MAYTOONG

By Simeon 'Somy' G. Asido
April 30, 1999, Toronto, Ontario

Sa bayan nang Paete ako isinilang
Doon lumaki at nag-aral, hinubog nang magulang
Akin pang nagugunita ang bukang liwayway
Ang hapyos nang init sa aming tahanan.

Tanda ko pa noon na ako'y isang paslit
Ang sipag ni ama ay walang kapalit
Gising sa madaling araw para sumalok nang isda sa baklad
At si ina naman sa bahay ay may kumukulong tubig.

Sa pag gising sa umaga handa na ang almusal
Sariwang ayungin sa pinakuluang kamatis at sibuyas
Merong sinaing na handa at kung minsan ay sinangag
Sariwang sariwa ang lasa, na kay sarap sarap.

Si ina sa umaga ay may hawak na timbangan
Sa mga suking abala sa pili-an nang isdang huli ni ama
May karpa, tilapia, ayungin at kung minsan ay kanduli
Halos ubos ang tinda ni ina, sa amin ang tira.

Si ama nama'y trabaho na sa silong upang gumawa nang bakya
At ang mga kasama'y pulido at masipag sa kanilang ginagawa
Sa matalas na katam ni Uwing sa pag hubog nang bakya
Merong pang tunog sa pagkatam na ikaw ay hahanga.

Ang aking kabataa'y isang paslit na walang malay
Masaya buong araw naglalaro sa palayanan
Barilan, taguan kaming mga batang magkakaibigan
Si Idy ang kababata ko na kumpadre kong tunay.

Sa araw nang anihan matalas ang sikat nang araw
Si ama'y gumagawa nang sarangola na kay ganda kong pagmasdan
Hanga ko sa aking ama, nagsumamo na ako'y turuan
Laking tuwa ko at sa wakas, lumipad ang sarangolang pinaghirapan.

'Maytoong' ang pangalan, baryong kinagisnan
Dito ako natuto nang lahat nang kabutihan
Ang ama ko ay halimbawa sa mga kabaryuhan
Ang sipag at galing karpentero ay ibig na parisan.

Sa ngayo'y hinahanap ko ang aking kabataan
Na nais na dito muling manirahan
Kung magkagayun man iba na ang datnan
Maligayang yayakapin ang aking kapalaran.

Somy Asido
E-mail: Sasido@paete.org
Toronto, Ontario, Canada

BACK TO THE PAETENIANS HOME ON THE NET