AKO'Y TAGA PAETE

By Cesar A. Cajumban

Ako'y taga Paete, maliit na bayan
Sa baybay ng dagat, doon nakahimlay
May apat na purok, na kung tagurian
Ilaya't, Quinale, Ibaba't, Bagumbayan

Sa gitna ng bayan, may lumang simbahan
Maliit na plasa't, bantayog ni Rizal
Iyan ay sagisag ng aming pagtanghal
Pagsinta at alay, sa kabayanihan

Kung titingala ka, sa dakong silangan
Sa tuktok ng bundok, iyong matatanaw
Yaong tatlong kurus, na nagpapatunay
Pagsamba sa kanya, ay tunay at lantay

Maliit mang bayan, Paeteng sinilangan
Kanyang nga anak ay tanyag na tunay
Pagka't nagaangkin gintong mga kamay
Pagukit ng santo at maraming bagay

Kung pag-uusapan ay kadalagahan
Sipag at ugali, ay walang huwaran
Maging sa takaan, bakyaa't ukitan
Ipagkakapuring, reyna ng tahanan

Katulad ng prutas, pagkatamis-tamis
Kung ito'y tawagin, butil ng lansones
Hina hanap-hanap, pagka't ito'y nais
Katas pagnatikman, ay walang kaparis

Mahabang panahon na ang nakalipas
Ng ang isang anak, ay nagsilbing kwintas
Nagbigay ng puri't, paghangang kay timyas
Sa mahal kong bayan, ay walang pagkupas.

Mariano Madriņan ang kanyang pangalan
Tubong taga Paete't, isang karangalan
Di dapat limutin, ang katalinuhan
Nagbigay ng dangal sa Paete kong bayan

Kahit na mahirap, at salat sa yaman
Tawag sa Maykapal, ang kanyang sandigan
Laging inuusal, na sana ay bigyan
Ng gintong talino't mahusay na kamay

"Mater Dolorosa" nagbigay sa kanya
Ng gintong medalyong pagkaganda-ganda
Iya'y inialay, Hari ng Espana
Unang gantimpala, sa kanya napunta

Iyan ang simula, magpa hanggang ngayon
Sa Paeteng bayan ko, siya'y naging tugon
Pag-ukit ng santo't, magagandang poon
Sa bayan kong sinta, dito paroroon

Ako'y taga Paete, sa puso't damdamin
Kahit na malayo't, di ka na kapiling
Hindi magbabago, pagkat gayon pa rin
Bayang tinubuan, ay walang kahambing

Malayo man tayo't, di abot ng tanaw
At ang mga puso'y, kayakap ay lumbay
Paglubog ng araw, at gabing magdaan
Ala-ala ang bayang, ating iniwanan

Lumuluha tayo, at tinatangisan
Na tayo'y malayo sa bayang nagisnan
Sa puso't damdamin ay taglay pangtunay
Pag-ibig sa baya'y, walang katapusan

Ang nais ko sana, ngayo'y sariwain
Balikan ang buhay, sa bayan kong giliw
Ng muling madama, ang ligaya't aliw
Na di naglalaho't, hindi magmamaliw

Kapag sumasapit, ang mahal na araw
Ang bayan kong hirang, nagluluksang tunay
Mula sa pagsapit, Linggong palaspasan
Tapos ang kantaha't, mga halakhakan

At ang Lunes santo'y, mula ng basahan
Ito'y simula rin, ng mga pasyalan
Paghalik sa Seņor aming kinagisnan
Matandang ugaling, hindi malimutan

Tandang-tanda ko pa, ang pagsasalubong
Sa gitna ng bayan, ng santo at Poon
Ito'y sinusugod, pagka't may pabaon
Na aral sa atin, Haring Panginoon

Ang bayan ay luksa, sa araw ng Biyernes
Lahat ng mga tao'y sakbibi ng hapis
May'rong umiiyak, may'rong tumatangis
Hingi ay kandili, hirap ay maibis

"Sabado de Gloria'y" ating kinagisnan
Babae't lalake ay pusturang tunay
Mayroong tugtugan, at mayroong sayawan
Ito'y inaabot, hanggang umagahan

Katulad nga ngayon, tayo'y nagtitipon
At sinasariwa, ang ating kahapon
Matandang ugaling, hindi maitapon
Pagka't ang bayan ko, ang siyang nagpabaon

Ang susunod dito, ay araw ng pista
Santiyago Apostol, patron ng iglesia
Busugin ang ating, mga ala-ala
At ating balikan, ugali ng pista

Ang tao sa bayan, kinaugalian
Magbigay pasabi, na may kasayahan
Ito'y dinadayo, at pinaghahandaan
Litson at adobo, biringhit kalamay

Handaa't sidera, banda at parada
Komedya't sarsuela, sa maliit na plasa
Hina hanap-hanap, sa tuwi-tuwina
Sa tuwing sasapit, ang araw ng pista

Sa iyong kandungan, kaming mga anak
Sakbibi ng saya't, kayakap ay galak
Dusa't kalungkuta'y aming hinahamak
Maibsan ka lamang, ng san libong hirap

Ang araw na ito'y, bigay ng Maykapal
Tayo ay magdiwang, tayo'y magdamayan
Magka buklod-buklod, magka ugnay-ugnay
Pagka't iyan lamang, ang tanging paraan

Sa Poong Maykapal, tayo'y dumalangin
Na tayo'y tulungan, at tayo'y kupkupin
Nawa'y patnubayan, lahat ng gawain
At mga biyayang, kaloob sa atin

Lumang kasabiha'y, huwag lilimutin
Sana'y maging gabay, saan man dumating
Pagdika lumingon, kung saan naggaling
Patutunguhan mo'y di mo mararating

Ang tulang kinatha, ay alam kong kulang
Usapan ng bayan, ay wala pa riyan
Kung ikaw ay anak, taga Paeteng tunay
Iyo ng dagdagan, tubig sa tapayan

Tubig sa tapayan, ang ibig sabihin
Sa pagkukulang ko, sana ay punuin
Pag ito'y umawas, ay paki sahurin
At utang na loob, aking tatanawin

Kaya't wag limutin, ang mga lungati
Magbuklod-buklod, sa iisang mithi
Busugin ang buhay, ng ngiti sa labi
Laging isaisip, tayo'y taga PAETE!!

BACK TO THE PAETENIANS HOME ON THE NET