PAETE.ORG FORUMS
Paetenians Home on the Net

HOME | ABOUT PAETE | USAP PAETE MUNISIPYO  | MEMBERS ONLY  | PICTORIAL PAETE | SINING PAETE  | LINKS  |

FORUM GUIDELINES
please read before posting

USAP PAETE Forum Index USAP PAETE
Discussion Forums for the people of Paete, Laguna, Philippines
 
 FAQFAQ   SearchSearch    UsergroupsUsergroups   RegisterRegister 
 ProfileProfile   Log in to check your private messagesLog in to check your private messages   Log inLog in 

MGA PINAGTIBAY NA RES. NG KGG. SANGGUNIANG BAYAN-PEB., 2013

 
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Balitang Paete - Sangguniang Bayan
View previous topic :: View next topic  
Author Message
Ana Victoria A. Agravia



Joined: 24 May 2008
Posts: 190
Location: Paete, Laguna

PostPosted: Thu Feb 28, 2013 12:48 am    Post subject: MGA PINAGTIBAY NA RES. NG KGG. SANGGUNIANG BAYAN-PEB., 2013 Reply with quote

Sa mga kinauukulan,

Magalang ko pong ipinababatid sa inyong kaalaman ang mga pinagtibay na Resolusyon ng Kgg. Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna para sa buwan ng Pebrero, 2013 gaya ng mga sumusunod:

HALAW SA KATITIKAN NG PULONG KARANIWAN NG SANGGUNIANG BAYAN NG PAETE, LAGUNA NA GINANAP SA VICTOR PAGALANAN MEMORIAL HALL, BATASANG BAYAN, GUSALING ADECI, PAETE, LAGUNA NOONG 04 PEBRERO, 2013 ARAW NG LUNES.

MGA DUMALO:

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo,
Pangalawang Punong-Bayan/Tagapangulo,

Kgg. Anna Pamela R. dela Rosa,
Konsehal,

Kgg. Brigido R. Bagayana,
Konsehal,

Kgg. Aurelio P. Paraiso,
Konsehal,

Kgg. Lourdes F. Sunga,
Konsehal,

Kgg. Eriberto D. Pascual,
Konsehal,

Kgg. Urbano R. Cadapan,
Konsehal,

Kgg. Emerito B. Gajitos,
Konsehal,

Kgg. Ronaldo Z. Valdellon,
Konsehal,

Kgg. Hermie B. Bagongahasa,
Konsehal-LBP,

Kgg. Lyeka May S. Sadsad,
Konsehal-SKFP.

HINDI DUMALO: WALA

RESOLUSYON BLG. 007 t. – 2013

RESOLUSYONG PAGTIBAYIN ANG PAGKATIG SA RES. BLG. 001 T. 2012 NG COMMITTEE OF THE WHOLE (QUASI JUDICIAL BODY)- RESOLUSYONG NAGPAPATIBAY NG DESISYON SA NAGANAP NA PAGDINIG (PRE-TRIAL CONFERENCE) SA KASONG ADMINISTRATIBO BILANG 01-2012 NA ISINAMPA NINA G. GERARDO P. MADRIGAL, ET. AL.- MGA BANTAY BAYAN NG BARANGAY (2) MAYTOONG, PAETE, LAGUNA-MGA NAGREREKLAMO, LABAN KAY KGG. FRANKLIN U. TULALIAN, KAGAWAD NG BARANGAY (2) MAYTOONG, PAETE, LAGUNA-INIREREKLAMO UKOL SA PANG-AAPI, KASAMAAN NG ASAL (OPPRESSION, MISCONDUCT IN OFFICE) NA INIHAIN SA TANGGAPAN NG KGG. PUNONG-BAYAN EMMANUEL B. CADAYONA AT INILIWAT SA KGG. SANGGUNIANG BAYAN NG PAETE, LAGUNA

SAPAGKAT, mayroong ipinasang Res. Blg. 01 t. 2012 noong Nobyembre 28, 2012 ang bumubuo ng Committee of the Whole (Quasi Judicial Body), Paete, Laguna na may kaugnayan sa reklamong inihain nina G. Gerardo P. Madrigal et. al., mga Bantay Bayan ng Barangay (2) Maytoong –Nagrereklamo, laban kay Kgg. Franklin U. Tulalian, Kagawad ng Barangay (2) Maytoong, Paete, Laguna-Inirereklamo;

SAPAGKAT, kalakip nito ang pinagtibay na Kautusan at Kasunduan na resulta ng ginanap na Pre-trial Conference noong ika-28 ng Nobyembre, 2012 na may kaukulang lagda ng mga kinauukulan para sa pagtalima ng mga nagkasundong magkabilang panig;

SAPAGKAT, kinakailangang magkaroon ng kaukulang pagkatig sa nasabing Res. Blg. 01 t. 2012 ng bumubuo ng Committee of the Whole (Quasi Judicial Body) ng Paete, Laguna.

KUNG KAYA’T DAHIL DITO, sa mungkahi ni Konsehal Lourdes F. Sunga, pinangalawahan nina Konsehal Anna Pamela R. dela Rosa, Konsehal Brigido R. Bagayana, Konsehal Aurelio P. Paraiso, Konsehal-LBP Hermie B. Bagongahasa at Konsehal-SKFP Lyeka May S. Sadsad, sa pagtutol nina Konsehal Eriberto D. Pascual, Konsehal Emerito B. Gajitos, Konsehal Urbano R. Cadapan at Konsehal Ronaldo Z. Valdellon, sa pagkatig at pagsang-ayon ng mas nakararaming dumalo ay:

IPINASIYA na gaya ng ginagawa ng Sangguniang ito sa ngayon, ay pinagtitibay ang pagkatig sa Resolusyon Blg. 001 t. 2012 ng Committee of the Whole (Quasi Judicial Body) – Resolusyong nagpapatibay ng desisyon sa pagdinig (Pre-Trial Conference) sa Kasong Administratibo Bilang 01-2012 na isinampa nina G. Gerardo P. Madrigal, et. al.- mga Bantay Bayan ng Barangay (2) Maytoong, Paete, Laguna- mga nagrereklamo, laban kay Kgg. Franklin U. Tulalian, Kagawad ng Barangay (2) Maytoong, Paete, Laguna-inirereklamo, ukol sa Pang-aapi, Kasamaan ng asal (Oppression, Misconduct in office) na inihain sa Tanggapan ng Kgg. Punong-Bayan Emmanuel B. Cadayona at iniliwat sa Kgg. Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna.

INIATAS na padalhan ng sipi ang mga kinauukulan para sa kanilang kabatiran.

PINAGTIBAY: 04 Pebrero, 2013

PINATUTUNAYAN ko ang kawastuhan ng nasasaad sa resolusyong ito ay pinagtibay ng Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna.

May lagda ang orihinal
ANA VICTORIA A. AGRAVIA
Kalihim ng Sanggunian


PINATOTOHANAN:

May lagda ang orihinal
ROJILYN Q. BAGABALDO
Pangalawang Punong-Bayan/ Tagapangulo


HALAW SA KATITIKAN NG KARANIWANG PULONG NG SANGGUNIANG BAYAN NG PAETE, LAGUNA NA GINANAP SA VICTOR PAGALANAN MEMORIAL HALL, BATASANG BAYAN, GUSALING ADECI, PAETE, LAGUNA NOONG 18 PEBRERO, 2013 ARAW NG LUNES.

MGA DUMALO:

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo,
Pangalawang Punong-Bayan/Tagapangulo,

Kgg. Anna Pamela R. dela Rosa,
Konsehal,

Kgg. Brigido R. Bagayana,
Konsehal,

Kgg. Aurelio P. Paraiso,
Konsehal,

Kgg. Lourdes F. Sunga,
Konsehal,

Kgg. Eriberto D. Pascual,
Konsehal,

Kgg. Urbano R. Cadapan,
Konsehal,

Kgg. Emerito B. Gajitos,
Konsehal,

Kgg. Hermie B. Bagongahasa,
Konsehal-LBP,

Kgg. Lyeka May S. Sadsad,
Konsehal-SKFP.

HINDI DUMALO:

Kgg. Ronaldo Z. Valdellon,
Konsehal, Pumanaw na noong Peb. 16, 2013.

RESOLUSYON BLG. 008 t. – 2013

RESOLUSYONG KAHILINGAN SA FEDERATION OF FILIPINO CHINESE CHAMBER OF COMMERCE AND INDUSTRY SA PAMAMAGITAN NI G. TAN CHING, PANGULO, NA MAPAGKALOOBAN ANG PAMAHALAANG BAYAN NG PAETE, LAGUNA NG ISANG GUSALI NA MAY TATLONG SILID ARALAN PARA SA PAETE ELEMENTARY SCHOOL

SAPAGKAT, noong ika-30 ng Enero, 2013 ay mayroong natanggap na liham mula kay G. Ronald B. Cosico, Pambayang Administrador sa atas ng Punong-Bayan, Inh. Emmanuel B. Cadayona na inililiwat ang liham mula kay Lourdes M. Mancera, Ed. D., Principal II ng Paete Elementary School (PES), Paete, Laguna;

SAPAGKAT, nakasaad sa liham ni Lourdes M. Mancera, Ed. D, ang kahilingan nila sa pagkakaroon ng karagdagang silid aralan sa kanilang paaralan sa pamamagitan ng Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry at isa sa pangunahing serbisyo na ipinagkakaloob ng Pamahalaang Bayan ng Paete, Laguna sa ating mga kakababayan ay ang pagkakaroon ng magandang edukasyon;

SAPAGKAT, dahil sa kahirapan ng buhay ay mas minarapat ng mga magulang na ipasok sa pampublikong paaralan ang kanilang mga anak at sa kasalukuyan ay patuloy na dumadami ang mga batang nag-aaral dito;

SAPAGKAT, mayroon ng kakulangan ang mga silid aralan sa Paete Elementary School at ang ilan sa mga ito ay sira na at hindi na ito makatugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral;

SAPAGKAT, batid ng Sangguniang ito, na ang isa sa mga pangunahing programang isinusulong ng Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry ay ang makatulong sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga gusaling pampaaralan;

SAPAGKAT, batid din ng Sangguniang ito na ang Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry ay handang tumugon sa nasabing Kahilingan;

SAPAGKAT, ang Pamahalaang Bayan ng Paete, Laguna ay nabibilang sa “4th class Municipality” at walang kakayahang makapagpatayo ng tatlong silid aralan dahilan sa kakulangan sa pondong ilalaan para rito;

KUNG KAYA’T DAHIL DITO, sa mungkahi ni Konsehal Eriberto D. Pascual, sa pagkatig at pagsang-ayon ng lahat ng dumalo, ay:

IPINASIYA: na gaya ng ginagawa ng Sangguniang ito, sa ngayon, ay pinagtitibay ang Kahilingan sa Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry sa pamamagitan ni G. TAN CHING, Pangulo, na mapagkalooban ang Pamahalaang Bayan ng Paete, Laguna ng isang gusali na may Tatlong silid aralan para sa Paete Elementary School.

INIATAS: na padalhan ng sipi ng resolusyong ito ang kinauukulan para sa kanilang kabatiran at kaalaman.

PINAGTIBAY: 18 Pebrero, 2013


PINATUTUNAYAN ko ang kawastuhan ng nasasaad sa resolusyong ito ay pinagtibay ng Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna.

May lagda ang orihinal
ANA VICTORIA A. AGRAVIA
Kalihim ng Sanggunian

PINATOTOHANAN:

May lagda ang orihinal
ROJILYN Q. BAGABALDO
Pangalawang Punong-Bayan/Tagapangulo

BINIGYANG PANSIN:

May lagda ang orihinal
INH. EMMANUEL B. CADAYONA
Punong-Bayan



HALAW SA KATITIKAN NG KARANIWANG PULONG NG SANGGUNIANG BAYAN NG PAETE, LAGUNA NA GINANAP SA VICTOR PAGALANAN MEMORIAL HALL, BATASANG BAYAN, GUSALING ADECI, PAETE, LAGUNA NOONG 18 PEBRERO, 2013 ARAW NG LUNES.

MGA DUMALO:

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo,
Pangalawang Punong-Bayan/Tagapangulo,

Kgg. Anna Pamela R. dela Rosa,
Konsehal,

Kgg. Brigido R. Bagayana,
Konsehal,

Kgg. Aurelio P. Paraiso,
Konsehal,

Kgg. Lourdes F. Sunga,
Konsehal,

Kgg. Eriberto D. Pascual,
Konsehal,

Kgg. Urbano R. Cadapan,
Konsehal,

Kgg. Emerito B. Gajitos,
Konsehal,

Kgg. Hermie B. Bagongahasa,
Konsehal-LBP,

Kgg. Lyeka May S. Sadsad,
Konsehal-SKFP.

HINDI DUMALO:

Kgg. Ronaldo Z. Valdellon,
Konsehal, Pumanaw na noong Pebrero 16, 2013.

RESOLUSYON BLG. 009 t. – 2013

RESOLUSYONG NAGPAPAABOT NG PAKIKIRAMAY AT PAKIKIDALAMHATI SA BUONG PAMILYA AT MGA KAANAK NG YUMAONG SI KGG. RONALDO ZABALA VALDELLON, NAHALAL BILANG SANGGUNIANG KABATAAN KAGAWAD (1982-1984), NANUPARAN BILANG KAGAWAD (1991-1994), NAHALAL BILANG UNANG KAGAWAD (1994-1997), NAHALAL BILANG PUNONG-BARANGAY (1997-2002), TAGAPAYO NG SANGGUNIANG BARANGAY NG IBABA DEL SUR ( 2004-2013) AT NAHALAL AT NANUNGKULAN BILANG KONSEHAL SA TATLONG TERMINO NG KGG. SANGGUNIANG BAYAN NG PAETE, LAGUNA (HULYO 01, 2004 – PEBRERO 15, 2013).

SAPAGKAT, si KGG. RONALDO Z. VALDELLON ay pumanaw noong ika-16 ng Pebrero, 2013, sa edad na 45 taong gulang;

SAPAGKAT, siya ay nahalal bilang Sangguniang Kabataan Kagawad (1982-1984), nanuparan bilang Kagawad noong taong 1991-1994 bilang kapalit ng kanyang nagkasakit na ama na si Kgg. Mauro Cadang Valdellon, nahalal bilang Unang Kagawad ng Barangay (1994-1997), nahalal bilang Punong-Barangay (1997-2002), Tagapayo ng Sangguniang Barangay Ibaba del Sur (2004-2013);

SAPAGKAT, isang malaking karangalang mahalal bilang Konsehal ng Kgg. Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna sa tatlong (3) sunud-sunod na termino (Hulyo 01, 2004-Hunyo 30, 2013);

SAPAGKAT, siya ay nagtamo ng Golden Leadership Award National Award 2000, naging Pangulo ng Homeroom I, Pangulo ng Federated PTA ng mga mababang paaralan, Pangulo ng PTA ng San Juan National High School, Secretary-Over-all PTCA ng Poten and Eliseo Quesada Memorial National High School at kasapi ng mga samahan katulad ng Bolero Club at Moral Recovery Council;

SAPAGKAT, ang pagpanaw ni KGG. RONALDO Z. VALDELLON ay nag-iwan ng magandang alaala sa larangan ng paglilingkod sa ating pamahalaan bilang isang halal na opisyal;

SAPAGKAT, di lamang ang kanyang pamilya, kaanak at mga kaibigan ang nagdadalamhati sa kanyang pagpanaw dahilan sa kanyang mahusay na pakikisama at pakikisalamuha sa ating mga kababayan, mga opisyal ng Kgg. Sangguniang Barangay ng Barangay Ibaba del Sur, mga opisyal ng Kgg. Sangguniang Bayan, mga opisyal at kawanihan ng Pamahalaang Bayan, gayundin sa mga karaniwang mamamayan ng Bayan ng Paete;

SAPAGKAT, ang kanyang taos-pusong paglilingkod sa Kgg. Sangguniang Barangay ng Barangay Ibaba del Sur at Kgg. Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna ay nag-iwan ng isang magandang alaala at halimbawa sa mga nanunungkulang opisyal, mga kawani at sa ating mga kababayan;

SAPAGKAT, ang kasalukuyang bumubuo ng Kgg. Sangguniang Bayan at Pamahalaang Bayan ay nagpapaabot ng taos-pusong pakikiramay at pakikidalamhati sa buong pamilya at mga kaanak ng yumaong si KGG. RONALDO Z. VALDELLON.

KUNG KAYA’T DAHIL DITO, sa mungkahi ni Konsehal Lourdes F. Sunga, sa pagkatig at pagsang-ayon ng lahat na dumalong mga konsehal, ay:

IPINASIYA: na gaya ng ginagawa ng Sangguniang ito, sa ngayon, ay ipinaaabot ang pakikiramay at pakikidalamhati sa buong pamilya at mga kaanak ng yumaong si KGG. RONALDO ZABALA VALDELLON, nahalal bilang Sangguniang Kabataan Kagawad (1982-1984), nanuparan bilang Kagawad (1991-1994), nahalal bilang Unang Kagawad (1994-1997), nahalal bilang Punong-Barangay (1997-2002), Tagapayo ng Sangguniang Barangay ng Ibaba del Sur ( 2004-2013) at nahalal at nanungkulan bilang Konsehal sa Tatlong Termino ng Kgg. Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna (Hulyo 01, 2004 – Pebrero 15, 2013).

INIATAS: na padalhan ng sipi ng resolusyong ito ang kinauukulan para sa kanilang kabatiran at kaalaman.

PINAGTIBAY: 18 Pebrero, 2013

PINATUTUNAYAN ko ang kawastuhan ng nasasaad sa resolusyong ito ay pinagtibay ng Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna.

May lagda ang orihinal
ANA VICTORIA A. AGRAVIA
Kalihim ng Sanggunian

PINATOTOHANAN:

May lagda ang orihinal
ROJILYN Q. BAGABALDO
Pangalawang Punong-Bayan/Tagapangulo

May lagda ang orihinal
ANNA PAMELA R. DELA ROSA
Konsehal

May lagda ang orihinal
BRIGIDO R. BAGAYANA
Konsehal

May lagda ang orihinal
AURELIO P. PARAISO
Konsehal

May lagda ang orihinal
LOURDES F. SUNGA
Konsehal

May lagda ang orihinal
ERIBERTO D. PASCUAL
Konsehal

May lagda ang orihinal
URBANO R. CADAPAN
Konsehal

May lagda ang orihinal
EMERITO B. GAJITOS
Konsehal

Hindi dumalo, pumanaw na
RONALDO Z. VALDELLON
Konsehal

May lagda ang orihinal
HERMIE B. BAGONGAHASA
LBP-Konsehal

May lagda ang orihinal
LYEKA MAY S. SADSAD
SKFP-Konsehal

BINIGYANG PANSIN:

May lagda ang orihinal
INH. EMMANUEL B. CADAYONA
Punong-Bayan


HALAW SA KATITIKAN NG KARANIWANG PULONG NG SANGGUNIANG BAYAN NG PAETE, LAGUNA NA GINANAP SA VICTOR PAGALANAN MEMORIAL HALL, BATASANG BAYAN, GUSALING ADECI, PAETE, LAGUNA NOONG 25 PEBRERO, 2013 ARAW NG LUNES.

MGA DUMALO:

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo,
Pangalawang Punong-Bayan/Tagapangulo,

Kgg. Anna Pamela R. dela Rosa,
Konsehal,

Kgg. Brigido R. Bagayana,
Konsehal,

Kgg. Aurelio P. Paraiso,
Konsehal,

Kgg. Lourdes F. Sunga,
Konsehal,

Kgg. Eriberto D. Pascual,
Konsehal,

Kgg. Urbano R. Cadapan,
Konsehal,

Kgg. Emerito B. Gajitos,
Konsehal,

Kgg. Lyeka May S. Sadsad,
Konsehal-SKFP.

HINDI DUMALO:

Kgg. Ronaldo Z. Valdellon,
Konsehal, Pumanaw na noong Pebrero 16, 2013,

Kgg. Hermie B. Bagongahasa,
Konsehal-LBP, Opisyal na Lakad.

RESOLUSYON BLG. 010 t. – 2013

RESOLUSYONG NAGPAPAABOT NG PAGKILALA, PAKIKIRAMAY AT PAKIKIDALAMHATI SA BUONG PAMILYA AT MGA KAANAK NG YUMAONG SI KGG. ROBERTO MESOZA CAGANDAHAN, NAHALAL BILANG PUNONG-BARANGAY NG SANGGUNIANG BARANGAY NG ERMITA (1982-1988) AT ITINALAGA BILANG KONSEHAL-LBP NG KGG. SANGGUNIANG BAYAN NG PAETE, LAGUNA NOONG ENERO 05, 1987–NOBYEMBRE 25, 1987 AT NOONG DISYEMBRE 03, 1987 – ENERO 29, 1988.

SAPAGKAT, si KGG. ROBERTO MESOZA CAGANDAHAN ay pumanaw noong ika-19 ng Pebrero, 2013, sa edad na 60 taong gulang;

SAPAGKAT, batay sa nakuhang tala, siya ay nahalal bilang Punong-Barangay ng Sangguniang Barangay ng Ermita (1982-1988) at siya rin ay itinalaga bilang Konsehal-LBP ng Kgg. Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna noong Enero 05, 1987 –Nobyembre 25, 1987 at noong Disyembre 03, 1987-Enero 29, 1988;

SAPAGKAT, hindi man niya ipinagpatuloy ang paglilingkod bilang halal na opisyal ng ating bayan ay nakatulong naman ang kanyang pamilya sa ibang paraan, ang pagpapaunlad ng industriya ng ukit dito sa ating bayan at ang pagsusulong ne edukasyon sa pamamagitan ng pagtatatag ng pribadong paaralan sa ating bayan, ang Mother of the Eucharist and Grace Montessori School;

SAPAGKAT, ang pagpanaw ni KGG. ROBERTO MESOZA CAGANDAHAN ay nag-iwan ng magandang alaala sa larangan ng paglilingkod sa ating pamahalaan bilang isang halal na opisyal;

SAPAGKAT, di lamang ang kanyang pamilya, kaanak at mga kaibigan ang nagdadalamhati sa kanyang pagpanaw dahilan sa kanyang mahusay na pakikisama at pakikisalamuha sa ating mga kababayan, mga opisyal ng Kgg. Sangguniang Barangay ng Ermita, mga opisyal ng Kgg. Sangguniang Bayan, mga opisyal at kawanihan ng Pamahalaang Bayan, gayundin sa mga karaniwang mamamayan ng Bayan ng Paete;

SAPAGKAT, ang kanyang taos-pusong paglilingkod sa Kgg. Sangguniang Barangay ng Ermita at Kgg. Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna ay nag-iwan ng isang magandang alaala at halimbawa sa mga nanunungkulang opisyal, mga kawani at sa ating mga kababayan;

SAPAGKAT, ang kasalukuyang bumubuo ng Kgg. Sangguniang Bayan at Pamahalaang Bayan ay nagpapaabot ng pagkilala, taos-pusong pakikiramay at pakikidalamhati sa buong pamilya at mga kaanak ng yumaong si KGG. ROBERTO M. CAGANDAHAN.

KUNG KAYA’T DAHIL DITO, sa mungkahi ni Konsehal Emerito B. Gajitos, sa pagkatig at pagsang-ayon ng lahat na dumalong mga konsehal, ay:

IPINASIYA: na gaya ng ginagawa ng Sangguniang ito, sa ngayon, ay ipinaaabot ang pagkilala, pakikiramay at pakikidalamhati sa buong pamilya at mga kaanak ng yumaong si KGG. ROBERTO MESOZA CAGANDAHAN, nahalal bilang Punong-Barangay ng Sangguniang Barangay ng Ermita (1982-1988) at itinalaga bilang Konsehal-LBP ng Kgg. Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna noong Enero 05, 1987-Nobyembre 25, 1987 at noong Disyembre 03, 1987-Enero 29, 1988.

INIATAS: na padalhan ng sipi ng resolusyong ito ang kinauukulan para sa kanilang kabatiran at kaalaman.

PINAGTIBAY: 25 Pebrero, 2013

PINATUTUNAYAN ko ang kawastuhan ng nasasaad sa resolusyong ito ay pinagtibay ng Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna.

May lagda ang orihinal
ANA VICTORIA A. AGRAVIA
Kalihim ng Sanggunian

PINATOTOHANAN:

May lagda ang orihinal
ROJILYN Q. BAGABALDO
Pangalawang Punong-Bayan/Tagapangulo


May lagda ang orihinal
ANNA PAMELA R. DELA ROSA
Konsehal

May lagda ang orihinal
BRIGIDO R. BAGAYANA
Konsehal

May lagda ang orihinal
AURELIO P. PARAISO
Konsehal

May lagda ang orihinal
LOURDES F. SUNGA
Konsehal

May lagda ang orihinal
ERIBERTO D. PASCUAL
Konsehal

May lagda ang orihinal
URBANO R. CADAPAN
Konsehal

May lagda ang orihinal
EMERITO B. GAJITOS
Konsehal

Hindi dumalo, pumanaw na
RONALDO Z. VALDELLON
Konsehal

Hindi dumalo, Opisyal na Lakad
HERMIE B. BAGONGAHASA
LBP-Konsehal

May lagda ang orihinal
LYEKA MAY S. SADSAD
SKFP-Konsehal

HALAW SA KATITIKAN NG PULONG KARANIWAN NG SANGGUNIANG BAYAN NG PAETE, LAGUNA NA GINANAP SA VICTOR PAGALANAN MEMORIAL HALL, BATASANG BAYAN, GUSALING ADECI, PAETE, LAGUNA NOONG 25 PEBRERO, 2013 ARAW NG LUNES.

MGA DUMALO:

Kgg. Rojilyn Q. Bagabaldo,
Pangalawang Punong-Bayan/Tagapangulo,

Kgg. Anna Pamela R. dela Rosa,
Konsehal,

Kgg. Brigido R. Bagayana,
Konsehal,

Kgg. Aurelio P. Paraiso,
Konsehal,

Kgg. Lourdes F. Sunga,
Konsehal,

Kgg. Eriberto D. Pascual,
Konsehal,

Kgg. Urbano R. Cadapan,
Konsehal,

Kgg. Emerito B. Gajitos,
Konsehal,

Kgg. Lyeka May S. Sadsad,
Konsehal-SKFP.

HINDI DUMALO:

Kgg. Ronaldo Z. Valdellon,
Konsehal, Pumanaw na,

Kgg. Hermie B. Bagongahasa,
Konsehal-LBP, Opisyal na lakad.

RESOLUSYON BLG. 011 t. – 2013

RESOLUSYONG PAGTIBAYIN ANG ORDINANSA SA PAGPAPATUPAD NG SAPILITANG PAGLILIKAS (FORCED EVACUATION) SANHI NG ANUMANG KALAMIDAD AT ANUMANG DAGLIANG KAGANAPAN (EMERGENCY) NA KINAKAILANGANG MABIGYAN NG KAUKULANG HAKBANG UPANG MAIWASAN ANG PAGKAWALA AT ANG MGA NAPIPINTONG KAPAHAMAKAN NG BUHAY AT ARI-ARIAN NG MGA MAMAMAYAN AT NAGTATAKDA NG MGA LAYUNIN, ALITUNTUNIN AT KAPARUSAHAN SA LALABAG DITO SA NASASAKUPAN NG BAYAN NG PAETE, LAGUNA.
__________________________________________________________________________

MAY AKDA: KONSEHAL AURELIO P. PARAISO
__________________________________________________________________________

SAPAGKAT, ito ay naging isang pambansang patakaran sa ilalim ng Seksyon 2 (a) ng RA 10121, na mas kilala bilang “NATIONAL DISASTER RISK REDUCTION MANAGEMENT” Act of 2010 na isinasagawa upang mapangalagaan ang buhay at ari-arian ng mga tao, maitaguyod ang karapatan sa ilalim ng Saligang Batas ng Republika ng Pilipinas (Philippine Constitution) sa pamamagitan ng pagtugon sa nagiging sanhi dala ng kahinaan o hindi pagiging handa sa oras ng kalamidad, pagpapatibay ng kapasidad na mga institusyon ng bansa para sa pagbabawas ng panganib ng kalamidad at pamamahala, pagbuo at pagpapanumbalik ng dating kalagayan ng lokal na komunidad sa mga naapektuhan ng kalamidad kabilang na ang mga epekto sanhi ng pagbabago ng klima;

SAPAGKAT, ang lokal na yunit ng pamahalaan o Local Government Unit (LGU) ay pinahintulutan sa ilalim ng Seksyon 16 ng Local Government Code of 1991, na kilala bilang “General Welfare Clause”, na magkaroon ng kapangyarihan na magtaguyod ng mga naaangkop sa mga hindi inaasahang pagkakataon para sa mahusay at mabisang pamumuno at para sa pagtataguyod ng pangkalahatang kagalingan;

SAPAGKAT, ang Punong-Barangay (Section 389 (b) (6), ang Punong-Bayan (Section 444 (b) (VIII), Punong Panlungsod (Section 455 (b) (VII) at Punong Panlalawigan (Section 465 (b) (VII) ay inaatasan sa ilalim ng “Local Goverment Code of 1991” na magpatupad at magsagawa ng naturang mga panukala para sa mga dagliang pangangailangan (emergency) na maaaring maging panuntunan at mga kakailanganin sa panahon at sa pagkatapos ng sakuna at kalamidad, likas o gawang-tao;

SAPAGKAT, ang Lokal na Pamahalaan sa pamamagitan ng kanilang lokal na sanggunian, ay kinakailangang tumatalima sa isinasaad ng DILG Memorandum Circular No. 2012-35 na may petsang, 21 ng Pebrero 2012 na magsabatas ng lokal na ordinansa para sa pagpapatupad ng sapilitang paglilikas (forced evacuation) bilang isang alternatibong paraan at hakbangin sa magiging sakuna o dagliang pangangailangan ng nasasakupan alinsunod na rin sa batayan sa ipinahayag na panganib na maaaring makaapekto sa napipintong pagkawala ng buhay at/o ari-arian sa kanilang mga nasasakupan;

SAPAGKAT, ang Pamahalaang Bayan at ang Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna ay lubos ang pagpapahalaga sa kaligtasan ng buhay ng mga mamamayan, sa lahat ng oras at mapaghandaan ang mga epekto ng sakuna at kalamidad, likas o gawang-tao;

KUNG KAYA’T DAHIL DITO, sa mungkahi ni Konsehal Aurelio P. Paraiso, pinangalawahan nina Konsehal Lourdes F. Sunga at Konsehal Urbano R. Cadapan, sa pagkatig at pagsang-ayon ng lahat na dumalong mga Konsehal ay,

IPINASIYA: na gaya ng ginagawa ng Sangguniang ito, sa ngayon, ay pinagtitibay ang ordinansa sa pagpapatupad ng sapilitang paglilikas (forced evacuation) sanhi ng anumang kalamidad at anumang dagliang kaganapan (emergency) na kinakailangang mabigyan ng kaukulang hakbang upang maiwasan ang pagkawala at ang mga napipintong kapahamakan ng buhay at ari-arian ng mga mamamayan at nagtatakda ng mga layunin, alituntunin at kaparusahan sa lalabag dito sa nasasakupan ng bayan ng Paete, Laguna.

INIATAS na padalhan ng sipi ang mga kinauukulan para sa kanilang kabatiran.

ORDINANSA BLG. 2013-315

ANG ORDINANSA SA PAGPAPATUPAD NG SAPILITANG PAGLILIKAS (FORCED EVACUATION) SANHI NG ANUMANG KALAMIDAD AT ANUMANG DAGLIANG KAGANAPAN (EMERGENCY) NA KINAKAILANGANG MABIGYAN NG KAUKULANG HAKBANG UPANG MAIWASAN ANG PAGKAWALA AT ANG MGA NAPIPINTONG KAPAHAMAKAN NG BUHAY AT ARI-ARIAN NG MGA MAMAMAYAN AT NAGTATAKDA NG MGA LAYUNIN, ALITUNTUNIN AT KAPARUSAHAN SA LALABAG DITO SA NASASAKUPAN NG BAYAN NG PAETE, LAGUNA.

Ipinag-uutos ng Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna na:

ALITUNTUNIN BLG. 1
PAGPAPAHAYAG NG PATAKARAN AT ALITUNTUNIN


PANGKAT 1. Ang Pamahalaang Bayan ng Paete, Laguna ay may responsibilidad na protektahan ang buhay ng mga naninirahan sa nasasakupan nito sa lahat ng oras at upang maiwasan at mabawasan ang epektong dulot ng mga sakuna at kalamidad, likas o gawang-tao sa nasasakupan ng bayan ng Paete, Laguna.

ALITUNTUNIN BLG. 2
KAHULUGAN NG MGA SALITA


PANGKAT 2. Tulad ng ginagamit sa ordinansa na ito:

2.1 “Disaster-Sakuna", nangangahulugan ng isang kaganapan na sanhi ng isang sakuna at kalamidad, likas o gawang-tao, na maaaring magdulot ng pinsala o pagkawala ng buhay, pinsala ng ari-arian, kabilang ang likas na sakuna tulad ng bagyo, buhawi, baha, malakas na hangin, landslide at iba pang mga pagkakataon na may kaugnayan sa mga sakuna at kalamidad, likas o gawang-tao, kabilang ang “nuclear power plant incidents, hazardous materials, oil spills, explosion, civil disturbances, public calamity (sunog), acts of terrorism, hostile military action and other events related thereto”.

2.2 “Imminent Danger-napipintong panganib", ay nangangahulugan ng isang ambang panganib na maaring magdulot ng pinsala.

2.3 “Evacuation”-Paglilikas", ay nangangahulugan ng isang malawakang operasyon o pagkilos na kung saan ang lahat o bahagi ng populasyon ng pamayanan, partikular na ang mga apektado ng sakuna ay magkakaroon ng pansamantalang relokasyon ng mga indibidwal.

2.4 “Forced Evacuation”- Sapilitang paglilikas", ay nangangahulugan ng sapilitang paglilikas ng mga naninirahan sa isang lugar na kinakailangang isagawa kung ang sakuna o dagliang pangangailangan (emergency) ay ipinahayag ng kinauukulan upang maiwasan ang pagkakaroon ng panganib ng pagkawala ng buhay na napipintong maganap batay na rin sa sitwasyong umiiral na masyadong nanganganib o maglalagay sa panganib ang mga buhay ng mga sa tinukoy na lugar.

2.5 “Evacuation Centers”, mga lugar na kung saan ang mga nailikas (evacuees) na indibidwal ng mga lokal na residente ay pansamantalang pinatuloy o pinatira.

2.6 “Physical Force-Pisikal na lakas”, Paggamit ng pisikal na lakas ng mga “mobilized unit” - Kwerpo ng Kapulisan-Philippine National Police (PNP), Kwerpo ng Pamatay Sunog (BFP), Sandatahan lakas ng Pilipinas-Armed Forces of the Phils. (AFP), Philippine Army (PA)-Hukbong Katihan ng Pilipinas, Mga Opisyal ng Barangay, Mga Bantay-Bayan at Mga Pribadong Samahan sa atas ng kinaukulan, na sapilitan ang isagawang forced evacuation.

2.7 “Evacuees”, mga tao o indibidwal na residente ng nasasakupan ng bayan ng Paete, Laguna na naapektuhan ng sakuna o kalamidad.

2.8 “Municipal Disaster Risk Reduction Council- MDRRC”, isang lupon na itinatag ng Punong-Bayan sa pamamagitan ng isang Executive Order na naglalayong makatugon sa mga pangangailangan na may kinalaman sa mga pagpaplano, pagresponde, pagpapalawak ng kaalaman at iba pang gawain tungkol sa maagap na pagtugon sa sakuna o kalamidad dito sa ating bayan.

2.9 “DILG MC NO. 2012-35”, Memorandum Circular na pinagtibay noong Pebrero 21, 2013 ng Deparment of Interior and Local Government na nagsasabatas ng lokal na ordinansa para sa pagpapatupad ng sapilitang paglilikas (forced evacuation) bilang isang alternatibong paraan at hakbangin sa magiging sakuna o dagliang pangangailangan ng nasasakupan alinsunod na rin sa batayan sa ipinahayag na panganib na maaaring makaapekto sa napipintong pagkawala ng buhay at/o ari-arian sa kanilang mga nasasakupan.

2.10 “Relief Goods”, mga bagay katulad ng pagkain, damit o iba pang kauri nito na ibinibigay sa mga evacuees bilang tulong sa kanila habang sila ay dumaranas ng sakuna o kalamidad.

ALITUNTUNIN BLG. 3
HASIK-PANDAYAN AT ORYENTASYON NA MAY KINALAMAN SA
DISASTER RISK REDUCTION AND MANAGEMENT


PANGKAT 3. Ang MDRRC ay maglulunsad at magsasagawa ng mga hasik-pandayan at oryentasyon sa mga kinauukulan upang mailahad ang mga programa katulad ng mga sumusunod:

a. partikular na ang isasagawang mga hakbang upang maiwasan ang mga posibleng likas na panganib;
b. kahinaan at panganib na dulot ng pagbabago ng klima;
c. ang mga gawain sa pamamahala ng kaalaman sa pagbabawas ng panganib ng kalamidad;
d. pamamahala sa loob ng lokalidad na hindi bababa sa isang beses sa panahon ng tag-init batay sa ipinahayag na panganib ng Philippine Atmospheric and Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA).

3.1 Ang tuloy-tuloy na pagsasanay, oryentasyon, gawain at pagpapakalat ng impormasyon ay kinakailangang paigtingin at isasagawa tuwing buwan ng Marso at Mayo kada taon.

3.2 Sa panahon ng mga itinalagang pagsasanay at mga oryentasyon ng MDRRC ay kinakailangan din na talakayin at ipaliwanag sa mga dumalo (sa lokal na diyalekto) ang RA 10121 na mas kilala sa tawag na “National Disaster Risk Reduction and Management Act ng 2010 at DILG MC No. 2012-35”.

ALITUNTUNIN BLG. 4
MGA ALITUNTUNIN SA SAPILITANG PAGLIKAS


PANGKAT 4. Kung sa mga pag-aaral ng bumubuo ng MDRRC at batay sa pagpapasiya ng konseho ay napagkasunduan na kinakailangang magsagawa ng forced evacuation ng mga lokal na residente, kinakailangang ang konseho ay agad na magpasabi at magpasiya na gumawa ng rekomendasyon ng mga kinakailangang isagawa para sa kaligtasan ng publiko.

4.1 Alinsunod sa naturang rekomendasyon, ang Punong-Bayan ay agad na magdedeklara ng pagpapatupad ng sapilitang paglilikas sa mga Evacuation Centers na nakasaad sa ibaba nito:

1) Paete Elementary School (Main Evacuation Center);
2) Former MRF-(Senior Citizen Headquarter);
3) Simbahang Iglesia Filipina Independiente (Simbahang Aglipay) (kinakailangang may pagsang-ayon ang namamahala at kailangang mailipat sa nalolooban ng 24 hrs. sa main Evacuation Center);
4) Roman Catholic Church-Knights of Columbus HQ (kinakailangang may pagsang-ayon ang namamahala at kailangang mailipat sa nalolooban ng 24 hrs. sa main Evacuation Center);
5) Brgy. Hall (na ligtas sa anumang sakuna at panganib);
6) Mga Pribadong Paaralan (na may pagsang-ayon ang mga namamahala o nagmamay-ari) ;
7) UCCP-Barangay 6 - Ilaya del Norte;
8 ) Iba pang ligtas na lugar (kinakailangang may pagsang-ayon ang mga namamahala o nagmamay-ari at kailangang mailipat sa nalolooban ng 24 hrs. sa main Evacuation Center).

• Ang Punong-Bayan ang magpapasiya at magdedeklara ng forced evacuation.

Kapag walang access sa Punong-Bayan o wala ang Punong-Bayan (out of town), ang mga sumusunod sa ilalim nito na mayroong katungkulan ang magpapasiya o magdedeklara ng sapilitang palilikas;

1. Pangalawang Punong-Bayan,
2. Tagapangulo ng Peace and Order Council (POC)/Public Safety,
3. Konsehal-LBP,
4. Ang itatalaga ng Punong-Bayan.

a. Ang pangangailangan sa pananatili ng mga nailikas na mga lokal na residente sa nabanggit na evacuation center hanggang may isa pang pagpapalabas na deklarasyon na ang napipintong panganib sa loob ng apektadong lugar ay ligtas na at maaari ng muling bumalik at tirhan.

b. Panukalang hakbang upang masiguro ang kaligtasan ng mga lokal na residente, sa mga lugar ng paglilikasan.
4.2 Matapos ang deklarasyon ng sapilitang paglilikas bago ang aktwal na pagpapatupad, kinakailangang maipabatid ng Lokal na Pamahalaan sa mga lokal na residente ang forced evacuation upang ito ay maunawaan at maintindihan nila, na ang hakbanging ito ay ang tanging katugunan upang sila ay makaiwas at mailigtas sa mga kapahamakan.

ALITUNTUNIN BLG. 5
PAGTATALAGA NG MGA KATUWANG NA AHENSIYA


PANGKAT 5. Lahat ng mga panukala para sa dagliang pangangailangan (emergency) ay alinsunod sa isang malawakang pakikipag-ugnayan, kolaborasyon at pagsisikap sa pagitan ng mga (Tanggapan ng Bureau of Fire Protection, Tanggapan ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Mga Opisyal ng Barangay, at mga Pribadong Samahan).

5.1 Ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), MGA OPISYAL NG SANGGUNIANG BARANGAY, MGA BANTAY-BAYAN at mga PRIBADONG SAMAHAN na nakatalaga sa mga apektadong lokalidad ay maaaring atasan ng Punong-Bayan sa pagpapatupad/pagsasagawa ng forced evacuation.

ALITUNTUNIN BLG. 6
PAGTANGGI NG LOKAL NA RESIDENTE SA
DEKLARASYON NG SAPILITANG PAGLILIKAS


PANGKAT 6. Sa kaganapan na ang mga lokal na residente ay tumangging iwan ang kanilang tahanan o pagkatapos ng paglilikas ay muling bumalik sa kani-kanilang mga tahanan at sa mga apektadong lugar nang walang direktiba mula sa Punong-Bayan pati na rin ang mga miyembro ng “mobilized unit” ng PNP, AFP, BFP, mga opisyal ng Sangguniang Barangay, mga Bantay Bayan at Pribadong mga Samahan ay maaaring gamitin, gaya ng pisikal na lakas upang mailagay sa kaayusang sitwasyon at mga pangyayari;

6.1 Nang walang diskriminasyon at may paggalang.

6.2 Bigyang-pansin at tugunan ang mga pangangailangan ng mahihinang sektor tulad ng mga bata, kababaihan, mga matatanda at mga taong may mga kapansanan bilang pagpapahalaga at pagsasaalang-alang sa seguridad at kaligtasan ng kanilang buhay.

6.3 Ang sinumang tao na hindi tumalima o sumunod sa Alituntunin Blg. 6, Pangkat 6 ay walang pananagutan ang Pamahalaang Bayan sa lahat ng anumang di inaasahan na magiging kaganapan.

6.4 Ang lahat na residente o tahanan na masasabing konkreto (concrete), na apektado ng baha o mataas na tubig, subalit ligtas (safe) sa magiging kapahamakan ay pwede silang magpaiwan sa kani-kanilang tahanan.

6.5 Ang binabanggit sa PANGKAT 6.4, ay kinakailangang itala sa talaan ng MSWD na mabibilang sa apektado ng baha.

ALITUNTUNIN BLG. 7
REGULASYON PARA SA MGA INILIKAS (EVACUEES)


PANGKAT 7. Ang sinumang tao na evacuees mula sa mga lugar na naapektuhan ng anumang uri ng kalamidad na isinasaad ng ordinansang ito ay kinakailangang sumunod sa patakaran at alituntunin ng ordinansang ito at sa patakarang ibibigay ng Pamahalaang Bayan at ng Tanggapan ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (MSWD) ng Paete, Laguna gaya ng mga sumusunod;
7.1 PATAKARAN SA PAMAMAHAGI NG RELIEF GOODS

a) Pagsunod sa itinakdang regulasyon sa Pamamahagi at Pagtanggap ng tulong (relief goods) mula sa Pamahalaang Bayan at Tanggapan ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapapunlad (MSWD);

a.1) Ang sinumang evacuee na tatanggap ng mga tulong mula sa Pamahalaang Bayan o MSWD ng relief goods ay kinakailangang nakatala sa listahan ng MSWD;

a.2 ) Ang relief goods ay mahigpit na ipinagbabawal na gawing pang-taya o itaya sa anumang uri ng sugal.(Local Ordinance-Code of Responsible Parenthood Act);

7.2 PATAKARAN SA EVACUATION CENTERS AT SA MGA EVACUEES

Pagtatalaga ng mga Bantay Bayan sa evacuation center sa nasasakupang barangay.

b) Pagsunod sa mga itinakdang patakaran sa loob ng evacuation center;

b.1) Mahigpit na ipinagbabawal ang magdala ng anumang uri ng inuming nakalalasing at mag-inom sa loob at sa nasasakupan ng mga itinalagang evacuation center;

b.2) Ang mga evacuees, sa pamamagitan ng pangangasiwa ng MSWD ay magtatalaga ng isang mangunguna o tagapag-ugnay sa lahat ng mga isasagawang programa habang sila ay nakatigil sa evacuation center;

b.3) Ang lahat ng mga evacuees ay kinakailangang mapanatili ang kaayusan at kalinisan ng lugar ng evacuation centers;

b.4) Ang mga evacuees ay dapat na panatilihin ang paggalang sa itinalagang evacuation center at huwag gagawa o gumawa ng anumang kalaswaan partikular na sa mga SIMBAHAN at KAPILYA.

b.5) Kinakailangang maisiguro ng mga kawani ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD) at Rural Health Unit (RHU) ang talaan ng mga lahat ng evacuees, at masubaybayan o ma-monitor ang lahat ng kaganapan sa loob ng evacuation center, partikular sa mga bata, matatanda, at mabigyan agad ng lunas ang mga may kapansanan na may sakit o karamdaman.

b.6) Nasa pagpapasiya ng mga opisyal at kawani ng MSWD ang mga gagawing hakbang pang disiplina para sa mga lumalabag na evacuees.

ALITUNTUNIN BLG. 8
MULTA AT KAPARUSAHAN


PANGKAT 8. Ang sinumang evacuee na lumabag sa mga nakasaad sa ALITUNTUNIN 7 at PANGKAT 7, ay hindi na makakatanggap ng anumang benepisyo mula sa Pamahalaang Bayan at sa Tanggapan ng Kagalingan Panlipunan at Pagpapaunlad (MSWD) ng Paete, Laguna;

PANGKAT 9. MULTA at KAPARUSAN – Ang sinumang HALAL NA OPISYAL na may pananagutan at mapatunayang lumalabag sa anumang mga probisyon ng ordinansang ito ay papatawan ng multang hindi lalampas sa halagang Php2,500.00 o pagkabilanggo ng hindi lalampas sa 6 na buwan o pareho sa pagpapasya ng kaukulang hukuman. (Batay na rin sa isinasaad ng template ordinance na tinanggap mula sa DILG).

PANGKAT 10. SUGNAY NG PAGHIHIWALAY - Anumang ordinansa, pag-uutos, mga memorandum, panuntunan at regulasyon kung saan ay hindi pantay-pantay sa mga probisyon ng ordinansang ito ay pwedeng magamit sa pagbabago o naaayon para mabago.

PANGKAT 11.PAGSASAGAWA AT PAGPAPATUPAD–Matapos mapagtibay ang ordinansang ito ay magkakaroon ito ng bisa labinglimang (15) araw pagkatapos matugunan ang publikasyon sa mga hayag na lugar sa bayang ito.

PINAGTIBAY: 25 Pebrero, 2013

PINATUTUNAYAN ko ang kawastuhan ng nasasaad sa resolusyong ito ay pinagtibay ng Sangguniang Bayan ng Paete, Laguna.

May lagda ang orihinal
ANA VICTORIA A. AGRAVIA
Kalihim ng Sanggunian


PINAGTIBAY:

May lagda ang orihinal
ROJILYN Q. BAGABALDO
Pangalawang Punong-Bayan/ Tagapangulo

PINAGTITIBAY:

May lagda ang orihinal
INH. EMMANUEL B. CADAYONA
Punong-Bayan
[/b]
Back to top
View user's profile Send private message AIM Address Yahoo Messenger MSN Messenger
Display posts from previous:   
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Balitang Paete - Sangguniang Bayan All times are GMT - 5 Hours
Page 1 of 1

 
Jump to:  
You cannot post new topics in this forum
You cannot reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum


Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group