Mga naging mungkahi ng mga dumalo:
-Imbitahan ang mga naninirahan sa kalapit ng nasabing lugar upang malaman ang sitwasyon ng kanilang pamumuhay;
-Ipaliwanag na mabuti sa mga mamamayan na kinakailangang maisagawa ang proyekto sa nilolooban ng tatlong (3) taon upang huwag mabalewala ang lupang ipinagkaloob sa Pamahalaang Bayan;

Batay sa naging pagpupulong ay ipinahayag ng mga dumalo na sila ay sumasang-ayon sa classification/ pagbabago ng katayaan ng lupa at sa pagkakaroon ng proyektong pabahay sa Sitio Macumbo, Barangay Quinale (4), Paete, Laguna.

Nang wala ng dapat pag-usapan ay itinindig ang pagpupulong sa ganap na ika-10:35 ng umaga ng nasabi ring araw at petsa.

Inihanda ni:

May Lagda ang Orihinal
ERIBERTO D. PASCUAL
Tagapangulo
Lupon sa Sona, Pabahay at Lupa

Sinang-ayunan nina:

May Lagda ang Orihinal
EMERITO B. GAJITOS
Konsehal

May Lagda ang Orihinal
BRIGIDO R. BAGAYANA
Konsehal

May Lagda ang Orihinal
AURELIO P. PARAISO
Konsehal


Comm. Meeting 051612 9:00 am

ULAT NG LUPON
Ni: Konsehal ERIBERTO D. PASCUAL
Lupon sa Sona, Pabahay at Lupa

PARA SA: Pangalawang Punong-Bayan

Noong Mayo 16, 2012, Miyerkules, ika-9:00 ng umaga ay nagkaroon ng pagdinig ng lupon. Dumalo sina Konsehal Aurelio P. Paraiso, Konsehal Brigido R. Bagayana, Konsehal Emerito B. Gajitos at LBP-Konsehal Hermie B. Bagongahasa.

Ito ay sinimulan sa pamamagitan ng panalangin ni Konsehal Brigido R. Bagayana.

Tinalakay sa nasabing pagpupulong ang nauukol sa panukalang resolusyong pagtibayin ang Ordinansa ng pagbabago ng katayaan ng lupang agrikultural upang maging residensiyal na may sukat na humigit kumulang 30,000 metro kwadrado na matatagpuan sa Sitio Macumbo, Barangay Quinale Paete, Laguna.

Ipinakita ang updated na panukalang resolusyon lakip ang mapa at tax declaration of real property.

Iminungkahi nina Konsehal Aurelio P. Paraiso, Konsehal Brigido R. Bagayana at LBP-Konsehal Hermie B. Bagongahasa na magkaroon muli ng patawag na pulong sa mga nakatira sa buffer zone gayundin sa mga kalapit, karatig at kanugnog lugar para sa kanilang kaalaman at kabatiran.

Napagkasunduan na hindi na magpatawag ng pampublikong pagdinig sa mga nakatira sa buffer zone sapagkat nagkaroon na ng mga pampublikong pagdinig noong nakaraang taon.

At napag-alaman na ang magpapatawag ng pulong sa mga nakatira sa buffer zone ay ang ating Kgg. Emmanuel B. Cadayona-Punong-Bayan.

Aalamin at kukunin sa Tanggapan ng Pambayang Tagataya ang mga pangalan ng may-ari o tagapangalaga ng kalapit, karatig at kanugnog lugar.

Hiniling nina Konsehal Aurelio P. Paraiso at Konsehal Brigido R. Bagayana na ilipat na sa tax declarion of real property kay Alberto Lina para walang kalituhan.

Hiniling ni Konsehal Emerito B. Gajitos na sulatan na lang ang mga may-ari o tagapangalaga ng kalapit, karatig at kanugnog lugar at bigyan ng isang linggong palugit para sa kanilang kasagutan.

Napagkasunduan ng lupon na ipasok sa talakayan sa karaniwang pulong ng Sangguniang Bayan at panatilihin sa ika-2 pagbasa.

Nang wala ng dapat pag-usapan ay itinindig ang pagdinig ng lupon sa ganap na ika-9:30 ng umaga ng nasabi ring araw at petsa.


Inihanda ni:

May Lagda ang Orihinal
ERIBERTO D. PASCUAL
Lupon sa Sona, Pabahay at Lupa


Sinang-ayunan nina:

May Lagda ang Orihinal
BRIGIDO R. BAGAYANA
Konsehal

May Lagda ang Orihinal
AURELIO P. PARAISO
Konsehal

May Lagda ang Orihinal
EMERITO B. GAJITOS
Konsehal

May Lagda ang Orihinal
HERMIE B. BAGONGAHASA
Konsehal

IKALAWANG PAGBASA-MAYO 21, 2012

2. PR2012-022 Panukalang Resolusyong pagtibayin ang Ordinansa ng Pagbabago ng Katayaan ng lupang Agrikultural upang maging Residensiyal na may sukat na humigit kumulang 30,000 metro kwadrado na matatagpuan sa Sitio Macumbo, Barangay Quinale, Paete, Laguna. Ni Konsehal Eriberto D. Pascual

Binasa ang teksto ng panukala.

Konsehal Aurelio P. Paraiso. Magandang umaga pong muli sa ating lahat. Ito po’y paglilinaw lamang po, noong nakaraang committee meeting ay binanggit ko nga po na alam po naman natin na ito ay mayroon nang Deed of Donation. Mapapansin po natin na dito sa pangalawang sapagkat ay pag-aari nina G. at Gng. Alberto Lina, at sa ikatlong sapagkat ay ganoon din po. Pero doon sa Tax Declaration ay ito’y nasa pag-aari pa nina G. Pedro Calabig at G. Juan Calabig. So lalakipan po ba ito ng Deed of Donation? Para po walang kalituhan doon sa mga teksto ng ordinansang ito. Maraming salamat po.

Konsehal Eriberto D. Pascual. Noon nga pong nakaraang linggo, kausap ko po si MPDC Gil Tolentino at nabanggit ko nga po itong Tax Declaration, at sabi po niya ay titingnan daw po niya kung mayroon pang natitirang kopya ng Deed of Sale ng nasabing lupa. Kanina nga po ay nagpunta ako pero wala po si MPDC.

Konsehal Ronaldo Z. Valdellon. May kaunting puna lang po, doon po sa pamagat ay parang nakakabitin lang po. Ito pong salitang humigit-kumulang 30,000 metro kuwadrado, at Lot Nos. agad, baka po pwedeng katulad dito sa sapagkat, yun pong nasa ilalim ng Lot Nos., kung payag po ang ama ng mungkahi.

Konsehal Eriberto D. Pascual. Tinatanggap po.

Konsehal Emerito B. Gajitos. Itatanong ko lang po sa ama ng mungkahi kung nakita po ba ang original nitong mga Tax Declaration ng dalawang properties? Kasi kung ito po’y inilipat na kay G. Alberto Lina, sa likod po ay may nakalagay po na cancellation of Tax Declaration, at kasunod po ay Deed of Sale. Kasi hindi po original ito kaya hindi nakopya ang likod. Kung ito po ay naroon kay G. Lina, sa likod po ay nakalagay doon kung paano po inilipat at kung ano ang annotation sa likod ng tax declaration.

Konsehal Eriberto D. Pascual. Hihingi na lang po ako ng bago, yung original na.

Tagapangulo. Kasi kailangan po nating i-depend ang bawat kilos natin. Baka tayo makasuhan. Mayroon din pong isang clarification lang, mas mainam siguro. Kasi po malaki yung area, lumalabas dito ay 38,357 at 18,000 sq. meters. Ang allowed lang yatang ibigay ay 30,000, tapos yung Lot No. 3238 ay 6,405.60 sq. meters. So linawin natin, baka tayo’y magka-conflict pa diyan. Given na yung figures.

Konsehal Eriberto D. Pascual. Iyon pong galing sa 3238, ang total land area po ay nasa 6,000 sq. meters. So kumuha po tayo ng karagdagan para maging 30,000 sq. meters.

Tagapangulo. Kaya ko lang po nabanggit, kasi ang ating babaguhin sa katayaan ng lupa ay yung 30,000 sq. meters. So yung iba pa ay hindi sakop sa pagbabago ng katayaan ng lupa.

Konsehal Emerito B. Gajitos. Dahil nga po sa kanilang kapunahan, sa isang sapagkat po, sa ikalawang sapagkat, ay magkaroon po ng bahagi ng Lot No. 3238.

Konsehal Eriberto D. Pascual. Tinatanggap po.

Tagapangulo. Mayroon pa pong paglilinaw? Kung wala na po ay ibinabalik na po ang hapag sa ama ng mungkahi at ito po ay kailangan na. Conditional po kasi yung donasyon, kailangan ay 2014 o 2013, ay magamit. At pag hindi nagamit ay balewala yung donasyon.

Konsehal Eriberto D. Pascual. At nakalagay po doon sa Deed of Donation ay pabahay po lamang.

Tagapangulo. Pero ang ibig kong sabihin, kahit ilipat sa ibang proyekto at hindi pabahay, hindi babawiin.

Konsehal Eriberto D. Pascual. Ang alam ko po ay basta’t sa pabahay nga lang po.

Tagapangulo. So partikular lang sa pabahay. Kasi po mayroong 2014 na deadline. Kaya nagtataka ako kung bakit naglagay ng 2014 kung pabahay lang. So kailangang by 2014 ay mayroon nang pabahay doon. May patubig na po ba tayo doon?
Konsehal Eriberto D. Pascual. Ang alam ko po doon sa may Madre ay mayroon.

Tagapangulo. Napakalayo pa noon. Ang problema kasi, pag ginawa nating pabahay yun, kailangan ay may tubig. Sabagay ito lang naman ay huwag lang nating pabayaan yung lupa.

Sa pamamagitan ng ama ng mungkahi, ito’y inilipat sa ikatlong pagbasa.

PAKSAING TATALAKAYIN
28 MAYO, 2012
Ika-92 na Pagpupulong ng SB 2010-2013


IKATLONG PAGBASA
1. PR2012-022 Panukalang Resolusyong pagtibayin ang Ordinansa ng Pagbabago ng Katayaan ng lupang Agrikultural upang maging Residensiyal na may sukat na humigit kumulang 30,000 metro kwadrado na matatagpuan sa Sitio Macumbo, Barangay Quinale, Paete, Laguna. Ni Konsehal Eriberto D. Pascual

Konsehal Eriberto D. Pascual. Magandang umaga po. Tulad po ng ating napagkasunduan, yung kahilingan po ni Konsehal Aurelio Paraiso na makakuha ng Deed of Sale ay hindi po nangyari kasi po si MPDC Arcangel Tolentino ay kasalukuyang nagdadalamhati dahil sa pagkawala ng kanyang nanay. At yun po namang kahilingan ni
Konsehal Emer Gajitos ay tiningnan ko po ay wala pong nakalagay sa likod ng nasabing Tax Declaration na cancellation. Nakakuha po kami ng isang dokumento at ito po ay pinagtibay noong Enero 16, 2012 na Resolusyon Blg. 05 t. 2012 at ang nagmung kahi po nito ay si Konsehal Emer Gajitos. Ito po yung “Resolusyong pagtibayin ang paghirang kay Kgg. Marianito S. Sasondoncillo, Senior Deputy Prosecutor bilang kinatawan ng Pamahalaang Bayan ng Paete, Laguna sa usapin ng Pagpapatitulo ng Lupa (Judicial Title) sa isang lagay na lupa na may kabuuang sukat na 3 ektarya na matatagpuan sa Sitio Macumbo, Barangay Quinale (4), Paete, Laguna.” Ang alam ko po, lahat ng dokumento ay narito kay Fiscal Sasondoncillo.

Tagapangulo. So kumusta na po yung pagpapatitulo?

Konsehal Eriberto D. Pascual. Hindi ko pa po naitatanong pero ibinase ko lang po ito doon sa ating nasabing resolusyon.

Tagapangulo. Dahil tayo’y magbabago ng katayaan ng lupa, siguro’y mas mainam na alam ng may-ari ng lupa na babaguhin man lang. So kailangang may assurance man lang tayo na alam ng may-ari. So kung donation na siya, basta’t siguruhin lang na yun ay talagang nabili na. Wala itong kaugnayan sa dating proposal na iuutang ng Php30 Million?

Konsehal Eriberto D. Pascual. Wala po.

Tagapangulo. So hindi po involved sa utang ha.

Hiniling ng ama ng mungkahi na mapagtibay ang resolusyon.

Pinangalawahan nina Konsehal Ronaldo Z. Valdellon, Konsehal Emerito B. Gajitos, LBP-Konsehal Hermie B. Bagongahasa, at Konsehal Urbano R. Cadapan, at pinagtibay. (055)

Narito po ang sipi ng nasabing Resolusyon Blg. 055 T. 2012

Republika ng Pilipinas
Lalawigan ng Laguna
Bayan ng Paete


TANGGAPAN NG SANGGUNIANG BAYAN

HALAW SA KATITIKAN NG KARANIWANG PULONG NG SANGGUNIANG BAYAN NG PAETE, LAGUNA NA GINANAP SA BATASANG BAYAN, VICTOR PAGALANAN MEMORIAL HALL, GUSALING ADECI, PAETE, LAGUNA, 28 MAYO, 2012, ARAW NG LUNES.

MGA DUMALO:
Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo, Pangalawang Punong-Bayan/
Tagapangulo
Kgg. Anna Pamela R. dela Rosa, Konsehal,
Kgg. Brigido R. Bagayana, Konsehal,
Kgg. Aurelio P. Paraiso, Konsehal,
Kgg. Lourdes F. Sunga, Konsehal,
Kgg. Eriberto D. Pascual, Konsehal,
Kgg. Urbano R. Cadapan, Konsehal,
Kgg. Emerito B. Gajitos, Konsehal,
Kgg. Ronaldo Z. Valdellon, Konsehal,
Kgg. Hermie B. Bagongahasa, Konsehal/LBP,
Kgg. Lyeka May S. Sadsad, Konsehal/SKFP.

HINDI DUMALO: WALA


RESOLUSYON BLG. 55 T.-2012

RESOLUSYONG PAGTIBAYIN ANG ORDINANSA NG PAGBABAGO NG KATAYAAN NG LUPANG AGRIKULTURAL UPANG MAGING RESIDENSIYAL NA MAY SUKAT NA HUMIGIT KUMULANG 30,000 METRO KWADRADO NA NASA ILALIM NG LOT NOS. 3235 CAD 404 AT BAHAGI NG LOT NO. 3238 CAD 404 NA MATATAGPUAN SA SITIO MACUMBO, BARANGAY QUINALE, PAETE, LAGUNA.
_____________________________________________________

MAY AKDA: KONSEHAL ERIBERTO D. PASCUAL
_____________________________________________________

SAPAGKAT, isa sa mga pangunahing obligasyon ng Pamahalaang Bayan ay ang pagsasaayos ng mga gamit ng lupang kanyang nasasakupan, mapangalagaan ang kapaligiran at masigurado ang maayos na pamayanan hindi lamang sa kasakuluyan kundi maging sa hinaharap;

SAPAGKAT, bukas palad na ipinagkaloob ng mag-asawang sina G. at Gng. Alberto D. Lina ang kanilang lupang pag-aari sa Pamahalaang Bayan ng Paete, Laguna at ang mga lupang ito ay nasa ilalim ng Lot No. 3235 na may sukat na 6,406 sq. m. at bahagi ng Lot no. 3238 na may sukat na 23,594 sq. m. na matatagpuan sa Sitio Macumbo, Barangay Quinale;

SAPAGKAT, ang nabanggit na lupang pag-aari nina G. at Gng. Alberto D. Lina ay ipinagkaloob upang maging permanenteng tirahan ng mga mamamayan na sa kasalukuyan ay naninirahan sa mga lugar na nasasakop ng “danger zone” sa ating bayan at kinakailangang maisaayos ang kanilang mga tirahan upang hindi na sila magkaroon pa ng mga pangamba sa tuwing mayroong darating na bagyo o anumang kalamidad na hindi inaasahan;

SAPAGKAT, may programa ang Pamahalaang Bayan na mabigyan ng disenteng tahanan at malayo sa kapahamakan ang mga mamamayan lalo’t higit ang mga naninirahan sa mga matatarik at mapanganib na lugar;

SAPAGKAT, ang nasabing pagbabago ng katayaan ng lupang agrikultural patungo sa residensiyal (Reclassification of land) ay isa sa mahalagang dokumento na kailangang maisumite sa National Housing Authority (NHA) kaugnay ng proyekto ng Pamahalaang Bayan na “Pabahay”.

KUNG KAYA’T DAHIL DITO, sa mungkahi ni Konsehal Eriberto D. Pascual, pinangalawahan nina Konsehal Ronaldo Z. Valdellon, Konsehal Emerito B. Gajitos, Konsehal-LBP Hermie B. Bagongahasa at Konsehal Urbano R. Cadapan, sa pagkatig at pagsang-ayon ng mas nakararaming dumalong mga Konsehal, ay:

IPINASIYA: na gaya ng ginagawa ng Sangguniang ito sa ngayon, ay pinagtitibay ang Ordinansa ng Pagbabago ng Katayaan ng lupang Agrikultural upang maging Residensiyal na may sukat na humigit kumulang 30,000 metro kwadrado na nasa ilalim ng Lot Nos. 3235 Cad 404 at bahagi ng 3238 Cad 404 na matatagpuan sa Sitio Macumbo, Barangay Quinale, Paete, Laguna.

INIATAS na padalhan ng sipi ang kinauukulan para sa kanilang kabatiran at patnubay.

ORDINANSA BLG. 2012-308

ORDINANSA NG PAGBABAGO NG KATAYAAN NG LUPANG AGRIKULTURAL UPANG MAGING RESIDENSIYAL NA MAY SUKAT NA HUMIGIT KUMULANG 30,000 METRO KWADRADO NA NASA ILALIM NG LOT NOS. 3235 CAD 404 AT BAHAGI NG 3238 CAD 404 NA MATATAGPUAN SA SITIO MACUMBO, BARANGAY QUINALE, PAETE, LAGUNA.


Ipinag-uutos ng Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna, na:

PANGKAT 1. Ang nasabing mga lupa na pag-aari ng mag-asawang G. Alberto David Lina at Gng. Sylvia Pacheco-Lina, ay nakatala sa Tanggapan ng Pambayang Tagataya ng Paete, Laguna na may paglalarawan gaya ng mga sumusunod: Tax Declaration Nos. 18-0013 00285 at 18-0013 00800; at may kaukulang Lot Nos. 3235 Cad 404 at 3238 Cad 404.

PANGKAT 2. Ang Punong-Bayan ng Paete, Laguna, ay binibigyang karapatan na magbigay ng mga kaukulang pahintulot para sa nasabing lupang agrikultural upang maging residensiyal kaugnay ng proyektong “Pabahay” ng Pamahalaang Bayan ng Paete, Laguna matapos makatugon sa mga dokumentong kinakailangan sa pagbabago ng katayaan ng lupa.

PANGKAT 3. Sa anumang kadahilanan, bahagi man o kabuuan ng alinmang pangkatin ng kautusang ito na lihis o taliwas, ang mga bahaging hindi apektado ay mahigpit pa ring ipatutupad.

PANGKAT 4. Ang kautusang ito ay magkakabisa matapos makatugon sa itinatadhana ng mga batas kaugnay nito.

PINAGTIBAY: 28 Mayo, 2012

PINATUTUNAYAN ko ang kawastuhan ng resolusyong nabanggit sa itaas nito.

May Lagda ang Orihinal
ANA VICTORIA A. AGRAVIA
Kalihim ng Sanggunian

PINAGTIBAY:

May Lagda ang Orihinal
ROJILYN Q. BAGABALDO
Pangalawang Punong-Bayan
Tagapangulo


PINAGTITIBAY:

May Lagda ang Orihinal
INH. EMMANUEL B. CADAYONA
Punong-Bayan
Back to top
View user's profile Send private message AIM Address Yahoo Messenger MSN Messenger
mutuk
Forum Moderator


Joined: 11 Oct 2005
Posts: 1860
Location: Vice mayor Rojilyn Bagabaldo

PostPosted: Thu Sep 06, 2012 1:07 am    Post subject: Reply with quote











_________________
Rojilyn "Mutuk" Quiachon Bagabaldo
Back to top
View user's profile Send private message
Display posts from previous:   
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Balitang Paete - Sangguniang Bayan All times are GMT - 5 Hours
Page 1 of 1

 
Jump to:  
You cannot post new topics in this forum
You cannot reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum


Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group