PAETE.ORG FORUMS
Paetenians Home on the Net

HOME | ABOUT PAETE | USAP PAETE MUNISIPYO  | MEMBERS ONLY  | PICTORIAL PAETE | SINING PAETE  | LINKS  |

FORUM GUIDELINES
please read before posting

USAP PAETE Forum Index USAP PAETE
Discussion Forums for the people of Paete, Laguna, Philippines
 
 FAQFAQ   SearchSearch    UsergroupsUsergroups   RegisterRegister 
 ProfileProfile   Log in to check your private messagesLog in to check your private messages   Log inLog in 

MALAYA NA NGA BA

 
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Tulaan (The Forum of Batang Patio)
View previous topic :: View next topic  
Author Message
ming b
Guest





PostPosted: Fri Jun 12, 2015 5:07 pm    Post subject: MALAYA NA NGA BA Reply with quote

PAG-IBIG SA BAYAN
Ni Bulanggugo…..2007

Panahon ng Kastila

Isang munting papel sa bulsa’y dinukot
Tumahip ang dibdib sa matinding poot
May alab ng apoy na kuyom sa loob
At sa mga mata luha’y umaagos.

Kailan aahon sa paghihikahos
Ang mga kaliping malaong nalublob
Sa pagka-alipin ng mga dayukdok
Mapagsamantalang higit pa sa hayop.

Ang munting papel marahas na pinunit
Habang isinigaw ang kimkim na galit
Kalayaan! Kalayaan ang sa labing sambit
Sigaw na nag-umapaw sa kanilang dibdib.

Mga mamamayang dati’y nasisindak
Nagkaisa, natipon doon sa Balintawak
Pag-ibig sa bayan ang siyang naglunsad
Himagsikan laban sa dayuhang sukab.

“Bayang magiliw, perlas ng silanganan
Alab ng puso sa dibdib mo’y buhay
Lupang hinirang duyan ka ng magiting
Sa manlulupig di ka pasisiil.”

Maraming hinirang na mga bayani
Umusbong sa bayan na naduduhagi
Matanda at bata, babae o lalaki
Sa laban ng bayan ay nakibahagi.

Hindi malilimutan si Gat Bonifacio
Na siyang nagsimula ng Katipunero
Noli Me Tangere, El Filibusterismo
Inilantad ni Rizal ang pang-aabuso.

Isang Tandang Sora ang naging inspirasyon
Ng mga kabayang nais na bumangon
Gomez, Burgos,Zamora martyr ng panahon
Di mabilang silang sa baya’y nagtanggol.


Bayani ng lahi’y di matatawaran
Bukal itong tila walang katapusan
Handang sa altar ng mithing kalayaan
Paulit-ulit na buhay ang ialay.


Panahon ng Hapon

Nalupasay muli sa ikalawang digmaan
Nang ikaw’y lupigin nitong mga sakang
Ang gutom at hirap muling naranasan
Hanggang sa pag-iyak ikaw ay napanghal.

Ngunit sa tulong ng naging kaibigan
Ang mga bayani’y muling nakilaban
Upang mailigtas itong Inang Bayan
At muling bumangon sa kinasadlakan.

Doon sa Bataan at sa Corregidor
Bayang Pilipino, tumayo, nagtanggol
Buong kagitingang buhay ang ginugol
Mararangal na dugo ay muling dumaloy

Tuwing kailangan na baya’y magising
Sa binabangungot na pagkagupiling
Bayani ng lahi ay muling darating
Mula sa hukay ng malamig na libing

Tuwing kailangang ang dugo'y tigisin
Kahit paulit-ulit lupa’y didiligin
Huwag lang makita na baya’y apihin
Ng mga dayuhang lubhang mapaniil.


Ngayon

Nunong nakibaka ‘tagal nang nahimbing
Panahong tag-Hapon kaya nang limutin
Kalayaang kamit ngayon mo namnamin
Ito nga bang tunay ang kanilang mithiin?


Bayan kong lumaya, malaya ka nga ba?
Bakit hanggang ngayon ay busabos ka pa?
Pinuno’t mamamayan dugo ay iisa
Bakit naghahari’y pagsasamantala?

Ang mga mahirap lalong naghihirap
Sa pangangailangan ay palaging salat
Nahihirati sa buhay na kay saklap
At namamatay na ang mata ay dilat.

Nguni ay tingnan mo’ng ilang negosyante
Kayamanang ani ayaw ibahagi
Ngasab lang nang ngasab animo buwitre
Kapwa Pilipino ang siyang inaapi.

Sila itong bahay ay mala-palasyo
May nakatayo sa iba-ibang dako
Ang mga sasakyan ay palaging bago
Anak nag-aaral sa kabilang ibayo.

Masdan ang tauhan sa mga negosyo
Nagkukumahog na kapwa Pilipino
Animo alipin kung sila’y i-trato
Gayong sa kanila yaman ay natamo.

Kung ituon naman sa pamahalaan
Ang pag-asang baka sila’y matulungan
Makatanggap kaya nitong katarungan
Kung kakutsaba ng gawang kasamaan?

Sa madaling sabi ay nakakaawa
Tinamasang buhay parang di lumaya
Sayang ang dugo at umagos na luha
Ng mga bayaning namatay na dukha.

Hanggang kailan pa bayan magtitiis
Makahulagpos sa kumunoy ng pasakit
Kalahi at kabaro lintang sumisipsip
Sa dugo ng bayang malaya nga’y gipit

Nasaan ang bagong Bonifacio’t Rizal
Na handang ang buhay ay siyang ialay
Anak na magigiting ng lupang hinirang
Sagipin na ang bayan sa pagkagulapay.

Umaasa ako, ako’y maghihintay
Na makakita ng ‘sang bukang-liwayway
Bagong-saling lahi ng lupang tinubuan
May pusong bayani, may pag-ibig sa bayan.
Back to top
Gist
Guest





PostPosted: Fri Jun 12, 2015 6:25 pm    Post subject: Ikaw yon Reply with quote

Palagay ko, wala ng ibang dapat maturingan kundi ikaw na may isipang makabayan. Mabuhay ka Mang Ming.
Back to top
Eme-Ene
Guest





PostPosted: Sat Jun 13, 2015 2:54 am    Post subject: Pasasalamat,kay Winston at Bulang gugo Reply with quote

Nang matunghayan ko itong Paete Forum,
Biglang napangiti,lungkot ay naparam,
Subali't ang luha'y di ko napigilan
Bulanggugo,Winston Hernas,tula ninyong naka Print-Out.

Alas tres ng madaling araw,dine sa Michigan,
Tikatik ng ulan,akala ko ang pumukaw
Kasiping kong I-Pad,kinapa kong dahan dahan
Mga tulang,naghihintay,parang panaginip na dumatal.

Ang dalawa ninyong tula,magkasunod na natunghayan,
Para manding hulog,ng Dios na maalam,
Sagot sa Panalangin,sa damdaming uhaw
Sa Bayan at Mga Ama,na inyong inialay

Salamat,Salama't,at Salamat muli,
Di kayo nagkait sa hiling kong tanging tamgi
Humabi at Bumigkas mga tula muli
Anak nga kayo ng Quinale,Kalye nating hinakbangan,
J.Luna at MABiNi.

Dada Maria
Back to top
Display posts from previous:   
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Tulaan (The Forum of Batang Patio) All times are GMT - 5 Hours
Page 1 of 1

 
Jump to:  
You can post new topics in this forum
You can reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum


Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group