PAETE.ORG FORUMS
Paetenians Home on the Net

HOME | ABOUT PAETE | USAP PAETE MUNISIPYO  | MEMBERS ONLY  | PICTORIAL PAETE | SINING PAETE  | LINKS  |

FORUM GUIDELINES
please read before posting

USAP PAETE Forum Index USAP PAETE
Discussion Forums for the people of Paete, Laguna, Philippines
 
 FAQFAQ   SearchSearch    UsergroupsUsergroups   RegisterRegister 
 ProfileProfile   Log in to check your private messagesLog in to check your private messages   Log inLog in 

ORD. BLG. 2012-309-NAGTATAKDA NG PAGPATAW NG MULTA-2%

 
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Balitang Paete - Sangguniang Bayan
View previous topic :: View next topic  
Author Message
Ana Victoria A. Agravia



Joined: 24 May 2008
Posts: 190
Location: Paete, Laguna

PostPosted: Wed Jun 20, 2012 9:33 pm    Post subject: ORD. BLG. 2012-309-NAGTATAKDA NG PAGPATAW NG MULTA-2% Reply with quote

Sa mga kinauukulan:

Magalang ko pong ipinababatid sa inyong kaalaman na noon pong ika-18 ng Hunyo, 2012 ay mayroong pinagtibay na Res. Blg. 060 T. 2012 ang Kgg. Sangguniang Bayan kung saan nakapaloob ang Ordinansa Blg. 2012-309-Ordinansang nagtatakda ng Pagpataw ng Multa na Dalawang Porsiyento (2%) bawat buwan sa Buwis sa Pagnenegosyo (Business Tax) na hindi binayaran sa itinakdang Panahon ng Pamahalaang Bayan ng Paete, Laguna.

Ang may-akda po ng nasabing Ordinansa ay si Kgg. Emerito B. Gajitos, Tagapangulo ng Lupon sa Pananalapi, Badyet at Paglalaan.

Ang pagpapatibay ng nasabing Ordinansa ay alinsunod po sa kahilingan ni Gng. Menchie P. Espanola, Pambayang Ingat-Yaman na iniliwat ng Tanggapan ng Punong-Bayan para sa kaukulang pag-aaral ng Tanggapan ng Sangguniang Bayan.

Narito po ang nilalaman ng nasabing sulat-kahilingan:






TRACKING OF ORDINANCE:

Public Hearing-Mayo 03, 2012

ULAT NG LUPON
Ni: KONSEHAL EMERITO B. GAJITOS
Lupon sa Pananalapi, Badyet at Paglalaan

PARA SA: Pangalawang Punong-Bayan

Noong Mayo 3, 2012, ganap na ika-1:40 ng hapon ay nagkaroon ng pampublikong pagdinig (Public Hearing) na dinaluhan ng 35 katao mula sa mga barangay, palengke, talipapa, mga tindahan ng kakanin, grocery, souvenirshops at mga kasapi ng Sangguniang Bayan. Sinimulan ang pagpupulong sa pamamagitan ng panalangin na pinamunuan ni Konsehal Ronaldo Z. Valdellon.

Tinalakay ang nauukol sa:

1. PAGPAPATAW NG 2% BUTAW SA MGA DI NABABAYARANG BUWIS AT PAGPAPATAW NG KAUKULANG PARUSA PARA RITO.

Inilahad ni Konsehal Emerito B. Gajitos, Tagapangulo ng Lupon sa Lupon sa Pananalapi, Badyet at Paglalaan sa mga dumalo ang tungkol sa liham mula sa Tanggapan ng Punong-Bayan, para sa Kgg. Sangguniang Bayan, paraan kay Kgg. Pangalawang Punong-Bayan Rojilyn Q. Bagabaldo, inililiwat ang liham buhat sa Tanggapan ng Pambayang Ingat-Yaman na humihiling na mailahad sa Sangguniang Bayan ang pagpapatibay ng ordinansang nauukol sa pagpapataw ng mga Patong na Singil at Parusa sa mga Hindi Nababayarang Buwis, Kabayaran o Singil, batay sa isinasaad ng Section 168 Chapter 3 ng Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991, para sa mahalagang pag-aaral.

Ipinabatid niya na sa ang kasalukuyang ginagamit na batayan ng ating Pamahalaang Bayan tungkol sa pagbabayad ng mga buwis, kabayaran o singil ay alinsunod sa napagtibay na Local Tax Ordinance 2004 at batay sa itinatadhana ng umiiral na batas kaugnay nito ay kinakailangang baguhin ang nasabing ordinansa tuwing ika-limang taon. Ang nasabing Local Tax Ordinance ay hindi muna babaguhin ngunit pinag-aaralan ng Sangguniang Bayan ang pagpapataw ng 2% na interest sa mga hindi nababayarang buwis, kabayaran o singil sa bawat buwan na hindi ito mabayaran.

Ipinahayag ng mga dumalo na sumasang-ayon silang mapatawan ng kaukulang interest ang hindi pagbabayad ng buwis sa takdang panahon subalit hiniling nila na huwag na munang magkakaroon ng pagtataas at pagsusog sa tax ordinance ganun na rin ang pagtataas ng upa sa pwesto sa Pamilihang Bayan.

Ipinahayag ni Konsehal Brigido R. Bagayana na wala munang babaguhin sa umiiral na Local Tax Ordinance maliban sa pagsasabatas ng ordinansa tungkol sa pagpapataw ng multa sa mga hindi nakakabayad sa takdang panahon. Ipinahayag din niya na kinakailangang dumaan muna sa kaukulang public hearing bago mapagtibay ng Sangguniang Bayan ang panukalang ordinansa na alinsunod sa itinatakda ng umiiral na batas.

Ipinahayag ni Konsehal Emerito B. Gajitos na wala pang binabago sa Local Tax Ordinance at ito pa rin ang batayan sa pagbabayad ng Mayor’s permit. Ang binabayaran ay business tax.

Hiniling ni Konsehal Brigido R. Bagayana na ang ideklara sa pagkuha ng Mayor’s permit ay yung malapit sa realidad.

Batay sa naging pagpapahayag ng mga dumalo ay sumasang-ayon sila sa pagpapataw ng multa na 2% bawat buwan sa hindi pagbabayad sa takdang panahon.

Nang wala ng dapat pag-usapan ay tinalakay na ang tungkol sa ikalawang paksaing nakatala para sa public hearing.

Inihanda ni:

May Lagda ang Orihinal
EMERITO B. GAJITOS
Tagapangulo

Sinang-ayunan nina:

May Lagda ang Orihinal
BRIGIDO R. BAGAYANA
Konsehal

May Lagda ang Orihinal
AURELIO P. PARAISO
Konsehal

May Lagda ang Orihinal
LOURDES F. SUNGA
Konsehal

May Lagda ang Orihinal
ERIBERTO D. PASCUAL
Konsehal

May Lagda ang Orihinal
URBANO R. CADAPAN
Konsehal

May Lagda ang Orihinal
RONALDO Z. VALDELLON
Konsehal


UNANG PAGBASA-Mayo 21, 2012

1.PR 2012-051- Panukalang Resolusyong pagtibayin ang Ordinansang Pagpataw ng 2% bawat buwan na multa sa mga hindi nakabayad ng Buwis sa Pagnenegosyo (Bus. Tax) sa itinakdang Panahon na binabayaran sa Pamahalaang Bayan ng Paete, Laguna. Ni: Konsehal Emerito B. Gajitos

IKALAWANG PAGBASA-Mayo 28, 2012

4. PR 2012-051- Panukalang Resolusyong pagtibayin ang Ordinansang Pagpataw ng 2% bawat buwan na multa sa mga hindi nakabayad ng Buwis sa Pagnenegosyo (Bus. Tax) sa itinakdang Panahon na binabayaran sa Pamahalaang Bayan ng Paete, Laguna. Ni: Konsehal Emerito B. Gajitos


IKALAWANG PAGBASA-Hunyo 11, 2012

4. PR 2012-051- Panukalang Resolusyong pagtibayin ang Ordinansang Pagpataw ng 2% bawat buwan na multa sa mga hindi nakabayad ng Buwis sa Pagnenegosyo (Bus. Tax) sa itinakdang Panahon na binabayaran sa Pamahalaang Bayan ng Paete, Laguna. Ni: Konsehal Emerito B. Gajitos

Binasa ang teksto ng panukala.

Narito po ang talakayan ng nasabing Panukala:

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo/Tagapangulo. Ito pong sa ikaapat na sapagkat, umiiral na po itong ordinansang ito? Iyong 25% sa bawat taon.

Konsehal Emerito B. Gajitos. Opo, yun po ang kasama sa ating ordinansa.

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo/Tagapangulo. So additional pa itong 2%?

Konsehal Emerito B. Gajitos. Opo. Iyon pong 25%, yun po yung sa Mayor’s Permit. So ang ibig pong sabihin, kung bago ang negosyo at hindi nakakuha ng permit ay yun po lamang ang minumultahan.

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo/Tagapangulo. Iyong hindi nag-renew?

Konsehal Emerito B. Gajitos. Opo, yun pong di nag-renew.
Tagapangulo. Dito po sa unang sapagkat, ano po naman yung 2% sa unang sapagkat?

Konsehal Emerito B. Gajitos. Ito po yung binabayaran sa buwis na Business Tax. Kasi lumabas din po ito sa public hearing. Ang nangyayari po, kaya po pala hindi masyado silang madisiplina sa pagbabayad ay dahil nga po maski gaano katagal ay yun pa rin po ang babayaran nila, yung multang 25% lang sa Mayor’s Permit. Iyon po ay mababa lang ang halaga. Dahil katulad po sa ibang bayan, may 2% interest sa multa ng business tax, naoobliga po sila talagang bayaran kaagad-agad pag sila’y magkakaroon ng pagkakataong magbayad.

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo/Tagapangulo. So ito pong sa ikaapat na sapagkat, ito’y renewal?

Konsehal Emerito B. Gajitos. Opo, renewal.

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo/Tagapangulo. Tapos itong una ay doon sa hindi man lang nagpatala o kumuha ng permit sa negosyo. O ito yung renewal?

Konsehal Emerito B. Gajitos. Renewal po ito kasi pag bago po ay wala po dito. Pag magre-renew po, saka lang po papatungan ng Business Tax.

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo/Tagapangulo. So magdodoble tayo dito, 25% per annum, then another 2% per month.

Konsehal Emerito B. Gajitos. Opo, yung sa Mayor’s Permit po lamang ang pagbabasehan, yung 25%.

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo/Tagapangulo. Iyon po bang Mayor’s Permit at Business Permit ay magkaiba?

Konsehal Emerito B. Gajitos. Pag sinabi po nating Business Permit, yun po yung parang Mayor’s Permit. Pero pag sinabi po nating Mayor’s Permit ay yun po yung nakapaloob doon sa Business Permit na kino-compute po kung magkano ang kinita noong nakaraang taon.

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo/Tagapangulo. So dito po sa ikaapat na sapagkat, yung binabayaran ng buong taon. Tapos itong unang sapagkat, ito yung halaga na basis noong Business Permit. Mabuti na po yung malinaw para sa interpretasyon, para maliwanag po tayo. Iyong unang sapagkat, basis po kasi yung income, yun po kasi yung tatasahan para malaman kung magkano yung magiging basis noong tax. Tapos itong ikaapat, kasama diyan yung Sanitary, yung mga clearance sa iba’t ibang ahensiya.

Konsehal Aurelio P. Paraiso. Tagapangulo, may lilinawin lang po ako sa ama ng mungkahi doon sa unang sapagkat, yung bawat buwan ngunit hindi hihigit sa 36 na buwan para sa mga hindi nakapagbayad. Ano po ang multa at kaparusahan dito? Iyon na rin po ba o mayroong partikular na multa at kaparusahan sa mga hindi nakakabayad ng 3 years? Mayroon na po bang partikular o kasama doon sa umiiral na batas? Paglilinaw lang po.

Konsehal Emerito B. Gajitos. Doon po sa ordinansa natin ng pamuwisan na nakaraan at umiiral po sa ngayon, maski po isang taon lamang na hindi kumuha ng Mayor’s Permit ay pwede pong ipasara. So paulit-ulit pong di pagkuha ng pahintulot sa pagnenegosyo lalo na’t kailangan nang ipasara yung negosyo, hindi na paaabutin siguro ng tatlong taon.

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo/Tagapangulo. So for record lang na at least ay 36 months.

Konsehal Emerito B. Gajitos. Opo, kasi yun po ang nakasaad sa Local Government Code.

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo/Tagapangulo. Paano po yung quarterly, ano po ang trato natin sa nagbabayad ng quarterly?

Konsehal Emerito B. Gajitos. Doon po sa nakalagay sa Pangkat 2, ang mga nagbabayad tuwing ikatlong buwan (quarterly) ng buwis sa pagnenegosyo ay magmumulta din ng 2% porsiyento bawat buwan sa hindi nabayarang buwis sa pagnenegosyo. Halimbawa po ay nagbayad siya ng 1st quarter, hindi siya nakabayad sa takdang panahon ng 2nd quarter, yun po lamang ang kokompyutin, yung hindi nabayaran doon sa 2nd quarter.

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo/Tagapangulo. So yung quarterly, ang basis lang ng percentage ay yung per quarter.

Konsehal Emerito B. Gajitos. Per quarter lang po.

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo/ Tagapangulo. So kung simula 1st quarter, 2nd quarter, at 3rd quarter po babayaran, yun ang basis. Dalawa lang kasi yung 3rd quarter ay nagbayad.

Konsehal Emerito B. Gajitos. Opo.

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo/Tagapangulo. So pag nag-avail po ng quarterly payment sa buwis ng pagnenegosyo ay quarterly rin ang basis ng pagmumulta.

Konsehal Lourdes F. Sunga. Tagapangulo, may mungkahi po ako sa ama ng mungkahi sa titulo, “Panukalang resolusyong pagtibayin ang Ordinansang nagtatakda ng pagpataw ng multa na 2% ng Buwis sa Pagnenegosyo (Business Tax) bawat buwan na hindi nabayaran sa itinakdang panahon ng Pamahalaang Bayan ng Paete, Laguna.” Pagbabaligtarin po, pagpapalitin po yung bawat buwan sa dulo at kung ano yung babatayan ng 2% ay yun po ang kasunod, Buwis sa Pagnenegosyo. Tapos po, katanungan po sa ama ng mungkahi, doon po sa titulo dito sa itaas, sa panukalang resolusyong pagtibayin at dito po sa titulo ng Ordinansa, magkaiba po yung ginamit na verb. Doon po sa itaas ay hindi nabayaran, pero dito po sa Ordinansa ay hindi binayaran. Magkaiba po kasi ang ibig sabihin nito, yung hindi nabayaran ay parang hindi sinasadya. Ito pong hindi binayaran ay intentional/sinasadya.

Konsehal Emerito B. Gajitos. Ano po ang inyong mungkahi doon sa ilalagay natin?

Konsehal Lourdes F. Sunga. Siguro po’y intentional kasi alam naman nila yung kanilang obligasyon, so hindi binayaran.
Konsehal Emerito B. Gajitos. Hindi, kasi minsan nga po alam nila pero walang pera.

Konsehal Lourdes F. Sunga. Kung ano man po ang ginamit na salita ay mahalaga ay magkapareho sila.

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo/Tagapangulo. Ako na ang magde-decide, binayaran na lang.

Konsehal Emerito B. Gajitos. Doon po naman sa unang katanungan, kung mamarapatin po ng Tagapangulo, sasagutin ko po, ang Panukalang multa po natin ay 2% per month for the Business Tax. Ngayon, pag sinabi po ninyong 2% sa Buwis sa Pagnenegosyo bawat buwan, para pong medyo lalong malayo.

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo/Tagapangulo. Ang basis po natin ng pagkuha ng Business Permit ay yung gross income.

Sa pamamagitan ng ama ng mungkahi, ito’y inilipat sa ikatlong pagbasa.

IKATLONG PAGBASA-Hunyo 18, 2012

1 PR2012-051 Panukalang Resolusyong pagtibayin ang Ordinansang nagtatakda ng Pagpataw ng multa na Dalawang Porsiyento (2%) bawat buwan sa Buwis sa Pagnenegosyo (Business Tax) na hindi binayaran sa itinakdang Panahon ng Pamahalaang Bayan ng Paete, Laguna.
Ni: Konsehal Emerito B. Gajitos

Narito po ang sipi ng nasabing Resolusyon:

HALAW SA KATITIKAN NG PULONG KARANIWAN NG SANGGUNIANG BAYAN NG PAETE, LAGUNA NA GINANAP SA VICTOR PAGALANAN MEMORIAL HALL, BATASANG BAYAN, GUSALING ADECI, PAETE, LAGUNA NOONG 18 HUNYO, 2012 ARAW NG LUNES.

MGA DUMALO:
Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo, Pangalawang Punong-Bayan/Tagapangulo,
Kgg. Anna Pamela R. dela Rosa, Konsehal,
Kgg. Brigido R. Bagayana, Konsehal,
Kgg. Aurelio P. Paraiso, Konsehal,
Kgg. Lourdes F. Sunga, Konsehal,
Kgg. Eriberto D. Pascual, Konsehal,
Kgg. Urbano R. Cadapan, Konsehal,
Kgg. Emerito B. Gajitos, Konsehal,
Kgg. Ronaldo Z. Valdellon, Konsehal,
Kgg. Hermie B. Bagongahasa, Konsehal-LBP.

HINDI DUMALO:
Kgg. Lyeka May S. Sadsad, Konsehal-SKFP, Opisyal na Lakad.


RESOLUSYON BLG. 60 t. – 2012

RESOLUSYONG PAGTIBAYIN ANG ORDINANSANG NAGTATAKDA NG PAGPATAW NG MULTA NA DALAWANG PORSIYENTO (2%) BAWAT BUWAN SA BUWIS SA PAGNENEGOSYO ( BUSINESS TAX) NA HINDI NABAYARAN SA ITINAKDANG PANAHON NG PAMAHALAANG BAYAN NG PAETE, LAGUNA.

_____________________________________________________

MAY AKDA: KONSEHAL EMERITO B. GAJITOS
_____________________________________________________

SAPAGKAT, batay sa isinasaad sa Section 168 ng Chapter 3 ng 1991 Kodigo ng Pamahalaang Lokal na maaaring magpataw ng multa na hindi hihigit sa dalawang porsiyento ( 2% ) bawat buwan ngunit hindi hihigit sa 36 na buwan para sa mga hindi nakapagbayad ng buwis sa pagnenegosyo sa itinakdang panahon ng Pamahalaang Bayan;

SAPAGKAT, sa kasalukuyan ay walang ipinatutupad na multa ang Pamahalaang Bayan ng Paete para sa mga negosyanteng hindi nakapagbayad ng buwis sa pagnenegosyo sa itinakdang panahon ng Ordinansang Pamuwisan;

SAPAGKAT, isinasaad sa umiiral na Ordinansang Pamuwisan ( Tax Ordinance) ay tuwing o bago sumapit ang ika- 20 ng Enero ang itinakdang panahon para sa pagkuha ng pahintulot sa pagnenegosyo at pagbabayad ng buwis at iba pang binabayarang butaw ukol dito;

SAPAGKAT, batay sa umiiral na Ordinansang Pamuwisan, ang multa ay para lamang sa muling pagkuha ng Pahintulot sa Punong Bayan (Mayor’s Permit) sa pagnenegosyo na may multang 25% sa bawa’t taon, kung lalampas sa itinakdang panahon;

SAPAGKAT, makakatulong ang hakbanging ito upang madisiplina ang ating mga negosyante upang tumalima sa pagbabayad ng buwis sa pagnenegosyo sa takdang panahon.

KUNG KAYA’T DAHIL DITO, sa mungkahi ni Konsehal Emerito B. Gajitos, pinangalawahan nina Konsehal Ronaldo Z. Valdellon, Konsehal Urbano R. Cadapan at Konsehal Brigido R. Bagayana, sa pagkatig at pagsang-ayon ng mas nakararaming dumalong mga Konsehal, ay:

IPINASIYA: na gaya ng ginagawa ng Sangguniang ito sa ngayon, ay pinagtitibay ang Ordinansang nagtatakda ng pagpataw ng multa na Dalawang Porsiyento (2 %) bawat buwan sa Buwis sa Pagnenegosyo (Business Tax) na hindi binayaran sa itinakdang panahon ng Pamahalaang Bayan ng Paete, Laguna.

INIATAS na padalhan ng sipi ang mga kinauukulan para sa kanilang kabatiran.


ORDINANSA BLG. 2012-309

ORDINANSANG NAGTATAKDA NG PAGPATAW NG MULTA NA DALAWANG PORSIYENTO ( 2 % ) BAWAT BUWAN SA BUWIS SA PAGNENEGOSYO (BUSINESS TAX) NA HINDI BINAYARAN SA ITINAKDANG PANAHON NG PAMAHALAANG BAYAN NG PAETE, LAGUNA.


Ipinag- uutos ng Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna na:

PANGKAT 1. Ang sinumang nagnenegosyo o muling kukuha ng Pahintulot sa Punong Bayan (Mayor’s Permit) na lampas sa itinakdang panahon na nakasaad sa umiiral na Ordinansang Pamuwisan ay papatawan ng dalawang porsiyentong (2 %) multa sa bawat buwan ngunit hindi hihigit ang halaga na katumbas ng 36 na buwan.

PANGKAT 2. Ang mga nagbabayad tuwing ikatlong buwan (quarterly) ng buwis sa pagnenegosyo ay magmumulta din ng dalawang porsiyento ( 2%) bawat buwan sa hindi nabayarang buwis sa takdang panahon o katumbas nito sa bawat araw na lampas sa itinakdang pagbabayad.

PANGKAT 3. Ang lahat na multa na nakasaad sa ordinansang ito ay kinakailangan bayaran sa Pambayang Ingat- Yaman na may kaukulang resibo at malinaw na nakatala dito.

PANGKAT 4. KAPARUSAHAN. Ang kaparusahan ay ibabatay sa nakasaad sa umiiral na Ordinansang Pamuwisan ng Bayan ng Paete, Laguna.

PANGKAT 5. SUGNAY SA PAGHIHIWALAY. Kung alinman sa mga pangkatin o bahagi ng ordinansang ito ay ipinalalagay na labag sa batas, ang ibang pagkatin o bahagi ay mananatiling may bisa.

PANGKAT 6. Ang Ordinansang ito ay magkakabisa at ipapatupad matapos mapagtibay at matapos ang mga proseso na naaayon sa umiiral na batas .


PINAGTIBAY: 18 Hunyo, 2012


PINATUTUNAYAN ko ang kawastuhan ng resolusyong nabanggit sa itaas nito.

May Lagda ang Orihinal
ANA VICTORIA A. AGRAVIA
Kalihim ng Sanggunian


PINAGTIBAY:

May Lagda ang Orihinal
ROJILYN Q. BAGABALDO
Pangalawang Punong-Bayan
Tagapangulo


PINAGTITIBAY:


May Lagda ang Orihinal
INH. EMMANUEL B. CADAYONA
Punong-Bayan

Para po sa inyong kabatiran.
Back to top
View user's profile Send private message AIM Address Yahoo Messenger MSN Messenger
Display posts from previous:   
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Balitang Paete - Sangguniang Bayan All times are GMT - 5 Hours
Page 1 of 1

 
Jump to:  
You cannot post new topics in this forum
You cannot reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum


Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group