PAETE.ORG FORUMS
Paetenians Home on the Net

HOME | ABOUT PAETE | USAP PAETE MUNISIPYO  | MEMBERS ONLY  | PICTORIAL PAETE | SINING PAETE  | LINKS  |

FORUM GUIDELINES
please read before posting

USAP PAETE Forum Index USAP PAETE
Discussion Forums for the people of Paete, Laguna, Philippines
 
 FAQFAQ   SearchSearch    UsergroupsUsergroups   RegisterRegister 
 ProfileProfile   Log in to check your private messagesLog in to check your private messages   Log inLog in 

Ano na baga ang totoo?
Goto page 1, 2, 3  Next
 
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Inspirational and Spiritual
View previous topic :: View next topic  
Author Message
kabesang tales
Guest





PostPosted: Thu Feb 07, 2013 12:25 pm    Post subject: Ano na baga ang totoo? Reply with quote

Relihiyon ang paksa na tinutukoy ko. Noon ay mabibilang sa daliri ng isang kamay ang dami ng relihiyon sa Paete. Pero sa ngayon ay naglabasan na ang ibat-ibang klase ng pananampalataya. Marahil ay sa paghahanap ng angkop na seremonya, aral at banal na salita kaya naglabasan ang Katolito, Aglipat, Manalo o Matalo mga Debote(kay San Miguel) at marami pang iba.
Pero saan tayo patutungo sa dami ng landas na ating tinatahak?
Baka ang kauwian ay ang pagkawala ng paniniwala sa lumikha, tulad ng sinasabi ng relihiyong Jainism, 6th century B.C. ng India. Ito ang kanilang paniwala:
The doctrine that the world was created is ill-advised, and should be rejected. If god created the world, where was he before creation? If you say he was transcendent then, and needed no support where is he now? No single being had the skill to make the world- for how can an immaterial god create that which is material? How could god have made the without any raw material? If you say he made this first, and then the world, you are face with endless regression.
If he created out of love for living things and need of them he made the world; why did he not make creation wholly blissful, free from misfortune?
(Salin tagalog) Kung ang daigdig ay nilalang ng diyos, nasaan siya bago niya ginawa ang paglalang sa daigdig?
Kung ang diyos ay walang hangganan ang kakayahan, ay nasaan siya ngayon?
Walang sino man ang makalilikha ng daigdig dahil sa paano makalilikha ang isang hindi mo makita, mahipo o maramdaman ng mga bagay na nakikita at nadarama.
Paano makalilikha ang diyos ng daigdig kung wala siyang materyales?
Kung siya ay lumikha dahil sa pagmamahal niya sa mga may buhay, ay bakit hindi niya ginawang kompleto ang kaligayahan ng kanyang mga nilalang at walang kapahamakan, hirap at pagdurusa?
Maganda itong pag-usapan dahil sa ang tutunguhin ay ang pagsasalungatan ng relihiyon at agham(siyensya). Katulad ng pahiwatig ng bibliya na ang daigdig ay anim na libong taon ang edad. Ang sabi naman ng mga scientists ay 4.55 billion yrs.old ayon sa radioactive dating.
Ayon din sa mga siyentifico, batay sa Theory of Evolution ni Charles Darwin ang pag-uumpisa ng pinagmulan ng tao ay aksidente. Na ang pinagsimulan ay ang mga malilit na elemento tulad ng quarks at electrons, naging insecto, naging hayop na gumagapang, naging apes(matsing) hanggang maging tao. Sa panig naman ng relihiyon ay ang Creation ang batayan ng pagsisimula ng tao. Alam pa rin natin sina Eba at Adan, ang mansanas, ahas at Paraiso.
Dahil sa dalawang panig ang ating tinatalakay kaya magandang makabasa tayo ng opinyon ng bawa't isang mambabasa. Sana rin ay magkaroon ng output sa posting na ito ang mga beautiful minds ng mga Paetenians na nasa fields of science, pero ang pananalig sa lumikha ay nananatili pa rin. Salamat po.
Back to top
Tukmol
Guest





PostPosted: Fri Feb 08, 2013 3:39 am    Post subject: Reply with quote

Kabesang Tales,

Maganda itong talakayin, subalit pauna, huwag itong personalin, ang mga pahayag at palitan ay ituring na paglilinang ng isipan at hindi para mantuligsa o manghamak ng kapwa o relihiyon.

Itong paksang ito ang pinakaiiwasan ng mga Administrator at may-ari nitong site sa dahilang napaka-controversial.

Subalit kung ang makikilahok ay mature na maituturing ay hindi naman ito sukat na ipagkagulo o ipagkalabu-labo.

Alin ang totoo?

Para sa akin heto ang totoo, ang siyensiya ay mabuti, hindi ito kailan man naging kalaban ng tunay na relihiyon, sa katunayan, napakaraming naghihirap na tao ang natulungan ng siyensiya sa pagsugpo ng mga sakit at karamdaman.

Dahil sa siyensiya naunawaan natin kung papaano imiinog at tumatakbo ang santinakpan.

Naunawaan natin ang batas ng sanhi at epekto. Nakapagpamulat sa ating mga kamangmangan.

Ang siyensiya lakipan ng tunay na relihiyon ay makapagdudulot ng Paraiso sa lupa.

Ito ang dahilan;

Sa pamamagitan ng tunay na relihiyon, maiiwasan ang pang-aabuso sa kapangyarihan, pang-aabuso sa kapwa, mga paniniil, mga katiwalian.

Ang tunay na relihiyon ay nagpapalaya sa tao, mula sa tanikala ng kasamaan at kaitiman ng budhi.

Ang siyensya ay nag-aaral sa mga materyal na bagay, samantalang ang relihiyon ay nag-aaral naman tungkol sa espiritwal na bahagi ng pagkatao, magkaiba ang dalawa, at hindi maaaring ipagkumpara.

Kung ang paniwala ng iba ay galing tayo sa hayup, hindi nakapagtataka na hayup talaga ang ating pag-uugali. Ngunit kung ang paniwala naman ng iba ay nilikha tayo ayon sa wangis ng Diyos, aba'y isang magandang bagay ang maging maharlika ang pag-uugali, magalang, kapita-pitagan, at nagsisikap na maging karapat dapat na tawaging mga anak ng Maharlika.

Nasa sa tao na lamang ang pagpili kung ano ang paniniwalaan, sapagkat sa bandang huli, lilitaw din ang katotohanan, at kung tayo ay nasa panig nito, wala tayong pagsisihan kailan man.
Back to top
kabisang talim
Guest





PostPosted: Fri Feb 08, 2013 8:53 am    Post subject: ano na baga ang totoo Reply with quote

maraming bagay tayo na dapat isipin bago tayo mag alinlangan sa ating Diyos,palagay ko ay talagang tayo ay likha ng diyos at hindi galing sa mga dating hayop tulad ng matsing o unggoy,kung yan talaga ang ating pinanggalingan bakit ngayon ay di na sila nagiging tao na tulad natin sa ngayon,sa tinagal tagal ng panahon bakit di pa sila nagbabago ng anyo,isa laang ito na dapat ninyong isipin bago tayo mag isip na laban sa ating Pangnoong Hesus..
Back to top
guest
Guest





PostPosted: Fri Feb 08, 2013 7:38 pm    Post subject: RIP usap paete Reply with quote

bye,bye usap.
Back to top
Kulaspiro
Guest





PostPosted: Sun Feb 10, 2013 2:33 am    Post subject: Reply with quote

Quote:
Kung ang daigdig ay nilalang ng diyos, nasaan siya bago niya ginawa ang paglalang sa daigdig?
Kung ang diyos ay walang hangganan ang kakayahan, ay nasaan siya ngayon?
Walang sino man ang makalilikha ng daigdig dahil sa paano makalilikha ang isang hindi mo makita, mahipo o maramdaman ng mga bagay na nakikita at nadarama.
Paano makalilikha ang diyos ng daigdig kung wala siyang materyales?
Kung siya ay lumikha dahil sa pagmamahal niya sa mga may buhay, ay bakit hindi niya ginawang kompleto ang kaligayahan ng kanyang mga nilalang at walang kapahamakan, hirap at pagdurusa?


Isa-isahin natin;

Kung ang daigdig ay nilalang ng diyos, nasaan siya bago niya ginawa ang paglalang sa daigdig?

May mga bagay na hindi natin kayang maunawaan, at isa na dito ang tinatawag na "Different Dimension", tayo ay kumikilos lamang sa tinatawag na material dimension, isang daigdig na binubuo ng materyal na bagay gaya ng mga bituin, planeta, mga ulap at alabok na matatagpuan sa sansinukob. Napakaluwang nito at tila ba walang hanggan. Mayroon itong simula at mayroon ding wakas, tayo ay nabubuhay sa isang "Finite Universe", isang araw, ang sansinukop na ito ay lilipas at mawawala, matutunaw at muling isisilang sa ibang anyo.

Ang Diyos ay lagpas sa Material Dimension, lagpas lagpas siya sa isang Material Universe, di gaya ng tao na mayroong nakaraan, kasalukuyan at kinabukasan, ang Diyos ay labas dito, maaari Niyang tingnan ang simula at wakas sa iisang iglap. Siya ang gumawa ng batas dito, at maaari Niya itong i-modify of kaya'y baliin ayon sa Kanyang nais. Hindi Siya nasasakop at maaaring masakop ng batas na Siya ang may likha.

Kung ang diyos ay walang hangganan ang kakayahan, ay nasaan siya ngayon?

Siya ay nasa lahat ng lugar at panahon. Hindi siya nasasakop ng "Space and Time" kaya hindi Siya kailanman maaaring limitahan nito. Hindi rin natin nakikita at nararamdaman sapagkat Siya ay Espirito samantalang tayo ay material.

Walang sino man ang makalilikha ng daigdig dahil sa paano makalilikha ang isang hindi mo makita, mahipo o maramdaman ng mga bagay na nakikita at nadarama.

Gusto mo bagang kumilos Siya ayon sa iyong pang-unawa? Hindi Niya obligasyon na ikaw ay pagbigyan, pero oo, bumaba Siya ayon sa ating level, at Siya'y minsang namuhay na kasa-kasama natin, ang Diyos na hindi natin kilala ay nagpakilala. Hindi Siya malayo o napakataas na hindi natin maaabot, at dapat alayan ng sakripisyo gaya ng tradisyon ng Mayan Civilization na kumikitil ng buhay, dumudukot ng tumitibok pang puso at patuloy ng nagbubuhos ng dugo upang Siya ay alayan. Hindi ganoon ang tunay na Diyos, Siya ay mapagmahal at mahabagin, mapagpatawad at maamo, hindi Siya malupit, bagkus ay maawain kagaya ng ipinakita at ipinamuhay ng Kanyang anak na si Jesu-Kristo.


Paano makalilikha ang diyos ng daigdig kung wala siyang materyales?

Kung hindi Niya ito kayang gawin, hindi Siya maituturing na Diyos, subalit dahil nagawa nga Niya na lumikha ng bagay mula sa wala, ito ang nagpapatunay na Siya ay totoong Diyos.

Kung siya ay lumikha dahil sa pagmamahal niya sa mga may buhay, ay bakit hindi niya ginawang kompleto ang kaligayahan ng kanyang mga nilalang at walang kapahamakan, hirap at pagdurusa?

Sa simula pa lang ay nilikha Niya na maganda at kaaya-aya ang mga bagay. Sa aklat ng Genesis sa Banal na Tipan, isinasalaysay dito na, sa umpisa, ay maganda ang mga bagay, napakaganda nito. Hanggang isang araw, ang kagandahan nito ay napawi, nang ipasiya ng mga tao na humiwalay sa Kanya. Para bagang sinabi ng tao na,"Ayaw ko sa iyo Diyos, ayaw ko na pinakikialaman mo ako sa nais kong gawin, ayaw kong sundin ang utos mo na huwag kainin ang bunga ng pagkaalam ng mabuti at masama, gusto kong maging tulad ng Diyos na kayang magpasya para sa kanyang sarili."

Hindi kailan man ninais ng Diyos na magdusa ang Kanyang mga nilalang, subalit, sa laki ng Kanyang kapangyarihan, itong nag-iisang bagay na ito ang hindi Niya magagawa kailan man. "HINDI NIYA MAGAGAWANG PUMILI PARA SA MGA TAO NA KANYANG NILALANG, HINDI NIYA MAGAGAWANG MAGPASYA PARA SA KANILA" Iginagalang Niya ang ating mga naging kapasyahan, at dahil aayaw natin sa Kanya, hindi Niya ipinilit ang Kanyang sarili. Ayaw man Niya subalit ito ang nagbunsod ng pagdurusa sa sansinukob.

Kapag wala Siyang direktang paghahari, palaging naroroon ang pang-aabuso, ang mga pang-aapi, ang mga paniniil, pagpatay at pamumuksa.

Mula ng bitiwan ng Diyos ang direktang paghahari sa ating daigdig, doon nagsimula ang mga pagdurusa, at katunayan ang mga pagdurusang ito ay bungga ng ating paglabag. Kanyang sinabi:

"Dahil sinuway ninyo ang aking kautusan, ikaw lalaki ay maghihirap sa iyong buong buhay, magmumula sa iyong pagpapawis ang iyong ikabubuhay, ang lupa ay isinumpa dahil sa iyo, ito ay tutubuan ng mga dawag at mga tinik, paghihirapan mo ang pagbubungkal nito, at ikaw babae, ay magnanasa sa iyong asawa, at maghihirap ka sa pagluluwal ng inyong magiging anak."

Sa salit-saling lahi at halos patuloy ang mga pagdurusa, mga pang-aabuso, at mga paniniil, mga kasamaan, digmaan at patuloy na pagkitil ng buhay.

Hindi ito ginusto ng Diyos, bagkus ay direktang sanhi ng ating paglabag, ng ating pagpili, ng ating pagnanais na mabuhay nang walang direktang pakikialam ng Diyos.

Sa Bagong Tipan ay sinabi ng Panginoong Jesus, "Ang mga mahihirap ay palagi ninyong makakasama, samantalang Ako ay minsan n'yo lamang makakasama" (Tumutukoy ito sa makalupang pamumuhay dito sa mundo)

Patuloy na mayroong mahihirap sa mundo sapagkat taglay natin ang kamalian at mga pag-uugaling naglayo sa atin sa Diyos. Mga ugaling gaya ng katamaran, ng panlalamang ng mga mayayaman, at pagbabalewala para doon sa mahihirap. Pang-aabuso ng mga maykapangyarihan, panggigipit sa mahihina at mahihirap na hindi kayang ipagtanggol ang kanilang sarili. Mga kabuktutan at panlalamang sa kapwa.

Hindi ginusto ng Diyos ang ganitong pagdurusa, subalit hindi rin naman magpapatuloy ang ganitong sitwasyon sapagkat sa bandang huli ay wawakasan din Niya ito. Hinahayaan lamang Niya ito pansamantala upang malubos ang processo ng pagsala, ang patuloy na pagdadalisay para doon sa pumipili na Kanyang pagharian. Sa bandang huli, muli Niyang lilikhain ang isang "Bagong Daigdig", na kung saan ay wala na ang mga kasamaan, wala na ang pagdurusa, at tuwiran na Siya na ang maghahari, sapagkat kung saan Siya ang naghahari, ay naroroon ang katiwasayan, ang kapayapaan, ang pag-ibig at pagmamahal, ang pagkalinga, ang habag at kaawaan.

Ikaw, ako, tayo, sino ang paniniwalaan natin?
Back to top
guest
Guest





PostPosted: Sun Feb 10, 2013 8:03 am    Post subject: Reply with quote

Paniniwalaan ba ninyo ang mga taong hindi alam ang kanilang mga pangalan,mganga haka haka ang inilalagay at hindi katotohanan sapagkat hindi nila alam ang kanilang tunay na pagkatao,sila bay hayop o tao na sumulat ng bibliya? KUNG ANG DIOS NINYO AY MAY PANGALAN , bakit kayo nagtatago sa ibang anyo? sapagkat kayo ay mga peke at kulang ang nalalaman sa katotohanan. Hindi sa bibliya, common sense po lamang, kaya maraming yumayaman sa manga hakaan. Ito ang tunay nakatotohanan.
Back to top
Mario Ramos
Guest





PostPosted: Sun Feb 10, 2013 2:37 pm    Post subject: Malalim na usapin ito Reply with quote

Walang makakasagot ng inyong pinaguusapan, malalim na masyado.
Back to top
Kulaspiro
Guest





PostPosted: Mon Feb 11, 2013 9:38 am    Post subject: Reply with quote

.

Ginoo/Ginang na Guest;

Pinipili ko na ituon ang pansin sa pagtuklas ng katotohanan sa halip na patulan ang pagtuligsa mo sa aking pagkatao. Hinusgahan mo na agad ang katauhan ko, subalit hindi naman ako nagagalit, karapatan mong ilahad ang iyong paniniwala.

Ang Biblia sa teknical nitong kahulugan ay "Aklat ng mga Aklat". Binubuo ito ng halos ay mahigit na 60 mga aklat. Hinati sa Lumang Tipan at sa Bagong Tipan.

Ang Lumang Tipan ay binubuo ng 5 aklat na sinulat ni Moises at kadalasan ay tinutukoy ding "Mga Batas" kasama ng iba pang sinulat ng mga propeta na karamihan sa kanila ay pinatay ng lahing Hudyo sa katulad ding dahilan na pinatay nila ang Panginoong Hesus, sa akusasyon na sila daw ay mga huwad at lapastangan sa Diyos.

Ang Bagong Tipan ay mga aklat naman na sinulat ng apat na pangunahing Evanghelista gaya nina Mateo, Marcos, Lucas at Juan at iba pang disipulo ng Panginoon gaya ni apostol Pablo na pinatay din ng mga Hudyo sa parehong akusasyon.

Ang Biblia ay siyang mayroong pinakamatandang "Manuscript" - ito ay ang orihinal na sulat kamay na pinagkuhanan upang ito ay malimbag sa kasalukuyan nitong anyo.

Ang pinakahuling Manuscript ay ang tinatawag na "Dead Sea Scroll", na natagpuan ng isang pastol sa Israel habang siya ay namamahinga sa yungib sa gitna ng kainitan ng araw. Ang sulat kamay na ito ay lubhang luma na at tinatayang mahigit na dalawang libong taon na kaya't maingat nila itong iningatan at nakadispley ngayon sa prominenteng aklatan sa mundo.

Sa pagsasaliksik ng mga "Scholar", ang siping ito ay nanatiling totoo sa nalimbag nang mga sipi ng aklat ni "Isiyas" ng Lumang Tipan.

Ang Bibliya na alam natin ay mayroon pang ibang mga aklat na tinatawag na "Apochrypa" kabilang dito ang "Macabees" at iba pang mga aklat na hindi isinama ng mga naunang "Biblical Scholar" sa dahilang wala itong "Cross Refference" sa kasalukuyang 66 na aklat ng Biblia. Ang gumagamit ng mga aklat ng Apochrypa bukod sa Luma at Bagong Tipan ay ang mga Katoliko Romano lamang.

Sa makatuwid, ang Biblia ay nasulat sa nalooban ng libong mga taon, ng iba't-ibang mga tao na nabuhay at namatay na. Hindi sila mga hayop, kundi mga tao na tapat na sumusunod sa tagubilin ng Diyos at ito'y pinagbuwisan ng kanilang mga buhay.

Maraming manloloko sa ating panahon ang gumagamit nito upang sila ay magpayaman, kasama na doon ang mga "Televangelist" na marami din tayo niyan sa Pilipinas.

Tayo ay tinagubilinan ng Panginoong Jesus, sa ika 24 na kabanata ng aklat ni Mateo, na sa huling mga araw, at ako'y naniniwala na talagang naririto na tayo, "Na maraming mga huwad na propeta ang sisibol, at marami silang maililigaw pati na rin ang mga hinirang. Makikilala natin sila sa kanilang mga bunga."

Ang mabuting puno ay nagbibigay ng mabuting bunga, subalit ang masamang puno ay nagbibigay naman ng lason na nakamamatay.

Nasa sa iyo na ang pagpapasya.
Back to top
Ric Sanchez
Guest





PostPosted: Mon Feb 11, 2013 9:56 am    Post subject: Hinay-hinay lang Reply with quote

Guest with "FULL OF COMMON SENSE", hinay- hinay lang sa pagbanat...mayaman ka na siguro sa kahahaka..magbigay ka nang iyong kahakaan..and let see...
Back to top
guest
Guest





PostPosted: Mon Feb 11, 2013 10:02 am    Post subject: Reply with quote

Hindi ko hinuhusgahan ang iyong pagkatao, kung meron kang ipinararating sa tao tungkol sa Dios,dapat ilagay mo ang pangalan mong tunay, hindi yung pekes na pangalan,paano maniniwala sa yo ang tao? kung ikaw mismo hindo mo alam ang tunay mong pangalan. Gusto mong maniwala ako sa yo? Ipakita mo kung sino ka at bibigyan kita ng respeto, tulad ni Ming, inilalagay nya ang tunay niyang pagkatao, tumulad ka sa kanya,respeto ang ibibigay ko sa yo, otherwise pasensyahan tayo dahil hindi taos ang mensahe ninyo. Hindi ganyan ang mensahe ng Dios. Hindi pahulaan ang pagkatao ng panginoon,kayo mismo hindi ninyo iginagalang and mensahe ng panginoon sapagkat hindi taos sa puso ninyo ang inyong sinasabi dahil nagtatago kayo. Nagtatago baga ang panginoon?
Back to top
Kulaspiro
Guest





PostPosted: Mon Feb 11, 2013 3:32 pm    Post subject: Reply with quote

Quote:
sapagkat kayo ay mga peke at kulang ang nalalaman sa katotohanan.


Yan ang sinabi mo Ginoo/Ginang Guest;

Nasabi mo yan sapagkat hindi kami nagpapakilala. Ano ang tawag diyan? hindi ba yan panghuhusga?

Respeto, Paggalang?

Hindi ko hinihingi ang tunay mong pangalan sapagkat;

1. Labas sa usapang ito ang pagkatao ng kalahok

2. Higit na mahalaga ay ang paksa

3. Bawat tao ay may kani kaniyang paniniwala at hindi maituturing na paggalang kung ipagpipilitan natin sa kanila ang ating pansariling pananaw.

Ako'y anak ni Kulas, kaya Kulaspiro ang pangalan ko, Jr. ako ni ama.

Inalipusta ko ba ang ibang tao sa mga pinagsusulat ko?

Hinusgahan ko ba sila dahil hindi ayon sa gusto ko ang sinulat nila?

Ako ba? Sino ang tunay na nanghuhusga?
Back to top
guest
Guest





PostPosted: Mon Feb 11, 2013 4:09 pm    Post subject: Reply with quote

15 ghost employee,collecting 45Kmonthly sa munisipyo, haka o hindi. Yan Ric Sanchez ang sample ng haka ko. You see,I admire you coz you can put your name in your statement.I am trying to correct what's wrong,so here it is,you want names? It is very sensitive and you people might as well know it.
Back to top
Guest






PostPosted: Mon Feb 11, 2013 7:44 pm    Post subject: respeto? Reply with quote

..sino nga baga ang dapat igalang o irespeto:

1. yung taong mapanglait o mapang husga? O

2. yung taong pinili na hindi mag pakilala subalit may hinahon, hindi
mapanuri at may paggalang sa kapwa?
Back to top
Guest






PostPosted: Tue Feb 12, 2013 11:23 pm    Post subject: Reply with quote

guest wrote:
15 ghost employee,collecting 45Kmonthly sa munisipyo, haka o hindi. Yan Ric Sanchez ang sample ng haka ko. You see,I admire you coz you can put your name in your statement.I am trying to correct what's wrong,so here it is,you want names? It is very sensitive and you people might as well know it.


....talagang haka ito hanggang hindi napapatunayan...sa ngayon ito

ay isa lamang napakabigat na paratang..walang resibo wika nga

...inadmissible, does not count, would not stand...
Back to top
Guest






PostPosted: Wed Feb 13, 2013 7:52 am    Post subject: Inspirational and Spiritual Reply with quote

Kahit sa Inspirational and Spiritual ang pinaguusapan, mga taga Paete ay talagang walang modo. Nauuwing lahat sa husgahan at alitan. Tigilan nyo ng mag post dito sa Usap dahil hindi lang kayo nakakahiya sa balana kundi na pati sa inyong sarili. Ipinakikita ninyo sa madla ang mga ugaling Paete style. Mga walang respeto sa isa't isa at kapwa manhid ang mga mukha. Ginoong MODERATOR, tanggalin nyo na lang ang Usap Paete sa website para wala ng eksena na kamukha nito.
Back to top
guest
Guest





PostPosted: Wed Feb 13, 2013 8:16 am    Post subject: Reply with quote

Ayos baga toto Gil?
Back to top
Rico Sanchez
Guest





PostPosted: Wed Feb 13, 2013 10:23 am    Post subject: Reply with quote

..guest(small "g")..malaking kaso yan..mga sumasahod na multo..malaking "issue" sa halalan yan..pero huwag kang mag ala-ala, pansamantala lang ang yaman nila..pag singil sa kanila "bigtime"..may tubo..(kung hindi sila magbabago at hihingi nang kapatawaran sa kanilang ginawa sasayad sila)...kaya suhestiyon ko mula sa ating dalawa, ipauso natin ang kabutihan, katapatan at pagmamahalan sa isa't isa...mahirap gawin pero kakayanin..kung naniniwal ka sa Poong Lumikha at sa Kanyang anak na si Jesus..ipag patuloy mo ang iyong pananalig, hindi ka Niya pababayaan, kung hindi ka naman naniniwala, huwag kang magalaala isasama ka namin sa aming mga panalangin na sana ay matagpuan mo Siya.. na nagaantay sa'yo....GOD BLESS!!!

..Guest(big G)..hnay-hinay din lang..huwag mo namang sabihing tayong mga tiga-Payti ay walang modo (kung tiga-Payti ka rin)..hindi mo baga napapansin yong mga bumabanat nang mga "style" na bumabagay sa isang walang modo ay malimit na hindi nagpapakilala..baka hindi sila tiga-Payti(baka lang po)..huwag mo namang imungkahi na ipasara ito..baka makinig sa iyo ay sayang...ganito na lang ang ating gawin..parang namumulot nang santol o lanzones..pulutin na lang natin yong puwede pang pakinabangan(kainin o gawing minatamisang santol-yong santol hindi yong lanzones) at itapon o yurakan yong bulok..God Bless!!
Back to top
Guest






PostPosted: Wed Feb 13, 2013 12:08 pm    Post subject: Reply with quote

Everytime na lang, naguumpisa sa good natured mental joust later on napupunta sa walang katapusan ng bangayan.
Back to top
Kabesang Tales
Guest





PostPosted: Sun Feb 17, 2013 2:13 pm    Post subject: Ituloy natin ang Argumento. Reply with quote

Kapag palaging aayon sa sinabi o mungkahi ng ibang tao ay hindi lalabas ang mga bagong ideya o mga kaisipan. Tayo naman ay nagpapaliwanagan lamang. Kaya sige sabihin mo ang nasa isipan mo at kami ay gayon din ang gagawin.
Ang paniwala ko ay naging Kristiyano ang mga Filipino noong dumating ang mga kastila, March 16, 1521. Sa pamumuno ni Ferdinand Magellan ay ibinaon nila ang krus na sagisag ng kristiyanismo sa Limasawa, Leyte. Ang ibang nasyon na nasakop din ng mga kastila ay may sariling version kung paano sila nagkaroon ng relihiyon kristiyano: noon ay maligaya kami sa aming dating relihiyon, nasa sarili kaming lupain. pero dumating ang mga dayuhan na may dalang banal na aklat. sinabi nila sa amin na ipikit ang aming mga mata at manalangin. ginawa namin ito at nang imulat namin ang aming mga mata ay napasaamin ang banal na aklat at ang mga dayuhan na ang nagmamayari ng aming lupain.
Ang Pilipinas naman ay nanatiling sakop ng mga kastila sa loob ng 377 years. Natapos lamang ito noong matalo ni Admiral Dewey ng amerika si Admiral Montojo ng espanya sa Battle of Manila Bay noong 1898. Sa loob ng mahigit na tatlong daang taon ay naging pangunahing impluensya sa kalinangan(culture) ng Pilipinas ang turo at aral ng mga kastila. Unang-una ay ang kristiyanismo.
Maganda ang aral ng kristiyanismo: sampong utos ng Diyos; Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos espirito santo na tinawag na Holy Trinity; maging mabait habang nabubuhay sa daigdig para magkaroon ng gantimpala sa kabilang buhay- ang mapunta sa langit at hindi sa impiyerno.
Pero sa mga taong likas na mausisa ay nagtatanong ng: nasaan baga ang langit at impiyerno? kung pagkamatay ko ay mabubulok ang aking katawan at hihiwalay ang kaluluwa, ay paano pa makikilala ang aking kaluluwa na ako ito at hindi ang kung sino? Pati na aral na ang Diyos ay nasa lahat ng bagay ay pinagdududahan ni Mananong. Ibig daw bang sabihin ay kung naglalaban ng larong tennis si Tulume at si Gusting ay nasa kaliwang kamay ng Diyos si Tulume at nasa kanang kamay si Gusting. Nahahati ngayon ang kaluoban ng Diyos sa pagpanig sa alin man sa dalawang tao. Paano pa kung ito ay giyera na maraming tao ang kasangkot?
Sa panig ng maka-Diyos ay may nagsabi na: There are no atheist in the foxholes.(Walang hindi naniniwala sa Diyos sa mga sundalong nangasa-foxholes). Sabi rin nila na, kung hindi ka maniniwala sa Diyos ay wala kang masisisi sa iyong pagkakamali o naging kapalaran na hindi maganda.
Kung ang simpleng posting ay nauuwi sa bangayan, ito ay natural lamang na mangyari. Hindi nakapagtataka. Ang tao ay bahagi ng kalikasan kaya may oras na magiging magulo, masagkal, mahirap idirecta ang intensyon. Ito ay sakop ng kaisipang CHAOS(keyos). Isang sitwasyon kung saan ang isang pangyayari ay naguumpisa sa simple o payak tungo sa pagiging masalimuot, magulo at nawawalang ng kaayusan. Ang kaisipang ENTROPY naman ay degree of disorder or uncertainty in a system. Gaano kagulo, positive, comparative o superlative ba ang nagaganap sa chaos? Abangan....
Back to top
Ulong Purol
Guest





PostPosted: Mon Feb 18, 2013 12:44 am    Post subject: Reply with quote

Kabesang Tales,

Ako'y naaaliw nitong mga sinusulat mo.

Ang kahulugan ng "Cabesa" sa salitang Espanyol ay "Ulo", kaya ang kahulugan ng pangalan mo sa matuwid nitong baybay ay, "Matalas na Ulo", kaya hayaan mong gamitin ko naman ang "Ulong Purol", bilang bansag ko sa aking sarili.

Sa ating kasaysayan bilang bansang "Indio" ayon sa mga Kastilang dayuhan, masasabi nating ginamit ng mga dayuhan ang relihiyon upang tayo ay masupil.

Tinuruan ang ating mga kababaihan na mangumpisal sa pari upang sila ay mapagsamantalahan at gayon din upang malaman nila sa ating inosenteng mga kababaihan kung sino-sino ang miyembro ng mga insiyureksiyon. Sinakop at kinamkam ang ating mga lupain.

Sa makatuwid, ang dayuhang lahi na ito na mapaniil at mapanghamak ay tunay namang mga "Ipokrito", itinuturo nila ang Diyos na makatarungan at mahabagin, subalit ipinakita naman nila sa kanilang pamumuhay ang kabalintunaan nito. Mapanlait sila at mapangmata, tinuring nilang mababang uri ang ating lahi at inalipin, pinagsamantalahan at inalipusta. Hindi nakapagtatakang taglay natin magpahanggang ngayon ang ganitong mga pag-uugali, sapagkat nalahian na rin tayo ng mga Kastila, ang dugong dumadaloy sa atin ay may bahid na rin ng dugong dayuhan.

Mula sa lahing Indio na ito ay sumibol ang isang henyo sa katauhan ni Gat Jose Rizal.

Hindi lamang pinabulaanan niya ang paratang ng dayuhan kundi, sa pamamagitan ng kanyang pamumuhay ay ipinakita niyang, siya ang tunay na kumikilala sa Diyos. Hindi niya kailangan itong ipangaral sapagkat ipinamuhay niya ang tunay na diwa ng pagiging isang Kristiyano. Namatay siyang isang matuwid, at higit na pinahahalagahan ang espiritwal na bagay, gaya ng pagmamahal sa inang bayan, ang pagtuturo sa kabataan ng kapaki-pakinabang na gawain kagaya ng pagsasanay sa mga palakasan o "Sports", mga sining ng pakikidigma o "Martial Arts", ang kahalagahan ng edukasyon o pagiging mulat ng mga mata sa katotohanan. Ginugol niya ang mahahalagang sandali ng kanyang buhay upang ibahagi sa kapaki-pakinabang na gawain, at hindi ang pagkagumon sa mga bisyo at kalayawan. Hindi mo rin kababakasan ng panlalait ang kanyang mga pag-uugali sapagkat ang kanyang "character" ay hinubog ng pagmamahal at pagpapahalaga sa kapwa.

Kaya ngayon, sino baga ang dapat nating sundin, ang ugaling dayuhan o ang ugali ng ating pambansang bayani?

Parehong dumadaloy sa ating mga ugat ang kanilang dugo.
Back to top
Ming



Joined: 30 Sep 2008
Posts: 137
Location: Georgia

PostPosted: Mon Feb 18, 2013 9:10 am    Post subject: Makikidawdaw nga po ang Batang Quinale Reply with quote

Magpapasintabi po muna ako, mga kababayan. Ang ganang sa akin po ay pakikitalakayan lang po at ngayon pa lang po ay sinasabi ng tahasan at tuwiran, iginagalang ko po ang inyong mga saloobin, mga binibitiwang katwiran, at mga katanungan.

Heto po ang ganang sa akin:

Si Pedro at Maria ay may limang anak. Sila any mga ulirang magulang at simulang isilang ang kanilang mga supling na bunga ng kanilang pagmamahalan ay iminulat nila ito sa pagmamahal at pag-aaruga na hindi matatawaran. Sa kanilang pagdarasal, kasama ang lumalaking mga anak ay ipinakilala nila ang Diyos sa kanilang pamumuhay.

Sa pagdaan ng mga taon ay nakilala nila isa-isa ang mga anak nila. May nakita silang mga kakanyahan, pag-uugali, pagkilos, pakikitungo, pagkilala, paggalang, at maraming ugali na ibang-iba sa bawat isa. Sa kanilang pag-uusap ay maraming katanungan ang napagtuunan sa kanilang talakayan.

Parepareho sila ng nilakhang tahanan, pare-pareho ang naging mga aral at halimbawa, magkakasama silang sumisimba at tumatawag sa Diyos, iisa ang mga pangaral na kanilang ipinaalaala nang walang sawa, subalit bakit kaya iba-iba ang kanilang katauhan o pagtingin sa mga bagay-bagay sa kanilang kapaligiran?

Walang hangad sina Pedro at Maria kundi ang kaligayahan ng kanilang mga anak, tulad ng iba ring mga magulang. Handang isakripisyo ang pansariling kapakanan para sa kanilang anak. Subalit dumating ang panahon na may sarili nang pagtanto at pagpapasiya para sa kanilang sarili ang mga anak nila. May mga desisyon sila na nagdulot ng saya at ligaya, at mayroon din naman na luha at sakit ang naging bunga.

Sa kabila ng kanilang mga pangaral at paalaala ay kung bakit may tumatahak pa rin sa landas na magdudulot ng pait at pagdurusa. Alam ni Pedro at Maria na may karampatang pabuya or gantimpala ang pagsunod sa mabuting panuntunan, at may dala ring parusa ang pipili ng mali at sa pagsuway sa tamang panuntunan. Ang kalayaang magpasiya para sa sarili kailanman ay hindi kayang saklawan ng sinuman at anuman. Ito ay kaloob ng isang Diyos Amang puno ng pag-ibig at kapangyarihan.

Minsan ay sinabi ni Pedro kay Maria. “Ano kaya kung alisin natin ang kalayaang magpasiya para sa kanilang sarili ang mga anak natin. Sa gayon ay pawang tama at mabuti lamang ang kanilang gagawin. Hindi siguro sila makakadanas ng sakit at pait na dulot ng kamalian at pagkakasala.”

Ang sagot ni Maria, “Magiging masaya kaya sila? Uunlad kaya sila kung sila ay walang laya? Matututo kaya sila sa buhay, maging responsable sa kanilang ginagawa, o makatamo ng tunay na kaligayahan dahil ang kanilang ginawa ay bunga ng sarili nilang pagpapasiya o pagpili?

Bilang mga nilalang, dahil sa katawang tao, lahat ay magkakamali, lahat ay magkakasala. Walang sinuman ang may kakayahang sagipin ang sarili, o iligtas ang sarili sa mga kaparusahang nakaakibat sa kanyang mga pagkakasala. Papaano mo kaya sasagipin ang iyong sarili kung nasa gitna ka ng kumunoy na unti-unting humihila sa iyo pailalim?

Alam ng ating Amang Diyos ang mangyayari sa pamumuhay natin sa mundong kanyang nilikha sa pamamagitan ng kanyang bugtong na anak. Alam niya ang ating kahinaan tulad nina Pedro at Maria na alam ang mga kalakasan at kahinaan ng bawat isa sa mga anak nila. Kung kaya’t kinailangan ang Manunubos, isang tagapagligtas, na malinis at walang bahid, na kailanman ay hindi mababatikan ng kasalanan, na kusang-loob na ihahain ang sarili, daranas ng lahat na uri ng sakit at pagdurusa, na papasan sa lahat na kasalanan ng sangkatauhan, pati na rin ang mga sakit na dadapo sa katawang lupa.

Durugtungan…….
_________________
Families are forever!
For where your treasure is there will your heart be also.
Back to top
View user's profile Send private message
Ming



Joined: 30 Sep 2008
Posts: 137
Location: Georgia

PostPosted: Thu Feb 21, 2013 7:32 am    Post subject: ITO AY BAHAGI NG AKING PANANAMPALATAYA... Reply with quote

Ang Diyos ay walang hanggan, samakatwid ay walang pinagmulan. Sapagkat kung may pinagmulan, mayroon ding katapusan.

Unang katanungan ay ito-Saan tayo nanggaling bago tayo isinilang sa mundo?

Pangalawa-Bakit tayo naririto?

Pangatlo-Saan tayo patutungo?

Isasa-isantabi ko muna ang mga pinagkunan kong eskritura o scriptures upang magkaroon ng tuloy-tuloy na paglalahad ng aking nalalaman. Inuulit ko po, sa ganang aking po lamang ito at maaaring salungat sa inyong naging pang-unawa.

A. Tayo ay mga anak ng Diyos ngunit sa simula ay mga katawang espiritu tayo, sa isang lugar na tawagin nating Langit.

Ang Amang Diyos ay may katawang pisikal nguit ito ay busilak at banal, perpekto sa lahat na aspeto, gamit ang ating mga salitang
pinakamalapit sa pagsasalarawan sa kanyang kabanalbanalang katauhan.

Sapagkat mga espiritu, hindi tayo dumanas ng sakit o gutom at maraming mga kahinaang taglay ng isang pisikal na katawan.

Sa kabilang dako, napipigil din, o nakahinto ang ating pagsulong o pag-unlad at hindi natin makakamtan and kabanalan, pagkabusilak, at ang kapangyarihan na kayang ipagkaloob ng Ama sa lahat na anak niya.

B Balangkas ng Walang Hanggang Kaligayahan o Kaligtasan
Sa isang malaking pagpupulong kasama ang mga pinunong pinili ng Ama dahil sa kanila katapatan at kabutihan, inihain Niya sa atin
isang plano kung saan lilikha ang Diyos mula sa mga elementong
noon pa man ay umiiral na ng isang daigdig. Sa daigdig na
ito ay mamumuhay ang mga espiritung anak niya upang magkaroon ng katawang pisikal o katawang-tao at ng pagkakataong umunlad at makamit ang kaligayahang walang hanggan at makabalik sa piling ng Ama.

May mga pagdaraanan ang bawat isa:

1. Daranas ka ng sakit at hirap

2.Dadaan ka sa mga pagsubok ng mortal na buhay at ikaw ay
magkakamali, magkakasala. Kailangang maranasan ng bawa’t nilikha na may kabalintunaan ang bawa’t bagay, may tamis at pait, may dilim at liwanag, may saya at may lungkot, may hirap at may ginhawa, may buhay at kamatayan, atbp.

3.Ang alaala ng mga panahong kasama mo ang Ama, at ang iyong kaalaman tungkol sa naganap sa Langit ay aalisin o kumbaga ay dadaan ka sa “belo ng pagkalimot.” Hindi kaalaman kundi panananampalataya ang iyong magiging gabay sa pamumuhay sa mundo. You will walk with faith, not knowledge.

4.May mga banal na sugo mula sa Kanyang karurukan na magpapaalaala sa mga bagay na pinawi sa ating alaala nang tayo ay isilang. Nasa iyo ang pagpapasya kung tatanggapin mo ang mabuting balita/aral o itatakwil na kasinungalingan. Ito ang dahilan kung bakit kung minsan, kapag may narinig tayong katotohan ay sasabihin natin sa ating mga sarili, “ parang alam ko na ito, narinig ko na ito, hindi ko lamang matandaan kung saan.”
5.May ipapadalang Tagapagligtas ang Ama upang tulungan at sagipin ang bawat isa na makalampas sa mga pagsubok at makamit ang benepisyo ng sukdulang sakripisyo ni Kristo at matagumpay na makabalik sa Kanya.

C Si Lucifer ay si Satanas

ISAIAH 14:
12 How art thou fallen from heavn, O Lucifer, son of the morning! How art thou cut down to the ground, which did weaken the nations.!
13 For thou hast said in thind heart, I will ascend into heaven, I will exalt my throne above the stars of God; I will sit also upon the mount of the congregation, in the sides of the north:
14 I will ascend above the heights of the clouds; I will be like the most High:

REVELATION 12:
7 And there was war in heaven: Michael and his angels fought against the dragon; and the dragon fought and his angels,
8 And prevailed not; neither was their place found any more in heaven.
9 And the great dragon was cast out, that old serpent, called the Devil, and Satan, which deceiveth the whole world; he was cast out into the earth, and his angels were cast out with him.
Sa malaking pagpupulong na unang nabanggit, buong kayabangan na isinulong ni Lucifer ang kanyang sarili na siyang magiging tagapagligtas. Aniya, walang isa man na mawawala sapagkat hindi niya pahihintulutan na gumawa ng taliwas sa tagubilin ng Ama. Samaktwid ay pawang tama at mabuti lamang ang maaaring gawin ng bawat nilikha, wala silang sariling pagpapasya. At sinabi niya ng tahasan, “ Ako ang iyong hirangin, ako ang magiging tagapagligtas, kaya ibigay mo sa akin ang iyong karangalan at kapangyarihan.”

Subalit naghain din ang bugtong na anak na si Kristo at sinabing ihahain/iaalay niya ang kanyang sarili upang tubusin sa mga kasalanan ang mga anak ng Diyos, hindi aalisin ang kalayaan ng bawat isa na magpasya para sa kanilang sarili. Ganunpaman, ang makakaligtas lamang ay yaong matututong kilalanin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagsampalataya at taos-pusong pagsisi ng kanilang kasalanan.

Nang piliin ng Ama ang kanyang bugtong na anak upang maging Tagapagligtas at Manunubos ay nagkaroon ng digmaan sa Langit, si Michael the Archangel laban sa pwersa ni Lucifer……..ikatlong bahagi ng mga anak ng Diyos and sumama kay Lucifer at matapos matalo ay hindi na kailanman natagpuan ang kanilang pangkat sa kalangitan. Saan sila itinapon? Alam nyo na ang kasagutan.

Durugtungan...
_________________
Families are forever!
For where your treasure is there will your heart be also.
Back to top
View user's profile Send private message
Ming



Joined: 30 Sep 2008
Posts: 137
Location: Georgia

PostPosted: Fri Feb 22, 2013 3:34 pm    Post subject: Si Adan at si Eba Reply with quote

Sa madaling sabi ay nilikha ng Diyos an gating mundo, kasama ang lahat na may kailangan natin tulad ng tubig, araw, mga bituin, buwan, mga isda at iba pang nabubuhay sa dagat at mga ibon at hayup na nabubuhay sa lupa. Alam na natin ito.

Alam din natin na matapos likhain ang lahat, ay saka lamang nilikha ang unang tao si Adan. Ngunit sa kabila ng lahat na ito, mga kagilagilalas na kapaligiran, mga hayop, ang kalangitan at mga maliwanag at nagkikislapang tanglaw mula sa itaas ay kulang pa rin hanggang malikha si Eba, na nagmula kay Adan. Ito ay isang pahiwatig na si Eba ang pinakamahalagang nilalang sa plano ng Diyos.

Alam din natin na sa Eden, isang paraiso, ay ipinagkaloob ng Ama ang lahat, ang kapaligiran, mga hayop, ibon, halaman, puno, ang lahat at kabuuan, upang kanyang pangalagaan, pagyamanin, at sakupin (to have dominion). Sina Eba at Adan ay malayang nakikipag-usap sa ating Diyos Ama at kay Kristong isa ring Diyos kasama ang Ama nang tulad ng pag-uusap ng dalawang tao. Bakit? Sapagkat sila ay lubos ang kabanalan at may karapatan sa ganitong biyaya na makaharap at makausap ang kanilang Diyos.
Alam din natin na bagama’t kanila ang buong kapaligiran at ang lahat ng bagay dito, ang Ama ay nagtagubilin na huwag kailanman titikman/kakain ng bunga ng isang puno na nasa gitna ng paraiso. Sinabi sa kanila na sa oras suwayin nila ito at kumain ng bunga ng puno iyon, sila ay mamamatay. (Fruit of the tree of knowledge of good and evil)

Alam din natin na sa isang pagkakataon ay nakapasok si Lucifer (na kung tawagin ay Satanas) sa paraisong Eden at sa balatkayong isang ahas ay natukso niya si Eba upang kumain ng bunga ng punong ipinagbawal ng Ama. Ang sabi ni Lucifer sa kanya ay ganito, “hindi ka mamamatay, bagkus ikaw ay magiging matalino tulad ng mga Diyos, malalaman mo kung ano ang mabuti at kung ano ang masama.”

Alam din natin na sa madaling sabi, ay kumain din si Adan ng nasabing bunga. Dahil dito ay sila ay pinaalis sa Eden. Dalawang uri ng kamatayan ang pumataw sa kanila-kamatayang espiritual at pisikal. Espiritual dahil nalayo sila sa karurukan ng Diyos, hindi na nila makakausap nang harapan ang Amang Diyos at ang bugtong nitong Anak katulad ng dati. Pisikal dahil sila ay mamamatay at ang kanilang katawang lupa ay muling babalik sa sa lupa.

Sila ay dumanas ng pagkagutom, pagod, luha at mga paghihirap at sakit na kaakibat ng buhay sa mundo. Sa aking maikling pagkaunawa (akin lang po ito) ay sa oras na kinain nila ang bunga ng punong iyon, ay nabago ang composition ng kanilang katawan at dumaloy ang dugo na siyang nagbigay buhay sa kanilang pisikal na mga katawan. Kasabay nito ay nabago rin ang lahat sa paligid sa mga hayop at iba pang nilalang ng Diyos. Ganunpaman, ang dugo ring ito ang dahilan kung bakit sila ay may kamatayan.
_________________
Families are forever!
For where your treasure is there will your heart be also.
Back to top
View user's profile Send private message
Ulong Purol
Guest





PostPosted: Sat Feb 23, 2013 11:07 am    Post subject: Reply with quote

Amang Ming,

Salamat po sa inyong pagbabahagi ng inyong nalalaman, nakadaragdag po ito sa ating paglilimi at pag-iisip upang alamin ang totoo.

Ilang bagay lamang po.

Sinabi po ninyong si Jesus ay kapatid ni Lucifer.

Kung babasahin po natin ang aklat ni Juan sa Bagong Tipan, nakasaad po doon:

"Sa simula ay ang "Salita" at ang salita ay suma sa Diyos, at ang salita ay Diyos, nanduon na Siya sa pasimula pa, ang salita ay nagkatawang tao at nasaksihan namin ang Kanyang kaluwalhatian. Sa pamamagitan Niya ay nalikha ang mga bagay, at walang anumang bagay na nalikha kundi sa pamamagitan Niya."

Malalaman po natin na ang tinutukoy ni Juan ay ang Panginoong Jesus, na nandoon na sa pasimula pa, na Siya ay kasama ng Diyos, at Siya ay Diyos bago pa man Siya nagkatawang tao. Sa pamamagitan Niya ay nalikha ang mga bagay mula sa wala.

Nang sabihin ng Amang Diyos, "Magkaroon ng Ilaw, at nagkagayon nga." Magkaroon ng sangkalupaan at hatiin ang lupa sa tubig, at nagkagayon nga." Ang Panginoon ay siyang salita na nagbigay katotohan sa sinabi ng Ama.

Kung gayon po amang Ming, masasabi rin natin na, nang likhain ng Ama ang mga anghel at mga espiritong hindi natin nakikita ay nandoon na ang Panginoong Jesus, bago pa man sila malikha.

Alam po natin na si Lucifer ay likhang anghel, hindi siya tulad ng Panginoon na nandoon na sa pasimula pa.

At kung magkagayon po, hindi sila kailan man naging magkapatid.

Ang Panginoong Jesus po lamang ang talagang may karapatan upang tayo ay tubusin, sapagkat Siya, ay Diyos, samantalang si Lucifer ay likha lamang ng Diyos.

At isa pa po, si Lucifer ay kilala bilang "Manlilinlang", siya ang nagbunsod upang ang lahing tao ay masadlak sa pagkakasala.

Sa katunayan, may katotohan ang inyong sabi na, nang palayasin si Lucifer sa langit, kasama ng ikatlong bahagi ng mga anghel na nagrebelde, ay dito sila napadpad sa mundo, bago pa man malikha ang lahing tao. Kaya nga't nandoon na siya sa paraiso nang tuksuhin niya si Eva na sumuway sa ipinag-uutos ng Ama.

Hindi rin po nakapagtataka, na si Lucifer din ang nasa likod ng mga bulaang relihiyon na nagkalat sa buong mundo, upang tuluyang iligaw ang mga tao.

Para sa akin po, higit pa rin na mainam na ituon ang pansin sa kabuoang itinuturo ng Banal na Tipan upang hindi tayo mailigaw, at hindi tayo malinlang ng kaaway na si Lucifer.
Back to top
Ming



Joined: 30 Sep 2008
Posts: 137
Location: Georgia

PostPosted: Mon Feb 25, 2013 9:20 am    Post subject: HINDI TAYO DAPAT MAGTATALO.....MAGLAHAD TAYO NG GANANG ATIN Reply with quote

Kabayang Ulong Purol,

Ang aking layunin sa pakikipagtalakayan sa temang ito “Ano na baga ang totoo” ay ilahad ang aking paniniwala (This is what I believe!). Samakatwid, hindi ko kailangan na makipagpalitan ng punto sa sinuman sa inyo sa pagkakataong ito. Ang dahilan dito ay dahil kailanman ay hindi tayo magkakaroon ng pagkakaisa sa pananampalataya habang magkaiba tayo ng sinasamahan o kinaaanibang “religious organization.” Tanging ang Espiritu Santo lamang ang maaaring magbigay ng testimonyo sa katotohanan.

Isang halimbawa ay pagkakaiba natin sa mga punto ng paniniwala:

Kami ay mayroong mga buhay na propeta at apostoles na tumatanggap ng rebelasyon mula sa Ama sa langit at Hesukristo na siyang Pinuno ng aming iglesia.

Dahil dito, may iba pa kaming mga eskritura o banal na kasulatan na tulad ng Biblia ay mga salita ng Diyos.

Kami lamang ang may mga Templo, mahigit sa isandaan, na nagkalat sa iba-ibang bansa.

Inaaralan kaming huwag manigarilyo, uminom ng alak, kape, tsaa at huwag makilahok sa mga pagsusugal.

Hindi rin kami naniniwala na ang bawat sanggol na isilang ay may minanang “Original Sin.”

Ilan lamang po ito.

Samakt’wid ay hindi pareho ang pinanggagalingan ng ating pagsampalataya.

Kaya ipagpaumanhin mo kung hindi ko masusugan ang iyong mga sinabi. Sapat nang sabihin ko na lahat tayo ay mga anak ng Diyos Ama sa langit, si Kristo ang kanyang bugtong na anak na Diyos din. Sapagkat mga espiritu lahat tayo sa mga panahong iyon ay mga anghel tayo sa harapan ng Diyos.

Si Kristo ang “Salita,” the Word sa sinabi ni Juan. Siya rin si Jehovah sa Lumang Tipan na nagkatawang tao upang tuparin ang kanyang pag-aalay at pagtubos sa atin.

Samakatwid, sa kabuoang 100 porsyento ng mga anak ng Diyos (o anghel), ikatlong bahagi ang sumunod kay Lucifer at nagrebelyon laban sa Ama. Dahil dito sila ay hindi magkakaroon ng katawang lupa tulad natin. Ang mga sugo ng Diyos upang makipag-usap sa tao sa lupa ay mga anghel. Dalawang uri ang mga ito, yaong hindi pa nagkaka-katawang lupa at yaong dati nang nabuhay at namatay, o kinuha (translated).

Muli, ang mga isinaad kong ito ay maaaring hindi katanggap-tanggap sa iba. Ang Banal na Kasulatan ay puno ng patotoo sa mga anghel na nakita, nakipag-usap sa mga tao, tulad kay Maria, kay Sakarias, sa mga apostoles, sa libingan ni Hesus….at marami pang iba.

Hinihiling ko po na hayaan mo muna akong magsalaysay ayon sa aking mga natutunan at nalaman at kayo naman ay maglahad din ng ganang sa inyo. Sa ganoon ay walang magiging pagtatalo, at hindi rin tayo magkakasakitan ng loob.
_________________
Families are forever!
For where your treasure is there will your heart be also.
Back to top
View user's profile Send private message
Display posts from previous:   
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Inspirational and Spiritual All times are GMT - 5 Hours
Goto page 1, 2, 3  Next
Page 1 of 3

 
Jump to:  
You can post new topics in this forum
You can reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum


Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group