PAETE.ORG FORUMS
Paetenians Home on the Net

HOME | ABOUT PAETE | USAP PAETE MUNISIPYO  | MEMBERS ONLY  | PICTORIAL PAETE | SINING PAETE  | LINKS  |

FORUM GUIDELINES
please read before posting

USAP PAETE Forum Index USAP PAETE
Discussion Forums for the people of Paete, Laguna, Philippines
 
 FAQFAQ   SearchSearch    UsergroupsUsergroups   RegisterRegister 
 ProfileProfile   Log in to check your private messagesLog in to check your private messages   Log inLog in 

' P A S I N T A B I '

 
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Tulaan (The Forum of Batang Patio)
View previous topic :: View next topic  
Author Message
Francisca M Amador
Guest





PostPosted: Mon Jun 22, 2015 7:18 pm    Post subject: ' P A S I N T A B I ' Reply with quote

Return to Index
'P A S I N T A B I'January 27 2001 at 2:51 PM
No score for this post Francisca M. Amador (no login)
'P A S I N T A B I'

Akdang Original ni Francisca M. Amador



Mayro'n sana akong nais na sabihin
Na sa aking buhay natatanging lihim
Sa murang isipan naging adhikain
Alala-umbagay isang pa-ngarapin
Tumimo sa Puso at ito marahil
Legasing na iwan ni Tatay sa amin

Ano man ang lihim kapag ibubunyag
Dapat ay handa kang harapin ang lahat
At kung sakaling mang sa pagsisiwalat
May makanti ako at di na makaiwas
Sana ang hagupit kung ito'y maglamat
Ay hindi mag-iwan ng matinding sugat

Bilang panimula sana ay pagbigyan
Ipahintulot po at 'wag pagdamutan
Nang mailahad ko itong karanasan
Noon po at ngayong mga kasaysayan
Kung hugis ma't anyo'y kulay pulitikal
Bayaang Humatol ay ang Inang Bayan

Aking kinagisnan ala-ala ko pa
Mga taga-Paete lalo't pulitika
Kandidatong dala'y lahat ipupusta
Partido Liberal at Nacionalista
Da-dalawang grupong laging magkasangga
Ipinaglalaban prinsipyo't reporma

Ang Alkalde noo'y si Viring Villarin
Tigas na Liberal mahirap talunin
Mga ka-alyado'y panay matibay rin
Jose Carolino at Abay Adefuin
Ipagkakapuri't angkang magigiting
At Nito Calabig na Bise pamandin

Ang pangalang Caguin tulad ni Alfonso
Ang pagka-Liberal sagad hanggang buto
Sindung Villanuevang puso'y maka-tao
Sina Diego Calma at Isiong Bagalso
Nicolas Fadul po isang enhinyero
Marino Cadawas taong ma-prinsipyo

'Yan ay ilan lamang sa mga pangalan
Na kung taguria'y tigas na Liberal
Mga pagkatao'y mahirap tawaran
Dala ang dignidad bukas ang isipan
Maglingkod ng tapat ng may karangalan
At ang inuuna ay para sa bayan

Sandali po lamang kabaya't kapatid
Liberal lang baga ang makasasagip
Anong magagawa ng kabilang panig
Ang Nacionalista kumbaga'y mashigit
Iyan ang pambungad nais ipabatid
Anong katangian? Itanong kung Bakit

Kung husay din lamang ang pag-uusapan
Hindi pahuhuli Victor Pagalanan
Peping Zarraga pang naglingkod sa bayan
At Gene Balquiedra na taga-Bangkusay
Aking 'PASINTABI' at nais ipa-alam
May Ading Roque pa na dating konsehal

Huwag kang magtaka kay Isko Rivera
Abraham Acala, Puling Cadayona
May Felix Caguin pang puso'y maka-masa
Lahat matitigas dugong Nacionalista
Ang ibang pangalang hindi nabanggit pa
Aking paumanhin espasyo'y kulang na

At napabungad nga sa unang halalan
Nang ako'y paslit pa at kulang sa muwang
Kay rami ng tao sa Plaza Edesan
Kahit na masikip basta't masilip lang
Ang Komen-taristang walang makahadlang
Damian Soto po ang buong pangalan

At naghumiyaw na itong si Mang Damian
Panay ang batikos sige't walang humpay
Dadong Macapagal ang tinatamaan
Tinadtad ng pino ang mga Liberal
Walang makatapat sa mga paratang
Si Mister Soto po'y mahirap kalaban

Aba't tila yata ang pagka-kiliti
Nakuha ni Soto mga taga-Paete
Hayun na 'Straight' nga ng hindi mawari
Ang Nacionalista lahat ay napili
Ni isang Liberal walang kinandili
Kinapos sa boto ang mga kaak-pi

Aba'y laking lugod ng Nacionalista
Kung hindi kay Soto baka nasilat pa
Kase naman noon kapagka-pagdaka
Boto ay sagrado't maka-demokrasya
Isang kandidato kahit natalo na
Ang i-ginagalang bayang nagpasiya

Mga kandidato'y nangag-kakamayan
Ipina-santabi nagdaang halalan
Sa isip at puso ay ma-raramdaman
Ang paninindigang lipos at dalisay
Ang isang eleksyon ay labanan lamang
Nang mga Partido at hindi Personal

Hindi uso noon ang pagpa-pagarbo
Kulang nga sa pundo ang bawat partido
Ma-mamayang sukat taong ordinaryo
May karapatan din na kumandidato
Hindi sinusukat galing at prinsipyo
Sa dami ng pera't libreta sa banko

Mga isyu noon ang tinatalakay
Kung ano ang tama't mabuti sa bayan
Baya'y nakikinig sa isyung usapan
Minsa'y magaspang din pero nasa lugar
'Sang sentimong suhol laking kahihiyan
Botong pinagbili katumbas ay dangal

Magbibinata na at ganap ng hayskul
Umugong naman Nobyembreng eleksyon
Nacionalista raw ay mayro'ng kunbensyon
Kay raming dumalo kasapi at miron
At ang resulta nga ng maghapong yaon
Ay kumpletong tiket kay raming tinapon

Aba'y!!! ... Ano baga ito? Nabago nga pala
Kandidato opisyal ng Nacionalista
Para sa Alkalde ay Gene Balquiedra
Pumapangalawa ay Peping Zarraga
Victor Pagalanan tila naiwan na
Nang mga panahong siya'y inkumbent pa

Naku Po! Naku Po! Buhay pulitika
Kung balat sibuyas 'wag ng pasukin pa
Ang mga katoto at dating kasama
Hindi sumang-ayon nagtayo ng iba
Si Amang Victor nga ang punong nanguna
Partido'y tinawag...Malayang Nacionalista!

Aba'y!!! .. Ano baga ere't bago'y naging uso
Nabumubulaga sa bayang boboto
Matandang Agbada ang s'yang naging ulo
'Independent NP' ang bagong termino
Ang Biseng napili ng kanilang grupo
Si Mister Cunanan persneym ay Zosimo

Ang kasanggang 'Party' ay mayro'n din naman
Na kumpletong tiket kanilang panglaban
Si Kune Calabig pinili't hinirang
Para sa alkalde kandidato opisyal
Itong Nacionalistang nahating tatluhan
Nanalo'y si Kune partido Liberal

Aaay!... Nakatutuwa nga itong pulitika
Ang dating llamado naging dehado pa
Datapwa't Subalit ako'y nagtataka
Anong Gayuma ka na wala sa iba
Mortal na kaaway parang gumanti ka
Pakan-didatuhin...bawi na'y kabig pa

Arenang Pulitika nabago ang hugis
Ang mga pangala'y bago sa pandinig
Mga kabataa'y sumali't umanib
Si Tony Baldemor at Atorni Baes
May Taning Afurong si Supot kung ibig
At Joe Fadul pang Kamagong ang bisnis

Isa-isahin ma'y anong masasabi
Sa mga pangalang iba dumiskarte
May Flor Umali pa na taga-Kinale
Dominggo Navarrong tunay na lalaki
Itong espasyo ay limitang mabuti
At baka kapusin ng walang nangyari

Nabago ang ihip ng hanging may tensyon
Itong Malakanyang ay nagproklamasyon
Isang Kautusang animo'y Daluyong
Batas na Militar ang i-pinampayong
Upang maikubli ang tunay na layun
Sa buhos ng ulang ayaw sumang-ayon

Maraming natinag eleksyo'y naudlot
Ang dating matapang nabahag ang buntot
Armadong sundalo'y agad na kumilos
Buong sambayanan ay nanga-bulabog
Mistulang Alipin kamay na natuhog
Nilamun ng Lagim sa Sindak at Takot!

Minsan isang araw itong Diktatura
Binagabag yata ng kanyang konsensya
Tagal na panahong nagluklok sa kanya
Pangamba'y naibsan sa buong Balana
Pambansang halalan ay i-deneklara
At muling nabuhay itong pulitika

At heto na naman mapupulang hasang
Mga bungang-kahoy anong kinalaman
Sa pagbabalik ng kan-didatuhan
Manggang ubod tamis naiwan sa tangkay
Kahit di panahon at kulang sa buwan
Balimbing na kay asim ang pinag-agawan

Kilusang Bagong Lipunan...noo'y lumaganap
Ang mga Hunyago ay dito lumipat
Iba na ang lamang sa Poder ay angat
Sa mga Biyayang iyong matatanggap
Punong Saserdote'y matay' naghahanap
Ka-alyadong kunwa'y hindi mapag-panggap

Partidong KBL nabuo ang tiket
Sama-samang pangkat nangagkapit-bisig
Mga nainaman sa pagkaka-hilig
Pader na matibay ang i-ginigiit
Animo'y Agilang ibong mandaragit
Si Kune Calabig heto't nagbabalik

Ang Nacionalista nama'y naka-abang
Ang mga kasapi masusing hinimay
Silay nagbu-o rin ng mga pangalan
Baraha'y binasa pati Bolang Kristal
Ng Nuno sa Punso pinilit hinukay
Vener Baldemor po kilalang mayaman

Itong ma-mamayan ay muling nagpyesta
Kay tagal inuhaw nitong pulitika
Magkabilang kanto ay musiku't banda
Lansanga'y pinuno ng mga parada
At ng bilangin na ang boto't sinuma
Ang lamang ni Kune dalawang Balota!

Abay!Sus-maryosep baya'y natulala
Mayro'ng bang nangyaring kahina-hinala
Ang pangkat ni Vener kumilos na bigla
Doon sa 'Comelec' protesta'y ginawa
Perang magagastos winalang bahala
Porke nga't si Vener pisi ay mahaba

Sadyang ganyan yata guhit nitong palad
Kung hindi nga ukol malayong matupad
Dapat bang yakaping may lugod at galak
Nang mapag-tanto mong lubusan at ganap
Na sa bandang huli ng iyong hinagap
Itong pag-kapanalo'y kinapos sa Oras!

Dalawa na ang supling nitong Abang Lingkod
Baya'y nagkaisa sa paki-kihamok
Habang binabagtas lansangang makipot
Sa pakikibaka sa rehimeng Marcos
At doon sa EDSA rebelyo'y nagtapos
Ga-patak mong Dugo ay walang umagos

Si Marcos tinapon si Cory-'y dumating
Dumagsa na naman ang mga balimbing
Umagang malamig ng ako'y magising
'Lakas Ng Bayan' na kung sila'y tawagin
Mga Timbabalak 'Trapong' magigiting
Pustisu'y nalulon sa pagkakalasing

Unang bumandera ay si Gob. San Luis
Kilala mang 'Trapo' malakas kumapit
Itong Kautusang Dekring nag-aalis
Sa mga alkaldeng aayaw umanib
Senador Pimentel mismong nagpatal-sik
At nangag-handa na 'OIC-ing' pamalit

Naku Po!!!...Nag-kualisyon kuno ang mga partido
Ang mga KBL naglaho sa mundo
Nicolas Fadul po batang abogado
Primerong Kalibre ng grupong 'UNIDO'
Pero ba't nasilatat sa huling minuto
Malakas sa Itaas.... Rufing Bagabaldo!

Panahon ni Cory ay nagka-transisyon
At sa dakong huli'y nagbigay atensyon
Isang Kautusang malayang humamon
Mga karapatan hinggil sa eleksyon
Ang bawat partido'y nangagtipon-tipon
At Pitong pangala'y ibig pumusisyon

Isa-isahin natin itong magigiting
Ang ating unahin ay itong si Rufing
Si Benny Roque pa na dating Koronel
At Atorni Fadul 'Chick-Boy' kung tawagin
Ramon Cadayona na ama ni Noel
At Charlie Baldemor na anak ni Vener

Bakit pahuhuli ang Nacionalista
Kung mga Liberal noo'y nalaos na
Na-rito pa kami oo nga't buhay pa
Tatlong kapuluan nitong Bayang Sinta
Ang NP sa Paete na lang ang natira
Sugod mga Kapatid!!!...Manoling Agbada

Baka akala n'yo itong tinutukoy
Natapos na dili at dito'y humantong
Isa pang kandidato ang noo'y humabol
Pangala'y linisin sa isyu ng 'Raffle'
Ang punong-baranggay ng Kinale noon
Magandang lalaking ngala'y...Luis Vitor!

Nagsalpukan na nga 'Magnificent Seven'
Sa gitna ng laban labis na nanimdim
Sa dami ng bigas at perang gastusin
Botanteng bayaran naglako sa dilim
Ang noong eleksyon malinis sa tingin
Harapang niyurak sa pagka-alipin

Nagkalat sa bayan mga propaganda
Mga letra't titik iyong isusuka
Ga'nong kalinis man nitong kan-didatura
Pilit ibabagsak sa bintang ng iba
Ang ibang galamay hayu't armado pa
Sagradong pasiya'y tila lugami na

Bakit di naisip ng ibang partido
Mahirap hatiin ang bayan sa Pito
Kung ikaw'y marunong pulitikong genio
Matandang tinale't kahit sinong bobo
'Simple Arithmetic' ang lahat ng ito
Ang Nacionalista malayong matalo

Ano ang nangyari sa pas'ya ng bayan
Di ba't si Agbada nga s'yang tinamaan
Dito nga nasukat at na-patunayan
Ang Nacionalista kahit pag-iwanan
Ay bubutas pa rin ng asero't bakal
Sa Utos! ni Dadang Batas! kung umiral

Mabilis lumipas mga araw't taon
Mga naun-syami'y nagbalik-kahapon
Pilit binabakas nagdaang panahon
Sa mga ambisyong nais maibangon
At bigyan ng linaw ang pagkakataon
At muling lumitaw si Vener Baldemor

Tila itong sugat ay sadyang malalim
Mga Cadayona'y sa laba'y bumalik din
Itong katanunga'y manapay sagutin
Comrad ka ba ng 'HUK'? o 'NPA' kumander?
Bakit ba kay rami na aking napansin
Kung ikaw tawagiy' sa ngalang... Ka Noel

Itong si San Luis kung bakit baga naman
Hindi na nagsawa sa panunungkulan
Pati na ang Paete'y pinaki-alaman
Doon sa Kapitolyong aayaw iwanan
Binunot si Dandoy kaya't napilitan
'Balquiedra for Mayor' ay di naiwasan

Sa dakong kabila nito pong May-toong
May isang lalaking tinanggap ang hamon
Itong pulitika'y kanyang din sinu-ong
Isang enhinyero sa Meralco noon
Basilio Afuang na taga-pagtanggol
Nang bayang inapi'ng panahon ng Hapon

Upang maiwasan balitang dayaan
Maaring maganap habang binibilang
Ang bawat prisinto'y dapat na bantayan
Nang bigla na lamang namatay ang ilaw
May ilang oras din at saka nabuhay
Nanalo'y si Dandoy malaki ang lamang

Takda ng panahon na-iba ang guhit
Mayroong bumalik mayroong nagpalit
Ang mga pangala'y MALALAKING TITIK
Mayr'ong Dely Cadang at may Goyo Baet
Puling Valdellong napakatahimik
At Danding Umali na ubod ng bait

Bakit hindi kaya at muling subukan
Itong si Mang Dandoy ay muling labanan
Tatlong-taon singkad na pinaghandaan
Tinipong mabuti dating kasamahan
Partidong kinupkop ng Cujuanco'ng angkan
Nagbalik si Noel matirang matibay!

Itong mundo natin minsan ay Kuadrado
Ang utak ng tao ay pabago-bago
Pabago-bago ba o pagago-gago?
Kung ang dating Meyor na iyong binoto
At i-pinagbunyi ng siya'y nanalo
Sa ngayong halalay' sa Bise tatakbo

At muling nagbangga dating magkalaban
Balquiedra-Cadayona dito sa halalan
Hindi mo masabi mahirap hulaan
Kung sino'ng tagilid kung sino ang lamang
Habang natatapos ginawang bilangan
Sa buong magdamag ay buhay ang ilaw

At nang binasa na ang buong resulta
Bayang Sinilangan Meyor ay bago na
Ang pagkakataong 'binagay sa kanya
Na i-pinagkait sa yumaong Ama
Kaakibat ay tiwala at bagong pag-asa
Bagong Pamunuang....Emmanuel Cadayona!

Pero at hindi pa dito natatapos
Ang kon-trebersiyang dito'y bumabalot
Dalawang kandidato ang di makatulog
Kung sinong pang-siyam ay tila bangungot
Si Pitch Gallardo bang mahusay Bumunot
O si 'ONE' Edquitao ang ita-taguyod

At dumating na nga itong hinihintay
Mga paghahandang pinakinabangan
May isang pangalang yumanig sa bayan
Bukod sa galante at angat sa buhay
Ito'y panahon na nilang Kabataan
Elmoises Afurong...Emo ang palayaw

Sa tanang buhay ko no'n ko lang nakita
Pulitikang Paete ay ubod ng saya
Ikaw'y aaliwin magkabilang banda
Sa saliw ng 'Combo' na nangu-ngumbida
At dito sa miting kapagdumalo ka
Para ng Dyakpatan busog sa meryenda

Pati ang partido'y kulay binansagan
May Berde at Asul at Mayro'ng Pulahan
Sa 'yong pagsisimba't paglabas ng bahay
Iwasamg magsu-ot ng partidong kulay
Sa pagkakataong baka mahatulan
Ikaw'y maitakwil ng wala sa lugar

Saganang pagkain umapaw sa bayan
Libre na ang alak mayro'n pang pulutan
At kung sakali mang nais mong mangutang
Huag kang mahihiya't magsabi ka lamang
Tawaging 'Abuloy' mukha mo'y kapalan
Desimuladong boto ang pagsusuhulan

Makapal ang tao sa mga Parada
Animo'y prusus-yun ng 'Semana Santa'
Aking masasabi ang pagkakaiba
Ay walang 'Ayukod' kayong makikita
Pero Apostoles daming naglipana
Mga Disipulong may Supot! sa Bulsa!

At si Ka Noel nga ang muling nanalo
Ang mga talunan nagkaisang grupo
Ang Asul at Berde sa Plaza'y nagkampo
Ipinaglalaban ang matandang isyu
Kesyo ang bilangan sa ibang presinto
Ay 'Mahika Blankang' tumatarantado!

Di na mawari pa konsehal na dala
Mayro'ng Bagayana at may Miss Almeda
At Jerry Cosico na taga-Ilaya
Mga konsehal nga't mga konsehala
Ang mga pangalang ito ay TAMA na!
Wala na mang 'UPA!' akong nakukuha

Sa panahong iyon na pamamalagi
Nang Abang Lingkod n'yo sa atin sa Paete
Doon ko nakita't aking napagwari
Kung ang kandidato'y maik-si ang pisi
Ibaun sa limot ng pagkukunwari
Sarilinin na lamang itong Talumpati!

Mga taga-Paeteng nangag-sidayuhan
Aking pakiusap sana ay pagbigyan
Sino mang Pinuno sa Paete'y itanghal
Kung adhikain ay Malinis't Marangal
Ating itaguyod at ating tulungan
Itong Sintang Paete!....Kaisa-isa lamang

Heto't malapit na ang Mayong eleksyon
Ang huling balitang nasagap kay Meyor
Muling haharapin si Emo Afurong
Sa aking gunita ito'y indikasyon
Masaya na naman sa Paete kung ga'non
Mga Paetenians!....Hayu't magbakasyon

At sa pagbabalik ko kayo'y matuloy
Huag sarilinin ang pagkakataon
Sana'y ibahagi ang balitabg baun
Kung ano ang Uso sa Paete sa ngayon
Aking pasubali kaypalay kondisyon
Kung sakaling Pabor dili'y Oposisyon
Sa mga panahon na mag-eeleksyon
Mahirap umiwas sa mga Donasyon!



Francisca M. Amador
Estados Unidos
27 Enero 2001
Back to top
Bulanggugo 2015
Guest





PostPosted: Wed Jul 08, 2015 11:20 pm    Post subject: BRAVO! Reply with quote

BRAVO talaga......... saludo ako sa hinlog ng aking magiting at matalik na katoto....

Ming Baldemor
Batang Quinale
Back to top
Display posts from previous:   
Post new topic   Reply to topic   printer-friendly view    USAP PAETE Forum Index -> Tulaan (The Forum of Batang Patio) All times are GMT - 5 Hours
Page 1 of 1

 
Jump to:  
You can post new topics in this forum
You can reply to topics in this forum
You cannot edit your posts in this forum
You cannot delete your posts in this forum
You cannot vote in polls in this forum


Powered by phpBB © 2001, 2005 phpBB Group