Casile Ambush
by: Sancho Madridejos

Ang pagsasalaysay na ito’y naging hamon sa akin  upang matugunan kong maipabatid sa bayan ang mga pangyayaring naganap noong panahon ng Hapon, na halos ay nalibing na sa limot.  Nagpapasalamat  ako sa hamon ni G. Marcial Africano at sa pagbibigay niya ng moral support na maisabuhay ko ang mga kwentong  ito.  Ang ibang ulat ukol sa pag-iipon ng mga sibilyan sa may Talagang Dalaga ay nabatid ko mula sa salaysay nina G. Castor (Totoy) Padallan at G. Melecio (Mely) Balquiedra. 

Sancho Madridejos
Paete, Laguna, Philippines

The publication of this article was made possible through  the help of Amador "Bahj" Basa Jr. and Bertrand Quesada. 

The author does not have internet access but if you have any comments about this article, you can email it to him through Bahj Basa.

I

sang malamig na araw noong Enero 13, 1943, nang lumipat ang pangkat ng Hunters ROTC Guerilla sa isang pook sa Paete, Laguna, mula Mabitac.  Sa pamumuno ni Major Kikoy Adricula, sila’y nagbakasakaling may matambangang mga kawal ng Hapon na pumapatrolya sa labas ng bayan ng Paete.  Lumipas ang ilang araw ay ni anino ng isang Hapong sundalo ay di lumitaw.

Bigo ang mga guerilla sa paghihintay kaya’t naisipan nilang magpaputok ng mga armas upang hamuning lumabas ang mga Hapon mula sa kanilang garrison sa Paete at makipagpalitan ng putok sa kanila.  Ngunit muli silang nabigo sapagkat hindi kumagat sa pain ang mga Hapon.

Nang mainip at mabagot sa paghihintay ang mga guerilla ay ipinasiya nina Lt. Raymundo Gozon at Lt. Honorio Guerrero, na umahon sa isang pook sa San Antonio, Longos, Laguna upang magtayo ng kuta doon.  Hindi nagtagal ay lumipat ang pangkat na ito sa Sityo Humarap ng Paete.

Sa Sityo Humarap ay naatasan si Major Adricula at si Capt. Julio Piopongco   na makipagkita kay Mayor Gregorio Ademi ng Longos, upang manghingi at umamot ng mga pagkaing kinakailangan ng pangkat.  Ito ay nakamit nila sa tulong nina Capt. Primo Abonales at Rosauro Cablit.  Ang ibang supply naman ay nagbuhat sa Paete sa pamamagitan nina PMA Cadet Daniel (Danny) Adea at Enrique (Totoy) Cadayona, mga unang taga-Paete na napabilang sa Pangkatang ROTC Hunters.

Patuloy ang pang-aakit at pangangalap ng mga kaanib ng mga Hunters ROTC sa Paete sa pangunguna nina Major Adricula at Capt. Octavio de Rosas, at dahil dito ay maraming ROTC sa Paete ang sumanib sa mga guerilla.  Nagkaroon ang Hunters ng mga tagatustos ng supply sa Paete, Longos, at sa San Antonio.  Lumaganap ang bilang ng ROTC dito sa magkakaratig bayan sa atin.

Noong Pebrero 23, 1943, si Lt. Luis Adea, panganay na kapatid ni PMA Cadet Daniel Adea, ay mabilisang naipaalam kay Lt. Raymundo Gozon na may isang trak ng mga Hapon na daraan sa Casile, na ito ay nanggaling pa sa Garrison ng Sta. Cruz patungong Siniloan, Laguna.  Dali-daling pinakilos ni Gozon at Guerrero ang kanilang pangkat upang abangan ang pagdaan ng trak na may lulang mga sundalong Hapones.

Dala ng masidhing pag-ibig sa bayan at sa hangaring maipaghiganti ang nalugaming kapalaran ng mga sundalong Pilipino sa Bataan, ay matiyagang nag-abang ang pangkat sa pagdating ng trak na iyon.  Humigit-kumulang alas-9:30 ng umaga noon nang narinig ng mga Hunters ROTC ang ugong ng trak, na anumang oras ay dadaan na.  Kaya’t pumuwesto nang maayos ang mga Hunters na handa na sa pagtambang. 

Dito sa oras na ito ay malaki ang papel na ginampanan ni Cadet Danny Adea, siya’ng nagsilbing “look-out”.  Kaya’t nang tumapat na ang trak sa kanilang kinatatayuan ay walang kaabog-abog na umalingawngaw at bumuga ng bala ng kamatayan ang mga sandatang baril ng mga ROTC.  May ilang minuto ring naghari ang putukan.  Nang bumugso na ang putok ng kamatayan, si Cadet Danny Adea ay nagtago sa ilalim ng tulay na mahigit-kumulang ng 10 metro ang layo sa pinangyayarihan ng ambush, upang kumubli sa nangangalit na buga ng apoy mula sa mga sandata.  Ang tulay na ito ay kumukurus sa nasyonal na lansangan na malapit ngayon sa kinatitirikan ng bahay ni G. Porfirio Gripon.

Nang mapawi ang usok ng kamatayan, ay kanilang binilang ang mga napatay na sundalong sakang:  labing-pito (17) silang lahat, kabilang ang isang opisyal at isang driver na nakasibilyan.  Kinuha ng Hunters ang mga kagamitan at mga baril ng mga nasawing sundalo at pagkatapos ay itinumba ng mga ROTC ang trak ng Hapon.

Patungo nang muli ang mga ROTC sa kanilang kuta sa bundok nang kanila na lamang mapansin na wala si Cadet Danny Adea.  Biglang tumahimik ang kapaligiran at nagtinginan ang isa’t isa.

Paulit-ulit nilang isinigaw ang pangalan ni Danny, ngunit walang sagot na bumalik.  Patuloy ang pagtawag kay Danny at nang sinabing tapos na ang ambush, agad na lumabas si Danny mula sa ilalim ng tulay na kanyang pinagtataguan. 

Malaki ang naging kagalakan nila at walang napitas na buhay sa kanilang grupo — lalo silang nabuhayan ng moral at tapang ng loob.  Pinagpatuloy na nila ang pag-ahon patungo sa kanilang kuta kasama si Danny.

Narito ang mga taong tumambang at nakipagbuno sa ambush sa Casile:

1.     Lt. Raymundo Gozon – Commanding Officer

2.     Lt. Honorio Guerrero –

3.     Major Kikoy Adricula – OIC

4.     Capt. Ruben Adricula

5.     Capt. Octavio de Rosas

6.     Capt. Julio Piopongco

7.     Capt. Teodorico Nepumuceno

8.     Lt. Isidro Mendoza

9.     Lt. Cornelio Gamara

10. Teodulo Laguingulo

11. Esteban Mabini

12. Sgt. Miguel Acelejado

13. Sgt. Ignacio Foronda

14. Sgt. Nancing San Miguel

15. Sgt. Olympio Paulate

16. Sgt. Agapito Nakpil

17. Enrique (Totoy) Cadayona

18. PMA Cadet Daniel Adea

Binubuo ng labingsiyam (19) na katao ang tumambang sa mga Hapon, kabilang si Lt. Luis Adea.

Nakalipas ang isang oras at kalahati ay dumating ang mga saklolong mga kawal na Hapones, ngunit katulad ng inaasahan ay wala na silang inabutang guerilla.  Galit na galit ang mataas na pinuno ng Hapon at iniutos sa kanyang mga kawal na ang lahat ng makikitang lalaki sa bayan ng Paete ay tipunin upang tanunging isa-isa kung sino ang umambush sa kanilang mga kasamahan.  Lumipas ang ilang saglit ay maraming walang malay na sibilyang taga-Paete ang nakalap at pinahanay ng mga Hapon ng dala-dalawa doon sa lugar mismo sa pinangyarihan ng ambush na umabot hanggang Talagang Dalaga. 

Dalawang hanay na dala-dalawa ang naging pila ng mga lalaki.  Habang nakahanay ay may nakaumang sa kanilang machine gun na “wood pecker”.  Pinagtatanong ang mga nakapila kung sinu-sino ang may kagagawan ng pagtambang ngunit walang nakuhang impormasyon sa mga tinanong sapagkat sila ay wala sa pook na iyon noong mga oras ng pangyayari.

Dahil sa walang nakapagbalita ng mga nangyari sa tambangan yaon ay ipinag-utos ng opisyal ng Hapon sa mga sibilyan na ibangon ang ibinuwal na trak ng mga Hapon.  Pagkatapos ay inutos din na ikuha sila ng maraming buko ng niyog upang sila’y may makain.  Nagprisinta sa pag-akyat si G. Florencio (Picio) Agbagala at G. Potenciano (Putin) Romantico.  Nagpakitang gilas sa pag-akyat sa puno ng niyog na parang naglalabay-labay at umaakyat lamang sa hagdan.  Marami silang napitas na buko. 

Si G. Putin naman ay nagpakita ng kanyang kaalaman, nanaog siya sa puno ng niyog nang patiwarik na parang bayawak.  Humanga at nalibang ang mga Hapon sa ipinakitang kagalingan ng ating dalawang kababayan.  Naibsan ng kaunting galit at bagsik ang mga Hapon dahil sa kanilang nakitang kahusayan.  Ang iba namang mga sibilyan ay nagbibiyak ng buko at maging ang mga Hapon ay kanilang tinuruan kung paano ang pag-upak ng laman ng buko para kainin.

Matapos ang pagkain nila ng buko ay nagsalita ang interpreter ng Hapon sa harapan ng ating mga kababayan na piliting ipaalam na kung sinu-sino talaga ang mga tumambang sa mga Hapon.  At kung hindi sila makikiisa ay magdurusa ang buong bayan.  Mahabang sandali pa ang lumipas at patuloy pa rin sa pagsasalita ang interpreter na walang iginigiit kundi ang makipagtulungan na lamang sa pangasiwaang Hapon upang maghari ang katiwasayan at katahimikan ng bayan.  Maya-maya ay pinayagan na silang umuwi ng mga ito.

Nang sumunod na araw, Pebrero 24, 1943, sina Major Alberto Policarpio, Colonel Harry Mills, Capt. Todd at Sgt. Stanley Gorgette, kasama ang animnapung (60) armadong tauhan ay dumating sa kuta ng Humarap.  Nabalitaan nila ang matagumpay na pagtambang sa kawal Hapones, na wala ni isa mang nakaligtas.  Pinuri nila ang kagitingan at katapangan ng mga Hunters ROTC.  Humimpil ang pangkat ng dalawang araw at dalawang gabi, at noong madaling araw ng Pebrero 26 ay lumakad na sila sa kanilang misyon.

Noong Marso 6, 1943, si Lt. Ruben Adricula at Julio Piopongco, kasama si Numeriano Damis at Pedro Labanlaban, ay naatasang magmanman sa palibot upang alamin ang naganap at magaganap pa, mangalap na rin ng supplies na ipinamamahagi ni Mayor Ademi ng Longos at alamin na rin ang kilusang ginagawa ng mga kawal Hapones.  Nang sila ay lumisan ng Longos, pagkatapos matupad ang kanilang misyon ay nagdalawang pangkat sila upang lumakad ng magkaibang landas patungong kabundukan.

Sa kabilang dako naman ay naroon ang mga sibilyang may malasakit sa mga Hunters na silang nagpasugo ng balita sa mga guerilla na may mga patrolyang Hapong lumilibot sa San Antonio.  Matapos nila itong mapag-alaman ay agad nilisan ng mga guerilla ang kanilang pinagkukutaan.  Nahati sa apat na pangkat, isa na ang grupong lakip ang kautusan na huwag makipagsagupa sa mga kaaway.  Noong Marso 9, 1943, ang pangkat ni Lt. Honorio Guerrero ay may nakasagupang mga patrolya ng mga Hapon malapit sa kapatagan ng bayan ng Paete sa Puntok, na humantong sa pagkamatay ng dalawang Hapon at pagkasugat ng isang Hunters ROTC.  Kaya’t ang mga guerilla ay tumakas at nagtago sa isang ligtas na kuta.

Nang mabatid ang pagtakas sa labanan ng pangkat ni Guerrero at di pagsipot sa pook na pagtatagpuan, na ang usapan ay maghihintayan sa loob ng 24 na oras, ay ipinasiya ni Lt. Gozon na lisanin na ng kanilang pangkat ang kampo sa San Antonio, noong Marso 11, 1943.  Pagkalipas ng ilang oras ng kanilang paglisan ay nilusob ng mga kawal na Hapon ang kampo subalit wala na silang nadatnan kahit isang guerilla.

Noong gabi naman ng Marso 11, 1943, ang pangkat nina Major Adricula ay tumawid ng Kabulusan, sa bayang Pakil, Laguna.  Hindi dito kasama ang pangkat nina Gozon, Guerrero at Ruben Adricula.  Nakatagpo nina Major Kikoy Adricula sina Mayor Luis Reyes at Ex-Mayor Salustiano Manalo na silang nagdala sa pangkat sa isang ligtas na pahingahang lugar.  Noong Marso 13, 1943, dumating sina Gozon sa Kabulusan, kasama sina Colonel Mills at dalawang Amerikano.  Dito muna humimpil at nagkampo ang mga pangkat ng Hunters ROTC upang maghintay ng bagong magiging misyong gagampanan.

 

 

BACK TO THE PAETENIANS HOME ON THE NET