PAETE.ORG FORUMS
Paetenians Home on the Net

HOME | ABOUT PAETE | USAP PAETE MUNISIPYO  | MEMBERS ONLY  | PICTORIAL PAETE | SINING PAETE  | LINKS  |

FORUM GUIDELINES
please read before posting

USAP PAETE Forum Index USAP PAETE
Discussion Forums for the people of Paete, Laguna, Philippines
 
 FAQFAQ   SearchSearch    UsergroupsUsergroups   RegisterRegister 
 ProfileProfile   Log in to check your private messagesLog in to check your private messages   Log inLog in 

ORDINANSA BLG. 2008-252-ALITUNTUNIN AT REGULASYON-JUNK SHOP

 
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Balitang Paete - Sangguniang Bayan
View previous topic :: View next topic  
Author Message
Ana Victoria A. Agravia



Joined: 24 May 2008
Posts: 190
Location: Paete, Laguna

PostPosted: Thu Jun 14, 2012 10:43 pm    Post subject: ORDINANSA BLG. 2008-252-ALITUNTUNIN AT REGULASYON-JUNK SHOP Reply with quote

Sa mga kinauukulan,

Magalang ko pong ipinababatid sa inyong kaalaman na ang Kgg. Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna ay mayroon pong pinagtibay na Res. Blg. 034 T. 2008 kung saan nakapaloob ang Ordinansa Blg. 252 na pinagtibay noong ika-12 ng Marso, 2008-Ordinansa na nagtatakda ng mga alituntunin at Regulasyon para sa Junk shop owner at nagbibili/nagbebenta ng mga kalakal sa nasasakupan ng bayan ng Paete, Laguna.

Narito po ang nilalaman ng nasabing Ordinansa:


Republika ng Pilipinas
Lalawigan ng Laguna
Bayan ng Paete


TANGGAPAN NG SANGGUNIANG BAYAN

HALAW SA KATITIKAN NG PULONG KARANIWAN NG SANGGUNIANG BAYAN NG PAETE, LAGUNA NA GINANAP SA BATASANG BAYAN, VICTOR PAGALANAN MEMORIAL HALL, GUSALING ADECI, PAETE, LAGUNA, 12 MARSO, 2008, ARAW NG MIYERKULES.

MGA DUMALO:
Kgg. Lourdes F. Sunga, Konsehal/ Nanuparang Tagapangulo,
Kgg. Brigido R. Bagayana, Konsehal,
Kgg. Aurelio P. Paraiso, Konsehal,
Kgg. Urbano R. Cadapan, Konsehal,
Kgg. Emerito B. Gajitos, Konsehal,
Kgg. Ronaldo Z. Valdellon, Konsehal,
Kgg. Eriberto D. Pascual, Konsehal,
Kgg. Elizabeth G. Calma, Konsehal/LBP.

HINDI DUMALO:
Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo, Pangalawang Punong-Bayan/ Opisyal Na Lakad,
Kgg. Ronald B. Cosico, Konsehal/ Opisyal Na Lakad,
Kgg. Kim Karlo G. Ballares, Konsehal/SKFP.

RESOLUSYON BLG. 034 T. 2008

RESOLUSYONG PAGTIBAYIN ANG ORDINANSA NA NAGTATAKDA NG MGA ALITUNTUNIN AT REGULASYON PARA SA JUNK SHOP OWNER AT NAGBIBILI/NAGBEBENTA NG MGA KALAKAL SA NASASAKUPAN NG BAYAN NG PAETE, LAGUNA.


SAPAGKAT, sa panahon ngayon ay maraming mga bagong hanapbuhay o negosyo kabilang ang junk shop bilang alternatibong pagkakitaan ng mga mamamayan;

SAPAGKAT, kailangan na magkaroon ng mga alituntunin at regulasyon sa nasabing hanapbuhay upang maiwasan ang posibleng magiging problema katulad ng pagbebentahan ng mga nakaw na kalakal;

SAPAGKAT, ang nasabing hanapbuhay ay isang solusyon din upang mabawasan ang problema sa basura;

SAPAGKAT, malaking tulong ito lalo na sa mga kababayan natin na walang mga permanenteng hanapbuhay na sa pamamagitan ng segregation o paghihiwa-hiwalay ng basura ay marami pa silang makikitang mga bagay na maaaring mapakinabangan;

SAPAGKAT, layunin din nito na pangalagaan ang mga pribadong pag-aari ng mga mamamayan.

KUNG KAYA’T DAHIL DITO, sa mungkahi ni Konsehal Eriberto D. Pascual at pinangalawahan nina Konsehal Ronaldo Z. Valdellon, Konsehal Urbano R. Cadapan at Konsehal Emerito B. Gajitos, kinatigan at sinang-ayunan ng lahat na dumalong mga Konsehal, ay

IPINASIYA: na gaya ng ginagawa ng Sangguniang ito, sa ngayon, ay pinagtitibay ang ordinansa na nagtatakda ng mga alituntunin at regulasyon para sa junk shop owner at nagbebenta/nagbibili ng mga kalakal sa nasasakupan ng bayan ng Paete, Laguna.


ORDINANSA BLG. 252

ORDINANSA NA NAGTATAKDA NG MGA ALITUNTUNIN AT REGULASYON PARA SA JUNK SHOP OWNER AT NAGBIBILI/NAGBEBENTA NG MGA KALAKAL SA NASASAKUPAN NG BAYAN NG PAETE, LAGUNA.

Ipinag-uutos ng Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna, na:

ALITUNTUNIN BLG. I
SA MGA NAGMAMAY-ARI NG JUNK SHOP AT SA MGA BAGO PA LANG MAGTATAYO NG JUNK SHOP

PANGKAT 1. Ang sinumang tao o mga tao na nagnanais na magtayo ng negosyong junk shop ay kinakailangang kumuha ng pahintulot sa Tanggapan ng Punong-Bayan bago mag-umpisa ng operasyon.

PANGKAT 2. Ang lahat ng may-ari ng junk shop ay maglalagay ng karatula sa harapan na nasasaad/nakasaad ang mga sumusunod:
a. Pangalan ng negosyo o junk shop
b. Pangalan ng may-ari
c. Oras ng pamimili

PANGKAT 3. Mula ika-6:00 ng umaga hanggang ika-6:00 ng gabi lamang maaaring mamili/bumili ng mga kalakal o produktong nasasaklaw ng negosyong junk shop.

PANGKAT 4. Walang sinumang tao o mga tao ang papayagang magtambak ng kanilang mga kalakal sa alinmang pampublikong lugar sa nasasakupan ng bayan ng Paete, Laguna upang maiwasan ang aksidente at mapanatili ang kalinisan at kaayusan.

PANGKAT 5. Mahigpit na ipinagbabawal sa sinumang tao o mga tao na nagmamay-ari ng junk shop ang mag-empleyo o gawing mga ahente at bumili/mamili sa mga kabataan na ang edad ay wala pang labing walong (18 ) taong gulang.

ALITUNTUNIN BLG. II
TALAAN NG MGA NAGBIBILI AT BINILING KALAKAL

PANGKAT 7. Upang maiwasan ang pagbili at pagbebenta ng mga nakaw na kalakal sa alinmang junk shop, ang mga may-ari ng junk shop ay kinakailangan magkaroon ng talaan ng mga sumusunod na impormasyon ng mga magbibili ng mga kalakal tulad ng bakal o metal, aluminum, dyaryo, papel, bote, plastic at iba pang mga kauri nito.

a. Pangalan
b. Tirahan
c. Edad
d. Numero ng telepono o cellphone
e. Petsa, oras at araw nang naganap ang transaksyon
f. Lagda ng nagbili o nagbenta

ALITUNTUNIN BLG. III
MGA KALAKAL NA KINAKAILANGAN ANG MGA PAHINTULOT O KASULATAN

PANGKAT 8. Ang sinumang tao o mga tao na nagmamay-ari ng junk shop na bibili/bumibili, at sinumang tao o mga tao na magbebenta at magbibili ng mga kalakal gaya ng mga sumusunod ay kinakailangang mayroong kaukulang pahintulot o kasulatan mula sa may-ari na pinagmulan ng kalakal:


a. Yero
b. Linya ng Kuryente
c. Metro ng tubig
d. Tubo
e. Grills (pinto/bakod/bintana)
f. Strainer
g. Mga gamit sa kusina
h. Gripo
i. Mga piyesa ng anumang uri ng sasakyan
j. Mga bakal sa construction

ALITUNTUNIN BLG. IV
MULTA AT KAPARUSAHAN SA PAGLABAG

PANGKAT 9. Ang mga halal na opisyales ng bayan at barangay, mga Hepe at mga Barangay Tanod o Bantay Bayan at mga may malasakit na mamamayan (concerned citizen) ay binibigyan ng karapatan na manita/sumita sa mga kalakal na dala ng mga ahente ng junk shop na nakalagay sa mga sako at anumang uri ng mga kahina-hinalang lalagyan.

PANGKAT 10. Ang multa at kaparusahan sa bawat paglabag sa mga pangkatin sa ordinansang ito ay magmumulta na gaya ng mga sumusunod:

UNANG PAGLABAG – multa ng halagang Limang Daan Piso (Php500.00) o pagkabilanggo ng isang (1) araw o pareho batay sa ihahatol ng kinauukulang hukuman;

IKALAWANG PAGLABAG – multa ng halagang Isang Libo at Limang Daan Piso (Php1,500.00) o pagkabilanggo ng dalawang (2) araw o pareho batay sa ihahatol ng kinauukulang hukuman;

IKATLONG PAGLABAG – multa ng halagang Dalawang Libo at Limang Daan Piso (Php2,500.00) at pagbawi sa ipinagkaloob na permiso ng Punong-Bayan at/o pagkabilanggo ng dalawang (2) araw o pareho batay sa ihahatol ng kinauukulang hukuman.

PANGKAT 11. Na ang lahat na butaw o multa ay babayaran sa Tanggapan ng Pambayang Ingat-Yaman na may kaukulang resibo at papasok sa kabang bayan.

ALITUNTUNIN BLG. V
PANGWAKAS NA PROBISYON

PANGKAT 12. SUGNAY NA PAGPAPAWALANG BISA – ang anumang naunang mga ordinansa, kautusan man o alituntunin na taliwas sa kabuuan man o bahagi nito ay pinawawalang saysay o bisa.

PANGKAT 13. SUGNAY NG PAGHIHIWALAY – sa pangyayari ng alinmang tadhana ng ordinansang ito ay ipinahayag na labag, ang iba pang mga tadhana ay mananatiling may bisa.

PANGKAT 14. PAGKAKABISA – ang ordinansang ito ay dapat magkabisa matapos pagtibayin ng naaayon sa umiiral na batas at maipaskel sa mga hayag na lugar.

INIATAS: na padalhan ng sipi ng ordinansang ito ang mga kinauukulan para sa kanilang kabatiran at kaalaman.

PINAGTIBAY:12 Marso 2008


PINATUTUNAYAN ko ang kawastuhan ng resolusyong nabanggit sa itaas nito.


May lagda ang orihinal
ANA ADORA A. BASA
Kalihim ng Sanggunian

PINAGTIBAY:


May lagda ang orihinal
LOURDES FADUL-SUNGA
Konsehal
Nanuparang Tagapangulo

PINAGTITIBAY:


May lagda ang orihinal
EMMANUEL B. CADAYONA
Punong-Bayan

Noon pong Marso 27, 2011 ay mayroon din pong pinagtibay na Res. Blg. 036 T. 2011 ang Kgg. Sangguniang Bayan kung saan nakapaloob ang Ordinansa Blg. 297 t. 2011- Ordinansa na nagbabawal ng pangangalakal/mangalakal (manguha/mamulot, mamili at magbenta ng mga bagay/gamit at kasangkapan na maaari pang maipagbili) at magbasura (manguha at magtapon ng basura)ang mga batang “menor de edad” (na wala pang labing walong (18 ) taong gulang, pababa) sa nasasakupan ng bayan ng Paete, Laguna at nagtatakda ng mga alituntunin na nauukol dito.

Narito po ang nilalaman ng nasabing Ordinansa:


Republika ng Pilipinas
Lalawigan ng Laguna
Bayan ng Paete


TANGGAPAN NG SANGGUNIANG BAYAN

HALAW SA KATITIKAN NG PULONG KARANIWAN NG SANGGUNIANG BAYAN NG PAETE, LAGUNA NA GINANAP SA VICTOR PAGALANAN MEMORIAL HALL, BATASANG BAYAN, GUSALING ADECI, PAETE, LAGUNA NOONG 07 MARSO, 2011 ARAW NG LUNES.

MGA DUMALO:
Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo, Pangalawang Punong-Bayan/ Tagapangulo,
Kgg. Anna Pamela R. dela Rosa, Konsehal,
Kgg. Brigido R. Bagayana, Konsehal,
Kgg. Aurelio P. Paraiso, Konsehal,
Kgg. Lourdes F. Sunga, Konsehal.
Kgg. Eriberto D. Pascual, Konsehal,
Kgg. Urbano R. Cadapan, Konsehal,
Kgg. Emerito B. Gajitos, Konsehal,
Kgg. Ronaldo Z. Valdellon, Konsehal,
Kgg. Hermie B. Bagongahasa, Konsehal-LBP,
Kgg. Lyeka May S. Sadsad, Konsehal-SKFP,

HINDI DUMALO: WALA

RESOLUSYON BLG. 036 T. - 2011

RESOLUSYONG PAGTIBAYIN ANG ORDINANSA NA NAGBABAWAL NG PANGANGALAKAL/MANGALAKAL (MANGUHA/MAMULOT, MAMILI AT MAGBENTA NG MGA BAGAY/GAMIT AT KASANGKAPAN NA MAAARI PANG MAIPAGBILI) AT MAGBASURA (MANGUHA AT MAGTAPON NG BASURA) ANG MGA BATANG “MENOR DE EDAD” (NA WALA PANG LABING WALONG (18 ) TAONG GULANG, PABABA) SA NASASAKUPAN NG BAYAN NG PAETE, LAGUNA AT NAGTATAKDA NG MGA ALITUNTUNIN NA NAUUKOL DITO.

SAPAGKAT, mayroong umiiral na Batas Pambansa (Republic Act 7610, “special protection of children against abuse, exploitation and discrimination act” and Republic Act 9231, “an act providing for the elimination of the worst forms of child labor and affording stronger protection for the working child, amending for this purpose Republic Act 7610 and Republic Act No. 9344, “ an act establishing a comprehensive juvenile justice and welfare system, creating the juvenile justice and welfare council under the Department of Justice, appropriating funds therefore and for other purposes”) na nauukol sa pangangalaga at kapakanan ng mga kabataang menor de edad;

SAPAGKAT, kinakailangan na mabigyang pansin ang kapakanan ng mga kabataan sa ating bayan, upang mapangalagaan sila sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at maiiwas sa mga di-kanis-nais na mga gawain, libangan at mga bisyo o gawi, at upang huwag malagay sa panganib/kapahamakan ang kanilang kalusugan;

SAPAGKAT, maraming mga kabataang menor de edad sa panahong ito ang mga naghahanap-buhay sa pamamagitan ng pangangalakal, pangunguha/pangongolekta at pamimili ng iba’t-ibang mga bagay, kagamitan at kasangkapan na maaari pang mapakinabangan na maipagbibili at mapagkakaperahan, na di-alintana ang nakaambang panganib sa kanilang kalusugan;

SAPAGKAT, mayroong mga kabataang menor de edad na pinapayagan o pinababayaan ng kanilang mga magulang o tagapangalaga at mayroon ding mga kabataan na kusang-loob na naghahanap-buhay sa pamamagitan ng pagbabasura (pangunguha/pangongolekta at pagtatapon ng basura) na nalalagay sa panganib/alanganin ang kanilang kalusugan at ang kanilang pangangatawan, dahilan sa nalalantad (expose) sa mga dumi at mikrobyo na maaring pagmulan ng pagkakasakit at pagkadisgrasya;


SAPAGKAT, marahil ay di-nababatid o di-nalalaman ng mga kabataang ito, at maging ng kanilang mga magulang o tagapangalaga (guardian) na nalalagay sa panganib at di-magandang katayuan/kalagayan ang mga buhay at kalusugan ng mga kabataang menor de edad, pati na ang kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng pagsasagawa, pagganap o pag-akto ng nasabing mga gawain o hanapbuhay.

SAPAGKAT, karapatan ng mga kabataan na sila ay makapag-aral at makapasok/pumasok sa paaralan para sa kanilang kagalingan, matuto at makamit ang mga kaalamang kanilang kinakailangan upang maihanda ang kanilang kinabukasan at tungkulin/obligasyon at gampanin ng bawa’t magulang o tagapangalaga na sila (kabataan) ay itaguyod sa abot ng kanilang makakayanan na maipasok/mapag-aral ang kanilang mga anak o inaalagaan sa paaralan upang magkamit ng karunungan at kaalaman.

KUNG KAYA’T DAHIL DITO, sa mungkahi ni Konsehal Brigido R. Bagayana sa pagkatig at pagsang-ayon ng lahat ng mga Konsehal, ay:

IPINASIYA, na gaya ng ginagawa ng Sangguniang ito sa ngayon, ay pinagtitibay ang Ordinansa na nagbabawal ng pangangalaka/mangalakal (manguha/mamulot, mamili at magbenta ng mga bagay/gamit at kasangkapan na maaari pang maipagbili) at magbasura (manguha at magtapon ng basura) ang mga batang “menor de edad” (na wala pang labing walong (18 ) taong gulang, pababa) sa nasasakupan ng bayan ng Paete, Laguna at nagtatakda ng mga alituntunin na nauukol dito.

ORDINANSA BLG. 297

ORDINANSA NA NAGBABAWAL NG PANGANGALAKAL/MANGALAKAL (MANGUHA/MAMULOT, MAMILI AT MAGBENTA NG MGA BAGAY/GAMIT AT KASANGKAPAN NA MAAARI PANG MAIPAGBILI) AT MAGBASURA (MANGUHA AT MAGTAPON NG BASURA) ANG MGA BATANG “MENOR DE EDAD” (NA WALA PANG LABING WALONG (18 ) TAONG GULANG, PABABA) SA NASASAKUPAN NG BAYAN NG PAETE, LAGUNA AT NAGTATAKDA NG MGA ALITUNTUNIN NA NAUUKOL DITO.

Ipinag-uutos ng Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna ang mga sumusunod:

ALITUNTUNIN BLG. I

ALITUNTUNIN NA NAUUKOL SA MGA BATANG “MENOR DE EDAD” NA WALA PANG LABING WALONG (18 ) TAONG GULANG, PABABA, NA NAUUGNAY/GUMAGAWA O NAGHAHANAP-BUHAY SA PAMAMAGITAN NG PANGANGALAKAL/NANGANGALAKAL, NANGUNGUHA, NANGONGOLEKTA, NAMUMULOT, NAMIMILI AT NAGBEBENTA NG MGA BAGAY, KAGAMITAN O KASANGKAPAN.

PANGKAT 1. Ipinagbabawal sa kabataang menor de edad na nababanggit sa ordinansang ito na mangalakal o mamili, manguha/mamulot at mangolekta ng anumang mga bagay, kagamitan o kasangkapan na kanilang ipinagbibili sa mga “junkshop” at iba pang mga namimili/mamimili ng mga nabanggit, upang maiwasan at maiiwas na sila ay malantad (expose) sa mga maruruming bagay o mikrobyo na maaaring taglay o nakakapit sa mga nabanggit na bagay/kagamitan na makakaapekto at makakasama sa kanilang kalusugan at pamumuhay.

PANGKAT 2. Hindi pinahihintulutan ang mga naturang kabataang menor de edad na maglibot o maggala sa nasasakupan ng Paete, Laguna, na ang layunin o gawain ay mangalakal/manguha ng mga ng mga bagay/gamit o kasangkapan na maaari pang mapakinabangan at maipagbili o mapagkaperahan, upang maiwasan at mailayo sila sa disgrasya o kapahamakan na maaaring maganap/kasapitan sa kanilang paglilibot/paggagala, pangunguha at pagtawid sa mga kalsada o lansangan.
ALITUNTUNIN BLG. II

ALITUNTUNIN NA NAUUKOL SA MGA BATANG MENOR DE EDAD, NA NASASAAD DITO NA ANG GAWAIN O HANAPBUHAY AY ANG PAGBABASURA/MAGBASURA (MANGUHA, MANGOLEKTA/MAMULOT AT MAGTAPON NG BASURA).

PANGKAT 3. Ipinagbabawal sa sinumang kabataang menor de edad na tinutukoy sa ordinansang ito ang maghanapbuhay sa pamamagitan ng pagbabasura (mangolekta, manguha, mamulot at magtapon ng basura) sa nasasakupan ng bayan ng Paete, Laguna, upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan at maiiwas sila sa pagkakasakit na maaaring makuha at maidulot ng mga dumi at mikrobyo na taglay ng iba’t-ibang klase ng basura.

PANGKAT 4. Ipinagbabawal din ang pagsama (kusa man o hindi) ng mga batang menor de edad na nababanggit sa ordinansang ito sa kanilang mga magulang o nangangalaga (guardian) sa mga oras na gumaganap o naghahanapbuhay ang mga ito sa pamamagitan ng pagbabasura o pangunguha/pangongolekta at pagtatapon ng basura.

ALITUNTUNIN BLG. III

ALITUNTUNIN NA NAUUKOL SA MGA MAGULANG O TAGAPANGALAGA (GUARDIAN) NA MAYROONG MGA ANAK O INAALAGAAN/BINABANTAYAN NA MGA BATANG MENOR DE EDAD NA WALA PANG LABING WALONG (18 ) TAONG GULANG, PABABA, NA ANG GAWAIN O HANAPBUHAY AY GAYA NG NASASAAD SA ALITUNTUNIN BLG. I AT BLG. II NG ORDINANSANG ITO.

PANGKAT 5. Mahigpit na ipinagbabawal sa mga magulang o tagapangalaga ng mga kabataang menor de edad na nababanggit sa alituntuning ito ang payagan/pahintulutan o pilitin/hikayatin na papagtrabahuhin ang kanilang mga anak/inaalagaan, na mangalakal/pangangalakal (manguha/mamulot, mamili at magbenta ng mga bagay/kagamitan o kasangkapan na maaaring maipagbili) at maghanap-buhay sa pamamagitan ng pagbabasura (manguha, mangolekta at magtapon ng basura) sa nasasakupan ng Paete, Laguna, upang maiwasan at maiiwas sila (kabataan) sa ambang panganib na dulot ng maruruming bagay at mikrobyo na maaring pagbuhatan/pagmulan ng sakit.

PANGKAT 6. Ipinagbabawal din sa mga magulang/tagapangalaga ang pagsasama ng kanilang mga menor de edad na anak o inaalagaan kung ang kanilang hanap-buhay o pinagkakakitaan ay sa pamamagitan ng pangangalakal o pagbabasura na nababanggit sa ordinansang ito, sa mga oras at araw na sila ay gumaganap o nagsasagawa ng kanilang hanapbuhay, upang huwag silang (mga bata) na mawili/mamihasa na sumama sa kanila (magulang/tagapangalaga) at upang mapangalagaan ang kanilang kaligtasan sa mga sakit at karamdaman na maaari nilang (kabataan) makuha/masagap mula sa maruruming bagay at mga basura.

ALITUNTUNIN BLG. IV

ALITUNTUNIN NA NAUUKOL SA SINUMANG TAO, MGA TAO (GRUPO O SAMAHAN) NA NAG-UUTOS, GUMAGAMIT, NAMUMUHUNAN SA MGA KABATAANG MENOR DE EDAD (WALA PANG LABING WALONG TAONG GULANG, PABABA) NA MANGALAKAL/PANGANGALAKAL AT MANGUHA AT MAGTAPON NG BASURA.

PANGKAT 7. Mahigpit ding ipinagbabawal/iniaatas/kinokondena sa/ang sinumang tao o mga tao (grupo/samahan) na kamag-anak o hindi kamag-anak/kadugo o ibang tao, na walang relasyon sa mga kabataaang menor de edad na nasasaad dito na mag-utos, gumamit o humikayat sa kanila (menor de edad) na mangalakal at magbasura na gaya ng nababanggit o nasasaad sa ordinansang ito sa nasasakupan ng Paete, Laguna.

ALITUNTUNIN BLG. V

ALITUNTUNIN NA NAUUKOL SA MGA MAMIMILI/BUMIBILI (JUNKSHOP OWNER) NG MGA IBAT-IBANG URI NG MGA KALAKAL MULA SA MGA BATANG MENOR DE EDAD NA WALA PANG LABINGWALONG TAONG GULANG, PABABA.

PANGKAT 8. Para lubusang maipatupad ang nilalaman ng ordinansang ito, at upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga kabataang nasasaad sa ordinansang ito, lalo na ang kanilang kalusugan, moralidad at kinabukasan ay mahigpit na ipinagbabawal sa mga mamimili/bumibili (junkshop owner) na bumili/tumanggap ng mga kalakal mula sa mga kabataang menor de edad na nababanggit at nasasakupan ng ordinansang ito.

ALITUNTUNIN BLG. VI

IPAPATAW, MULTA AT KAPARUSAHAN
PANGKAT 9. Ang sinumang mahuli at mapatunayang lumabag sa Alituntunin Blg. I at Blg. II ay papatawan ng kaparusahan na gaya ng sumusunod:

UNANG PAGLABAG –ipapatawag ang nahuling katauhang menor de edad, upang paliwanagan, pagsabihan o pangaralan (reprimand) ng Tanggapan ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (MSWD) o itatalagang katauhan/tanggapan ng Punong-Bayan.

IKALAWANG PAGLABAG –ang mga mahuhuling menor de edad ay aatasan na magsagawa ng paglilinis at iba pang pagawain sa komunidad (community service) na angkop sa kanilang edad at kakayahan na may pagsang-ayon/pahintulot ng kanilang magulang/tagapangalaga (guardian).

IKATLONG PAGLABAG –ang mga kabataang menor de edad na mahuhuli ay ipapaubaya/ililiwat (turn-over) sa pangangalaga ng Tanggapan ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (MSWD) para sa kanilang kaukulan o nararapat na aksyon/gawain na naaayon sa mga umiiral na batas/ordinansa at alituntunin (Republic Act. or Local Ordinance).

PANGKAT 10.Ang sinumang mga magulang o tagapangalaga (guardian) na mahuli at mapatunayang lumabag sa Alituntunin Blg. I at Blg. II ay papatawan ng kaparusahan na gaya ng sumusunod:

UNANG PAGLABAG –ipapatawag ang mga magulang/tagapangalaga (guardian) ng mga kabataang menor de edad na wala pang Labing Walong taong gulang, pababa, na nahuli at napatunayang lumabag upang paliwanagan, pagsabihan o pangaralan (reprimand) ng Tanggapan ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (MSWD) o itatalagang tanggapan o katauhan ng Punong-Bayan.



IKALAWANG PAGLABAG –ang mga magulang/tagapangalaga (guardian) ng mga nahuling menor de edad ay magbabayad/magmumulta ng halagang Limang Daang Piso (Php500.00).

IKATLONG PAGLABAG – magbabayad/magmumulta ng halagang Isang Libo at Limang Daang Piso (Php1,500.00) o pagkabilanggo ng Dalawang Araw (2 days) o pareho ayon/batay sa ihahatol ng kinauukulang hukuman.

PANGKAT 11. Ang sinumang tao o mga tao, grupo o samahan na mahuli at mapatunayang lumabag sa Alituntunin Blg. IV, ay papatawan ng multa at kaparusahan na gaya ng mga sumusunod:

UNANG PAGLABAG –multa ng halagang Isang Libong Piso (Php1,000.00) o pagkabilanggo ng dalawang araw (2 days) o pareho ayon sa ihahatol ng kinauukulang Hukuman.

IKALAWANG PAGLABAG –multa ng halagang Isang Libo at Limang Daang Piso (Php1,500.00) o pagkabilanggo ng tatlong araw (3 days) o pareho ayon sa ihahatol ng kinauukulang Hukuman.

IKATLONG PAGLABAG –multa ng halagang Dalawang Libo at Limang Daang Piso (Php2,500.00) o pagkabilanggo ng tatlong araw (3 days) o pareho ayon sa ihahatol ng kinauukulang Hukuman.

PANGKAT 12. Ang sinumang tao o mga tao, na mahuli at napatunayang lumabag sa Alituntunin Blg. V, ay papatawan ng multa at kaparusahan na gaya ng nasasaad sa Ordinansa Blg. 252 t. 2008 “Ordinansa na nagtatakda ng mga alituntunin at regulasyon para sa junk shop owner at nagbibili/nagbebenta ng mga kalakal sa nasasakupan ng bayan ng Paete, Laguna”, Alituntunin Blg. IV, Pangkat 10 na gaya ng mga sumusunod:

UNANG PAGLABAG –multa ng halagang Limang Daang Piso (Php 500.00) o pagkabilanggo ng isang (1) araw o pareho batay sa ihahatol ng kinauukulang Hukuman.

IKALAWANG PAGLABAG –multa ng halagang Isang Libo at Limang Daang Piso (Php1,500.00) o pagkabilanggo ng dalawang araw (2 days) o pareho batay sa ihahatol ng kinauukulang Hukuman.

IKATLONG PAGLABAG –multa ng halagang Dalawang Libo at Limang Daang Piso (Php2,500.00) at pagbawi sa ipinagkaloob na permiso ng Punong-Bayan at/o pagkabilanggo ng dalwang araw (2 days) o pareho batay sa ihahatol ng kinauukulang hukuman.

PANGKAT 13. Ang anumang multa na nasasaad sa ordinansang ito ay babayaran sa Tanggapan ng Pambayang Ingat-Yaman na may kaukulang resibo.

PANGKAT 14. Ang anumang naunang mga kautusan o ordinansa na taliwas/lihis sa mga itinatadhana ng ordinansang ito ay pinawawalang bias/saysay.

PANGKAT 15. Kung anumang kadahilanan na may bahagi ng kautusang ito ay taliwas sa isinasaad/itinatadhana ng mas mataas na antas ng kautusan, ordinansa o batas, ang ilang bahagi/probisyon ditto na hindi apektado ay mananatiling may bisa.

PANGKAT 16. Ang ordinansang ito ay magkakabisa matapos na mapagtibay ng kinauukulan at makasunod/makatugon sa mga panuntunan at itinatadhana ng batas.


PINAGTIBAY: 07 MARSO, 2011

PINATUTUNAYAN ko ang kawastuhan ng nasasaad sa resolusyong ito ay pinagtibay ng Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna.

May Lagda ang Orihinal
ANA VICTORIA A. AGRAVIA
Kalihim ng Sanggunian

PINAGTIBAY:

May Lagda ang Orihinal
ROJILYN Q. BAGABALDO
Pangalawang Punong-Bayan/Tagapangulo

PINAGTITIBAY:

May Lagda ang Orihinal
INH. EMMANUEL B. CADAYONA
Punong-Bayan


anv/2011-36 mangalakal menor de edad 0rd. 297
Back to top
View user's profile Send private message AIM Address Yahoo Messenger MSN Messenger
Display posts from previous:   
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Balitang Paete - Sangguniang Bayan All times are GMT - 5 Hours
Page 1 of 1

 
Jump to:  
You cannot post new topics in this forum
You cannot reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum


Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group